July 10, 2013

The Colonized's Portrait

Ayon kay Memmi, ang paglalarawan sa kinokonolisa ay ginagawa ng mga kolonisador para sa kanilang adbentahe. Nilinaw niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng halimbawa na pagtingin ng mga kolonisador sa kanilang mga nasasakupan bilang mga tamad. Sa kanilang mga aliping nagtratrabaho nang maayos bilang din namang takot sa kanilang mga kaparusahang matatanggap, sinisikap ng mga tamad na gawin ang mga iniuutos ng kanilang pinuno. Hinding-hindi ito makikita ng mga namamahala sa kanila dahil sanay sila sa pagkukumpara ng paggawa ng mga trabahador ng kanilang lahi kaysa sa pagtratrabahong ipinapakita ng kinokonolisa. Gustung-gusto nilang isinisingit ang mga kakayahan ng kanilang lahi kumpara sa kilos ng kanilang mga alipin. Sa ganitong pagkukumpara, parati nilang ipinaririnig na mas mataas ang kanilang lahi, at hinding-hindi nito mapapantayan ng kung ano pa mang husay ng kanilang nasasakupang ibang lahi. Mula rito, kung susubukang ikumpara sa nangyari sa Pilipinas ang ganitong pagtingin ng mga kolonisador sa mga katutubo, tinawag pa nilang Indio ang mga sinaunang Pilipino. Ang ganitong pagtawag sa kanilang mga kalaban ay nagsisilbing pagtatakda na ng kababaan at kababawan ng kakayahan ng kabuuan ng lahing sinusubukan nilang sakupin. Pinupuntirya na nila ang mga ideolohiya ng mga katutubo tungkol sa kanilang mga sarili upang manghina sila't tanggapin ang mga ipinapagawa sa kanila ng mga Espanyol habang umaasang makapapantay nila ang mga banyaga basta't sumunod sila sa kanila o kaya'y gayahin sila. Nakalilimutan nila ang kahalagahan ng tunay nilang kultura, ang sinaunang napakayamang nakagisnan. Nagiging adbentahe ito sa mga banyaga dahil sa oras na natanggap na ng kanilang mga nasasakupan na mas mababa sila sa kanila at panay katamarang kilos lamang ang parati na lamang nakikita ng namumuno, magkakaroon na ng palusot ang mga kolonisador na babaan ang kani-kanilang mga suweldo at abusuhin pa lalo ang kanilang puwesto, tulad ng binabanggit ni Memmi.

Sinabi rin ni Memmi na ang ganitong mababang pagtingin sa mga kinokonolisa ay hindi lamang sa iisa o maliit na grupo. Ito ay pangkabuuang kolonya. Ito ay pagtatakda ng pangkabuuang pagtingin sa bawat hindi nila kalahi na ibang-iba sila sa kanila at ang mga ito ay pare-pareho lamang. Ayon pa kay Memmi'y hindi sila tinitingnan bilang mga indibidwal na may kanya-kanyang talento o kakayahan. Nakikita sila bilang iisa lamang, magkakahawig, magkakapareho ng mabababang interes sa buhay, makakamukha ng mga kilos. Kung madalas pa'y nag-iimbento pa ang mga kolonisador sa kung ano ang tingin nila sa mga alipin. Halimbawa na lamang sa mga sinaunang Pilipino noon na tiningnan ng mga Espanyol at Amerikano bilang mga hindi sibilisado. Ano ba talaga ang kanilang depinisyon ng sibilisado? Nakapag-aral ng "tamang" edukasyon? May propesyon? May pera? Nagdadamit ng "pormal" gaya ng black suit & tie o kaya nama'y palda? Hindi ba't ang pagtingin sa bawat kultura'y dapat pantay-pantay kagaya ng pagtingin sa lahat ng wika bilang magkakahanay lamang ng antas? Kaya ba sa mga Espanyol ay ipinagkait nila ang kanilang wika sa karamihan ng "mahihirap" na Pilipino? O kaya ang pagturo sa mga Pilipino ng Ingles ng mga Amerikano dahil ang edukasyon daw ang mag-aahon sa kanila mula sa kanilang kahirapan? Sila-sila lamang ang nagpakilala sa atin ng konsepto ng kung sino ang mayaman at kung sino ang mahirap, kung sino ang nasa ibaba at kung sino ang nasa itaas. Ano pa man ang planuhin nila, kinakailangan nilang isaksak sa kokote ng kanilang mga kinikonolisa na mababa sila para kapag tumaas ang tingin nila sa mga kolonisador, hindi lamang nila tatanggaping mahihina ang sarili nila't wala na silang magagawa pa sa kanilang sakit at susubukan na lamang abutin ang antas ng mga banyaga't gayahin silang parati. Hanggang sa kasalukuyan pa rin nama'y makikita ito lalung-lalo na pagdating sa wika. Nagkakaroon ng diglossia o pagkakaroon ng antas sa pagtingin sa mga wika na wala naman dapat. Lahat ng wika ay magkakapantay ngunit sa nangyayari ngayon sa Pilipinas, mukhang hindi. Mayroong pagtingin sa mga nakapag-aaral na marunong silang mag-Ingles na nagsasabing may adbentahe sa buhay. Hindi naman sinasabing maling maging bilingual ang isang Pilipino sa Filipino at Ingles ngunit nagiging edukado at mas mataas ang tingin sa mga marurunong mag-Ingles. Bakit, kapag hindi ba marunong mag-Ingles, hindi na agad matalino? At hindi na lamang ito sa wika nagtatapos. Maraming estudyanteng nakakapagtapos ang nais mag-abroad, lalung-lalo na sa Amerika. Mas gugustuhin pa nilang magamit ang kanilang mga natutunan at kakayahan para sa kanilang sariling kapakanan nang hindi inaalala ang kapakanan ng pinanggalingang bansa. At dahil nga sa mas mataas na patingin sa kultura ng ibang bansa o mas magandang oportunidad, nakalilimutan na kaya ng Pilipino ang tunay na sarili? Nalimutan nga lang ba o piniling huwag na lang pansinin ang sarili? Papansinin na lamang ang iba't doon na lamang tutulong. Babalik at babalik pa rin sa orihinal na sinabi ni Memmi na ang ganitong pagtatanim ng mababang pagtingin sa sarili ay magiging adbentahe sa kapakanan ng mga kolonisador. Ang mga Amerikano pa rin ang makikinabang sa huli ng mga nakakapagtapos na Pilipino.

Nagsimula ang ganitong paghulma sa edukasyon, sa edukasyong hinanap ng mga Pilipino noon na ipinagkait sa kanila ng mga Espanyol. At dahil pa sa nais ng mga Amerikano na maging "handa" ang mga Pilipino, kinailangan daw nating maging maalam sa pagpapatakbo ng sariling bansa. Tinawag pa ang mga Pilipino na hindi marurunong at hindi pa kakayaning tumayo gamit ang sariling mga paa. Hindi na naging malaya ang mga kinikonolisa na isipin kung ano ang nararapat para sa kanila. Para kasi sa mga kolonisador, parating magiging mali ang mga gagawing desisyon ng mga alipin kung hindi naman nila ito iniutos. Hindi kailanman nasunod ang alipin para lamang sa kanyang sariling kagustuhang nakabase sa pansariling desisyon at interes. Lahat ng kanyang ikikilos ay para lamang sa interes ng kanyang pinuno, nang hindi niya man lamang namamalayan. Ang nakikita niya na lamang sa ngayo'y ang kanyang pinunong dapat niyang sundin dahil tanggap niya nang mas mataas ang kaalaman nito sa kanya, na kapag ginawa niya ang gusto ng pinuno, baka sakaling maging maganda na ang pagtingin nito sa kanya't dumating ang araw na makapantay na nito ang banyaga o kaya nama'y magkaroon na ng positibong pananaw tungkol sa kanya ang kolonisador. Pero hinding-hindi ito mangyayari. Dahil ang mataas na pananaw lamang na mananatili sa pagitan ng dalawa'y ang paglalaway ng kinokonolisa sa lahi ng kolonisador. Ang nakikita niya na lamang ay ang kanyang sarili, naglalakad sa itaas ng entablado habang tinatanggap ang diploma at nakikipagkamay, iniisip na makapupunta na siya sa ibang bansa't makapagtratrabaho nang matiwasay. Matapos makapagtapos, Amerika'y nakagapos, Pilipinas, kinakapos.

July 3, 2013

Filipinas ni Xiao

Pangalan: Xiaoyu Castro
Edad: 5 taong gulang
Ina: Reilyn Castro

Ina: "Bigla na lang siyang nag-i-English. Nakuha niya 'yon sa panonood ng cartoons sa TV. Nagsasalita na siya nang diretso simula noong isang taong gulang pa lang siya. Ipinasok siya sa paaralan noong tatlong taong gulang pa lang. Kapag nagustuhan niya ang isang kanta, nakakabisa niya ang chorus ng isang kanta. Naaalala niya agad ang tono ng chorus ng isang kanta at kaya niya na itong ulitin. Wala siyang problema sa pagsabi ng [p] at [f], pati sa [b] at [v]. Sa [s] lang siya merong problema. Tsaka ito (Xiaoyu), isang beses niya lang makita, kapag nagustuhan niya, madali niyang nagagawa. Halimbawa noon, yung sa hula-hoop. Isang beses pa lang naming ipinakita kung papa'nong gagamitin yung laruang hula-hoop, hiniram niya na agad sa akin. Sinubukan niya 'yon agad. Pagkatapos niya magkamali nang ilang beses, maya-maya e mas marami na siyang nagagawang paikot kaysa sa kaya kong gawin."

Obserbasyon: Matagal makabuo ng isang buong pangungusap ang bata. Mahilig siyang gumamit ng mga katagang tsaka at tas (tapos). Mahilig siya sa mga numero at kulay. Marahil ay iyon ang itinuturo sa kanya sa ngayon. Sinubukan niya ring ibahagi sa akin ang kanyang nalalaman tungkol sa mga araw sa isang linggo. Maaaring sinasabi niya sa akin ang mga natututunan niya sa paaralan at ang mga itinuturo na rin sa kanya ng kanyang Mommy.

Sinubukan kong ipabigkas sa kanya ang mga salitang fifty at pipti. Pareho niya silang nabibigkas nang maayos. Ngunit noong pinabigkas ko na ang filipinas, ang nasasabi niya'y filifinas o kaya nama'y pilipinas. Nagtutunog (th) ang kanyang [s], katulad ng luneth (Lunes) at muth-tatha (mustasa). Siguro, kung sa edad niya, maaaring nalilito pa siya kung magkasunod na ganitong mga halimbawang tunog (p-f/f-p) ang kanyang bibigkasin ngunit sa tingin ko'y makukuha niya naman ito nang tama sa kanya pang paglaki dahil kinaya niya namang makilala ang pagkakaiba ng tunog [p] sa [f].


Sumisigaw siya madalas sa bawat dulong linya ng kanyang inaawit na kanta. Mahilig siyang kumanta ng random na mga pantig gamit ang mga tonong kanyang naaalala. Halimbawa, sa tono ng Call Me Maybe ni Carly Rae Jepsen, ang kanyang mga binibigkas na liriko ay, "bar-ber-ber-bai-bai" ngunit kaya niya ring kantahin nang maayos ang chorus ng nabanggit na kanta.


Napansin kong mabilis ding mag-iba ang pinapaksa ng kanyang mga pangungusap na binibigkas. Ganoon siya gumamit ng mga katagang tas kahit na wala namang direktang kaugnayan ang susunod na sasabihin sa nauna. Halimbawa na lamang: (Tinanong ko kasi siya kung kailan ang kanyang kaarawan.) "May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright? Alright? Okay na (Sa tingin ko'y napapansin niyang itinatype ko ang bawat sinasabi niya kaya niya siguro ako hinintay sa bahaging ito. Ngunit matapos ang panandaliang pagtigil, tuluy-tuloy na ang kanyang pagsasalita.) Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos kapag tinuturuan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel). Okay, okay, okay na yan. Ang init!"


Minsan di'y sumasagot siya sa wikang Ingles. Halimbawa na lamang: Kapag tinanong ko siya ng isang oo-o-hindi na tanong, ang isasagot niya lamang ay yeth (yes) o kaya no. Sumisigaw rin siya ng Fire! paminsan-minsan sa kalagitnaan ng pagkanta niya ng random na mga pantig. Sinabi ko ring magbilang naman siya at ang isinagot niya sa akin ay, "No, not again!" Kinuwento rin sa akin ng kanyang Mommy na nagtupi siya ng kanyang mga damit noong araw na iyon. Noong tinanong ko si Xiaoyu kung ilan yung tinupi niyang damit, ang isinagot niya sa akin ay, "Lots some lots some lots some!"


Xiaoyu: "Isusulat ko pangalan ko ah. X. (Itatype ko na sana ang kanyang pangalan.) Hello, tulala ka. Yan. Yan yung pangalan ko. Yan lang yung pangalan ko. May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright, alright, okay na. Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos tinuruan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel.) Okay, okay, okay na yan. Ang init!


Cinolor namin kanina yung white, white cake, pink cake, brown cake, black cake. Bukas na daw yung gift tsaka yung cinolor pa namin yung hilahan pag gusto mong magdala ng toys. Tas umuwi na ako. Tas kumain kami ng chicken. Ha? Sabi mo? Kasi pag sinulat mo, erase-in ko yan e. Fire! Tug-tug-tug da-la-la! Fire! Ra-da-da-da! Ikaw, drawing mo rito yung pangalan mo.


Monday, Tuesday ba? Wednesday, Saturday, Linggo, Luneth (Lunes).


Pag wala akong school, pupunta si Kyle dito tas maglalaro kami ng mermaid tsaka Barbie tsaka adun kami sa kusina naglalaro kami ni Kyle tsaka nagtitinda kami nagtitinda sila Mommy tsaka si Daddy. Tsaka pag ano pag umalis na si Kyle tas bumaba- tas pag-a pag ayaw na ng Mommy ni Kyle tas ayaw niya na pumunta tas maglalaro na kami ng laruan ni Kyle, lutuan.


Gusto ko maglaba paglaki, tsaka mag-dryer. Takot ako sa gagamba na lumilipad. Tsaka ayaw ko niwe-wake up pag tulog ako. Inaantok ako pag tulog pa yung iba pag wala akong pasok e. Nakalimmutan ko pang sabihin yung ano yung pumunta kaming SM tas sumakay kami ng roller coaster, tas tinaas ko yung kamay ko tsaka nagtatablet kami. Okay, okay, okay.


Kaya kong magdrawing ng number 1 tsaka number 7, number 5, number 8, number 3. Tsaka number 4! (Magbilang ka.) No! Not again! (Anong favorite mong palabas?) Ahh, finesferb (Phineas and Ferb) tsaka sabi nung ano. Si Perry, may blue tsaka green. May blue at green. La la la-la-la-la, it's so wrong. 


Ang favorite kong color, pink, orange, sandali, sandali. Pink, purple, blue, green, red, orange, di masyado pink, di masyado blue, tsaka di masyado red, tsaka di masyado black, tsaka ginawa kong princess yung toy ko, tsaka socks to e (Ipinakita niya sa akin ang kanyang laruan.).


(Ano yung tinupi mo kanina?) Lots some lots some lots some damit. Pangarap kong magluto!"