August 31, 2024

XXXI

Karaniwan na sa karanasan ang pagsakay ng jeep. Mahirap nang maalis ito sa mga darating pa at dati nang alaala. Paulit-ulit man at kung minsa'y pabugnot, hindi maitatangging naging bahagi na ng ating kalinangan bilang tao at mamamayan ang bawat mauukit na kuwento sa atin. Nagsisimula't natatapos ang lahat ng lungkot, inis, at tuwa, ngunit hindi agad-agad natatapos ang biyahe.

At katulad din ng tao, buhay ang kultura ng jeep. Naging bahagi na pati ng buhay natin ang aapat na sulok na espasyong naghatid-sundo sa atin. Hindi natin namamalayan, malamang ay karamihan sa atin ngayon ay wala sana sa kasalukuyang kinahinatnan kung hindi lang din dahil sa pagkalong na ipinagkakaloob sa atin ng libu-libong manong tsuper.

May saltik man minsan o wala, hindi malabong may mga pagkakataong sinubukan na rin tayo ng tadhana kung may sapat tayong liwanag ng isip para pagbigyan ang mangilan sa kanilang mga pagkukulang. Sa dinami-daming beses na nakakasalamuha nila ang mas maraming pasahero, kumpara sa kaakibat na bilang ng mga nakasalamuha na nating tagapagmaneho, hindi hamak siguro, kahit minsan, na subukan naman nating umunawa ng bawat sitwasyon, maging sa perspektiba man ng nasa gawing harapan, at abot na rin dapat siguro hanggang sa likod, sa mga nakalaylay, nakasabit, maski pa sa mga nakapatong.

Lahat tayo ay parte ng kabuuang pagkakaisa. Nabubuong maraming iisa. Kung may magkulang ma'y mayroong handang magbahagi hanggang sa mapunan muli. May tibay na dulot ang pagkakaintindihan sa pagitan ng magkakaibang panig. Sa iba-ibang kalye man tayo sasakay at bababa, nawa'y maging pabuklod pa rin tayo tungo sa pangkalahatang pag-angat ng bawat isa sa atin.