Iba dapat title nito e. Dapat e, "Ang Paboritong Salita ng Matatalinong Tao." E kaso, inisip ko rin palang hindi pala ako matalino. "...ng mga Kritiko." E kaso, self-proclaimed lang naman ako. Minsan din, yung kabanuan ko, sineself-proclaim ko na rin. Minsan din, gusto ko rin naman yung mga ginagawa ko. Pero kahit ni minsan, hindi ko sila ipinagmamayabang. Ang tanong mo e, bakit ko nga ba sila iniaakyat sa internet? Para makita ng maraming tao? Oo. Siyempre, oo. Para kung may makakita, may magsasabi kung mali o kung tama. Naghahanap siguro ako ng napakaraming opinyon ukol sa mga kabalastugang pinagsasasabi ko. Para ano naman? Para siguro makahanp ng kausap? Ng rejection? Ng approval? Hindi ko na naman alam. Ang alam ko lang, matagal ko talagang pinag-isipan yung title nito.
"...mga paborito kong salita." Okay rin naman. Mas maganda nga siguro iyon. E kaso, wala ka naman talagang pakialam sa akin. "...mga salitang dapat isipin at gamitin." Napakabaho naman ng mahahabang pamagat. Hindi ako makuntento. Para bang ang hirap kong makuntento sa mga bagay tapos napaglalaanan ko pa ng mahahabang panahon at pasensya yung pag-iisip para sa kanila, hanggang sa hindi pa rin ako makuntento sa kung ano na talaga yung huling napagdesisyunan ko. Parang ang dami kasing possibilities. Ang dami-daming maaaring mangyari. Ang dami ko masyadong iniisip. Paano kung ganito? Paano kung ganyan? Paano kung isipin ng mga tao hindi talaga ako matalino? Paano kung sabihin nila/mo na hindi naman ganito magcritique? Paano kung wala naman talagang pakialam ang mga tao sa salita, bilang mga random na tunog na lamang sila na tinetake for granted ng mga tao? Paano kung 'e ano naman kung may paborito kang salita?' Paano na lang 'di ba? Paano na lang?
Mas madali kasing magsulat, para sa akin, kung nahihirapan ka kung sino ang sinusulatan mo. Or kahit sa maraming bagay na rin siguro, mas astig din ang pag-iisip ng kapakanan ng maraming bagay, pangyayari, panahon, lunan, at ng mararami pang salik na bumubuo sa buo o ganap/ginaganap na phenomena. Dapat, iniisip mo lahat ng bagay.
Mahirap, oo, hindi ko maitatanggi. Pero bakit kailangan kong mag-isip nang ganito? Para walang natatapakan? Para wala nang tanung-tanong pa pagkatapos? Tapos isasagot mo, "E bakit nga naghahanap ka ng opinyon? Paano kung yung opinyon e isang tanong?" May opinyon bang tanong? Maaari ka bang magtanong habang naiimpluwensiyahan ng iyong opinyon? Hindi ko rin masasabi. Paano na lang kung matalino yung kausap mo? Paano kung bobo pala? Paano kung mas marami siyang masasabi sa'yo tungkol sa pagluto ng meatball ng spaghetti? Paano mo masasabing magaling siyang magbadminton? Paano mo ba malalamang may gusto siya sa iyo? Madaling magstereotype ng mga tao base sa nakikita natin sa kanila, pero kadalasan, corny mang pakinggan e wala naman talagang naglalast na first impression.
Mas madali kasing mag-isip kung inaalala mong hindi mo naman talaga kilala ang tao, ang mundong kinatatayuan mo, ang sitwasyong kinakaharap mo, ang problemang nantitrip sa'yo. Maraming puwedeng mangyari, at marami ka pang hindi nakikita. Wala ka talaga kilala, at hindi mo naman talaga alam.
Minsan din, iniisip ko, paano kung paboritong parirala naman pala o bukambibig ang iniisip ko? Hindi ko naman puwede kasing sabihing 'paano' ang salitang tinutukoy ko kasi maaari rin siyang ipakahulugang 'how,' kahit na iniisip mong ang pagsasalin ng isang salita sa isa pang wika ay hindi pagpapakahulugan. Minsan din naman, sabay tayong walang pakialam. Pinansin ko yung ikalawang salita, 'kung'. Paano kung. Kung. Kangkung. Kungkang. Kung. Kapag. Parehong nag-iisip na mga salita, kahit na wala naman talaga silang kakayahang mag-isip. Paano kung oo? Maghahanap ka pa parati ng pruweba. Kung. Kapag. Ang sarap pag-isipan. Ang dami kasing maaaring mangyari kapag ginagamit mo sila at hindi yung paggamit ko sa pangungusap na ito. Maiging gamitin sila sa iba't ibang sitwasyon. Sa maraming bagay. Sa pag-aayos ng problema. Sa pagsusulat. Sa pagtingin ng maraming bagay sa paligid. Kung. Kapag.
Kapag ganito, ganyan ang mangyayari. Kung ganito kaya, ano ang mangyayari. Kapag ganito ba, ganun ang kalalabasan? Paano kapag ganito naman ang ginawa ko?
Hindi pagsasayang ng oras ang inilalaang panahon sa pag-iisip at maagang pagpaplano sa mga bagay. Hindi ito malaking kawalan ngunit responsable at matalinong adbentahe kapag nakasanayan. Sa kabila ng lahat ng aking mga sinabi, wala ka pa ring naiintindihan. Baka hindi lang din talaga salita ni pahayag ang gusto kong matutunan mo. Baka naman kasi paraan na pala ng pamumuhay ang iniiwan ko sa iyo.