August 11, 2013

Verb and Orthography Inconsistencies

Nakakuha ako ng anim na maaari kong tingnan bilang mga pag-aaral sa grammar, o isa o ilang mga bahagi ng grammar ng isang wika sa Palawan. Sinubukan kong suriin ang mga pag-aaral na ito upang maipakita kung paanong nagsimula at saan pa maaaring tumungo ang mga ganitong saliksik. Isa-isa kong ibibigay ang mga sangguniang ito, babanggitin kung anong taon at kung sino ang may mga akda, at sisikaping mabigyan ng katangahang pagpuna, mapangahas na paglalarawan, pagpapapansing pag-uugnay at pilit-hinikayat na magtanong. Huwag magpapadala sa utos ng hari.

PALAWAN

Tagbanwa

A Linguistic Atlas of the Philippines
compiled by Curtis McFarland (1980)
Study of Languages and Cultures of Asia & Africa
Monograph Series No. 15
Tokyo: TOYO SHUPPAN

Ang probinsiya ng Palawan ay mayroong mga naninirahang in-migrant na Tagalog, Sebuano, Ilokano, Hiligaynon, at iba pa. Mayroon ding mga Kuyonon (isang Kanlurang Bisayang wika) at Kagayanen (isang wikang Manobo).

Ayon kay McFarland, mayroong anim (6) na wikang Palawan: Kalamianon, Agutaynon, Batak, Tagbanwa, Palawenyo, at Molbog.

KALAMIANON
- sinasalita sa mga isla ng Calamian (Busuanga, Coron, Culion)
- Tagbanwa; isang dayalek ng Kalamianon; ang dayalek na ito ay wala umanong kaugnayan sa distinct na wikang Tagbanwa.

AGUTAYNON
- sinasalita sa mga isla ng Agutaya at malawakang ginagamit din sa Hilagang Palawan

BATAK
- sinasalita sa isang area sa hilaga ng Puerto Princesa

TAGBANWA
- sinasalita sa isang area sa palibot ng Aborlan sa Gitnang Palawan

PALAWENYO
- sinasalita sa timog na bahagi ng main island ng Palawan sa mga vicinity ng mga munisipalidad ng Quezon, Brooke's Point, at Batarasa
- mayroong mga significant na pagkakaiba sa pagitan ng Palawenyong ginagamit sa mga silangan at kanlurang coast, at maaari pa nga silang maging magkaiba talaga.

MOLBOG
- sinasalita sa mga timog na munisipalidad ng Balabac at Batarasa

Census Data

KALAMIANON
1970 - 1,645 (Coron at Busuanga)
1975 - not counted pero isinama sa bilang ng Palawenyo; Ang Kalamianon-Tagbanwa naman ay isinama sa Tagbanwa. Ang mga Tagbanwa speaker sa Coron at Linapacan (3,000) ay inihanay raw dapat sa Kalamianon.

AGUTAYNON
1975 - 25,475
~ 7,423 (Palawan: Agutaya, San Vicente, Linapacan)

BATAK
1975 - 1,400 (hilaga ng Puerto Princesa)

TAGBANWA
1975 - 10,251 (TAGBANWA + KALAMIANON-TAGBANWA)
~ 9,270 (Palawan)
~ 3,000 (Aborlan)

PALAWENYO
1970 - Palawenyo
7,525
1975 - Palawenyo
53,019
~ sinasama na rin dito ang Kuyonon
~ 42,122 (Palawan)
~ 7,000 (Brooke's Point, Aborlan, Quezon)
1975 - Pinalawan
29,098
~ 28, 734 (Palawan = Batarasa, Quezon, Brooke's Point)

MOLBOG
1975 - 5,639
~ 4,485 (munisipalidad ng Balabac)
~ 831 (Batarasa)

Relationships

Mga Wika ng Palawan
I. Hilaga
A. Kalamianon
B. Agutaynon
II. Timog
A. Batak
B. Tagbanwa
C. Palawenyo
D. Molbog

Ang mga wika ng Palawan ay nasa ilalim ng Meso-Philippine Group kasama ng Central Philippine Group at ilang mga wikang Mangyan.

Parating mayroong wikang Tagalog sa paghahambing sa mga inihaing table.

Hindi nagbigay ng mga pagsusuri sa mga inilagay na paghahambing ngunit nakatutulong naman kahit papaano ang mga ginamit na mga salita para makapagpakita ng pagkakahawig at pagkakaiba ng mga salita at pangungusap.

Nakatutulong din ang mapang isinama sa pag-aaral upang mas makita ng ibang mananaliksik ang distribusyon kaakibat na rin ang dami ng mga nagsasalita dahil sa isinamang census ng bawat wika at ng kinabibilangan nilang lugar.

Mayroon ding pagtatangka sa karamihan sa mga salita kung papaanong bibigkasin. Halimbawa'y gumamit ng tutuldok upang maipakita ang pagpapahaba sa pagbigkas at ang simbolong 'q' para magpakita ng impit sa mga dulo at umpisa ng isang pantig.

Handbook of Philippine Language Groups
Teodoro A. Llamzon
Ateneo de Manila University Press
Quezon City 1978

Naghain ng iba pang mga kaalaman tungkol sa Tagbanwa ng Aborlan.
 
Halimbawa:
 
A. The Community
- Tagbanwa, Tagbanua, Tagbanuwa
- matatagpuan sa mga isla ng Palawan
- ang Aborlan ay matatagpuan sa gitnang bahagi ng isla ng Palawan
- ngunit kumalat na sila ngayon sa mga lugar na Lamani, Kulangdanum, Apuruan Bobosawan, at Labtay (Napsaan)
- posibleng nanggaling ang salitang Tagbanwa sa (taga + banwa) o mga taong nakatira sa countryside o galing sa inland area.
- tinatawag ding Aborlan ang nasabing wika
- 1970 census ng mga nagsasalita: 8,623
 
B. Economy
- food
- clothing and ornamentation
- handicraft and manufacturing
 
C. Social institutions
- marriage
- religion and beliefs
- literacy
~ Ginagamit pa rin nila ang kanilang sinaunang anyo ng silabikong pagsusulat.
~ Ang syllabary nila ay mayroong labingwalong (18) simbolo.
~ Nagsusulat sila sa bamboo gamit ang isang maliit na patusok na kutsilyo.

Magandang ipinakikita ang mga ganitong bagay tungkol sa pinag-aaralang wika at tagapagsalita dahil mayroon silang mga kaalamang maaaring hindi na maisasalin pa sa ibang wika. May mga kaalaman at tradisyong namamatay kung mamamatay lahat ng nagsasalita ng isang wika. Masasayang lamang ang mga kaalamang iyon na matagal nang naipapasa sa maraming henerasyon dahil nakadikit ang mga ito sa kultura at wika ng mga tao.

Ang pagpapakilala halimbawa ng Chinese jars at Muslim origin ng mga sandata ng Tagbanwa ay maaaring makapagsabi ng mga nakasalamuha nang mga tao ng mga taga-Palawan. Ang kanilang mga ugnayan dati ay hindi lamang makaaapekto sa kanilang mga ginagamit na kasangkapan sa pang-araw-araw na gawain kundi maging sa kanila na ring wika.

Isinama ang mga ginagamit na salita para sa mga miyembro ng pamilya. Ang mga ito ay hinati sa dalawang grupo: Nuclear Family at Extended Family. Mayroon ding mga katawagan para sa mga miyembro ng pamilya ng asawa.

Nagsimula ang pagtalakay sa mismong grammar sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga available na katinig, patinig, at diptonggo na nasa ilalim lahat ng ponolohiya.

Sumunod na sa bahaging ponolohiya ang mga panghalip na nahahati naman sa tatlo: Singular, Dual (1st and 2nd person), at Plural.

Kasunod nito ang bahaging Demonstrative Pronouns na ginagamit sa wika.

Isinama rin ang mga pandiwa na may kasamang paglalahad kung papaanong ginagamit ang mga panlaping ginagamit sa Aborlan Tagbanwa. Ang ginawang table ay nahati sa Focus (Actor, Goal, Location, at Instrument) at sa Mood (Non-finite, Finite: Imperfect, Perfect, Future, at Recent Past at Gerund).

Mayroon ding listahan ng mga terminong ginagamit para sa pagbibilang (Cardinal, Ordibal, at Distributives).

Sa bahaging Particles naman makikita ang mga Case Marker para sa mga Personal at Non-personal Nouns. Nasa ilalim din ng bahaging Particles ang mga linker na ginagamit sa nasabing wika.

Sa dulong bahagi ng pag-aaral'y may mga halimbawang pangungusap para maipakita ang sintaktika at malinaw na makita ang simpleng pagkakasunud-sunod ng mga salita sa loob.

Alfabeto Tagbanwa (Tagbanwa Alphabet)
with some reforms
Norberto Romualdez
Imprenta "CULTURA FILIPINA"
Cabildo, 191, Intramuros
1914

Ayon sa akda, ang Tagbanwa ay isang cognate ng Bisayan, Tagalog, at iba pang wika sa Pilipinas.

Dahil daw sa halos 50% ng populasyon ng mananalita ng wika ang gumagamit ng alpabetong Tagbanwa, sinubukang gumawa ng mga reporma ni Romualdez para mas madali at gawin ang alpabeto na mas mabilis at mas mabisang behikulong magagamit ng mga mas malalayo pang rehiyon ng Palawan.

Nasa wikang Espanyol ang akda.

Ang alpabeto ay mayroong labing-anim (16) na titik na mayroong tatlong (3) patinig at labintatlong (13) katinig. Ang direksyon ng pagsulat ay pahalang pakanan. Ang alpabetong Tagbanwa ay silabiko.

Nireporma ang alpabeto para maisulat ang mga salita mula pa sa ibang dayalekto at wika. At para rin maisama ang ng Bisaya at Tagalog na mga wika, at para sa tunog na ng wikang Espanyol. Pinagcombine din ang ilan sa mga katinig para mairepresent ang mga katinig na tunog na C, Z, F, N at iba pang kombinasyong BL, CL, X, ND, PR, etc. Ginawa ang mga repormang ito para na rin maisulat ang Doctrina Christiana sa nasabing wika upang gamiting mga halimbawa at exercises.

Sumunod nang bahagi ang transcription ng mga titik ng alpabeto. Ang mga tunog ay A, E/I, O, U, KA, GA, GA (NYA), TA, DA, NA, PA, BA, MA, LA, YA, WA, at SA. Ang pagkakasunud-sunod ng pagsulat ay simula transkripsyon ng alpabeto, kasunod ng kung paano itong bibigkasin at panghuli'y salin sa Espanyol.

Nilagyan ng tuldok sa pagsulat ng mga titik I/E at O/U sa itaas na bahagi para paghiwalayin. Mayroong tuldok ang mga titik I at U para maihiwalay mula sa mga walang tuldok na E at O. Kung susulat naman ng mga consonant cluster, pinagdidikit ang dalawang katinig na mga titik na mukhang isinulat na script. Halimbawa, ang mga titik ng BA at LA ay pinagdidikit (walang puwang, mayroong linyang nagkakabit sa dalawa) upang makabuo ng tunog na BLA.

Makikitang nagkaroon ng pagdaragdag sa mga titik ng alpabetong taal. Dahil nga sa kinailangang aralin ng mga prayle ang mga wika ng katutubo, kung mayroon mang alpabeto o ortograpiya silang ginagamit, mayroong dito nagsimula. Hindi lamang inaral sapagkat makukulangan sila sa pagtuturo kung iyon lamang ang gagamitin kaya't nadagdagan ang mga naunang ponolohiya ng Tagbanwa.

Mapapansing mula sa akda ni Llamzon, nasa labingwalo (18) na ang simbolong ginagamit pansulat ng mga nagsasalita ng Tagbanwa. Sa mga unang pag-aaral naman ni Romualdez, labing-anim (16) naman ang bilang ng ortograpiya ng Tagbanwa. Iyon kaya ay dahil sa pagiging lima ng mga patinig na nagsimula sa tatlo?

Sa paglipas ng panahon, hindi naman ipinagwalang-bahala ng mga nagsasalita ng Tagbanwa ang itinuro sa kanila ng mga prayle. Ang mga pagbabago sa kanilang wika, maliban pa sa mga salitang banyagang hiniram ay maaaring nag-ugat pa sa kanilang paraan ng pagsusulat. Mula sa maliliit na pagbabago, pagdaragdag ng mga tuldok at pagpapakilala ng dikit-dikit na pagsulat, nagbabago rin ang kanilang paggamit sa wika at lalo pang nadagdagan ang kanilang bokabularyo.

Magbasa Tami It Tagbanwa (Let's Read Tagbanwa)
An Alphabet Revision Book in Tagbanwa of Palawan, Philippines
Summer Institute of Linguistics Philippines, INC.
1977
Peter and Christine Green

Ayon sa Paunang Salita na isinulat ni Juan L. Manuel (secretary), mahalaga ang pedagohikal na pagkatuto ng wika ng isang mag-aaral. Kung matututunan ng isang bata na basahin ang isang wikang kanyang pinakanauunawaan, magkakaroon siya ng confidence na matutunan pa ang pambansang wika.

Ang aklat ng alpabeto ay dinisenyo para raw matulungan ang mga mananalita ng Tagbanwa, na naturuan nang pansamantala ng Pilipino, ngunit wala pang sapat na kasanayan sa pagbabasa.

Ang mga titik sa Tagbanwa at Pilipino ay halos pareho lamang daw ngunit ang 'e' sa Tagbanwa ay pareho ng pagbigkas sa Ingles ng salitang 'the'. Ang mga impit naman ay ginagamitan ng kudlit.

Nagsisimula ang pagtuturo sa pagkakasulat ng malaki at maliit na titik. Halimbawa:

Aa

Mayroong nakaguhit na larawan ng isang bagay na nagsisimula sa titik na iyon. Kasunod nito ang isang halimbawang payak na pangungusap gamit ang salita o terminong ginagamit para sa larawang nakaguhit, na nagsisimula sa titik na itinuturo. Kasunod na itinuturo ay kung paanong sinusulat ang mga titik at sa huling bahagi'y iba pang mga halimbawa ng mga salitang nagsisimula sa itinatanghal na titik.

Mayroong nakaguhit na larawan ng isang bagay na nagsisimula sa titik na iyon. Kasunod nito ang isang halimbawang payak na pangungusap gamit ang salita o terminong ginagamit para sa larawang nakaguhit, na nagsisimula sa titik na itinuturo. Kasunod na itinuturo kung paanong sinusulat ang mga titik at sa huling bahagi'y iba pang halimbawa ng mga salitang nagsisimula sa itinatanghal na titik.

Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik ay, A, B, K, D, E, G, I, L, M, N, Ng, P, R, S, T, U, W, at Y. Matapos ang pagtuturo sa bahaging Y ay tinalakay naman ang mga halimbawa sa kung paanong binibigkas sa mga salita ng Tagbanwa ang impit.

Sumunod na bahagi ay ang Glossary na mayroong tatlong column: Tagbanwa, Pilipino at English.

Mayrooong labingwalong (18) titik na ginamit sa aklat. Mali ang suspetiya kanina dahil walang titik O mula sa mga ito. Pinaghiwalay lamang ang E at I at naidagdag ang R dahil wala namang 'Ra' sa silabikong alpabeto ng Tagbanwa.

Sa pagbabanggit pa lamang na halos pareho lamang ang mga titik ng Tagbanwa at Pilipino ay nakapagtataka na. Nabanggit na kanina na mayroong sariling pagsulat o ortograpiya ang mga Tagbanwa. Ang Pilipinong ito, na alam nating nakabase sa Tagalog, kung itinuturo nga naman sa paaralan ay gumagamit ng alpabeto Romano.

Ngunit maaari ring na ibig sabihin ng aklat ay ang Ponolohiya, kung saan tinatalakay ang mga tunog ng patinig at katinig na magagamit sa dalawang wika ay halos magkakahawig nga naman.

Naunang nailimbag ang aklat na ito kaysa sa ginawang pag-aaral ni Llamzon. Hindi nalalaman ng mga gumawa ng aklat ang kahalagahan ng taal na ortograpiya ng mananalita ng Tagbanwa o hindi lang sinlalim ng pananaliksik ni Llamzon ang kanilang ginawa.

Maaari ring makita itong dahilan ng pagiging endangered ng wikang Tagbanwa.

Central Tagbanwa:
A Philippine Language on the Brink of Extinction
Robert A. Scebold
Summer Institute of Linguistics
Linguistic Society of the Philippines
Manila
2003

Nagsimula ang aklat sa kaligirang pangkasaysayan at dinamikong sosyolingguwistika ng Palawan. Mayroon daw ebidensiya na nagkakaroon ng Language Shift sa nagdaang limampu (50) hanggang animnapung (60) taon. Mula raw sa walong daan (800) hanggang isanlibong (1,000) bilang ng mga nakatira sa Gitnang Palawan, dalawang daan (200) lamang mula sa mga ito ang may inang wikang Tagbanwa. Karamihan pa sa mga ito ay matatanda. Karamihan na raw sa populasyon ng mga mas nakababata ay nagsasalita na ng Cuyunon o Tagalog bilang inang wika. Ngunit mayroon pa rin namang mga gumagamit ng Tagbanwa bilang kanilang pangalawang wika.

Sa bahaging gramatikal naman, una at nakahiwalay ang phonology sa grammar. Isang buong kabanata ang isinulat na pagtalakay sa phonology. Nasa ilalim ng phonology ang Syllable and Word Structure. Karamihan daw sa mga salita (ugat) ng Tagbanwa ay mayroong dalawa (2) hanggang tatlong (3) pantig. Tinalakay rin ang:

A. Stress

B. Ambivalent Segments

1. High Front and High Back Vocoids
2. Lengthened Vocoids
(Ang vocoid ay pantig na tunog sa pagitan ng isang katinig at isang patinig.)
3. Affricate
4. Aspiration
5. Glottal Stop
C. Phonemes

1. Stop
2. Glottal Stop
3. Fricatives
4. Nasals
5. Flap
6. Glides
7. Vowels

Ayon naman sa aklat na ito, ang Gitnang Tagbanwa ay mayroong apat na patinig:
1. i
2. i
3. u
4. a

D. Morphophonemics
1. Consonant Weakening
Halimbawa nito ay and /d/ na pinalilibutan ng mga patinig ay humihina mula sa pagiging stop patungo sa pagiging flap.
2. Nasal Assimilation
aN - an, am, aN
3. Nasal Assimilation with Consonant Deletion
Kung voiceless stop o fricative ang unang katinig ng isang salitang ugat, ito ay nawawala na sa pagbigkas.
4. Vowel Harmony
Halimbawa:
/pa/ + /tabas/ => /patabas/
/pug/ + /tabas/ => /pugpatabas/ => /pugputabas/

E. Coexistent Phonological Features Carried by Spanish Loan Words
Nilinaw ni Scebold na ang Tagbanwa ay isang Austronesian na wika pa rin ngunit sa loob ng isandaang taon at higit pa, naisama na sa lexicon ng wika ang mga salita ng Espanyol.

Magandang ihiniwalay pa rin ni Scebold ang mga taal na bahagi ng grammar ng Tagbanwa para maipakita kung anong mga katangian mayroon ang wika nang hindi pa naiimpluwensiyahan ng banyagang wika. Kung sinasabi niya na ngang endangered na sa mga panahong ito ang Central Tagbanwa, maganda na ring maisulat niya ang grammar ng wika para manatili o hindi masayang ang kung ano pang mga kaalaman ng wika at ng kanyang kultura ang maaaring makita pa na wala sa iba.

1. Syllable Patterns
Naidagdag ang CCV.

2. Coexistent Contrasts
Kung allophones ang [o] at [u], magkahiwalay ang mga ito sa mga hiram na salita sa Espanyol.

3. Coexistent Phoneme

F. Orthography
P, T, CH, (hiram na salita), K/C, B, D, G, V, S, H, M, N, NG, L, R, W, Y, '/- (impit), I, I, E, U/O, A.

Sa bahaging ito naman, mapapansing iba na naman ang ortograpiya ngunit kung iisipin, maaaring ang Central Tagbanwa ayisang dayalek ng Tagbanwa. Nakapagtataka lamang na idinagdag ang impit na nasa simbolong ' o - na hindi naman inirerepresenta sa sinaunang ortograpiya ng Tagbanwa. Bahagi kaya ito ng dahil sa impluwensiya ng Espanyol, kinailangan pang maisulat ang simbolo para sa impit na matagal nang nasa ponolohiya ng Tagbanwa ngunit hindi tinitingnang di hiwalay sa mga simbolong kinikilala? O ginamit lamang ito bilang gabay ng mga prayle para sa pag-aaral ng wika kung kaya't kinailangan nila ng marka para sa impit dahil hindi naman natural sa Tagbanwa ang paggamit pa ng simbolo para rito?

Sumunod na kabanata ang Grammar:
A. Morphology
1. Affixation (Derivational and Inflectional)
a. Prefix
b. Suffix
c. Infix
d. Reduplication
e. Combination

B. Lexical Categories
1. Nominal
a. agent, object, goal
b. Noun Marking Particles
c. Common and Derived Nouns
d. Personal Pronouns
e. Demonstrative Pronouns
2. Modifiers

Noun Phrase
1. Possessive
2. Demonstrative
3. Descriptive
4. Appositional
5. Embedded
Predications
1. Non-verbal Clauses
2. Existence and Possession
3. Verbal Clauses
4. Quotation
Negation
Semantic Relations
1. Conjunction/Addition
2. Disjunction/Alternation
3. Contrast
4. Temporal Relations
a. Sequence
b. Simultaneity
c. Co-occurrence
d. Span-Included
e. Beginning-Postspan
f. Prespan-End
5. Result-Reason
6. Mean-Purpose
7. Condition Consequence
8. Concession-Contraexpectation
9. Comparison
10. Verbal Simile ('midyo')
11. Verbal Comparison ('kisa')

Verbs

1. Basic Verbal Inflection
a. inflection for temporal aspect
b. focus (agent and non-agent: basic categories of focus)

2. Other Aspectual Inflections
a. Abilitative (physical ability to do the verb)
b. Potentiality (something that may happen)
c. Generality (general action affecting general groups)
d. Opportunity (unexpected opportunity)
e. Involuntary
f. Collective (done in a whole group)
g. Continuous

3. Other Verbal Aspects Moods
a. Imperative (instruction)
b. Recently Completed
c. Immediate Future
d. Customary or Habitual
e. Continuous or Repetitive
f. Inceptive ('impisa' or 'to begin')
g. Optative (something should happen; 'dapat')
h. Causative Voice (prefix pa-)

Sumunod na bahagi pagkatapos ng kabanatang Grammar ay A Brief Lexicon. Hinati sa dalawang bahagi ang kabanata: Central Tagbanwa-English Dictionary at English-Central Tagbanwa Index. Mayroon nang mga salita mula sa wikang Espanyol. Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik ay A, B, D, E, I, G, H, I, K, L, M, N, O, P, R, S, T, U, V, W, Y.

Kung babalikan ang ginawang aklat nina Peter at Christine Green, walang titik O sa kanilang listahan.

Natanggal din mula sa kanilang listahan ang Ng dahil ang mga salitang (nasa A Brief Lexicon) nagsisimula sa Ng ay nasa ilalim na ng mga salitang nagsisimula sa N. Ngunit ang mga salitang ito ay kasunod lamang ng mga salitang nagsisimula sa pantig No- at huling bahagi na ng listahan ng N. Kung titingnang mabuti ang pagkakasunud-sunod ng mga titik, nauuna ang G kaysa sa O. Maaaring malay itong paghiwalay ng Ng mula sa iba pang mga tunog kahit na nakalagay pa ito sa ilalim ng N.

Role Combinations and Verb Stem Classes in Kalamian Tagbanwa
Edward Ruch
Pacific Linguistics Series A - No. 41
Papers in Linguistics No. 5
Department of Linguistics
Research School of Pacific Studies
The Australian National University
1974

Ayon sa akda, maraming beses nang sinubukang iclassify ng linguists ang mga verb stem ng mga wika sa Pilipinas. Ang mga naunang pag-aaral ay sina:
a. Woolf - affixation potential (1970)
b. Ballard - affix meaning (1973)
c. Redi - clause structure (1966)
d. Forster and Barnard; Chandler - participant roles encoded by non-predicate tagmemes (1968; 1974)

Pero wala sa mga nabanggit sa itaas ang naging satisfactory para maging generative classification ayon kay Ruch (1974).

Sinubukang gamitin ni Ruch ang lahat ng mga nabanggit niyang halimbawa ng pagkaclassify sa wikang Kalamian Tagbanwa.

Sa unang classification, na ayon sa affixation potential, mayroon siyang labing-isang (11) klase:
Class A1: ag-, aN-, -um-, -en, -an, i-
Class A2: ag-, aN-, -um-, -an, i-
(Ang N sa aN- ay isang morpoponemang umaayon sa kasunod nitong katinig na tunog.
Halimbawa: p at b > m; t at s > n, etc.)
Class B1: ag-, aN-, -en, -an, i-
Class B2: ag-, aN-, an-, i-
Class C1: ag-, -um-, -en, -an, i-
Class C2: ag-, -um-, -an, i-
Class D1: aN-, -um-, -en, -an, i-
Class D2: aN-, -um-, -an, i-
Class E: ag-, en-, -an, i-
Class F1: aN-, -en, -an, i-
Class F2: ag-, -an, i-

A. subject focus: ag-, -aN-, -um-
B. object focus: -en
C. referent focus: -an
D. accessory focus: i-

Sunod niyang isinulat base naman sa participant roles. Para naman daw sa bahaging ito, ang mga panlaping -en, -an, at i- lamang ang isinama sa classification. Ang mga role ay:
1. Agent
2. Patient
3. Goal-Patient
4. Location
5. Goal
6. Source
7. Goal-Source
8. Beneficiary
9. Instrument
10. Quantity (measurement)
11. Concomitant (entity that accompanies agent during the action but in an inert manner)
12. Agent-Source
13. Possessor
14. Stimulus-Reason (motivation)
15. Time (moment the action is carried out)

Ang mga verb stem ay maaaring mag-occur sa mas marami pa sa isang role combination. At dahil nga sa maaaring matagpuan sa iba-ibang role combinations ang isang verb stem, umabot sa labinlimang (15) class ang naitala sa akda para sa mga pandiwa ng Kalamian Tagbanwa para sa awtor.

Isa pang pagtatangka sa pagsasakategorya ng mga pandiwa ng Kalamian Tagbanwa ay ayon sa kahulugan ng mga panlapi. Halimbawa: Ang unlaping i- ay nagsisignal na ang agent ay lumalayo mula sa kanyang orihinal na posisyon para magawa ang aksyon. Isa pa ay ang mga unlaping ag- at paN- ay nagsisignal naman ng intense distribution ng action na maaaring sa maraming patient o maraming goal.

Naglaan ang awtor ng metodolohiya kung paano siyang umabot sa kanyang mga nagawang pagkaclassify. Ayon sa kanyang kongklusyon, ang pagkaclassify ng mga pandiwa ayon sa affix potential ang pinakamadali at pinakamabilis. Pero kahit na mahirap at matagal gawin ang pag-aassign ng role combinations, mas marami pa raw itong maipakikita tungkol sa papaanong puspusang nagagamit ang mga pandiwa.

Kung tutuusin, hindi naman sigurong dapat minamadali ang paggawa ng grammar o kahit anong bahagi man nito kung marami pa naman ang mananalita. Kung mas puspusan ang gagawing pagsasakategorya'y maaaring makabuo ng mas detalyadong klasipikasyon ng mga pandiwa. Ngunit sa sobrang dami kasi ng maaaring posibilidad sa mga pandiwa ng Tagbanwa, talagang mahihirapan at matatagalan ang pagbuo ng mga klasipikasyon.

Mapapansing lubhang napakarami ng nagawang klase kung gagamitin niya lamang ang affixation potential ng bawat pandiwa. Ang pagkakahati ng isang klase, halimbawa ng A na mayroong A1 at A2, nawawala lamang ang -en sa listahan kaya't nabubuo ang ikalawa. Ang hulaping -en ang naging basehan ng pagkakahati ng isang kategorya. Mayroon ding pagtatangka, sa ilalim ng affixation potential, na nakabase sa focus ng pandiwa na ang -en ay para sa object focus. Nangyari ito marahil sa tatlong panlaping ag-, an-, at i- ay kadalasang pupuwede sa isang salitang ugat pa lang. Gayundin ang -um- at -an ngunit hindi ganoon kadalas. Ang hulaping -en ang hindi ganoong kadalas na ginagamit.

Kung babalikan ang pagsasakategoryang ginawa ni Scebold (2003), mayroon pa ring nakabatay sa mga panlapi. At ang kanyang ginawa ay hindi na nakabase sa dalas ng paglitaw ng panlapi sa paggamit sa wika ngunit nakabase na sa aspetong paggagamitan ng pandiwa. Nadagdagan din ng iba pang pagtingin sapagkat pinansin ni Scebold ang mga katagang 'dapat' at 'impisa' na kasama ring ginagamit sa mga pandiwa. Hindi na nadidikit lamang sa salitang-ugat - panlapi na pag-aaral ang pagsasakategorya ng mga pandiwa.

Final Notes
M
2013

Ang ortograpiya ng wikang Tagbanwa ay pinadaan sa maraming pagbabago. Mayroon pang nagtangkang tanggalin na talaga ito para lamang maipakilala nang husto ang wikang pambansa. Oo nga't mas madaling kilalanin ang wikang pambansa kung lilipat sa alpabeto Romano ngunit sayang ang yaman ng mga sinaunang mananalita ng Tagbanwa. Mabuti na lamang at mayroong mga mananaliksik na piniling panatilihin ang ortograpiyang ito.

Ang pagsasakategorya ng mga pandiwa ay isang malaking hangarin dahil mahalagang makita at masinsinang mabuong muli ang detalyadong bahagi ng mga pandiwa hanggang sa pinakamaliit na detalye. Ang ganitong pag-aaral ay maaaring magbukas sa ilan pang mga tanong at posibilidad na hindi pa napagtatanto ng mga katutubong mananalita ng Tagbanwa. Ito ay maaaring maging malaking tulong para sa pagpapaunlad pa lalo ng kanilang wika.

Dahil nga sa paglunsad ng ibang wika sa malalaking bahagi ng Palawan, nakatutuwang mayroong mga pag-aaral na ginawa tungkol sa balarila ng Tagbanwa, isa sa mga wika nito, para hindi tuluyang mawala at maging bahagi na lamang ng kasaysayang punung-puno ng pagbabago at pagbubura.

No comments: