Sakto lang naman. Hindi ko alam kung sino sa atin yung tunay na kinabahan pero minsan, takot ako sa mga mata mo. Ikaw lang ang madalas na magpaminsan sa akin. Minsan, ibang tao ka sa akin. Minsan, kaibigan ka lamang. Minsan, ikaw yung kilig. Minsan, kape. Minsan, gulay. Minsan naman, tsokolate. Minsan, kusa. Minsan, aso. Minsan, naiinis ako sa'yo. Minsan, wala akong pakialam. Minsan, nagkukuwento ako sa'yo. Minsan, nagpaparamdam. Minsan, adik sa'yo. Minsan, gusto kong magkuwento sa'yo. Minsan, nauubusan ako ng sasabihin. Minsan, nauubusan tayo ng mga salita.
Minsan, pagod ka na.
Minsan na rin ako, kahit 'di na hal'ta, bitin. Sobra. Pagod.
Minsan, nakalilimot na. Pabaya. Papansin, at para lang lahat sa atensyon mo.
Hindi naman kita hinihingi. Hindi naman na kita pinilit pa, kahit na alam kong gusto kong kinakausap mo ako. Kahit na alam mo minsan. Kahit na ikalulundag ng puso ko, at ikawawasak ng mga mundo natin, ng mundo ko.
Gugulong ang mga tala sa dilim sa diin kong magsulat ngunit hinding-hindi ako babakat sa'yo. Ang huli ko lamang na maaalala, ang ganda mo. Hindi ko na ipapaliwanag iyon. Wala namang may kaya. Kahit ano pa mang gawing bulalas, walang aabot sa subok. Hindi ka naman madaling tumakas. Takot pa rin naman ang aking habol. Nakayukong malumanay ang aking mga silip. Hanggang sa aninag na lamang ang iyong tinig. Sumaglit na ang paalam.
Paumanhin.
Paumanhing muli sapagkat hindi ko pa rin matantya kung hanggang saan lang ba ako. Alam ko sa sarili kong tanga ako sa ganitong mga bagay, at / o pinangungunahan pa rin ako ng ibang mga bagay. Ayaw kong nauulit yung ibang mga minsan kahit sanay na sanay na yung kayarian ko. Wala namang nagsabing wasto lahat ng nakasanayan.
Minsan, gusto ko ring kumawala, sa pagbabantay na ako lang din naman mismo ang may pakana. Pinipilit kong pigilan yung sarili kong magdalawa hanggang tatlong isip. Apat na tasa ng kape. Limang oras na pekeng ligaya. Anim na beses na akong muling masasaktan. Huhuni na lamang ang karton ng buwan sa akin.
Minsan, gusto kong tanungin kang muli.
Hindi ko kailanman ito pinilit. Ako lamang din ang tanga. Mga mata mo na lang ang makapagsasabi. Araw-araw akong maghihintay hanggang sa magkaroon ng tila. Hindi sana ito pagtatapos. Ayaw ko na munang muling maubusan pa ng mga salita.