March 1, 2010

Stolen

Mara Magsanoc at Wilkin Ong:

Paumanhin sa mga pangi-ispoil ko sa pagbabasa ninyo ng Percy Jackson and The Olympians. Hindi ko ninais na kayo ay galitin o magsilbing kaaway sa inyo ngunit gusto ko lang talaga mapangiti ang aking sarili sa pamamagitan ng pagsabi kung sino ang hero sa Great Prophecy. Alam kong sayang na lahat ng pagbabasa ninyo mula The Lightning Thief hanggang The Battle of the Labyrinth dahil sa nasabi ko na ang taong gustung-gusto niyo nang tanggalan ng maskara. Sa kabila ng lahat ng mga kayabangang ito, mga kasalanan at panggugulong ito ay taus-puso akong humihingi ng tawad sa inyong dalawa at sana'y maging magkaibigan pa rin tayong tatlo. Nagawa ko lang naman ang mga bagay na iyon para sa pansariling kagustuhan, para maipabatid ko lamang sa inyong naunahan kong tapusin ang limang libro bago pa man ninyo sila basahin, kahit na nauna kayo sa akin. Alam kong naging mayabang ako sa mga unang pagkakataon hanggang sa ngayon na panggugulo dahil sa hindi ko maipaliwanag na kasiyahang napakaganda talaga ng daloy ng pagsulat ni Rick Riordan. Masyado lang siguro akong natuwa sa kanya at sa kanyang nabuong kuwento kaya ko nagawa ang mga iyon. Sana patawarin niyo ako. Pinatulog ni Morpheus ang buong city bago sila umatake.

~

Maaga nang ako ay nagising - 1:00 - sobrang aga. Ang alam kong alarm ko ay 3:15, nabanas ako kaya bumaba ako ng kusina para uminom ng malamig na tubig saka bumalik sa aking kama. Paggising kong muli ay 3:10, naasar pa rin ako. Sayang ang lima pang minutong pagtulog, pupuwede pa akong mag-anyong ibang estudyante at saksakin ng kutsilyo ang pinakaayaw kong guro sa paaralan, pero wala akong magagawa - gising na gising na ako. Matapos kong itigil ang alarm ng aking cellphone, inihanda ko na ang aking sarili. Sa pagsakay ko ng jeep, hindi ko nasakyan ang unang jeep sapagkat madali itong napuno. Inisip ko na lamang na kaya hindi ako umabot ay dahil sa Lunes ang araw na ito, maaaring maraming bumiyahe nang maaga. Napilitan akong sumakay sa ikalawang jeep. Hindi ko alam kung bakit pero may pakiramdam akong papasok ka nang maaga kaya bahagya akong kinabahang baka ako'y hindi dumating sa oras. Dalawa lang naman kasi muli ang aking binabaka-sakali nang umagang iyon. Una, kapag pumasok ka nang maaga, matutuwa ako at.. at yayakapin kita. Ikalawa, hindi ka papasok nang maaga at.. at puwede na akong bumili ng razor sa malapit na Mercury Drug. Pagdating ko sa aking puwesto, ipinikit ko na ang aking mga mata at matiyagang, umaasang naghintay sa iyo. ... Nagising ako sa tunog ng sapatos mo. Alam kong sapatos mo iyon kasi una, pambabae ang tunog ng sapatos, ikalawa, 5:45 pa lang noon, malaki ang posibilidad na ikaw ang dumating at ikatlo, hindi nagdadabog ang bawat tapak na narinig ko. Tumabi ka sa akin at matapos humugot ng lakas para makita kang muli nang malapitan at lalo pang lumapit sa iyong pagkakaupo ay idinilat ko na ang aking mga mata at tumingin sa iyo. Hindi ko talaga alam ang aking unang sasabihin pero alam kong nakapagsalita pa rin ako at nakapagkuwento ka pa bago tayo lumipat sa puwestong mas maliwanag. Nang humaba na ang ating paunti-unting pagkakabalikan ng mga halu-halo nating emosyon, 'di maipaliwanag na mga opinyon at nabuburang mga ala-ala, unti-unting napawi ang napakalaking butas na naiwan nang malayo ka sa piling ko at dahan-dahan kong inilapit ang aking kanang kamay sa kaliwa mo, hinawakan mo rin. Labis akong natuwa nang paunti-unti na tayong nagkakalapit muli. Dumaan ang araw na masaya ako at halos ubusin ang aking baon sa lahat ng tao. Sobrang grabeng maraming salamat. Mahal na mahal kita.