Kung nasa highway e sasalubungin ang inyong biyahe ng iba't ibang billboard. Minsan ko na ring nagamit dati na markers ng aking biyahe ang mga naglalakihang billboard. Mga marker na nagpapaalala kung puwede pa akong umidlip sa aking biyahe o kailangan ko nang labanan ang aking antok nang hindi lumampas ng bababaan.
Mga kakaibang tao rin ang maaaring "mapanood" sa konteksto na hindi kayo magkakilala at magkaiba kayo ng kinagisnang kaligiran kaya kapuwa lang din kayong kakaiba sa isa't isa. Nakakatuwa pa minsan sa tuwing may small instances na nagkakasundo kayo, like somehow, validated siya sa 'yo kasi tao rin pala siya? Para kang tanga tuloy.
Mabuti nang magkunwaring ulol kaysa kusang matuluyan nang dahil sa bagot ng biyahe. Bonus content na rin kapag stuck sa traffic ang jeepney. Pili ka na lang ng genre. Sa malapit o sa malayo. Sa POV ng driver. O sa butas ng labasan.
Hindi mo namamalayan, unti-unting naiipon ang mga paulit-ulit na pagdaang ito sa iyong alaala. Nakakabisa mo na ang mga daan, nahuhulaan ang mga susunod na mangyayari. Agad mong napapansin kung meron nang mga pagbabago, agad ka ring magtataka 'pag nag-iba ang dinaanan ng driver. Maaamoy ng driver ang pagtataka niyong mga pasahero kaya ipaliliwanag niya sa inyo ang nangyayari. Pero kadalasan, wala na ring kinakabahan sa rerouting ng biyahe at buo na lang ang palagi ang tiwala kay manong.
Sa lahat ng mga naipong karanasan, napipili rin minsang lakarin na lang ang daan, pauwi man o papunta. Gawa kung minsan ng malakas na ulan, mataas na pagbaha, desperadong makarating, o sudden trip-trip lang moments, may mga biyaheng maaaring idaan sa paglalakad. Hindi ito agarang desisyon ng first-timers ng isang ruta, kundi collective experience mo na actually being useful on a specific day.
Huwag matulog sa jeepney kung hindi naman inaantok!