May 1, 2014

Maasal

Ewan ko ba. Parang hindi totoo, pero parang oo. Parang tunay na hindi. Minsan, pakiramdam ko, yung iba kong recall sa memories, fake na lang. Hindi ko na talaga sigurado kung totoo, o hindi, pero pabalik-balik pa rin sa utak ko, kahit na hindi ko naman sinasadyang alalahanin. Tapos mapapatanong akong muli sa sarili kong tama pa bang gamitin yung salitang 'alalahanin' kung peke naman talaga yung inaalala. Oops. I mean, 'inaalala.' Baka iniisip, puwede nang gamitin. Para lang may magamit na verb. Alalahaning isipin? Ewan. Putang ina. Ewan ko na talaga.

Batang-bata pa ako noon. Wala na rin akong pakialam kung hindi ako gagamit ng salitang 'siguro' kung magkataon mang peke itong naaalala at sinusulat ko. Wala rin namang may kakayahan pang magconfirm kung hindi ako, o yung mga taong involved sa pangyayari. E wala rin namang taong involved na lulustaying mahinahon ang kanyang panahon sa mga salita sa pahinang ito. Wala rin naman silang pakialam, minsan. 

Minsan, naiisipan kong tumingin kung saan-saan habang nakasakay roon sa tricycle na service ko noong nasa Grade 1 pa lamang ako. Tingnan mo, hanggang sa ngayon, iniisip ko pa rin kung noong Grade 1 nga ba TALAGA ako nito. Pero ulit, wala akong pakialam. Yung ibang writers, wala rin namang consistency sa legitimacy ng mga sinusulat nila. Siguro, as long as naipapaabot nila nang maayos yung message na gusto nilang ipaabot, o ibato. Perotekawait. Hahaha. Hindi nga pala ako writer, no? Self-proclaimed lang. Pero sa ulit. Wala nga naman tayong pakialam. 

Pinapakialaman ko lahat ng makikita ko noon. Kasi marunong na akong magbasa, or at this point, magpinpoint pa lamang siguro ng mga titik. Mayroon akong nakita sa pader na gawa sa hollow blocks. Nakasulat bilang isang vandal. Hindi ko na maalala yung kulay. Yung kulat na ginagamit ng mga gangster-gangsteran sa kalye. Oo, yung ganon. Ikaw na'ng bahala mag-imagine. Ganun din minsan mga writers, wala nang consistency sa spellings, ikaw pa bahala mag-imagine. Pero magandang bagay naman iyon. Sa katunayan, iyon nga ang ikinaganda ng pagsusulat, minsan. Oops. I mean, ng pagbabasa. Ikaw bahala mag-imagine. Hindi ba't mas masayang magbasa ng isang fiction kung hindi mo pa napapanood ang film adapatation niya? Yung ganon. Astig no? Perotekawait. Wala nga pala ako sa posisyon para magsabi ng kung anu-ano. Hindi nga pala ako writer. 

Pero mahilig naman ako magsulat. Minsan, mahilig din akong magbasa. Nung nabasa ko na yung malalaking titik na vandal sa pader, pinaulit-ulit ko na iyon sa utak ko. Nakabuo pa nga ako ng hymn (?) or binigyan ko pa siya ng tono para mas madali ko siyang maalala. O minsan, para mas maenjoy makaalala. Kakantahin ko sa isip ko, "F-U-C-K-Y-O-U!" Parang rap. Parang hip-hop. Hindi ko alam. Hindi ko rin alam kung insensitive na ako sa paksang nalaglag. Hindi rin naman ako marunong sa ibang genre ng music. Ang tanga no? Hindi na nga maalam, salita pa nang salita. Oops. I mean, sulat pa nang sulat. Pseudo-intellectual. Kasi nga, perotekawait. Yung ibang writers, ganun din naman siguro. Insensitive. Pseudo-intellects. Wala rin. O ako lang? Ay. Perotekawait nga pala.

Basta ang alam ko, may beat iyon. Pagbaba ko ng tricycle, siyempre nasa school na ako. Malamang. Paulit-ulit lang iyon gumana sa utak ko, pero tahimik lang. Hanggang sa makauwi ako sa bahay namin at natapos na ang araw ng pakikinig at pakikipag-usap sa sarili. Nasa bahay nang muli ako. Dumaang muli yung tricycle (nga pala!) na service ko doon sa hampaslupang hollowblocks. E 'di, ayun na nga. Kinanta ko na nang pabigkas yung pakyu. Tapos narinig ng nanay ko.

"Ano 'yang kinakanta mo, HA?"

"F-U-C-K-Y-O-U! Galing ko po, no, Nanay? Hehe."

"Halika nga! LUMAPIT KA RITO! ULITIN MO!"

"F-U-C-", pak! Sampal sa kanang pisngi. "Sabi mo po, ulit-"

PAK! PAK! Sabay hila sa aking kaliwang kamay.

"SIGE! ULITIN MO PA!" Papaiyak na ako. Ano bang ibig sabihin no'n, Nanay? Sabihin mo na lang kaya? Umiiyak na ako o? Hindi mo man lang ba inisip na hindi ko naman alam yung ibig sabihin no'n kasi nga, bata ako? Titik nga lang alam ko, definition pa kaya? Ahuhuhuhu?

"Magtanda ka!" Sabay kuha ng sili sa basket ng spices sa kusina. Nasa kusina na (nga pala!) kami. Yung kanang matabang kamay niya, pinandakot niya na sa dalawang pisngi ko, habang nakapatong sa aking baba. Yung parang mukha nang isda na yung mukha ko. Yung nakanguso. Oo, tama, yung ganun! (galing mo talaga, men!) "UULITIN MO PA?!"

"Hin-*hikbi*-di na *hikbi* po *hikbi*."

Those Goddamn Eye Zombies

Mahalaga ang panitikan sa pagsisiwalat ng katotohanan. Ang malikhaing akdang Patayin sa Indak si Anastasha ni Vladimier Gonzales ay isang kuwelang spin-off ng horror movie na Patayin sa Sindak si Barbara gamit ang mga matang zombie bilang mga nakatatakot na kalabang humahabol sa mga bidang niloloko lang ng isang malaking napakamakapangyarihang ideolohiya – ang kulturang mall. Nakatatawa minsan, kadalasa’y seryoso. Ang pagpapakilalang bulag ng mga nakakikita naman, ang pagtingin sa mga buhay bilang mga patay, ang pagsira sa ideal na ang mall ay isang masayahing lugar tungo sa isang masalimuot na lugar na maraming zombie ang naghahatian, nag-iinggitan at nag-aagawan para sa walang kabuluhang premyo, ang makikita sa kuwento. Sa huli’y kahit na gaano pa man kabukas ang malalaking mata natin, maging kritikal man tayo o hindi, mahihirapan ang ating katawang umiwas sa mga isinisiwalat na kapahamakan ng mall. Wala na tayong takas.

ANG HINDI MAPIPIGILANG PANDEDEHUMANISA NG MALL
           
Ang maikling kuwentong Patayin sa Indak si Anastasha ni Vladimeir Bautista Gonzales ay isang malikhaing akdang maraming tinatalakay na usaping nakapaloob sa kulturang popular. Nariyan ang video games, dramedy (drama + comedy) films/novels, lalung-lalo na ang kulturang mall – partikular sa mga danas ng mga empleyado ng establisyamentong nagpapalaganap ng mabiswal at mapang-akit na ideolohiya. Hinuhubog ng ideolohiyang ito ang mga malay at hindi malay na pag-iisip ng mga tauhan na nagdidikta sa kanila ng kanilang mga nais na mangyari at gawin. Ang ideolohiyang ito’y hindi mapipigilang kumalat sa napakalawak na espasyo, makasira ng buhay ng isang tao’t makapagpagastos pa sa walang mga katuturang bagay, na mas malala pa kaysa sa ikalawa. Sinisira ng door-to-door shopping (partikular na trabaho ni Preciouse, babaeng bida sa akda), isang bahagi ng sub-kontraktuwalisasyon at kulturang mall, ang isang tao – sinisira sa pamamagitan ng pandehumanisa sa kanya - pagbuo ng isang alien mula sa may buhay sanang tao para lamang manggalugad na tila isang zombie’t gumawa ng mga paulit-ulit na routine.

Buod

Nagsimula ang kuwento nang iaabot na ni Preciouse ang kanyang berdeng supot na naglalaman ng bunga ng kanyang pag-iikot-ikot at pagkakatuk-katok sa bawat bahay para magbenta ng kung anu-anong produktong nais ng consumer, sa isang higanteng matang elektronikong nagngangalang Anastasha. Matapos maibigay sa kanyang panginoon ang alay ay binagtas nang makauwi ni Preciouse, sakay ng isang jeep, kung saan niya makikilala si Robin, ang lalaking bida. Maiisnatchan si Preciouse ng berdeng supot na walang laman na kung saan tutulungan naman siya ni Robin na tulad ng isang action star. Matapos ang mistulang heroic act ay inihatid na ni Robin si Preciouse para sa hindi delikadong pag-uwi. Nang makauwi naman na si Robin, napanaginipan niya ang kanyang inang matagal nang nawawala. Kinabukasa’y mapapaisip si Preciouse nang malalim tungkol sa dahilan ng kanyang mga ginagawa at ginawa ni Robin para sa kanya, habang si Robin nama’y pilit na kinakalimutan ang kanyang inang nawawala sa pamamagitan ng paglalaro, pagkalikot sa computer at paglabas ng bahay matapos ang unang dalawa. Muling magkakatagpo ang dalawa sa 7-Eleven kung saa’y mas matagal silang magkakausap at mahahantong sa pag-uwi sa apartment ni Robin. Hindi na inalala ni Preciouse ang kanyang daily schedule para sa pagkakataong ito dahil sa kasiyahang dulot ng pagsasama nila ni Robin at pagsayaw sa Dance Revo na nakakabit sa PlayStation. Sila’y nakatulog sa sobrang pagod na dala ng pagsasaya ngunit nagising sa paghahanap ng tatlong ahente pa ni Anastasha na mayroong isang malaking bilog na mata bilang kanilang ulo – binabawi na nila si Preciouse. Maraming kinalaban si Robin na mala-action star ulit hanggang sa makarating sila sa SM Fairview kung saan nila huling pinaindak ang kanilang mga sarili gamit ang Dance Revolution machine at tuluyang magapi ang large eye-head zombies ni Anastasha. Maraming liwanag at kapaguran ang nangyari kung kaya’t muling nagising na lamang sina Robin at Preciouse na pagod na pagod at may ngiti sa kanilang mga mata. Ngunit sa huling bahagi ng kuwento’y muling lumiwanag nang berde ang mga mata ni Preciouse habang siya’y hindi na nakaririnig sa kanilang pinag-uusapan ni Robin.

~

Si Anastasha ang pinakamakapangyarihan sa buong kuwento. Inilalarawan siya bilang elektroniko at nakasasanib sa iba’t ibang bahagi ng sari-saring bagay sa kahit saang lugar na ninanais niya. Siya’y isang higanteng mata, o maraming mga mata kung halimbawa’y sasanib siya sa maraming poste ng ilaw, o mga telebisyon sa isang appliance store. Maaaring basahing ang pagiging isang mata ng pinakamakapangyarihang tauhan sa akda ang makapagsasabing ang mga taong namamalakad o pinuno ng sub-kontraktuwalisasyon at produkto ng mall ay siyang nagbabantay sa lahat ng maaaring igalaw ng kanyang mga ahente. Kung nakikita nila ang lahat ng maaaring gawin ng kanilang empleyado, napakakatiting lamang ng mga maaaring kalayaan ng mga mala-robot na katulad ni Preciouse. Kung tutuusin, maraming mga security camera sa mga department store na nagbabantay hindi lamang sa mga galaw ng malilikot na kamay ng ilang mga customer kundi sa mga kilos ng kanilang mga empleyado. Mayroon lamang silang mga oras ng pagpapahinga sapagkat tuluy-tuloy ang paglabas-masok ng mga consumer sa kani-kanilang mga poste. Tsamba kung oras ng maraming walang tao o kainan, o maaaring matsambahang kung kailan magbabawas sandali’y saka darating ang isang apuradong manang na namimili ng bonggang bag. Kung sakaling magkamali, malamang ay kukuhanin ang atensyon ng nakaposte dapat na robot sa bahagi ng store na iyon – ngunit hindi gamit ang kanyang pangalan. Tulad ng nasa akda, Agent HB-1182 ang tawag ni Anastasha sa kanyang kampong si Preciouse.

Hindi na nga tao ang pagtingin, hindi pa tao ang pagkakakilanlan. Nabubura na lamang sa isang iglap na pagtawag ni Anastasha sa kanyang empleyado ang lahat ng alaalang makatao, makulay at buhay. Nakadikit sa pangalan ang buhay ng isang tao, o sa kasong ito, ang ikabubuhay, gawain at alaala ng isang tao. Kung HB-1182 na lamang ang itatawag sa bida, hudyat lamang ito ng pagiging trabahador na walang buhay ni Preciouse ngunit kung kanyang ngalan ang gagamitin, lubhang malaki o buong pagkatao niya ang nagagamit para sa pagkakakilanlan.

Muntik nang maging taong muli si Preciouse. Sa kalakhan ng akda, madalas siyang nagmimistulang walang buhay – parang isang robot lamang na sinususian araw-araw, parang isang alien na walang ibang susundin kundi ang iniutos sa kanya ng mga tao sa binibisitang planeta. Mayroong oras si Preciouse – mayroong routine. Binanggit sa akda na alas dose ang paghaharap nilang muli ng kanyang panginoon – si Anastasha. Kung mayroong routine, ibig sabihi’y paulit-ulit na lamang ang ginagawa ni Preciouse. Mayroong oras ng pagtratrabaho, pagkain, at paglapit muli kay Anastasha. Maaaring ganito siya araw-araw. Masasanay ang kanyang katawan sa walang kabuluhang mga gawain. Hindi makabuluhan sapagkat hindi na nalilinang ang iba pang mga kakanyahan ni Preciouse, bilang isang tao – taong may talento at angking kahusayang maaaring matuklasan sa iba’t ibang paggawa.

Ayon kay Tolentino, kritikal ang mga edad na pumapasok sa mga ganitong uri ng trabaho sapagkat sa mga panahong (edad) pinagpapasa-pasahan ang kabataang ito sa iba’t ibang nakasisira sa pagkataong gawain, nawawaldas ang mga oras na disin sana’y nagagamit nila sa pagpapaunlad ng mga mas makabuluhan, o sa usaping ‘to’y, makakabuluhan talagang pang mga kakayahan (2004).

Sayang ang pag-iisip at imahinasyon kung hindi nagagamit. Kung hindi magagamit, hindi malilinang. Kung hindi magagamit, mawawalan ng saysay ang pagiging tao ng isang tao. Kung hindi magagamit, mananatiling robot ang isang taong paulit-ulit at iisa lamang ang ginagawa.

Ayon pa kay Tolentino, noong mga panahong isinulat niya ang Kulturang Mall (2004), sa loob ng dalawang taon, tumaas na nang halos 40 percent ang bilang ng labor sub-contracting at higit sa kalahati ng bahagdang ito’y nasa Metro Manila pa. Indikasyon daw ito ng pagdami at pagkalat ng labor sub-contracting.

Paano pa ngayong 2014?

Malawakan at makapangyarihan ang pananakop ng ganitong uri ng ideolohiya. Maraming nabubulag sa mga ipinakikita ng mall bilang mga kokonsumohin ng maraming tao. Kung mas maraming bibili at nadaragdagan pa, kinakailangan din ng mas maraming empleyadong maaaring magdoor-to-door para sa mas madaliang pagkalat ng impormasyon at mabilisang transaksyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagpapagod na ginawa ni Preciouse sa loob ng isang buong araw, napakaliit pa rin ng nakukuha niya o halos wala pa nga siyang nakukuha matapos ang minutong mag-uulat na siya ng kalagayan kay Anastasha. Ayon sa akda, mabilis na hinihigop ni Anastasha ang laman ng kanyang berdeng supot, na bunga ng isang araw ng pagbisi-bisita sa mga bahay-bahay, isang araw ng pagkukunwaring pagbebenta. Malaki at kritikal na bahagi na nga ang inaagaw ng ganoong trabaho sa mga tao, ang lahat pa ng benepisyo at kita ay napupunta pa sa may-ari o nagpapalakad. Napakahirap isiping  ganito na lamang ang sinasapit ng ilan sa mga walang kakayahang makapagkolehiyo at nauuwi na lamang ng sapilitang pagtratrabaho para sa malalaking establisyamento kahit na malay silang nadadaya sila nang napakalaki – hindi lamang ng dayang pinansyal ngunit ng dayang pagkatao.

Mula sa akda, mahihinuhang malay naman si Preciouse sa nangyayari sa kanyang sarili kahit na nagmimistulan na siyang robot sa kawalang-kabuluhan ng kanyang ginagawa (siguro’y makabuluhang kaunti na lamang kung ito na lang ang tanging solusyon para sa kanyang ikabubuhay):

Habang nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha, pinag-iisipan ko kung bakit may mga nilalang na gaya kong pinagkakakitaan ng mga simpleng karapatan tulad ng pagkakaroon ng sariling pangalan, ng sariling pagkakakilanlan.”

Sa mga panahong habang iniisip ito ni Preciouse, nakaramdam si Anastasha kung kaya’t sumanib siya sa isa sa mga ilaw ng posteng malapit sa kinatatayuan ng kanyang empleyado. Napaghahalataang ayaw ng mas makapangyarihang nag-iisip ang kanyang mga empleyado. Ayaw niyang malaman nilang mali talaga siya. Ayaw niyang matapos ang walang pakundangang kamaliang nagmumukhang masaya at malinis sa paningin ng karamihan. Agad-agad, tinatakot, para mapanatili ang kapangyarihan. Basag na basag ang maraming karapatang makatao tulad ng kalayaan at kakilanlan.

Binabanggit ni Tolentino na ang diin ay nasa nangingibabaw na kapangyarihan, at pag-aakalang walang kakayahang humubog ng sariling pagpapasya (2004). Si Anastasha ang nangingibabaw na kapangyarihan at si Preciouse naman ang hindi makapagpasya sa simula. Sa bandang gitna ng naratibo, makikitang nakahugot ng kakaunting kapangyarihan si Preciouse para hindi sumunod kay Anastasha, habang kasama niya si Robin. Hindi nananatiling nasa may kapangyarihan (o may mas malakas na kapangyarihan) ang pagpapasya. Nakapagpapasya rin, kahit panumandali ang sumasailalim. Idinidikta na lamang ng mga produkto ng mall kung ano ang mayroon ka dapat hanggang sa maisip mo nang iyon talaga ang kailangan mo hanggang sa iyon na ang hahanapin-hanapin mo. Ang ganitong bagay ay isiniwalat sa bahagi ng akda kung saan umamin si Preciouse sa tunay na laman ng kanyang berdeng supot ng Anastasha – Wala, kundi kung anong gustong makita ng sisilip. Ngunit kahit na malay ang mamimili sa kanyang mga needs at wants, sumusulpot pa rin ang mga maigsing segundo ng pagpapasya sa pagkonsumo ng kanyang utak at pitaka.
         
   Ngunit mas maraming pagkakataong hindi tao si Preciouse. Isang halimbawa nito ay noong hinablot ng isang lalaki sa kanyang sinasakyang jeep pauwi ang kanyang berdeng supot ng Anastasha, na wala namang laman. Ayon sa paglalarawan ni Robin sa kanyang isip, tila halos ikamatay na raw ni Preciouse ang walang lamang bag na mawawala sa kanya. Dalawa lamang ang nakikita kong implikasyon nito. Una, ang medyo litaw na dahilan ay mukhang iyon na lamang ang trabaho ni Preciouse. Kahit na medyo alam niya nang hindi na siya tao sa kanyang pang-araw-araw na gawain sa ilalim ni Anastasha, hindi pa rin siya umaalis. O (ikalawa), ang mga produktong kinokonsumo ng karamihan ng mga tao sa mall ay halos mga hindi ganoong kamakabuluhang kagamitan ngunit mahal. Iyong tipong bibili para lamang masabi sa sarili at sa mga makakikitang “mayroon akong nabibili sa mall na hindi niyo naman kayang bilhin” ngunit hindi naman talagang kailangan sa buhay. Nakapagseset na ng status symbol ang pagpasok sa mall, ng pagkakakilanlan, ng pekeng pagkakakilanlan. Kung anuman ang iuuwi kong supot mula sa mall, iyon ang tiyak na makapagpapakilala sa akin para sa mga taong makakasalamuha ko pauwi. Hindi na ganoong kahalaga kahit na walang halaga ang aking bitbit na pinagkagastusan ko ng malaking halaga basta’t makita nila ang halaga ng tatak ng aking supot.
          
  Sinasabi ni Tolentino na nakasalalay sa kontrol ng biswalidad ang pagtatanghal ng liberal na demokratikong sabjek – para tayo mahikayat pumanig, mapabili, at kumonsumo ng iba’t ibang serbisyo at produkto, kabilang dito ang politikal na paniniwala (2004).
        
    Kontrolado ng mga patalastas ang pagkokondisyon sa utak ng mga tao. Sila ang nagpapakilala ng kanilang (consumer) mga pagkakakilanlan. Hanggat maaari’y natatamaan ang sentimental at/o emosyunal na bahagi na pagkatao ng target kung kaya’t madali ring lumaki ang dami nila. Matingkad sa kuwento ang tagline ng Anastasha na “Everybody loves Anastasha!” Nakakalat ito sa mga patalastas at supot na dala-dala sa tuwing mamimili. Sa may bandang dulo ng akda’y halos buong village ay humahabol kina Robin at Preciouse. Ibig sabihi’y ganoon na lamang kalaki ang populasyon ng mga tumatangkilik o kaya’y ang bisa ng isang epektibong pekeng slogan.
        
    Ayon pa ulit kay Tolentino, ang tumatangkilik sa mall ay gumagamit ng mga kalakaran tungo sa paglikha ng isang kakat’wang pagkatao. Hindi normal ang karanasan sa mall, pero nagiging ideal ito ng pagsisiwalat ng aktwal na karanasan (2004).
          
  Nagiging kakat’wa sa umpisa ang maraming nahuhumaling, ngunit sa huli’y ang mga akademikong kritikal na lamang ang makapapansin sa kanila dahil sa lubos na kapangyarihan ng pagpapakilala ng pagkakaroon ng pekeng pagkatao, mula sa mga pekeng kagamitan para magmukhang nanggaling sa isang pekeng lugar at nakauunawa ng mga pekeng bagay.
           
 Isa pa’y umamin si Preciouse sa may bandang dulo ng akda na ang tanging laman ng berdeng supot ng Anastasha ay isang berdeng materyal lang na may hypnosis mechanism. Ayon sa kanya, kung anuman ang nais na makitang bag, sapatos, o laruan ng tumitingin, makikita niya. Isa na namang pambubulag na estratehiya ng mga mall. Sa kanila pa lamang na mga biswal na patalastas, ipinakikita lamang ng apat na sulok ng larawang kuha ng camera ang mga gusto lamang nilang ipakita, o mga maaaring magustuhan ng kokonsumo ng kanilang produkto. Hindi napapansin ng biktima na maraming nakatago sa kanyang katotohanan o kaya nama’y inaakit lamang siya sa isang bagay na hindi naman dapat mahalaga para sa kanya. Mapanlinlang ang karamihan sa mga ganito ngunit marami pa rin ang nahuhulog, tulad na lamang ng tagline ng SM na “We’ve got it all for you!” Pansinin ang salitang ALL sa pangungusap. Hindi ba’t mahihikayat ka nang makapasok sa mall ni Henry Sy niyan (kung iaassume na marunong ka namang makaunawa ng Ingles)? Pagpasok mo nama’y makikita mo ang halos lahat ng maaari mong mabili, kahit na mayroon ka lamang isang tiyak na bibilhin. Sikat na sikat na ang mapanligaw na struktura ng mall kung kaya’t maaaring mapamahal ka pa sa iyong pagpasok dahil sa isang bibilhin mong bagay (kasi nga nahikayat kang mayroon ng lahat ang SM) ngunit marami ka pang madaraanang lugar na makapanghihinayang sa’yo kung hindi mo rin naman bibilhin. Maaari ring nahihiya kang magwindowshop LANG kung kaya naman bibili ka pa rin ng item, para ano ulit? Para magpakilala ng “sarili” sa mga madaraanan ng supot, ng “sariling pagkatao.”
          
  May katapusan naman pala kung sakali ang ganitong buhay ni Preciouse dahil nga sa kontratang anim na buwan. Ngunit dahil hindi tao ang pagkakakilanlan sa kanya ni Anastasha, wala rin itong pakialam kung siya’y mawawala. Kakat’wang may sa precious ang ngalan ng bida ngunit ang kanyang halaga’y hindi nakaaambag sa kanya mismong sariling buhay. Ang kanyang halaga ay nasa kanyang araw-araw na pag-uulit-ulit ng ‘di makataong gawain sa ilalim ng ‘di makataong trabaho at bossing na walang tunay na pagtanaw ng halaga. Hanggat maaari’y walang nag-eestablisa ng emosyunal na relasyon sa pagitan ng empleyado at may-kapangyarihan. Iniiwasan ang pagkakaroon ng pagtatagal ng mga empleyado nang hindi lumaki ang kanilang mga suweldo’t hindi mabawasan ang kitang babalik sa mga may-ari:

            “...sa loob ng ilang linggo ay mabubuo ang aking limang buwan ng paninilbihan, at posibleng maglaho ako parang bula...”

           
Hindi lamang si Preciouse ang biktima ng pandedehumanisa ng kapit ni Anastasha kundi pati na rin lahat ng mga kumokonsumo ng kanyang mga produkto:

            “...Ang mga pugot na ulo, ang napakaraming mga pugot na ulo! Lahat sila’y humihingi ng tulong! Si Dr. Constantino, si Mrs. Piocos, lahat ng biktima ni Panginoong Anastasha, ako, ang aking pugot na ulo...”

Wala ang ulo. Walang matitirang sensory facility. Hindi na makararamdam ang mga taong ito’t madali na silang makokontrol ni Anastasha. Maraming nabubulag sa mga gawain ng mall. Maraming nawawalan ng saysay sa buhay ni ng kulay sa kani-kanilang buhay. Nagmumukhang mga patay na buhay ang mga taga-sunod ng konsumerismo at kapitalismo ng kulturang mall. Nakatutuwa ring isiping sa pagiging dominante ng kulay berde bilang pagdikit nito sa maraming bagay kay Anastasha – ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang kuryente, ang kanyang supot, ang materyal sa kanyang supot, ang dagat na pinaglalanguyan ng mga pugot na ulo, nakalilikha lamang ng mga taong patay naman ang loob kahit na sa totoong buhay’y madalas na ikinakabit ang kulay berde sa buhay na mga bagay tulad ng dahon, go ng stoplight, etc. Mga patay na robot o alien ang nabubuhay sa enerhiyang berde ni Anastasha.

Hindi mabubuhay ang mga robot na ito kung wala si Anastasha. Hindi rin naman lalakas ang kapangyarihan ni Anastasha kung hindi rin naman dahil sa kanyang mga empleyado:

“Inililipat niya [Anastasha] ang kanyang mga kapangyarihan sa mga ahente, at bilang kapalit ay nagbabalik naman ng enerhiya ang mga ahente sa kanya.”


Ngunit hindi naman sinasabi ng ganitong pahayag na walang talo sa kanya. Siyempre, talo pa rin si Preciouse. Magmukha mang give-and-take relationship ang pagkakasabi ng ganitong pahayag mula sa akda, nandiyan pa rin ang hindi pagkakapantay ng benepisyo o natatanggap ng dalawa mula sa kanilang mga benta. Oo na’t sabihin na nating kung si Anastasha ang may-ari at pinuno, malamang, sa kanya ang mas malaking hati, kahit pa pagsama-samahin ang suweldo ng kanyang mga ahente ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, hindi na pinansyal na estado ang kailangang pag-usapan. Kung papalitan natin si Anastasha bilang isang tao ring may boses ng pagkontrol sa mga nangyayari sa paligid ng kanyang mga produkto at tauhan, ang paulit-ulit lamang na paghahati-hati ng trabaho sa pamamagitan ng pag-uutos ay ibang-iba ang epekto sa mga taong araw-araw na kinakaharap ang masalimuot na pagkausap sa maraming kumokonsumo, pagpapakilala ng produkto, ang pagdinig sa numerong ngalan habang walang ibang inisip kung saang bahay siyang susunod na dadaan.
          
  Ayon pa kay Tolentino, ang kartograpiya ng karanasan sa kulturang popular ang ang tatalakay sa naturalisasyon ng mga dating (effect) sa kulturang ‘di lamang tinatangkilik kundi nilikha na rin para kumita ang iilan (2004).

Nagiging natural sa mga paningin ng tao ang ideal na espasyo, konsumerismo, at dehumanisasyon ng kulturang mall. Kahit na paulit-ulit ang nangyayaring pagsira sa buhay ng tao, bulag na tatanggapin pa rin ng karamihan o kaya’y walang malay na tatanggap na lamang ng tatanggap ang mga tao dahil sa kung ‘di man sila kaapektado ng mga polisiyang ipinapatupad, hindi rin naman talaga nila mapapansin. Ikaw ba namang mabigyan ng trabaho sa isang malamig at malawak na lugar (kahit na contractual pa ‘yan!) sa panahon ngayon ng kahirapan sa mataas na edukasyon at kababaan ng employment rate, aatras ka pa ba? Maaaring dala na rin ng kahirapan sa buhay kung kaya’t ipinipilit ang sarili sa nakapagpapababang mga gawain.

Para kay Tolentino, ang kulturang popular ay bahagi ng mas malaking usapin ng kultura o pagbuo ng kamalayan batay sa mga institusyong politikal, pang-ekonomiya at ideolohikal. At ang kamalayan ay bahagi ng diskursong pangkapangyarihan – ano ang pinaghahari bilang normal at unibersal ng namamayaning kaayusan, at ano ang ginagawang transformasyon ng mga puwersa mula sa ibaba (2004).

Ibig sabihin, mayroong dati, mayroong luma, mayroong dating maayos. Kung darating sa buhay ng mga tao ang mall, tulad ng pagdating ng trabaho kay Preciouse, magkakaroon ng malaking pagbabago sa kani-kanilang buhay na sa pagdating ng panahon, ang magiging kapalit ng dati, luma at maayos na yayakapin at titingnang normal ng karamihan sa mga taong apektado.

Apektado nga ang marami’t kahit na alam ng nakararami na hindi natural ang loob ng isang mall, nagmimistulang mas maaliwalas pa ito sa espasyo ng labas nito. Binobola ng ideal na espasyong ito ang kamalayan ng taong nasa loob na wala siya sa labas kaya walang bahid ng pagkakriminal o kakaiba sa mga nakikitang ibinebenta sa kanya. Mayroong pagbabagong-anyo ng norm. Mayroon ding transformasyon ng taste o kamalayan ng isang tao. Tulad ng mga apektado ng kapangyarihan ni Anastasha sa akda, ang mga tao’y nagkaroon na lamang ng isang malaking mata bilang kanilang ulo – isang malaking maugat na mata.

Mata ang hitsura o pagkakakilala natin kay Anastasha bilang elektronikong nakakakabit sa iba’t ibang bagay. Naging mga matang zombie rin ang mga alagad ni Anastasha. Ayon kay Tolentino, ang mata ang primordial na documentor ng nakaraan at simultaneous na record ng kasalukuyan. Ang mata rin daw, sa lahat ng sensory facilities, ang nakapagpapatanghal sa identidad ng tao (2004).

Mahalaga ang pagtingin sa kulturang mall. Dito nakasalalay ang pagiging mabisa ng isang biswal na patalastas. Maaari ring nakikita ang tagline nila na “Everybody loves Anastasha!” na nakasulat sa bawat supot na berde, na bitbit-bitbit ng mga namimiling naglalakad pauwi at baka sakaling makasalubong ng maraming tao. Ang pagtingin din ay ginagamit sa pagbabantay sa mga empleyado. May mga matang nakaantabay sa kanilang oras na nalalabi at kalagayan ng kanilang trabaho. Ngunit sa kabila ng kalakhan ng pagdidiin ng malalaking mata ng mga taong apektado ng kulturang mall, nakatutuwang isiping sila pa pala ang mas higit na hindi nakakikita. Walang katiyakan ang silbi ng espasyo ng mall dahil sa dinami-dami at nakaliligaw na mga espasyong nakapaloob pa rito, na nakadisenyong iligaw ang “maller” kahit na siya mismo, bilang nakakikitang nilalang, ang nagdala (kahit sub-conciously) ng kanyang sarili sa loob nito o kung saan man siyang lugar sa kasalukuyang magmo-mall.

Kahit naman ganito’y mayroon ding mga pagkakataong paunti-unting tumitiwalag si Preciouse sa hindi pagiging isang tao. Bilang dagdag sa naunang halimbawang nagbibigay kamalayan kay Preciouse bilang isang taong nag-iisip (Habang nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha...), naaalala niya rin paminsan-minsan na dati-rati, siya’y tao:

Hindi ako ipinanganak bilang isang ahente ni Anastasha. Tao ako, oo, minsa’y naging tao ako.

Hiniling kong hindi sana mabasa ng Panginoon ang laman ng isip ko. Na may laman ang isip ko,...”

Maaaring sabihing tanggap na ni Preciouse sa kasalukuyang hindi siya tao sa pagtratrabaho sa ilalim ni Anastasha ngunit magandang bagay pang ‘di niya nakalilimutan ang kanyang nakaraan. Nagmumukhang kapit sa patalim ang ganitong mga uri ng sitwasyong maaari ring makitang litaw sa ating lipunang kinabibilangan din ng mga nagtratrabaho sa mall. Alam niyang balang araw, anim na buwan pa man o mas mabilis pa, may pag-asa pa ring makabalik sa sariling pagkatao kahit na nabawasan na ito sa loob ng isang panahon ng pagsira sa maraming bahagi o esensya ng pagiging isang tunay na tao – na taong may buhay at kulay ang paligid. Ang paglabang ito ay nakita rin sa may bandang huling bahagi ng akda kung saan napagdesisyunan nina Preciouse at Robin na tapusin na ang huling laban sa mga large-eyed zombie ni Anastasha sa pag-indak gamit ang Dance Revolution machine sa Quantum ng SM Fairview. Sa dulo’y umindak sila tungo sa tagumpay gamit ang Dance Revo machine – ang pag-indak, ang pag-ibig nilang dalawa ni Robin, ang nagpanatiling buhay (makikita sa akda na simula noong makilala ni Preciouse si Robin, mas napadalas pa ang pag-iisip ng ahente hanggang sa hindi na ito sumunod sa kanyang karawang schedule para sa kanyang kinilalang panginoon) at malay kay Preciouse. Paulit-ulit niyang isinigaw ang kanyang pangalan, hindi lamang para maipaalalang muli sa sarili na siya’y isang taong may pagkakakilanlan, ngunit ang pagbabalik-kilala sa sariling may buhay at nakaiindak ang makatatalo sa kapangyarihan ni Anastasha.

Maaaring labanan ang pandedehumanisa ni Anastasha o ng kahit anupamang katulad na makapangyarihang ideolohiya sa pamamagitan ng pagiging malikhain. Samakatuwid, kailanganang paganahin ang utak, ang sariling imahinasyon. Mapapansin namang ang paulit-ulit na paggawa ng isang bagay ay nakapagtatanggal na ng kabuluhan sa gawain iyon lalo pa’t nililimitahan lamang nito ang ating sariling kakayahan at kahusayan. Ang isang tunay na buhay na tao’y nakapag-iisip nang malaya at kritikal, at hindi lamang namomroblema ng iisang bagay habang dumadaan ang isang araw sa harap ng kanyang pagiging buhay.

Subalit sa huli’y manunumbalik pa rin sa negatibong sarili si Preciouse:

Nagsimula akong magsalita, ngunit walang tinig na lumabas mula sa aking bibig. Nagsasalita si Robin pero wala akong naririnig. Unti-unting lumalabo ang paningin ko, natatabunan ng luntiang liwanag.

Nagising ako’t nadiskubreng malayo pa sa pagwawakas ang aming kuwento.


Kahit na makailang balik pa si Preciouse sa taong pagmamalay, mahihirapan pa rin siyang makabalik sa wasto. Mayroong tinatawag si Rolando Tolentino na paradox ng nostalgia na nagsasabing sa pag-igting ng pagnanasang makabalik, lalo namang nabubura ang alaala ng pinagmulan (2004). Mababasa mula sa itaas ang luntiang kulay, indikasyon ng pagbabalik ng kapangyarihan ni Anastasha. Kahit na gaano pa man ang tao’y kamalay sa isang bagay, tulad ng malalaking kamalian ng mall, gagamit at gagamit, papasok at papasok pa rin siya rito. Hinding-hindi niya mapipigilan ang sayang naidudulot ng mga produkto sa mall na idinudulot nito sa kanya. Patuloy niya itong babalik-balikan kahit na makailang-ulit pang isiwalat sa kanya ng kung sinu-sinong kilusan sa akademya o simpleng pag-iisip ng pang-aabuso ng mall sa kanya. Makapangyarihan ang buhay ng berdeng kapangyarihan ng mall, kahit na unti-unti nito tayong isa-isang pinapatay.

Nawawala na ang esensya ng pagiging tao ng isang tao, sa oras na madikitan na siya ng mall. Nawawalan na siya ng kakayahang mag-isip, kahit na gaano pa man niyang isipin ang bawat pagkakamaling isinisiwalat sa kanya, ni gaano pa man kasambulat sa mukha ang narmamataan niya sa tuwing mababasa niya ang papel na ito. Nawawala ang kakayahang mamili, kung alin pa ba ang tama at mali. Marami nang ipinakikitang tama at mali. Nawawala na ang pagkakongkreto ng reyalidad. Panay ideal na lamang ang ipinakikita sa biktima, kung saan iyon din ang kanyang hinahanap. Nawawala sa kanyang paningin ang tunay na hitsura ng reyalidad, ng kanyang reyalidad, at ang lahat ng ito’y mahihirapan siyang labanan. Babalik at babalik pa rin siya sa mall.

Kay daling malinlang ang mata ng biktima. Ipinakikita sa kanya kung anu-ano nga ba ang tama at mali, kahit na mabigyan pa siya ng iba’t ibang bersyon nito. Sa isang pagkakataon, maaaring ipinadadaan ito ng mall sa kanyang mga patalastas kagaya ng billboard. Nariyan ang mga phinotoshop na mga katawan ng kung sinu-sinong modelo kung kaya naman maraming nahuhumaling sa pagpapapayat. Nawawalan ng kakayahang maniwala sa kanyang sarili ang tao dahil sa mga isineset ngang ideyal na katawan ng mga patalastas na ito. Kung lahat na lang ng tao, nagagalit kapag sinabihan ng, “Mataba,” nawawala rin ang reyalidad sa kanyang iba-iba naman talaga lahat ng tao. Nabubulag siya sa katotohanang pinipilit ng mall na ipakitang bumubuo siya (ang mall) ng isang ideyal na populasyong ang lahat ng tao’y mapapayat, walang ibang ginawa kundi ang magpakasosyal at gumastos nang malaki para lamang maging “tama.”

Ilan pang dagdag sa mga kaninang naibigay na halimbawa’y ang pagpapakita sa atin ng mga produktong napakaperpekto sa aspetong biswal nang ipinadaan sa kanilang mga patalastas ngunit nang dumating na sa atin ang aktwal, nanghihinayang na lamang tayo. Ngunit kahit na ganoon, babalik pa rin tayo’t hindi naman talaga nagagalit, sa hindi malaman-lamang dahilan, o sadyang madaling mabulag ang tao basta’t alam niyang galing sa mall, tama ito at astig, kahit na madali siya nitong nilinlang.

Bilang kongkretong halimbawa sa biswal na panlilinlang, nakilala nitong si Benjamin Starr, isang manunulat sa VisualNews.com, ang isang photographer na nagsisiwalat ng katotohanan ng false advertising. Ayon sa isa sa kanyang (Starr) mga artikulo, ang photographer na kanyang tinukoy bilang si Dario D ay nagkaroon ng isang series na pinamagatang Fast Food: Ads. vs. Reality kung saan maingat na pinagtabi’t pinaghambing ng photographer ang kanyang mga kuhang larawan sa mga pinakatanyag na pagkaing fast food, sa mga ginagamit na larawan ng false advertisers. Kitang-kita sa mga larawang kanyang isiniwalat ang malalaking pagkakaiba sa dalawang nasabing panig:


Malakas ang tama ng biswal na kulturang inilalantad ng mall. Minsan, hindi pa natin ito mapapansin, maging sa mga empleyado. Halimbawa na lamang, hindi nakikitang mahirap ang kanilang mga empleyado (kahit na alam naman natin iyon), o hindi ganoon kamasyadong halata dahil sa kanilang mga uniporme. Yung kailangang nakamini-skirt at takong sila. Pare-pareho lamang ang kanilang mga hitsura. Sige, sabihin na nga nating uniporme nga nila iyon, ngunit nagiging bahagi na lamang sila ng isang background na “pangmayaman” at “pansosyal” lamang ang dapat na nakatatapak. May mga taong nakamake-up. May mga taong nakapormal ang suot. Kung ganito na lamang ang makikitang set-up ng mga taong naglalabas-masok sa mall, nauukit na sa kanilang mga isip na magkakaroon sila ng histura o “dating” na mayaman sila. Katulad ng nabanggit kanina sa itaas, nagdadala ng pekeng lakas ng loob at pekeng identidad ang pagpasok at paglabas ng mall. Sariling pagbubura sa kapaligiran at identidad ang nangyayari kung kaya naman marami ang nagsisipuntahan at pabalik-balik sa mall. Para bang ang laking bagay na magmukhang mayaman ng mga tao. Kung patung-patong din naman kasi ang mga paratang sa Pilipinas na sobrang hirap at madumi (na kadalasan, totoo naman), bakit pa magpapakaplastik ang mga tao sa pagpapakaplastik. Bahala nang magmukhang mayaman o mapera.

Hindi lamang mga kostumer ang nawawalan ng pagka-Tao kundi maging ng mga empleyado mismo, tulad na nga ng nababanggit na kanina sa itaas. Ngunit bilang dagdag na rin para sa pagpapalakas ng argumentong pinapaksa at inilalahad, maglalaan pa ang mananaliksik ng ilan pang mga kongkretong halimbawa. Isa na rito ang hindi pagbibigay ng mga karampatang benepisyo para sa mga empleyado. Hindi lamang sa mga mall kundi sa iba pang establisyamento katulad ng gobyerno. Ayon sa isang nakalap na report ng GMA News noong Enero 2013, sinasabi naman daw ng Senado na nagbibigay sila ng mga benepisyo sa kanilang mga empleyado. Ayun nga lang, hindi lahat ng kanilang mga empleyado, nakatatanggap ng mga ito. Ayon pa sa Commission on Audit at base sa binabanggit na balita, malaking pondo ang inilaan para sa mga benepisyong ipinapamigay dapat sa mga empleyado. Kung maraming empleyado ang nagsasabing hindi sila nakatatanggap, edi saan na lamang napupunta ang perang nakarekord sa mga talaan?

Kaugnay nito, ang pelikulang Endo, sa ilalim ng direksyon ni Jade Castro at mga panulat nina Michiko Yamamoto at Raymond Lee, pinatunghayan ng pelikula ang naturang praktika sa Pilipinas kung saan ang mga establisyamento ay tumatanggap ng mga manggagawa sa loob lamang ng tatlo hanggang limang buwan, upang mapayagan silang (mga establisyamento) huwag nang atupagin pa ang mga obligasyong ligal para sa kanilang mga empleyado katulad ng health care, union, social security, at iba pang mga regular na benepisyong nararapat na natatanggap ng isang empleyado. Ang Endo, bilang pamagat, at bilang slang ng “end of contract” o huling araw ng trabaho ay isang pagtingin sa ating lipunang madamot sa pera at walang pakialam sa buhay ng ibang tao. Hindi nagiging tao ang trato sa mga tao kundi mga produkto na lamang na nagmumukhang pinagsasalin-salinan, pinagpapalit-palitan, naglilipat-lipatan. Para bang pinaghihiraman ng napakaraming malalaking makapangyarihan para lang din sa kanilang (mas makapangyarihan) sariling kapakanan. Sila-sila lamang ang nakikinabang, ni walang pakinabang ang lakas-paggawa ng mga empleyado. Nawawalan ng kapangyarihan ang mga empleyado sapagkat kung kailangan din naman nila talaga ng pera, papayag pa rin sila kahit na nakadedehumanisa na ang ginagawa sa kanila ng kanilang mga employer. Sa tagline ng SM na, “We’ve got it all for you,” nagmimistulan na itong, “We’ve got it all from you!” Wala na silang pakialam. Lakas-paggawa na lamang ang natitira sa kanilang mga empleyado kasama ang katiting na kanilang mga suweldo. Ito na lamang ang kanyang pag-aari, ang kanyang lakas-paggawa.
          
  Bilang dagdag pang halimbawa sa pandedehumanisa sa mga empleyado, ayon sa isang artikulong isinulat ni Gemma Garcia para sa Pilipino Star Ngayon (PhilStar.com) nitong Diyembre lamang taong 2013, hindi na raw dapat maglagay pa ng age limit o age requirement ang mga employer sa pagkuha at pag-alis ng mga empleyado. Ito ay nakahain sa House Bill 2416 o Anti-Age Discrimination in Employment Act na isinumite ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez. Hindi na raw dapat ginagamit na basehan ang edad ng isang taong naghahanap ng trabaho.

Nakakatawa sapagkat nagpapaka-“anti-discrimination” pa itong si Gomez, e lalo lamang niyang tinutulungan ang mga employer na tumalo pa ng mas mahihina pa sa kanila. Yung tipong wala na talagang kapangyarihan. Kung mababa din lang ang employemnt rate at tumataas naman ang poverty rate, hindi hamak na mas malaking populasyon nga ang mabibigyan ng trabaho ng bill ngunit mas malaki ring hati ng populasyon ang matatanggalan ng makabuluhang buhay. Unti-unti nang pinapaslang ang kinabukasan ng kabataang empleyado. Nakikinabang sa ganitong sitwasyon ang estado.

Kontrolado na ng estado ang mga tao. Walang makagagalaw. Maging mahirap man o mayaman, naghahanap ng trabaho o mayroon na. Lahat, nakikita ni Anastasha, at lahat, nakikita si Anastasha. Walang takas, walang tunay na liwanag. May diwa, ngunit walang bakas ng pagtiwalag.



Sanggunian:

Garcia, G. 2013. “Age limit sa empleyado pinapaalis.” Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .             
 Gonzales, V. 2008. “Patayin sa Indak si Anastasha!.” Lagda: Journal ng UP DFPP. ed. (Eugene Evasco. Will Ortiz). Quezon City: DFPP-KAL. pp. 338-357.
Starr, B. 2012. “Fast Food: Advertisements vs. Reality.” Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .
Tolentino, R. 2004. “Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi / Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. pp. 1-31.
Tolentino, R. 2004. “Malling, Subcontracting, at Serbisyong Ekonomiya sa SM.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. pp. 32-72.
Youtube.com. 2013. “Benepisyong binibigay sa empleyado sa Senado, ‘di raw natatanggap ng iba pang empleyado ng gobyerno.” GMA News. Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .