Ako ang bahala sa'yo. Ako ang nagsilang at yaring lumikha sa iyo. Hindi mo na kailangang mag-isip, mag-alala, kabahan. Kailan ka ba talagang tunay na kinabahan? Ang mga naaalala / inaalala mong mumunting pagpigil at atras ay hindi naman talagang natuloy sa kanilang mga panloloko. Alam mong binantayan kita nang hindi maigi sa ating mga pangiting pagtakas habang pumapara nang makasabay sa mga walang pakialam sa atin. Kailanma'y hindi sila nagningning sa ating mga pakay.
Dagdagan mo pa ng saglit ang paghihintay sa isa. Hindi pa rin daw kasi siya pinapakawalan ng kanyang sarili. Tawanan na lamang natin nang malumanay. Bahala na muna siya. Ako lang naman din ang may kakayahang pagbuklurin tayong lahat.
Basta ba sagot mo ako. Sabay naman tayo halos ng panlasa sa musika. Red Horse lang din naman ang aking bagsakan. Ayos lang din sa akin ang 'di gaanong malamig habang masayang nag-aabang ng mata at segundong kilig sa sulok. May malakas na amats ng pula't patumpik-tumpik na usok ng itim.
Tahimik lang tayo pareho kahit kapuwa na tayong nagsisigawan. At sabay nating hihintayin ang huling panaghoy ng mga usok.