October 8, 2013

Rizal Z

Hindi na magiging mahaba ang pangalan niya. Sana maging mainstream pa rin siya.

Si Rizal, noong nagsisimula pa lamang matuto sa kanyang mga magulang ay natuto nang maging malapit sa Diyos Kristiyanismo at intelektwal dahil sa kahiligan sa pagbabasa. Kung mabubuhay si Rizal, kung magiging kaedad ako ni Rizal noong bata pa lamang ako, kung saan hindi pa ganoon katindi ang pagiging uso ng social media sa internet, lalung-lalo na sa Pilipinas, maaaring maging palabasa pa rin siya at relihiyoso dahil sa kahit naman na nagpatalo na ang mga Espanyol at umalis na ng Pilipinas ay nanatili pa rin ang relihiyong Kristiyanismo. Hindi ito nawala kaya naman ang puntong relihiyong nakuha ni Rizal sa kanyang mga magulang ay hinding-hindi mawawala.  Ang pagiging relihiyoso ni Rizal ay isang malaking bagay pa rin kung tutuusin sapagkat ito ang malaking sumasakop sa kung paanong tinitingnan ng mga Pilipino ang buhay nila. Dahil sa napatunayan mula sa mga binasang kabanata sa buhay ni Rizal sa klase, ang pagiging palatanong tungkol sa “mahihirap” na bagay ni Rizal ang naglunsad din sa kanya upang kuwestiyunin hanggang sa talikuran niya na rin mismo ang “Kristiyanismo” na ipinakilala sa kanya ng kanyang magulang. Hindi ba’t alam niyang ang relihiyon ay hindi isang masamang bagay, na mabait ang Diyos at matulungin pero ang kinalakhan niyang panahong habang nakasasalamuha ang mga prayle, sa ilalim ng kolonyalismo ay hindi naging maganda sa kanyang paningin. Doon lamang siya nagkaroon ng pananaw kung bakit ang relihiyon ang isa sa mga bagay na akala ng mga tao’y nagbibigay-linaw ngunit sa huli’y binubulag na pala ang karamihan sa mga Pilipino. Oo nga’t walang mga prayle ngayon at halatang nandaraya sa mga Pilipinong hindi naman madre, padre, o taong-loob ng simbahan ngunit nagkakatotoo pa rin ang sinasabi ni Rizal na ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit tamad ang mga Pilipino’y ang relihiyon. Kung babalikan ang unang mga pahayag, bakit iniaasa na lamang ng mga Pilipino, na ang kanilang tadhana, ay nasa kamay nga naman ng isang Makapangyarihan? Totoo naman ito, sa usaping mayroon naman talaga, bilang gobyerno, o iba pang kumokontrol sa gobyerno, na mayroong Makapangyarihan sa lipunan. Pero paano ang relihiyon bilang makapangyarihang ‘di halata sa mga Pilipino? Makikita pa rin kaya ito ni Rizal sa hindi na ganoon kalapastangan ng mga pari dahil wala nang mga prayleng kolonisador sa ngayon? Kung magpapatuloy ang pagiging intelektwal, palamasid, palaisip at palatanong ni Rizal, sa usaping relihiyon, maaaring maikintal pa rin sa diwa niyang kuwestiyunin ang Kristiyanismo. Bakit? Sa panahon ngayon, mayroon nang Ateismo. Maaaring masagi ang kanyang isipan kung bakit may mga taong walang relihiyon kaya siya magiging palatanong sa isyu, at sa mga tao na ring kasangkot dito. Magbabago at magbabago pa rin talaga ang pananaw ni Rizal sa relihiyon kahit na sa panahon ko siya mabuhay.
       
   Kung sasapitin ng paglaki at wala nang papatay sa kanya kahit na ano pang relihiyon o pagtalikod ang gawin niya, maaari nang ipagpatuloy ni Rizal ang pagiging Ateista kung sa ganoon lang din siya makapagbubukas ng diwa’t magiging mapagpalaya sa mga ideya. Mas maaga siyang makapag-iisip ng mas magagandang mga bagay, dahil hindi na lamang naikakahon sa dami ng mga pagbabawal ng relihiyon. Maipagpapatuloy niya ang pagiging liberal at mag-aaral pa rin sa Ateneo’t lalo pang magiging mausisa sa mga bagay-bagay, dahil hindi nagtatapos ang kagustuhan niyang matuto nang matuto. Magpapatuloy pa rin ang pagiging mahilig niya sa panitikan, kahit na lunsad ang internet sa ngayon, dahil si Rizal, unang-una, bilang din namang palamasid, magiging palatanong mula sa pagmamasid, maghahanap at maghahanap siya ng kasagutan sa mga aklat. Kung gusto pa ring labanan ang ganitong ideya na hindi mag-iinternet si Rizal, at sabihin na nating mas mabilis sa Google at maiisip naman ni Rizal iyon, pupuwede pa rin. Kung intelektwal din naman si Rizal at uhaw sa kaalaman ay hinding-hindi siya mailalayo sa mga intelektwal ding websites. Manonood siya ng video sa internet, mga palabas sa TV, mga pelikula ng Pilipinas, pelikula ng ibang bansa’t magiging kritiko ng mga ito, kung paanong nakapagpapahalaga at ambag sa lipunan, at maaari rin siyang maging direktor ng kanyang sariling pelikula kung magiging kabisado niya ang pagkritik sa mga ito’t kung paano sila nililikha! Ang pagiging malapit ni Rizal sa paglalahad o paghahayag ng mensahe sa makasining na pamamaraan, sa tingin ko, ay hinding-hindi mawawala sa kanya.
        
  Siyempre, hindi diyan nagtatapos ang pagkalap at pagkalat ng kaalaman ni Rizal, mangyayari rin ang sinasabi sa mga kabanata sa buhay niya na mangingibang bansa siya para pa rin sa kapangyarihang intelektwal. Sa Europa pa rin ang diretso niya dahil sa usaping pangkasaysayan, hindi naman magbabago kung saan nagbukal ang magagandang pilosopiyang kumalat sa maraming parte ng mundo’t umabot kay Rizal. Habang kinikritiko (pa rin) ang dahilan sa likod ng malalaking kaibahan ng mga airport ng Pilipinas kaysa sa mga airport ng ibang bansa, siya ay magtutweet o post pa rin sa Facebook tungkol sa kanyang mga napupuntahan. Oo’t marami ngang ganito sa ngayon pero nais kong ibahin pa rin sa atin si Rizal. Ang pagiging malaki ng ulo ni Rizal ay hindi pa rin mawawala sa kanya’t ipagpapatuloy pa rin niya ang pagdodokumento ng kanyang mga nagagawa sa buhay kung kaya’t magiging mas malinaw para sa mga susunod nang henerasyon ang kanyang sinusubukang gawing kadakilaan. Alam pa rin niyang magiging tanyag siya balang araw kaya imbis na magsulat siya gamit ang pluma sa kanyang diary ay mamakinilyahin niya na sa kanyang laptop, mismo sa kanyang blog ang mga pangyayari sa kanyang paglalakbay para sa kaalaman. Ngunit, hindi pa siya sikat sa mga ganitong panahon, kasi nga, tipikal pa lamang ang ganitong dating ngunit malayo pa rin sa karamihan dahil pagiging maalam pa rin ang habol ni Rizal. Huwag pa ring iiwan ang imaheng artista siya’t ang pagiging masining at mapaglahad din ng kanyang mga bagong ideya o malalim na pagkritiko’y hindi mailalayo sa kanyang pagkatao. Alalahaning ang mga bumuo sa kanya bilang Rizal noon, ang panitikan at ang sining, ang siya pa ring mga bagay na bubuo sa kanya ngayon.
      
    Sa ibang bansa lang kaya magpupunta si Rizal? Kung ating babalikan ang tunay na Rizal sa panahon niya, kinailangan niya pa talagang mangibang bansa para lamang matuto sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa ginawang pagsasara ng kurtina ng mga prayle. Kung ngayon ay lantad na ang It’s More Fun in the Philippines campaign ng DOT, kung marami na rin lamang nakasulat tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas sa iba’t ibang mga silid-aklatan, hindi na rin malayong Pilipinas muna ang libutin ni Rizal bago niya libutin ang mundo. Kung mayroong nakaisip, tulad ni William Henry Scott na maraming hindi pa nalalaman ang karamihan sa mga Pilipino tungkol sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas, hindi malabong maisip din ito ni Rizal, sa dami ba naman ng kanyang mababasa tungkol dito kumpara sa panahon niyang sobrang katiting. Sa dinami-daming kanyang maaaring mabasa tungkol sa Pilipinas, nanaisin niya ring puntahan ang mga lugar na kasangkot katulad ng ginawa niya sa mga Europeong bansa. Kahit na ang isa sa mga layunin niya’y makapag-aral at matuto sa kasaysayan ng Pilipinas, magiging uhaw pa rin siya sa kaalaman. Hindi niya rin kailangan pa, kung tutuusing maging surgeon ng mata dahil maaari naman nang ipagamot ang kanyang ina sa ganitong mga panahon. Naipaliwanag na rin dating may-kaya ang kanyang pamilya, lalo na ng kanyang kuyang nagpaaral sa kanya.
        
  Siya ang isa sa mga makapagtatanggal ng lente at makahahalata na hindi siya ang may hawak sa salamin, sa kulturang sinasabing sumasalamin sa pagkatao. Bilang opthalmologist ng pangmamatang kultural, mahahalata niyang mayroong naghahawak sa salamin ng kulturang Pilipino at hindi ang Pilipino mismo ang nagsabit nito sa kanyang dingding. Isa si Rizal sa mga sisilip sa likod nito’t uunawain kung ano ang dahilan ng pagiging ganitong kasaklap na kinahinatnatnan ng kultura ng Pilipinas. Sa pagiging maalam niya sa panitikan, hindi malayong sumulat na naman siya ng nobelang kultural at sosyal. Sa aspetong pangkultural na pagmamasid, kung kinuwestiyon na niya dati pa at ‘di malabong maging Ateista siya sa mga panahong naggagalugad sa Pilipinas at mundo, ‘di rin malabong magtanong ang Atenista tungkol sa kanyang sariling kultura. Ang mga pananaw tungkol sa kasaysayan at kultura’y magkadikit kung kaya’t maaari niyang talakayin ang mga bagay-kultural na nakaaapekto sa mga Pilipino, sa kanilang mga pamumuhay at paghahanap ng dahilan sa pagiging mahirap ng Pilipinas. Babalik at babalik sa pagtingin sa may hawak ng salamin.
        
  Sa patuloy na pag-agaw sa may hawak ng salami’y papasok na rin sa usaping panlipunan. Bilang pagpapatuloy at pagpapatibay sa pagkataong Pilipino, dahil na rin sa naising itaguyod ang sarili, ang sariling kultura, ang paghahanap ng problema sa Pilipinas, partikular sa lipunan ay sasagi sa intelektwal na katulad ni Rizal. Kukuwestiyunin ang pagkakaroon ng mahihirap kahit na napakakatolisado ng Pilipinas. Kukuwestiyunin ang pinapakita ng media kumpara sa kanyang mga nakikita. Kukuwestiyunin ang habol ng ibang bansa sa Pilipinas. Kukuwestiyunin ang mga kasinungalingang hindi nakasulat pati ang mga katotohanang hindi nakasulat. Kukuwestiyunin ang mga nakuwestiyon na. Ang ganitong pag-iisip ni Rizal ay mas lalaong maipayayabong kahit na hindi na siya umalis ng Pilipinas. Laganap na ang pagsasalin at internet kung kaya’t mabilis kumalat ang mga isyu, ang mga balita tungkol sa lipunan ngayon. Mas mapadadali ang pagkalat ng kanyang nobela (o pelikula!) sa panahon ngayon. Mas maraming makaaapekto’t magiging mga kritiko na rin. Sa ganitong usapin, maaaring maging malabo na ang maaaring maging pagsikat, bilang pagsasabi na rin ng katotohanan sa bahaging ang pagsulat ng “Rizal Ngayon” ay mahirap dahil hindi rin talaga masasabi. Sinisikap lamang ng manunulat na dalhin ang mga umaangat na katangian ni Rizal na nagdala sa kanya sa kanyang katanyagan sa panahon niya noon na maraming nakaapekto sa mga artista’t kritiko ngayon. Hindi lang naman si Rizal ang maaaring makaimpluwensiya sa mga manunulat ngayon. Hypothetically nating tanggalin si Rizal sa kanyang panahon, sinong bayani kaya ang maaaring makaimpluwensiyang mag-isip-panlipunan sa ngayon? Maaaring si Bonifacio pero kay Rizal natuto si Boni. Sino pa? Maaaring iba pang manunulat na nakaimpluwensiya kay Rizal. Maaaring si Marx o iba pang mga teyorista. Sa ganitong maraming kalaban na sa panitikan at pagiging matinik na ng pagtanggap ng mga hurado’t pagiging popular ng mga target na mambabasa, magiging mahirap nang sumikat si Rizal dahil nga’t marami pa ring tamad at bulag na Pilipino. Mahirap din namang magpakamainstream at pasukin ni Rizal ang larangan ng pagpapatawa para lamang mapansin dahil naniniwala akong isang napakaseryoso niyang tao. Maaaring maging sikat na lamang siya sa akademya ngunit mahihirapan na siyang pumasok sa popular na panitikan. Hindi rin niya  mapapasok ang mga genre ng pagpapatawa, o horror na patok sa mga Pilipino. Kung drama lang din lamang ang pag-uusapan, si Direk Rizal ay maaari. Kung hahanapan lang din natin siya ng butas sa katanyagan, hindi kaya niya subukang magsulat ng pelikulang tungkol sa pag-ibig ngunit makapanggugulat ng soysyalismo’t realismo? PangCinemalaya ang dating ngunit kilalang manunulat si Rizal at satirikal magsulat. Maaari siyang makalusot sa paghawak sa leeg ng MTRCB para lamang sa mga bata at madre. Hindi ba’t bukambibig niya ang pagiging pag-asa ng kabataan? Matatakot pa ba siya sa panahon ngayon? Kung magiging napakamalikhain niya’t mahiwatig sa kanyang mga simbolong gagamitin sa pelikula, maaari pa nating maisalba ang kanyang pagdodokumento ng kanyang buong buhay para lamang sa daang kasikatan.
        
  Sa pagiging tanyag na ni Rizal sa pagpapakilala’t pagsasalaysay ng pagkataong Pilipino, maaari rin siyang magsiwalat ng mga bagay. Kung hindi siya natakot sa mga kolonisador na prayle’t handang ikamatay ang pagpapakilala ng pagkakapantay-pantay, imposible namang matakot siya sa kapwa Pilipino. Oo, nagpapapatay ng mga nagsisiwalat sa kanila, pero wala pa ring talab kay Rizal ang pananakot kahit anong panahon pa man siyang manggaling-puluti’t ilaglag sa bagong espasyo. Magiging manunulat pa rin sa mga pahayaga’t patuloy na magkukuwestiyon sa mga problema ng lipunan. Hindi niya lilimitahan ang kanyang sarili dahil sa pananakot na naririnig bagkus susulat sa kanyang blog o pahayagan tulad ng Rappler’t maaaring maging trend sa internet dahil sa “bandwagoning” ng social networking sites. Napilitan ma’t pagpapapansin ang motibo ng mga taong nakikisali sa mga tunay na palaban, ang mga ideya pa rin na kanilang nasagap mula kay Rizal ang magsisilbing kislap sa kanilang mga mata na mayroong ginagawang mga pandaraya, tulad nina Napoles at Solis.



Problem was: "Ano kaya si JR ngayon?"