Yari ka na naman agad, wala pa ngang nangyayari. May mga gusto kang gawin pero hindi masimu-simulan. Panay ang tanong ng mga pagod, hindi hayaang mag-umpisa. Bakit sa tuwing makakaalala ay sadyang agaran din ang paglimot? 'Di bale na dapat ang walang pahinga, kahit na madalas na hinahanap. May mga pagkakataong lumalampas, kahit hindi pa naman talaga nakakaabot. Panay ang tanong sa sarili, wala namang panahong sumagot. O kahit pang simulang dumiskarte, bakit pang nauunahan ng yamot? Kahit ano pang bilis ng tagay, iikot at iikot ang baso. Kahit hayaang maghintay, hahayaan at hahayaan ding matatapos. Lahat pa nga ba ng simulan, sadyang lahat pa ring matatapos. Kaya bang natatakot simulan ay natatakot ding matapos?
Takot sa mabibilis, gustong natatapos agad. Ayaw tingnan ang umpisa, gustong nasa dulo agad. E paanong mag-uumpisa kung sabik sa pagkaganap. Lahat ba ng silbi ay nasa dulo ang lahat? Huwag matakot kumalas sa alaala ng mga mali. Sabi nga'y kung 'di pa nagkakamali, siyang wala pang nagagawa. Kung ano ang hanapin, landasin nang tunay. Hindi natutulog pagkagising, bumabangon dapat nang agaran. Ang takot ay kilalanin, siyang may pakialam sa kaligtasan. Ngunit kung papalagan ang ngayon, mimithiin pa rin ang bukas. Kung kaya't ang maiwan man sa umpisa, maiiwan din sa dulo. Hayaang ang pumagitna ang kasalukuyan, dahil ang kasalukuyan ang pagtatapos.