July 29, 2012

Kung Sinong Mataya

Kailangang magdisect ng frog noon
At tayo pa ang magkapares
Paano ba kitang mapapaturn on?
Ayoko namang maging careless
Sinubukan ko kamakailan mambully
Kahit na ayaw ko sa mga ganong tao
Nakita ko kasing masaya ka parati
Sa tuwing may kaklaseng tinutuliro
At naitanong mong bigla
Kung saan nga ba makahuhuli ng palaka
Sagot naman agad ako ng kung ano
Dahil ayaw ko sa iyong mapahiya
Sinabi mong wala kang paki
Sa aking mga isinagot
Wala rin naman akong paki
Ayaw ko lang nama’y ikaw’y mabagot
Bigla ka ulit nagtanong
Kung nasaan na kaya yung binully natin
Yung matabang inilaglag ko sa basa
Nalaman mo pala ang aking lihim
Tungkol doon sa pagsosorry
At sa pag-aabot ng pamphlet
Sobra nga kasi akong naguilty
At ayaw ko na iyong maulit
Niyaya mo ako sa ilalim ng tulay 
Kung gusto ko pang mamuhay nang payapa 
Nagpadala ka pa ng camera at diary 
Sa pagkita doo’y umaasa
Pumunta naman ako siyempre
Kasi nga gusto kita
Dala ang bag na may camera at diary
Lumapit ako sa’yong puno ng kaba
Hiningi mo ang camera sa akin
Ibinigay ko naman agad 
Pero nagulat ako nang iyong sabihing
Lumuhod ako sa iyong harap
Ipinarating kong huwag naman sana ganito
Kahit na sumusunod ako sa’yo
At bigla kang lumuhod din sa harap ko
Ating mga labi nagkatagpo
Sa halik mong nakagugulantang
Sinubukan kong maibalik
Iniangat mo sa gilid natin ang camerang
Kumukuha sa ating bawat halik
Nakapikit lang ako
Patuloy sa sayang nararamdaman
Nang sa ang labi mo’y naglaho
Sa labi kong nagulamihanan
Tumayo ka na’t pinasulat ako sa diary
Marami pa kayang susunod na mangyayari?

Film: Submarine (2011)


Parang gusto ko ulit mag-apply.

Para lang makita ulit yung mga tao.
Pare ko, Pare niya. Mare nating lahat.
Pero malay ko ba.
Malinis pa rin ba?


July 22, 2012

Goto, Pares, Tapkalog


Alam kong nakita mong mahaba ito kaya hindi mo na matitripang basahin. Pero kasi, nag-enjoy akong maglahad kahit na alam kong hindi ko naman mailalagay lahat tungkol sa sarili ko. Hindi ko alam kung puwedeng pang-exhibit ‘to pero bahala na talaga. Bahalang autobiography.

Ako nga pala si Mart, short for Martin. Tatay ko ang nagbigay sa akin ng pangalan na yan kasi si Martin Nievera ang kanyang paboritong lalaking singer. Siguro, naisip niyang baka masapian man lamang ako ng kahit kaunting kaluluwa ni Martin Nievera para baka sakaling magkaroon siya ng anak na may talent. Lahat naman siguro ng mga magulang, gusto ng anak na may talent, para astig, para mayabang. Pero minalas, hindi ko naman sinasadyang hindi ako marunong kumanta, mahilig nga ako sa musika, kaso walang hilig ang musika sa boses ko. Pero sana, sana lang talaga may ibubuga pa rin ako, na may talento pa rin pala ako, na puwede rin naman akong ipagyabang ng tatay ko.

Hindi ako sa Mart nagsimulang tawagin. Pangalawa nga pala ako sa tatlong magkakapatid at noong wala pa yung bunso naming si Mig, naranasan ko malamang ang maging bunso. Ading ang una kong naging palayaw at hindi ko alam kung bakit. Siguro, pangalawang anak o bunso sa ibang wika, liban sa wikang alam ko: Tagalog. Maliit lang ako noon, hanggang ngayon din naman. Sa Laguna ako ipinanganak noong December 28, 1993, pero sa Cavite na ako lumaki. Pinalaki ako ng lola ko, tawag namin sa kanya ay Mama. Hindi yung Mama na lalaking goons kundi yung Mama as in Mommy. Namulat kasi ako agad na may trabaho na pareho ang mga magulang ko. Namulat na akong hihintayin ko na lamang sila kapag gabi para sa kanilang pasalubong. Oo, alam kong sila ang mga magulang ko pero si Mama talaga yung nakasama ko sa araw-araw kapag wala pa yung mga magulang ko. Madalas niya akong patulugin kapag hapon o pagkatapos kong kumain ng gulay na naman niyang inihain. Kay Mama ako natutong kumain ng gulay, buti na lang e masarap siyang magluto. Siya ang nagpapaligo sa akin noong maliit pa ako, siyempre hindi naman talaga ako malay noong cute pa ako pero kinuwento naman sa akin ang mga bagay na ito. Malaking pasasalamat ang gusto kong ipaabot kay Mama kasi kung hindi dahil sa kanya, sana’y mapili ako sa pagkain ngayon.

Noong papasok na ako sa pre-elem, hindi ko talaga alam yung gagawin ko. Basta ang naaalala ko, may dala akong notebook pero yung teacher namin yung nagsusulat sa notebook na iyon, gamit yung pula niyang ballpen. Tapos pag-uwi ko sa bahay, titingnan ng kuya ko o ng mga magulang ko yung notebook na yun tapos may gagawin na sila. Assignment ko pala yung nandon. Kapag nag-eexam kami, hindi ko alam talaga yung gagawin as in. Kinukulayan ko lang yung mga pictures na walang kulay. Honestly, wala talaga akong maalala. Ang naaalala ko lang, malalaki yung mga lamesa namin at marami kami sa aming lamesa. Naaalala ko rin yung una kong crush sa pre-elem. Malandi lang ba talaga ako? O madali lang talaga akong mabighani? Hindi ko alam. Half-Japanese yung crush ko noong nursery, tapos pareho pa kami ng subdivision. Pero siyempre, noong mga panahon iyon e hindi ko pa talaga alam yung salitang Crush. Basta ang alam ko lang e gusto ko siyang nakikita at nakakatabi araw-araw. Wala na akong balak pang ilagay yung pangalan niya kasi baka may mag-alangan pa sa girlfriend ko. Mabigat na pakiramdam ang selos.

After nung Nursery, pinagsummer reading classes ako ng nanay ko. Kasabay pa nito ang pag-uwi ko sa bahay para magmemorize ng multiplication table. Pinaghahanda na nila siguro ako sa Grade 1. Noong naggrade 1 ako sa St. Jude Academy sa Cavite, siyempre handang-handa na ako. Talaga naman kasing nagagalit yung mga tao sa bahay namin kapag may hindi ka nagets agad kasi iniisip nila na napakadali naman ng ibinabato nila sa akin. Pero kapag sila naman yung hindi nakagets agad, hinahayaan ko na lang.

Sa Grade 1 ko unang nakilala yung best friend ko noong elementary. Tapos malaman-laman ko lang, kapitbahay pala namin siya. Bale sa sobrang galing ko sa school noon, pinapakopya ko na lang siya sa mga assignments namin, tapos maglalaro kami ng Playstation sa kanila. Wala kasi kaming Playstation noon. Siya ang nagmulat sa akin sa bagong paraan ng paglalaro. Siya rin ang nagbansag sa akin ng bago kong palayaw: Mar. Galing naman siya sa Marion. Maria Teresa kasi ang pangalan ng nanay ko kaya nagkaganyan. Marion kasi yung pinantatawag sa akin ng mga teacher ko sa school. Sa katamaran na rin siguro ng wika ng best friend ko, Mar na lang ang itinawag niya sa akin, na ginaya naman ng iba naming classmates. Halos kasabayan na rin ng Mar ang pagtawag sa akin ng Diko. Hindi ko na naman alam kung anong wika ito pero sa tingin ko e second child na naman. Paglabas ko ng bahay, sa Mar ako titingin. Pagpasok, Diko. Kung dalawang pangalan din man lang ang itinatawag sa akin e natutuwa na talaga yung kababawan ko. Nabalewala noon para sa akin si Martin. Pero kebs lang.

Simula Nursery hanggang sa maggrade 6 ako e consistent akong naging top 1 sa klase. Hindi naman sa pagmamayabang pero mabilis kasing makagets yung utak ko noong bata pa ako. Wala pa sigurong maraming distractions. Umalis si Crush noong Grade 4 kami at may pumalit naman noong Grade 5 na girlfriend ko sa ngayon. Para sa kakaibang kuwento kung bakit naging girlfriend ko ngayon yung ka-MU ko noong grade 5, sa ibang araw ko na lang siguro maisasalaysay yon kasi gusto ko sanang 2 pages na lang ang binabalak kong banong autobiography.

Nairita nga pala yung parents ko sa Mar. May ninong kasi akong pangalan e Mar, na taga sa amin din. Tsaka ang pangit daw talaga ng Mar. Dinagdagan ng tatay ko ng letter T tapos BOOM! alam mo na kung bakit naging Mart talaga ang pangalan ko.

Pagkagraduate kong valedictorian sa grade school e sabay kaming nag-entrance test ni MU sa Manila Science High School. Bumagsak siya tapos pumasa ako. Tapos siyempre, sad part ng kuwento kaya hindi na siya magiging part pa ng kuwentong to. Nabigla ako noon sa Masci kasi pakiramdam ko bumobo ako noon. Ang dami na kasing estudyante, tapos ang hirap-hirap na talaga ng Math. As in putang ina, naisip ko, putang ina talaga. Noong high school ako natutong manood ng porn, magcut ng klase, magdrafting, magmuni-muni sa sarili kung bakit ang bobo-bobo ko na sa Math, makipagpalagayang loob sa isa kong sarili kung valedictorian nga ba talaga ako, at magsulat sa Filipino.

Sa bawat Filipino subject kasi, bawat quarter e may ipinapasulat na kung anu-ano ang mga teacher namin. Iyong part lang na iyon noong high school ang pinakanaenjoy ko kasi nag-eenjoy din naman yung mga binobola kong mga teacher namin. Masarap magsulat, masaya, lalo na kung may iniuutos sila sa akin. Mahirap kasi magsulat kapag sinabihan nila ako ng kahit ano ay puwede kong isulat. Para akong pinabili ng regalong kahit ano na lang. Siyempre noong 4th year, malaking bagay sa amin yung UPCAT. Isang mahirap na desisyon iyon para sa akin kasi pakiramdam ko noon, kung anong course yung pipiliin ko e doon na talaga ako magtratrabaho. Nakakatakot, pero paminsan-minsan, exciting isipin kung anong mangyayari sa college life.

Pumasa ako ng BA English Studies, student number 2010-10*** sa UP. Ang pinagpilian ko lang kasi noon sa UPCAT Application Form e Math, Science at English. At dahil na rin sa matinding paghuhukay sa sarili, tinanggap ko na talaga ang sarili kong bano ako sa Science at Math kaya English ang kinuha ko. Hindi naman ako malay noon sa BA Filipino dahil sa maraming courses na nakalista e hindi ko man lamang sinipagang isa-isahin sila. Nag-decide akong magshift sa Filipino noong 2nd year college. At ayun na nga, natanggap naman ako at kasalukuyan akong nag-aapply naman sa ngayon sa UP Cineastes’ Studio.

Kasalukuyan akong nagboboarding house ngayon sa may Area 2, UP Campus, Diliman. Paborito kong kumain ng matatamis na pagkain, lalung-lalo na ng leche flan at pastillas. Marunong akong maggitara at sana’y gumaling naman ako. Hanggang marunong na lang kasi ako. Madali lang sigurong makipagkaibigan kung mapagkaibigan ang gustong kaibiganin. Ayaw ko sa ipis, jologs, OA, pinaghihintay ako, pila kapag enrollment sa UP, mga papansin kahit na alam ko rin naman sa sarili kong nagpapapansin ako. Mahilig akong maglaro ng computer games at naaadik na ako ngayon sa Skyrim. Marunong din akong magdota, magcounter strike, mag-install ng google chrome at magpatintero. Hindi ako marunong magphotoshop, maghead spin at magdrawing man lamang ng matinong Poring. Maliit, maitim, kulot, at naranasan na ring matawag na ita at katutubo noong grade school at high school kasabay pa ng pagtatanong kung saang tribo ako galing. Masaya maging kulot, natutuwa kasi siyang himasin ng girlfriend ko kapag nilalambing niya ako. I love that shit.

July 17, 2012

Elef



Maraming posibilidad ang puwedeng mangyari kapag ang isang bansa o isang lugar ay mayroong iba’t ibang wikang ginagamit ng mga tao. Maaaring hindi ganoong magkakaugnay tulad ng Switzerland na may German, French at Italian bilang kanilang mga opisyal na wika, dahil sa may iba’t ibang grupo rin marahil sila ng tao na magkakaiba ang unang wikang ginagamit. Sa Canada rin ay mayroon parte sa kanilang lugar na French ang wikang ginagamit at iba pa rin ang Canadian English bilang variation ng wikang English na sinasalita sa kapitbahay nilang Amerikang may American English naman. Maaari rin namang magkakaugnay halos lahat ng mga wika sa isang bansa tulad ng kung anong nararanasan ng Pilipinas sa ngayon. Mayroon din naman kasing teoryang nagsasabing maaaring nanggaling sa iisang wika ang lahat ng wika. May teorya rin naman umaangkop ang wikang ginagamit base sa lugar na tinitirhan ng taong gumagamit nito. Dahil nga naman siguro sa pagkakaiba ng mga lugar sa buong mundo, hindi na rin mahirap sabihing pupuwede nga naman talagang magkaroon ng malalaking pagkakaiba sa mga wika ng lahat ng tao sa mundo kahit na, ayun na nga, pare-pareho lang naman tayong mga tao.

Sa aking mga nakalap ng datos, at base na rin sa nagawa naming table dati tungkol din sa mga wika sa Pilipinas, hinding-hindi pa rin ako nakahanap ng ibang translation sa mata ng Filipino mula sa iba pang mga malaking wika sa bansa. Ipinagtataka ko talaga ito sapagkat bakit ito lang talaga ang magkakapareho sa dalawang beses kong pangangalap ng salin ng salitang mata? Pinag-uusapan ba ng mga ninuno natin ito dati kapag nakikipagkalakalan sa kanila? Bakit iisa lang? Ito ba ang una nating nakikita sa mga bago nating nakakasalamuha? Gustung-gusto ba nating tumitingin sa mata? Hindi ko alam. Pero mula rito, maaari ko namang sabihing magkakapamilya nga ang mga wika natin sa Pilipinas. Sa pangalawang salitang aking napili e napansin kong kakaunti lang ang nagpapalit ng mga titik sa salitang ‘bahay’. Naglalaro lamang sa mga titik na ‘l’ at ‘y’ ang mga magkakahawig na salita. Nariyan din ang kamot at gamat para sa mga kamay. Magkahawig din ang lima at ima sa ibang mga wika para sa nabanggit na napiling salita. Mula sa pagkakahawig na mga ito ay makikita na ang mga tunog ng salita  sa wikang ginagamit o depende na rin sa lugar na ginagamitan nito ay nag-iiba o nagkakaroon nga naman ng variation. Variation sapagkat hindi naman nagkakalayo (tulad nga ng pagkakalarawang magkakahawig) ang mga salita kapag pinakikinggan ang mga ito. Madaling maintindihan kahit na iisang tunog lamang ang papalitan. Nagkakaroon ng mabilis na pagkakaunawaan dahil nga sa malapit sa nauunawaan o naaalalang tunog na nakaimbak sa memory ng isang taong marunong ng wika sa Pilipinas.

Sa ganitong pagkakahawig , tulad ng nagpapalitang ‘d’ at ‘r’ sa ido at iro para sa aso ng Hiligaynon, Bisaya at Mansaka, at ayam naman sa mga wikang Waray, Bikolano at Romblomanon, may dahilang heyograpikal pa rin ang makikita kung titingnang mabuti ang lokasyon ng mga wikang ito sa mapa ng Pilipinas. Nagkakaroon ng pagkakahawig kung magkakalapit nga lang naman ang mga lalawigan, naipapasa ang mga termino, nagagamit ng magkakalapit na mga tao kapag pumupunta sila sa iba’t ibang lugar na malapit sa kanila, at maaaring naipapasok sa wika ng pinuntahang lugar o maaaring isang pamilya lang din o angkan ang pinagmulan saka sila naghiwa-hiwalay ng titirhan para sa mas malawak na sakop at mas mainam, kumportable at maayos na pagkakahati ng mga yamang kailangan nila sa kanilang ikabubuhay. Ang kasong ito ay maaari lang sigurong ipasok sa mga ninuno pa natin, kaya marahil ay nagkakaroon pa ng iba’t ibang variation at pagkakahawig sa mga salita ng iba’t ibang wika ng Pilipinas. Magandang bagay na rin siguro ito sapagkat mas mabilis tayong magkakaunawaang mga Pilipino kung may ganitong maliliit na gap lamang ang mayroon sa iba-ibang tipong bokabularyo ng maraming wika. Kung madali lang din naman tayong magkakaintindihan e malaking bagay na rin iyon para maraming tao na ang nakikilahok sa pagtulong ng pagtataguyod ng isang bansa dahil sa madali lang sana para sa lahat ang pakikipagtalastasan at pagpapasa, pangangalap at pag-aayos ng mga impormasyon.

Pero Kasi...



Ayon kay Newmark (1988), mula sa kanyang dalawang aklat kung saan inilahad ng tagasalin ang labing-walong teknik ng pagsasalin, ang one-to-one translation o isahang tumbasan ay ang literal na salin na may isa-sa-isang pagtutumbasan ng salita sa salita, parirala sa parirala, sugnay sa sugnay, o pangungusap sa pangungusap. Ipinalalagay na kapag humahaba ang yunit ay mas hindi angkop ang pamamaraang ito. Mula rito, maaaring sabihing hindi sa lahat ng pagkakataon sa pagsasalin ay pupuwedeng gamitin ang teknik na ito. Hindi rin naman pupuwedeng marahil na iisang teknik lamang ang magagamit sa pagsasalin ng isang buong akda o teksto. Madalas, sa mga karanasan sa pagsasalin e nakagagamit ng higit pa sa tatlong mga teknik ang tagasalin para mas makabuo pa siya ng pinakaitatampok na akdang maiintindihan ng kanyang target na audience.

Nabanggit na kaninang isa-sa-isa ang magiging tumabasan kapag napagdesisyunan na ng tagasalin na gamitin ang teknik na ito. Simula sa salita-sa-salita, umabot ito hanggang sa pangungusap-sa-pangungusap. Pero nilinaw rin sa babasahin na hindi rin naman ito aangkop lalung-lalo na sa mga malalaking yunit. Siguro’y mas makasisiguro ang isang baguhang tagasalin katulad ko na gamitin lamang muna ang teknik na ito sa yunit na isa-sa-isa hanggang sa mas malinaw kong makita kung mabisa pa nga ba sa ibang yunit o may mas aakibat pang ibang teknik sa mga kailangan o nais kong isalin.

Halimbawa na lamang, sa yunit na salita-sa-salita, kung isasalin ko ang Ingles na, “The puppy is cute,” sa Filipino, gamit ang teknik na kanina ko pa binabanggit, makukuha ko ang, “Ang tuta ay kyut.” Malinaw na sa unang halimbawa na bawat salita sa pangungusap ng source language na Ingles ay naisalin o may katumbas mula sa aking salin sa Filipino na pangungusap, apat ang salita sa una, dapat bang apat din ang kailangan kong makuha sa target language? Pansinin ding ang cute ay isinalin ko sa kyut, gamit pa ang ibang teknik ng pagsasalin ayon kay Newmark: ang naturalisasyon. Pero alam ko namang maididiscuss pa ang teknik na ito sa iba pang papel. Nais ko lamang sanang ipuntong hindi lamang nadidikit sa iisang teknik ang pagsasalin sa isang pangungusap. Tulad ng nabanggit ko kanina, hindi iisang teknik lamang ang magagamit sa iisang akda. Dagdag pa rito, maaaring higit pa sa isa ang magagamit na teknik sa pagsasalin ng kahit isa man lang na pangungusap.

Hindi man ganoon kamalay sa atin, ang mga Pilipino ay madalas ding gamitin ang teknik na ito sa pagsasalin. Dahil nga sa pagiging bilinggwal ng ating bansa dahil sa pagtuturo ng Ingles, naeexaggerate natin paminsan-minsan ang pagsasalin kapag gusto nating magpahayag sa Ingles. Tulad ng sinabi ng isa kong prof, kapag gusto nating Englishin ang pangungusap na, “Ako ay tapos na,” malimit na maririnig natin ang, “I am finished already,” na kung titingnang mabuti e hindi na kailangang marinig pa ang already. Dahil sa marahil ay nais talaga nating maisalin lahat ng salita sa Filipino sa target na language, hindi sinasadyang sumosobra tayo hanggang sa umabot tayo sa lugar o bagay na sa tingin natin ay tama.

July 7, 2012

Huwa Na Lan Nati Pag-usapa

May nanalo na naman bang hindi deserving? Talaga? Hindi raw ba nagpakatotoo si Myrtle? Ano ba talaga kapag real? Ano ba talaga kapag reality? Ano ba talaga nga ba talaga kapag reality TV show? Totoo ba ang mga tao sa camera? Kapag may nakita ba akong photo sa Facebook, puwede na akong manghusga? Puwede rin naman ata. Feeling ko kasi napatunayan ko na 'to. Nung first year high school pa lang ako sa Masci, may nakita akong malaking lalaking kabatch ko. Inisip ko lang naman, isip-isip ko lang naman talaga na feeling ko talaga at sobrang lakas talaga ng pakiramdam kong bobong kausap tong taong to kapag nakikipag-usap siya. Nang dumaan ang dalawa hanggang tatlong taon, tatak na sa maraming batchmates ko na kapag natawag ka sa ngalan niya o narinig mo ang pangalang ito e tatanga-tanga talaga ang maiisip mo. Hindi ko alam. Ayan na naman yung mga hindi ko alam. Marami naman talaga akong hindi alam. At isa na ito. Itong tamang akala ko. Tsamba? Suwerte? Lotto? O magaling lang talaga ako? Tama ako magmasid? Tama lang ako magmasid. Masaya magmasid sa mga tao. Lalo na kapag alam nilang pinagmamasdan mo sila tapos todo pakipot pa silang akala mo e pinapaparazzi na celebrity. Instant celebrity ika nga. Pero bakit nga ba ako tumama? Paano akong tumama? Ibinase ko lang ba ito sa pagmumukha niyang mukha talagang tanga? Sa ngiti niyang putang inang sarap sampalin ng tsinelas? Hindi lang naman siguro. Bago naman kasi ako manghusga ng tao, pinapakinggan ko muna sila magsalita, o tinitingnan ko muna mga sinusulat nila. Napakalaking advantage kapag pinakikinggan ko sila para sa pag-aassume kung anong klaseng tao sila. Medyo tama si Barney, minsan, 15 minutes ko pa lang naririnig ang isang tao, parang ayaw ko na siyang kasama, parang gusto ko na siyang sampalin. Medyo mahirap naman kapag binabasa ko lang yung sinusulat ng isang tao. Tulad nito, alam niyo na agad na feeling matalino lang ako at mahilig lang ako magpapansin sa internet. Feeling niyo kung anu-ano lang ang sinasabi ko at ang bobo-bobo ko naman talaga. Feeling niyo, wala naman talagang kuwenta mga sinasabi ko, walang laman, trying hard magpakagenius at epal lang. Assuming masyado.

Dineserve mo ba talaga lahat ng meron ka ngayon? Huwag na yang materyal na mga bagay na yan, kahit na alam naman nating wala sila kapag wala ang mga magulang mo. Yang talino mo? Matalino ka na ba talaga agad? Kung sa bagay, may mga mahihirap na matatalino talaga kapag nagpursigi. Sige, nasa sarili na rin yun kapag pagaganahin at determinasyon. So deserve mo nga. E bakit ka pa nagrereklamo sa dami ng gagawin? Bakit bawat oras na lang, kailangan ganito, kailangan dapat ganyan? Hindi ka puwedeng magdikta sa kung anong dapat na mangyayari sa'yo di ba? O bakit ka pa nagrereklamo? Umabot ka ba sa kalagayan mo ngayon dahil lang sa pagpupumilit sa gusto mong mangyari? O sumunod ka na lang sa mga pinabuhat sa'yo pero mura pa rin nang mura? Puwede bang gawin mo na lang?

Dineserve bang manalo ni Myrtle? Bakit? Kapag alam mo bang maraming camerang nakapalibot sa'yo, magpapakatotoo ka pa rin ba? Hindi ko sinasabing iisa lang ang sagot ko sa papansing tanong na iyan. Pero kung ako ang tatanungin, syempre hindi. Unang-una, masaya minsang magpakamisteryoso. Yung ibang tao ka sa iba, ibang tao ka sa iba. Alam nating lahat yan. Kung wika nga ang pag-uusapan, nag-iiba ang ating wika kapag nasa labas na tayo ng tahanan o malayo tayo sa pamilya natin. Madalas nga, malayo pa tayo sa mga lumalapit sa atin, yung unang naging malapit sa atin. Hindi rin madalas malay, mas inaayawan pa natin sila, binebenta pa sa mga taong mas kakaunti ang naibigay, naitulong sa kabuuan ng buhay natin. Naiiwan na naman yung mga nasa bahay. Dineserve mo ba sila? O forever na lang silang magiging mga taong bahay? Nandiyan ka ba ngayon sa kasikatan mo kung wala sila? Pero bakit mas gusto pa rin natin sa labas? Kasi masaya? Walang rules no? Pero babalik at babalik pa rin tayo sa real, sa reality, sa walang camera, sa walang binenta at biniling boto, sa putang inang buhay na wala kang ibang gagawin kundi sundin ang mga sumisigaw.

Isang papansin ka lang, extra sa camera kumbaga. Kaunti bayad, puwede na.

Samtotyudunwanahir



Ang diglossia, ayon kay Ferguson (1959), ay isang uri ng bilingualism sa pagitan ng magkalapit at genetically na magkaugnay na mga wika o mga variety ng wika.[1] Sa madaling salita, ang diglossia ay nangyayari sa isang lugar kung saan mayroong dalawang nakahihigit na wika ang ginagamit. Halimbawa na lamang sa Pilipinas, mayroon pa ring pag-aalinlangan at mayroon pa ring mga debate tungkol sa kung mayroon nga bang diglossia sa ating bansa dahil sa kalituhang dinadala ng kung ang Filipino nga ba at Tagalog ay dalawang magkaibang wika. Hanggang sa ngayon, pinipilit na linawin ng Komisyon sa Wikang Filipino na ang Filipino ay hindi Tagalog, kundi malaking bahagi lamang nito ang ibinase sa Tagalog at ibinase pa rin naman daw ito sa iba pang mga wika sa Pilipinas.[2] Kung ako ang tatanungin, hindi naman talaga malalayo ang Tagalog sa Filipino sapagkat grammar pa lang ng Tagalog at maraming wika sa Tagalog ang ginagamit sa Filipino. Kung sasabihin nating isang malaking salik ng wika ang grammar na ginagamit nito, hindi talaga maitatangging tunog Tagalog talaga ang Filipino. Sa pagiging buhay at dinamiko naman ng wika, sa kanyang pagbuo ng mga bagong salita at panghihiram pa sa ibang mga wika, maaari kong sabihing nanghihiram lang naman talaga ang Tagalog, gamit pa rin ang kanyang sariling grammar, mula sa iba pang mga wika. Kung sasabihin kong nanghihiram ang isang wika sa iba pang mga wika, bilang isang likas na katangian ng iba pang mga wika, bakit pa kailangang ibahin pa ang tawag sa Tagalog at tawagin pa itong Filipino kung Tagalog na Tagalog ang tunog nito sa ating mga pandinig? Pagbabase nga ba ito sa iba pang mga wika ng Pilipinas kung manghihiram lang ng mga salita at iba pang mga termino mula sa iba pang regional languages, ni walang grammar na malayo sa Tagalog ang ginagamit ng nakararami? Sa kabila ng lahat ng ito, nalilito o nag-iiba pa rin ang aking mga isasagot sa kung ano talaga ang aking wikang ginagamit: kung Filipino nga ba, na natutunan ko sa paaralan, o yung kinalakhan kong Tagalog-Cavite, na hindi naman nalalayo sa mga naririnig kong ginagamit ng aking mga guro at propesor na “Filipino.”

Ayon pa sa Keywen.com, ang diglossia ay isang sitwasyon kung saan ang mga dialectal variety ng isang wika ay nagfafunction nang hindi magkapareho.[3] Dinagdagan pa nila ito na katulad pa ng maraming wika sa Timog Asya, ang wikang Bengali ay nagpapakita ng isang matinding kalagayan ng diglossia sa pagitan ng pormal o nakasulat na wika at bernakular o binibigkas/sinasalita na wika. Gaya ng napagkasunduan noong huling discussion naming noon sa Fil 115, na ang bernakular na wika ay ang mother tongue ng isang indibidwal, malilinaw na hindi naman natutunan ng isang tao ang kanyang unang wika (kung nakapagsasalita at nakaririnig man siya) sa pasulat na paraan, ni hindi ito itinuturo sa kanya. Natututunan lamang ng isang tao ang kanyang bernakular na wika o mother tongue sa hindi sapilitang patuloy na pakikinig at paggamit nito. Malamang sa malamang, alam niya agad kung mali ang kanyang napakikinggan sa wikang kanyang kinagisnan, pero hindi niya maipapaliwanag nang mahusay at malinaw kung bakit. Dito na pumapasok ang sinasabi kanina tungkol sa pormal o pasulat na wika. Kung ang paaralan ang may tungkuling ituro na sa mga mag-aaral ang kanilang wikang natututunan at ginagamit sa pang-araw-araw, bakit Filipino ang itinuro nila sa kanila. Okay lang sana kung Tagalog/Filipino ang bernakular na wika ng isang bata pero paano kung hindi? Isa pang magandang punto sa depinisyong ipinahayag sa talatang ito na iba ang wikang pasulat sa wikang pasalita o pagbigkas. Mangyari lang din lamang, ayon sa depinisyon ng register na nag-iiba ang wikang ating ginagamit depende sa sitwasyong ating kinapapalooban: kung tayo man ay nasa loob ng silid-aralan e pormal, at kung kasama ang ating mga kaibigan ay di pormal. Magkaiba talaga. Bakit nga ba, sa kung isang wika lang naman ang ginagamit, e bakas pa rin ang malinaw na pagkakaiba sa wikang ginagamit sa pasulat at pabigkas ng mga tao? Mula rito, maaari kong sabihing nagkakaroon pa rin ng mga variety ang wika, hindi lamang base sa lokasyong heyograpikal, hindi lamang base sa uring kinapapalooban sa lipunan at hindi lamang sa bawat nag-iisang indibidwal, kundi mayroon ding variety ang wika depende sa kung sino ang iyong gustong padalhan ng mensahe. Sa kabila ng kaliwanagang ito, may tanong pa rin akong susubukang sagutin. Bakit magkaiba ang wikang pasulat at wikang pasalita? Laganap na, lalung-lalo dito sa unibersidad ang sinasabing ponolohikal na variety ng wikang Filipino na nagsasabing ‘kung ano ang bigkas ay siya ring baybay.’ Kung pasalita lang naman ang pag-uusapan, hindi naman na talaga kailangan pang magtalo dahil sa nagkakarinigan at nagkakasagutan lang naman ang mga tao sa bawat pakikipagtalastasang kanilang gagawin. Pero kung ipapasulat mo na sa kanila ang kanilang mga sinasabi, lalu na sa wikang Filipino, at kung may susunod pa sa ponolohikal na variety na nabanggit, magkakaroon pa rin ng maraming pagkakaiba mga isusulat na salita. Halimbawa na lamang, maaari kong isulat ang salitang phonology sa wikang Filipino sa dalawang magkaibang paraan: maaari itong maging fonoloji o ponolohiya. Kung talagang ayaw pang manghiram, tulad ng ilang mga puristang Filipino, gagamit pa ako ng isang salitang “malalim” na maaaring katumbas ng nabanggit na salita. Kung susumahin, nagkakaroon pa rin ng mga pagkakaiba sa mga pagkakaiba ng wikang ating ginagamit. Nagkakaroon ng pagkakaiba sapagkat nagbabago ang kalayaan ng isang tao kung hindi niya ramdam sa isang sitwasyon kung kailangan niyang pansining maigi ang wikang kanyang ginagamit.



[1] “Diglossia,” huling binago noong Hulyo 01, 2012,
[2] “Diglossia in the Philippines,” huling binago noong Hunyo 05, 2007,
[3] “Diglossia,” huling binago noong Hulyo 01, 2012,