December 1, 2025

fresh air

sinabi ko na ba dati pa na ang kanyang ganyang estilo ay imposible naman talagang manakaw dahil lamang sa simpleng pangutya na ang bisa lang ng rumaragasang hangin ay dumaan lang at hindi mambulabog? mararamdamang ang ihip ay nakakapanibago nang saglit tapos, naiwan ka na lang nang walang iniiwan. mananatili kang blangko pa rin saka magtutuloy na humanap ng panibagong sasalubungin.

aksaya lamang ito sa oras. may iba pang mga dapat na atupagin. mas mabuti pa nga yatang lumabas at magmasid nang walang akit ngunit tamang timpla lang ng kape at buntot-buntot na buga. kitang-kita siguro ang ngiti ng luntian habang patuloy lang ang hiyaw sa iyong loob na walang ibang maaaring makapansin. aasim na lang bigla ang timpla hanggang sa humudyat na pilit ang iniiwasang sapit. utak mo lang naman ang pilipit.

at wala nang ibang hihigit pa sa iyo kung hindi ang mga binanggit nila tungkol sa 'yo. ang pagtakas ay nakakasawa na rin, hindi mo naman maikakaila. pati ang mga pato ng tadhana ay nagsiatrasan na. bagkus, pinupulot mo pa rin ang lahat ng mga iyo tungong ubusan na ng puwersa. magagalit ka nang magagalit sa iyong sarili, at hinding-hindi sa kanila. ang sisi ay madaling ibato kapag nagkandagulo-gulo na ang bawat bawi at wala nang nakakaalam kung saan nga ba at paano nga ba nag-umpisa ang lahat. hindi mo mauubos ang iyong kape. itatapon mo ang natira sa luntian bago ka pumasok at magsilid.