December 28, 2013

Mag-isa Ka! Mag-isa Tayo!

Hindi ko alam. Hindi ko na naman alam. Pansinin mong mabuti ang iyong sarili. Tumahimik ka't paingayin ang boses sa loob ng iyong utak. Yung isa mo pang boses. Alam ko, alam mo, alam nating lahat na higit pa sa iisa ang iyong boses. Mayroon kang boses na alam nating dalawa. Mayroon kang boses na tayong dalawa lamang ang nakaaalam. Mayroon kang boses na marami ang nakaaalam. Mayroon ding lahat ang nakaaalam. At alam mong mayroon ding ikaw lamang ang nakaaalam. Paganahin ang boses na ito. Kausapin ang sarili. Subukang kausaping muli ang sarili. Tulad ng pagkausap sa sarili sa tuwing may nakapanghihinayang na pambawi sana sa tuwing natatalo sa duwelo. Tulad ng pagkausap sa sarili sa tuwing may naisip na napakalupit na bagay ngunit nang malingat lamang nang sobrang sandali'y nakalilimutan agad-agad ang malupit na bagay na iyon. TULAD ng pagkausap sa sarili sa tuwing naliligo sa banyo, sa bahay niyo. Tulad ng pagkausap sa sarili sa araw-araw na pagiging mag-isa't malungkot sa harap ng kung anu-anong kuwadradong bagay.

Madali lang naman iyon. Subukan nang tumahimik lalo ang labas. Mas makabubuti siguro kung pumikit o tumitig sa kawalan. Magkakaroon ng mayroon mula sa kawalan. Subukang maghanap ng mayroon sa wala. Mayroong mayroon sa wala. Kausapin ang sarili. Hatiing muli ang sarili tulad ng pagkakahating ipinaunawa kanina. Hati ang iyong sarili. Kausapin ang totoong sarili. Tanungin ang sarili -

Bakit ko iyon sinabi? Bakit ko iyon inisip? Bakit ko ito ginawa? Bakit ko iyon ginawa? Bakit ganito ang gusto ko? Bakit kaya ayaw ko ng ganito? Bakit mahilig ako sa ganito? Bakit natatakot ako sa ganito? Bakit ganito ang pangalan ko? Alin ang mas gusto ko? 

Saan ko ba gustong pumunta? Bakit ko gustong pumunta roon? Gusto ko nga ba talagang pumunta roon? Gawing pang-araw-araw na bukambibig ang, "E ANO NGAYON?" para sa sarili at sa lahat ng mga bagay.

Bakit ko iyon sinabi? Sinabi ko ba iyon para lang sa ikatutuwa ng iba? Para lamang sa pagpapanggap? Sinabi ko ba iyon para lang mapansin ako? Yung sinabi ko ba na iyon, ako ba iyon? O ibang ako? Mayroon pa nga bang ibang ako? O iisa lamang ako?

Bakit ko iyon inisip? Apektado ba ako ng mga nasa paligid ko? O iyon lang talaga yung gusto kong isipin nang kusa? Maaari lamang ba ako mag-isip nang hindi labag sa idinidiktang-pakilala ng paligid ko? Maaari rin ba akong mag-isip ng mga bagay na hindi naman talaga maaaring tingnan para makilala ang sarili ko? Abstraktong halimbawang maaari ba akong mag-isip ng bagay na ayaw ko naman maging pero gusto ko lang isiping ganoon ako kasi nga, trip ko lang?

Bakit ko iyon ginawa? Ginawa ko ba iyon kasi gusto ko? O sa gusto ng iba? Para matuwa na naman ang iba? O para matuwa naman ako? Ginagawa ko ba iyon kasi nakasanayan ko lamang o gusto ko lang talaga? Ginagawa ko ba iyon kasi may mangyayaring maganda, o hindi siguradong may mangyayaring maganda? Ginagawa ko nga ba iyon para may mangyari o nangyayari? O kasi dahil may nangyayari? Gagawin ko pa ba iyon sa mga susunod na panahon ngayo'y nakikipag-usap na ako sa aking sarili? 

Bakit ganito ang gusto ko? Kasi gusto ng iba? Kasi uso? Kasi maraming may gusto? O gusto ko talaga? Pero bakit ko nga gusto? Bakit ko iyon sinabi? Bakit ko iyon inisip? Bakit ko iyon ginawa? Bakit ko nga ba ito gusto? Kasi bago? O kasi luma? Gusto mo minsan ng pagbabago. Minsan din naman, ayaw mo. Bakit paiba-iba ka ng gusto? May gusto ka pa ba talaga?

Bakit ayaw ko sa ganito? Dahil ba sa isang karanasan? Dahil ba sa genes at hindi mo maipaliwanag? Madalas lang makatulong ang Google, hindi parati. Bakit ayaw mong hindi mo alam? Gusto mo bang alam mo parati? Sabi nila, may mga katotohanan daw na hindi mo na kailangan o dapat pang malaman. ALAM mo sa sarili mong magkaibang-magkaiba ang KAILANGAN sa DAPAT. Pero alam mong ayaw mo rin sa ganyang mga salita. Pero bakit nga?

Bakit natatakot ka sa ganito? Kasi sobrang lupit ng utak mo na advanced mag-isip at kung anu-ano nang nalaro sa hinaharap? O dahil lang sa isa pang karanasan? Gusto mo bang malampasan yung takot na iyon? O cute lang ikuwento sa crush mo na takot ka sa ganito? At takot ka sa ganyan? Pero paano mong ikukuwento kung hindi mo alam kung bakit? Boring mo namang tao kung puro EWAN KO at HINDI KO ALAM na lang ang sinasabi mo. Hindi mo na naman alam?

Bakit ganoon ang pangalan ko? Kilala mo na ba talaga ang sarili mo? Kilala ko ba ako? Kilala ko ba ikaw? Kilala mo ba ako? Ako? Ito ang pangalan ko. Bigay ng magulang ko. Bakit nila iyon binigay? Trip lang? Okasyon? Nakikiokasyon? Kakilalang tao? Napanood sa TV? Sa sine? Paboritong pagkain? Pulutan? Ballpen? Alahas? Pangalan ng kaanak? Malupit pakinggan? Pinagsanib na mga pangalan? Trip lang ulit? Trip ka lang ba? Trip ka lang pala e. Kanina pa malakas ang trip mo. Kausapin mo ba naman sarili mo e.

Alin ba ang gusto mo? Ikaw? Ako? Tayong dalawa? Tayong isa? Tayong isa.

December 21, 2013

Kalokohang Kontradiksyon

Ipinakilalang tuwang-tuwa ang pangunahing bida, si Minke, bilang isang Katutubong Javanese na mayroong matinding pagkahumaling sa teknolohiya at agham ng kumokonolisang bansa sa kanyang tubong lupain. Maaaring kakaiba ito, mula sa isang perspektiba marahil ng opresibong pananaw ng pananakop ng mga kolonisador, hindi lamang sa mental at pisikal, kundi pati na rin sa sosyolohikal, sikolohikal lalung-lalo na sa kultural na mga aspeto. Maaaring makitang  hindi ganoon kawasto ang iniaasta nitong si Minke sapagkat kung tutuusin, mula sa isang kinonolisang bansa  rin, ang isang Pilipino’y marahil naghahanap ng pag-aalsa mula sa bida pa naman ng isang kuwento. Ngunit hindi. Ito ang mas nagpatingkad para sa akin, bilang isang mambabasang Pilipino, sa pagkakaroon ng tauhang hindi ganoong lumalabag sa mga naisin ng kolonisador. Kung tutuusin, hindi naman mailalayo itong si Minke kay Rizal na sa simula’y naghangad lamang naman ng mga reporma. Ngunit kung babalikan ding lalo itong si Rizal, makikitang ang El Filibusterismo ay pasadya nang naising magrebolusyon ni Simoun laban sa mga Kastila, na labag sa mga unang hangarin niya (Rizal) na nasa Noli Me Tangere na mga pagbabago lamang. Bilang pagtinging-kaiba sa unang nobela ng The Buru Quartet ni Pramoedya, ang mga katangian ng mga tauhan sa kuwento mismo’y nagkakaroon ng paglalaban-laban, hindi lamang sa pagitan ng bawat isa, kundi maging sa kanilang mga sarili mismo, mga tunggaliang pansarili’t panloob.

Katulad ng nabanggit kanina, bilang isang katutubong pinagbababaan na mismo ng tingin, na hango na mismo’t sa unggoy ang palayaw, ay sige pa rin sa pagtanggap ng dayuhang kaalaman. Marahil ay ang paglimot niya sa kanyang taal na kaakuhan at pagtingin sa salamin bilang isang Europeong indibidwal ang nagbibigay kay Minke ng simpleng balat-kayo lamang na hindi na masaktan sa panlalait dahil tinatanggap pa sa sarili niyang siya’y isang ganap na indibidwal ng wikang Dutch. Ayaw niyang aminin na siya’y isang Katutubo, at galit din siya sa katutubong wika, kahit na nauunawaan niya naman ito. Mapagkunwari. Mapagkunwari sapagkat kapansin-pansin ang ilang mga kontradiksyon ng tauhan, sa kanyang parehong winiwikang ayaw, gusto at maging ng kusang pagbuka ng kanyang bibig lamang. Hindi ba’t manghang-mangha siya sa teknolohiya? Ngunit bakit kapag nagpapasalamat siya o kung minsa’y nakararamdam ng masidhing damdami’y nababanggit niya ang ngalan ni Allah? Si Allah, bilang diyos ng relihiyong Islam, ay nababanggit ng isang Europeong, Dutch-speaking kunong si Minke? Lumalabas na kahit gaano man kalalim ang iimbak na gawin ni Minke sa kanyang taal na kaakuhan, lilitaw pa rin ang likas sa kanyang identidad.


Mayroon ding isang bahagi sa nobela kung saan ininsulto sa harapan ni Minke ang mga katutubo ng dalawang babae. Labag man sa kanyang mga ibinabalat-kayong prinsipyo, hindi matanggal sa damdamin ni Minke na siya’y nasaktan pa rin sa ginawang pagbanggit-kalapastanganan ng dalawang babae sa kanyang kinalakhang pangkat ng mga tao. Mababa ang tingin sa kanya ng mga Europeo, mula sa ama ni Annelies, kay Robert na kuya ni Anne, at maging ng kanyang mga iniluluklok na guro sa paaralan.


Ang kultura ay isang malaking bahagi ng pagkatao. Ito ang paraan ng pamumuhay ng isang tao. Kung paano siyang magsalita o mag-isip, sa kultura nakasalalay ang kanyang kalikasan. At malaking kaakibat nito ang wika ng isang tao. Maaaring apektado na ang kanyang pag-iisip ng wikang dayuhan ngunit ang likas na pagwiwika naman ni Minke’y sadyang ‘di pa rin niya napipigilan ni napapansin.


Tingnan naman natin si Annelies na mukhang Europea namang kay kinis ng balat ayon sa paglalarawan ni Minke. Si Annelies naman, kabaligtaran ni Minke, ay nais maging Katutubo, ipinoproklamang isang tunay na katutubo (ang kanyang ina bilang modelo), ni hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Mapapansing direktang kabaligtaran siya ni Minke (kahit na madali silang nagkagustuhan). Nais maging Minke ni Annelies, at nais maging Annelies ni Minke. Sila’y madaling nagkatuluyan marahil sa kadahilanang ang kanilang mga modelo ay nasa harap na mismo nila. Kung isasantabi na natin ang kanilang pag-iibigan, makikitang mayroong malaking bagay pa ang pinagkaibang talaga ng dalawang ito: ang edukasyon. Hindi ko tinutukoy rito ang simpleng pagtuturo lamang sa bahay ng mga tradisyon at tamang paggalang, gawaing-bahay kundi “pormal” mismong edukasyong inilalaan ng mga kolonisador bilang bahagi ng kanilang “cleansing” na ginagawa sa kanilang mga nilalait na mabababang uri.


Edukasyon ang nagpalawak ng kaalaman ni Minke. Ngunit edukasyon din ang mismong nagpakitid na lalo ng kanyang pagtingin sa sarili hanggang sa sobrang sikip na’y hindi na niya makita kung sino talaga siya. Ang ganitong pagkitid ng kaisipan gamit ang edukasyo’y kahawig ng binabanggit ni Renato Constantino na Miseducated tayong mga Pilipino dahil sa colonial mentality dala ng colonial obsession ng mga kolonisador. Ninanais maging malaya ni Minke, makailang ulit niyang babanggitin sa nobela, dahil siya’y nakapag-aral. Kung hindi niya mamasamain, sa pagpasok niya mismo sa dayuhang wika at magyakap mismo rito’y hindi nagdudulot sa kanya ng kalayaan bagkus ay nagkukulong pa mismo sa kinagisnan niyang pagkatao.


Naipakilala na ang dalawang nagbabanggaang identidad. Nais ko nang dumako sa tauhang talagang nagbigay para sa akin ng kalinawan sa loob ng akda bilang maliit na bahagdang resolusyon sa pambabagabag ng mga kontradiksyong inilatag kanina – si Nyai. Bilang isang concubine ng ama ni Annelies, siya’y tinuruan ng lahat ng kanyang nalalaman ng kanyang asawa – ng wika mismo, pamamalakad ng negosyo, at maging ng pormal na pagdadala ng sarili, lalung-lalo na ng isang babae. Sa tingin ko’y nagturingan silang tunay na magkarelasyong may nararamdaman sa bawat isa kahit na tumanggi si Nyai na umaming minsan niyang binigyang-kahulugan ang narararamdaman niya tungo sa kanyang asawa. Ngunit ang pagtanaw, kahit minsan, ni Nyai bilang kapantay ang kanyang asawa ay isang malaking bagay sapagkat sa ganitong uri ng kaisipan nakikita ang konsepto ng pagkakapantay-pantay ng mga tao sa mundo, magkaroon man ng magkakaibang etnisidad.


Pansining mabuti, kung ating babalikan, ang pagkakaroon ng edukasyong ipinagkaloob ng mga Europeo kina Minke at Annelies. Ang pagtatamo ng edukasyon ay nangangahulugan lamang ng pagtatamo ng wika ng kanilang kolonisador. Ang pagkakaroon ng panibagong wika ay magdudulot ng pagkakahati ng mga wika, kaantasang-pagtingin sa mga wika (kahit na magkakapantay naman lahat ng wika at kultura), na magdudulot ng pagkakahati ng mga tao. Mapapansin mula kina Minke at Annelies, maging sa maraming tauhan sa nobela na mayroon silang pinapanigan. “Ah, dito ako.” “Ah, Europeo ako, kasi marunong ako ng Dutch.” “Nge, e katutubo ako kasi masasama  ang mga Dutch (kahit na likas na Europeo ang hitsura’t perpekto ang pagwiwika ng Dutch).” Nahahati ang isang lipon ng mga tao dahil sa pagkakaroon ng iisa lamang na kapangyarihan. Nagkakaroon na lamang nga mga indibidwal na nagbabangayan habang ang namumuno’y tinatawanan na lamang sila dahil sa hindi pa rin naman sila tatanggapin bilang kanilang mga kapantay.


Ngunit tinitingnan kong iba itong si Nyai. Hindi niya kinailangan pang pumunta pa ng paaralan, ‘di tulad ni Minke. At natural siyang nakauunawa ng Javanese at iba pang wikang katutubo dahil iyon ang kanyang sariling kaakuhan. Kahit na itinatwa niya nang makailang ulit hanggang sa magsawa ang kanyang mga magulang, hindi pa rin niya kinalimutang lumaki siya bilang isang taal na katutubo ng kanilang bayan, na ‘di tulad ni Annelies, na pipili lamang sa kung ano ang wastong kanyang nakikita. Binabasag din ni Nyai ang pananaw ng ina ni Minke na ang mga lalaki lamang ang matatalino’t dapat na nakapag-aaral, bilang mga edukado’t magpapahalaga sa kani-kanilang mga pamilya. Ginagamit ni Nyai ang kanyang mga natutunan sa dayuhan para sa pagpapaunlad ng kanyang kapaligiran habang pinananatili ang likas na kaakuhan niya bilang pagpapaunlad sa kanyang sarili.


Sa huli, nais kong banggitin ang winika ng isa sa mga guro ni Minke na si Magda Peters, “Everything comes from being taught. Even beliefs.” Ang edukasyon ay hindi lamang nakakamit sa paaralan. Ang pagtuturo ay hindi lamang nanggagaling sa taong nagsasalita o nagsusulat sa pisara o sa sinasabi ng isang libro. Ang pagkatuto ay likas sa isang indibidwal, at mula sa kanyang pagkatuto mas lalong lilinaw ang kanyang pamimili ng panig, kung paano siyang pipili ng panig, o kung bakit nga ba siya pipili ng panig. Sa pagkatuto nalilikha ang isang pagkatao.


Sanggunian:

Toer, P. A. 1925. This Earth of Mankind. (Max Lane) trans. London, England: Penguin Books.

Lex Aeterna

Apat na magkakapatid, nakasakay sa loob ng hindi pampublikong sasakyan. Ang ikalawang pinakamatanda, si Jennifer, tanging miyembro ng pamilya na marunong magmaneho ang nasa harap kasama si MJ, ang bunso na nasa passenger's seat, malamang. Natira sa gitnang bahagi sina Thea at Merylle, ang panganay at ikatlo, na parehong pagod na pagod mula sa kamuntikan nang mapaisang araw nang pagpapasikot sa kalakhan ng pusanggalang Divisoria. Bakit nga ba sila nanggaling doon? Wala na tayong pakialam. Sabihin na lang nating nagpapatulong si Jennifer sa isang napakahalagang bahagi ng kanyang buhay na pinlano ni Thea (na hindi naman pinlano ni Jennifer). Pinlano ni Thea bilang isang mapagmahal at nakauunawang kapatid. Hindi na malayong gawin naman ni Thea iyon para sa kahit kanino niyang mga kapatid, bilang din naman panganay siya at wala naman talagang hihigit pa sa pagmamahal sa isang kapamilya. 

Likhang-palusot na lamang ni Jen na lubhang mahirap magmaneho't nakapapagod kung kaya't hindi na sumama sa planong pagpplano sa Divisoria. Minabuting sumama na lamang nina MJ at Merylle kay Thea para madaling matapos ang gawain matapos makapagparada ni Jen. Pero ganun pa rin naman. Nahati lamang nang kakatiting ang distribution ng pagod. Ganun pa rin ang pagod, kung tutuusin. Matapos ang walang kuwentang flashback na ito, babalik nang muli tayo sa opening scene...

EDSA. Mainit. Pababa na malapit sa Magallanes ang sasakyan mula sa elevated road galing Mantrade. Abala sa pakikinig sa musika si MJ kaakibat ng kanyang headphones habang si Jen nama'y napapagod na naman sa pagmamaneho. Masigla namang nagpapahinga sina Thea at Merylle sa gitnang bahagi ng sasakyan. Hihilik paminsan-minsan. Magigising sa humps. Magigising sa ingay. Magigising sa ingay! 

"Jen! Mag-ingat ka naman!" sigaw ni Thea.
"E sa mali magmaneho yung gagong driver na 'yon e!"
"'Wag mo nang patulan, Jen."
"Akala mo kasi ganon na lang kadali magdrive e no!"
"Sinasabi ko lang na 'wag mo nang patulan yung driver na hindi nag-ingat kesa sa'yo!"
"Nakakapanic kasi! Ano?! Ikaw kaya magdrive? Akala mo kasi sobrang dali lang e no?!"
"'Wag mo'kong sisigawan Jen, ah." habang bakas na ang paghikbi sa tinig ni Thea.
"LECHE! IKAW NA MAGDRIVE!"
"Ayoko na rito," hikbi. "Ibaba mo na lang ako. Hindi ko kaya yung ganito, yung ginaganito niyo lang ako."

Dahan-dahang iginilid at ipinarada ni Jennifer ang kotse sa gilid na kahabaang ng EDSA habang nakasignal na ang hazard.

Tahimik.

Inunlock na ni Jen ang pinto. Umakmang pababa na si Thea ngunit hinila ni Merylle.

"Huwag ka nang bumaba 'te. At ikaw?" baling kay Jen. "Ano bang problema mo? Parang ikaw ang may pinakamalaking naiambag at responsibilidad dito ah? Ikaw na nga yung tinutulungan, ikaw pa yung walang malasakit? Obvious na ngang hindi kami nakakaintindi ng mga nangyayari sa kalsada, may gana ka pang pumatol at sigawan kami?!" Papaiyak na rin si Merylle. Ibinaba na ni MJ ang headphones at kinausap si Jen na huwag nang sumagot.

Tahimik. Lalo.

Nilock nang muli ni Jen ang pinto at dahan-dahang pinabilis ang pagpapatakbo. Hindi na sila nakahazard.

December 13, 2013

Fuck Mock

Masagwa, saliwa, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Isa pa, ulit pa, itodo mo
Malamang, itatawa nang malakas!
At walang-wala sa tono

Kakanan, kakaliwa
Babala'y 'di napapansin
Bahala'y ikinikimkim
Bathala'y kinikitil

Marangya, malamya, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Tapos na, tapos na, ubos na
Laspag na, simot pa,
Lasug-lasog pa

Maling himig
Sawing ibig
Wala talagang tono

December 11, 2013

Experiment 2 - Forms and Perspectives

Hatred, Jealousy and Labels

Naubos na ang barya sa kakayosi at kakabasa ng magazine mong nakahilata diyan sa sala. Maggagabi na pala. 'Di ba't sabi mo, ala una? Mabuti na lang mabagal akong magbasa. Dumating ka na sana. Bakit 'di ka man lang nagbilin na may balak ka palang biglang mag-ice skating. Kung 'di ka pa tinawagan, maiisip mo kaya na ako'y... 'Di bale na. Nakakasawa din pala kapag paulit-ulit ang buhos ng galit. Parang ayoko na yata. Nakakapagod din pala ang iyong mukha. At kung may balak ka pang ulitin sa'kin 'yon, may ibubulong ako sa'yo, "Putang ina mo." Bakit nagtiyatiyaga sa'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Ang daming dapat sabihin. Alam ko na kung pa'no gagawin. Akala mo siguro na hindi ko kaya. At nang ika'y dumating mula sa'yong pag-a-ice skating, wala akong nasabi kundi, "Napagod ka ba? Kumain ka muna," 'pagkat 'di ko kayang magalit. 'Pag nakita na kita, tumatamis ang pait. Laging pinipilit na magsungit ngunit 'di bale na. Napapatawad na kita. Hindi na magagalit, 'wag lang mauulit. At nung tayo'y kakain na, biglang sinabi mong may lakad kang iba. At kahit gusto sana kitang awayin na, sinabi ko, "Bahala ka, basta mag-ingat ka." Bakit nagtiyatiyaga sa'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Parang ayoko na yata ngunit wala naman akong magagawa. Marahil sobrang alam mong 'di ko kayang mawala ka. Suwerte ka't mahal kita. Malas talaga.

- Parokya ni Edgar, 2003, Parang Ayoko Na Yata (Track 06)

---

Ayoko nang malaman pa kung sino siya at kung saan ka nagpunta. Hindi na lang tatanungin para hindi mo na kailanganin pang umamin. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawala nang tuluyan. Maniniwala na lang ako sa lahat ng sasabihin mo. 'Di na kita kukulitin para 'di na kailangan pang magsinungaling. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawalan nang tuluyan. Hindi ko kakayanin, mawala ka sa akin, kahit na magmukha akong tanga sa mukha ng iba. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Kung mayro'ng magtanong tungkol sa akin, sabihin mo, okay lang ako. Okay lang ako.

- Parokya ni Edgar, 2010, OK Lang Ako (Track 15)

---

lyrics

December 9, 2013

Kinakasal pa rin ang Tikbalang

            Nakatira kami sa bahay-kubo. Maganda ang bahay namin. Malamig ang simoy ng hangin kapag gabi, medyo mainit naman kapag umaga. Dito ako pinalaki ni Nanay at ni Tatay. Marami silang tinuro sa’kin. Batang-bata pa lang ako, marami na akong alam tungkol sa bahay namin. Tinuruan nila akong magtanim ng mga prutas at gulay. Punung-puno ng prutas at gulay ang harapan at likuran ng bahay-kubo namin. Tinuruan din nila akong mag-alaga ng mga hayop. Mayroon kaming mga manok, baka, baboy, itik, pabo at kalabaw. Marunong din ako ng maraming gawaing bahay dahil kina Nanay at Tatay. Simple lang ang buhay ko noon, hanggang sa kinailangan ko na raw pumasok sa eskuwelahan.
         
   Mahilig si Nanay umawit. Naalala kong umaawit siyang parati sa tuwing nakahiga na kami sa pagtulog. Ang kanyang himig na tila sumasabay sa simoy ng maginaw na hangin. Hindi nakababagot, malinamnam sa pandinig, umaakma ang daloy ng kanyang boses sa bawat haplos ng hangit sa aking buhok, sa aking balat. Ang buong katawan ko’y parang binabalot dahan-dahan ng parehong awitin at kalikasan. Paggising sa umaga’y umaawit sa aming munting taniman. “Singkamas, at talong, sigarilyas at mani. Sitaw, bataw, patani,” malinis na boses pang-awit pambungad ni Nanay sa aking mga dinig, sa bawat maaliwalas na sikat ng araw. Awit maging sa paglilinis ng aming tahanan, aawit din sa paglalaba ng aming damit. Aawit dito, aawit doon. Nalalamang masigla madalas ang pakiramdam ng aking ina, na nagpapasigla sa buong tahanan.
          
  Hindi naman magpapahuli si Tatay. Hindi lamang mga kuwento mula sa trabaho ang kanyang iniuuwi maliban sa kanyang kita sa sakahan. Bago ang pampatulog na himig ng aking ina’y may pampaganang mga kuwento ang aking ama. Iba-iba! Lumaki akong nakikinig nang nakararamdam ng sari-saring emosyon. Nakatutuwa, nakatatawa, nakatatakot! Mga kuwentong nakapagpapaliwanag ng mga bagay sa akin, tulad ng kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy, o kung bakit may puso rin ang saging. May mga kuwento ring nag-iiwan ng mga pagtataka sa aking isip, nagtuturo sa aking umiwas sa ilang mga lugar, sa madidilim, at paggalang mismo sa kalikasan, mga kuwentong nagbibigay-aral sa akin.
        
    Lumaki akong masigla ang aking isipan tungkol sa kalikasang pumapalibot sa akin. Bawat hayop, halaman, pook, oras, aking napahahalagahan, nabibigyang-pansin, dahil sa aking mga magulang.
...
Isang araw sa aking paglalakad sa labas, naging matinag ang bali-balitang may mga dumating na babaeng nakasuot ng mahahabang damit na iba sa damit ng mga tao sa aming bayan. Ang kanilang mga damit ay mas mapuputi, mas mahahaba, at mas makikinis. Bumaba sila galing sa isang napakalaking barkong T. Bago sila, mayroong mga sundalong dumating ilang buwan lang din ang dumaan. Ang mga sundalong Mapuputi na naman at mas mukhang mababait kaysa sa mga nauna. Wala kasi silang suot sa ulo, wala rin dalang mga baril. Aklat ang kanilang mga dala. Nakatali naman ang kanilang mga buhok na hindi rin itim ang kulay tulad ng sa amin. Kahit na mapuputi ang kanilang mga balat, tulad ng sa mga nauna, alam kong naiiba sila dahil sa ibang-iba ang paraan ng kanilang pagsasalita. Iba ang tono, iba ang mga salita. Bagong mga salita na naman.
           
Kumalat din ang mga kuwentong madaragdagan ang mga eskuwelahan. Gusto na tuloy ni Tatay na papasukin na ako. Binilhan agad ako ni Nanay ng mga papel at lapis na inilagay niya sa isang malaking supot. Dumaan ang mga araw na tinatanong ko ang aking sarili kung ano nga ba ang ginagawa sa loob ng eskuwelahan. Nasasabik ako nang may halong pagtataka. Sa mabilis nga namang pagdaan ng mga araw kaiisip ay nabigla ako sa tanong ng aking nanay.
       
     “Handa ka na ba para bukas, Jose?” usisa sa akin ni Nanay habang abalang-abala sa paghahalo ng toyo at suka sa isang malaking hambawan. Nilagyan niya na rin ng paminta at asin.
        
    Bukas na pala iyon. Lalong tumindi ang sabik at kaba sa aking loob. “Opo, Nay,” sagot ko sa kaniya habang hinihiwa naman ang mga parte ng hilaw na karne ng manok. “Ano pong gagawin ko do’n, Nay? Bakit po ako papapasukin sa eskuwelahan? Paano ko na kayong matutulungan ni Tay araw-araw?”
       
     “Kakayanin naman namin ng Tatay mo, anak. Sabi ng Tatay mo, kailangan mo raw pumasok sa eskuwelahan para kapag nakatapos ka ng pag-aaral... Tapos ko nang timplahin ito. Tapos na ba yang hinihiwa mo?”
         
   “Hindi pa po tapos. Ilalagay ko na lamang ang mga nahiwa na.” Hinagis ko nang mahina ang mga nahiwa ko nang parte ng manok. Hinalo naman nang hinalo ni Nanay ang magiging sarsa sa karne gamit ang kaniyang dalawang kamay. “Ikaw, Nay, nag-aral ka ba nung bata ka?”
     
       Ngumiti si Nanay habang patuloy pa rin sa pagpahid ng ginawang sarsa ng adobo. “Naku, anak, wala kaming pera noon. Napakasuwerte mo nga’t libre ang pag-aaral mo ngayon. Tsaka sino namang maiiwan dito sa ating bahay? Alam mo namang maraming kailangang asikasuhin: ang mga tanim, ang mga alaga natin, pati na rin ang paglilinis ng buong lugar. Hayaan mo na lang kami rito, anak.”
          
  Inihagis ko na ang huling hiwa. Nilagay ko na sa lababo ang mga dapat hugasan. Inilipat na rin ni Nanay ang laman mula sa hambawan pakaldero. Isinalang niya na ito sa baga at tinakpan. “Pagbutihin mo anak, ha? Gusto ng Tatay mo, makapagtapos ka. Galingan mo! Dapat makinig at sumunod ka sa mga sasabihin at ituturo ng iyong mga guro.”
        
    Iniwan na namin ang niluluto. Mas mabilis daw kasing maluto kapag hindi hinihintay. Pumunta na si Nanay sa harapan para diligan ang mga tanim. Kinuha ko na ang walis at basahan nang para maglinis ng kusina.
          
  Dumaan ang kalahating araw, hanggang sa naging oras na lamang, minuto, segundo. Hindi ako makatulog. Ano kayang mangyayari bukas? Madilim na sa labas. Nakahiga pa rin ako. Pagtingala ko sa kisame, sa malabong pagharang ng kulambo sa aking nakikita, inisip ko nang inisip kung anong mangyayari pag nakatapos na ako sa pag-aaral, gaya ng sinasabi ni Nanay. Inisip ko rin ang tawag niya sa akin noong sukatin ko ang bagong bili niyang damit para sa akin. “Estudiyante ka na bukas, Jose.”
         
   “Gising na, Jose!” pagbati sa akin ni Nanay. “Bumangon ka na’t mag-aalmusal ka pa. Kailangan mong dumating nang maaga sa eskuwelahan. Baka may makaligtaan ka pa, naku!” Hinila na niya ang aking kumot at unan. Iminulat ko na ang aking mga mata at nakita ko nang tinatanggal na niya ang kulambo. “Naku, bangon na!”
         
   Matapos kong makapag-almusal at maligo ay bumalik nang muli sa kuwarto. Nakita kong inihahanda na ni Nanay ang aking susuotin pagpasok sa eskuwelahan.
          
  “Naku, gagalingan mo anak, ha?” pagpapaalala sa akin ni Nanay. Siya na ang nagsuot sa akin ng pantaas habang inaabot ko na ang aking pambaba. Habang sinusuot ko na ang aking bagong shorts ay sinusuklayan niya na ang aking buhok. “Huwag kang masyadong magpapapawis, anak, ha? Alam mo namang mahirap ang magkasakit. O, ito na ang baon mo.” Nilagyan niya na ng lampin ang aking likod at iniabot na sa akin ang malaking supot ng mga papel at lapis. “Alam mo na ang papunta, ‘di ba? May kasabay ka ba? Mag-iingat ka pauwi ha?”
        
    “Wala po akong kasabay, Nay. Pero alam ko naman po ang papunta.” Sinuot ko na ang aking mga tsinelas at bumaba na sa harapan ng aming bahay. “Paalam, Nay!” huli kong sambit sa kaniya. Sa aking paglingon ay kumakaway pa rin si Nanay, nakangiti.
         
   “Mag-iingat ka papunta do’n, ha! Paalam, anak!”
         
   Hindi naman kalayuan ang aking nilakad. Dalawampung minuto kong nilakad ang eskuwelahan mula sa amin. May mga nadaanan pa akong sundalong nakikipaglaro sa ibang mga bata. Bakit kaya sila, hindi papunta sa pupuntahan ko? May ilan namang mga babaeng kasing-edad ng mga sundalo na nakatali ang mga buhok. Makikinis ang kanilang mga buhok. Mayroon mga nakasalamin at marami sa kanila ay mayroong dalang mga libro. Papunta rin sila sa direksyon ng eskuwelahan. Maya-maya’y nakarating na ako. Maraming sundalong nakaabang sa gate na kapwa naman nakangiti. May mga babaeng kamukha ng mga nadaanan ko kanina na nag-uusap. Maraming bata ring kaedad ko ang kasabay kong papasok sa loob. Pinapila na kami ng mga sundalo at saka pinapasok sa isang silid.

Marami kaming dinaanang silid bago pa man kami makarating sa amin. Tahimik ang lahat ng aking kasamang bata habang hinihintay namin ang susunod na mangyayari. Medyo madilim, mainit at marumi ang silid kung saan kami pinaupo ng mga sundalo. Mula sa aking upua’y malinaw ang apat na mapuputing dingding na tumatantsa sa bawat sulok ng silid. Matataas at parang nakayuko lamang sa akin apat na kantong nakakabit sa kisame. Nagmamatyag sa aking bawat kilos. Ang mga lamesa’y gawa pa rin sa kahoy katulad ng sa bahay namin. Kinulayan ng pinturang kulay dahon ng kalamansi. Apat din ang sulok, papailalim muling bawat kanto sa mga kamay kong nakapatog. Tila papaloob lahat ang kilos ng bawat makita ko sa silid, papaloob pasentrong tungo sa akin. Maya-maya pa’y may pumasok nang isang babaeng tuwid na tuwid ang lakad.
           
“Good morning, children!” panimula niya sa amin. Tahimik ang lahat. Walang kumikibo. Lahat kami ay nakatingin lamang sa kanya.
          
  “I SAID, GOOD MORNING, CHILDREN!” sabay lagabag sa malapit na lamesa sa harapan. Ibinagsak niya na doon lahat ng kanyang gamit at libro. Halos lahat kami gulat na gulat. Bakit niya kami sinisigawan?
         
   “GOOD MORNING!” muli niyang sigaw. “GOOD. MORNING.”
            
“Gud. Molnin,” kinakabahang paggaya naman sa kanya.
         
   “GOOD. MORNING. MA’AM.” Mayroon nang dagdag. Sinubukan kong gayahin muli.
       
     “Gud. Molnin. Mam,” sabay-sabay namin banggit. Hindi na siya sumisigaw ngunit mukhang galit pa rin siya.

“I will be your teacher for now. But before we start our lesson, let me introduce myself first.” Hindi ko alam kung alam niyang hindi namin siya naiintindihan. Tiningnan ko ang ibang mga bata sa loob ng silid. Mukhang nagtataka rin sila tulad ko kung ano ang sinusulat ng babae sa harap gamit ang puting panulat. Hindi naman ito mukhang lapis. Matapos niyang isulat ang L-I-N-D-A ay muli siyang humarap sa amin. “My name is Teacher Linda. Leen-dduhh,” kaniyang bigkas nang may halong pagpapahaba. “El, ay, en, dee, ey – Linda,” habang iniisa-isa ang bawat simbolong kaniyang isinulat sa harap. “Starting today, we will be learning the English alphabet. We are going to learn these letters,” muli niyang turo sa limang simbolo.
         
   Kinakabahan na ako. Ganito ba dapat sa eskuwelahan? Inilabas ko ang aking papel at lapis. May mga gumaya naman sa akin. Sinubukan kong gayahin ang mga simbolong nakasulat. Hindi ko pa rin maintindihan. Nagsasalita pa rin ang babae sa harapan. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Mukhang nakikinig na ang ibang bata. Nahihiya akong lumabas. Baka kung ano pa ang isipin nila sa akin. O baka pareho kami ng iniisip? Pare-pareho lang naman kami ng pinanggalingan. Susubukan ko na sanang magtanong nang may inilabas ang babae sa harapan.
          
  “Okay, class, I am going to use flash cards first. For the following days, I will teach you how to write letters. Lee-tehrrs,” muli niyang pagpapahaba sa bawat sinasabi. Muli siyang nagsulat. Ginaya kong muli: L E T T E R S. Ibinulong ko sa hangin ang sinabi ng babae sa harapan, “Leehhtehhrss.” Baka lehhtehhrs ang basa rito. Baka tuturuan niya na kaming magbasa.
          
  “This is the letter A. EEY. Come on, children. EEY,” kaniyang ibinanat ang dalawang braso niya nang nakabukas ang isang palad. “EEY!” Nagulat kaming lahat sa kaniyang sigaw. Mukhang galit na galit na siya! “EEEEY! Come on, children!” Nasa kabilang kamay naman niya ang isang larawan ng isang mukhang prutas na hindi ko naman nakikita sa aming bakuran ni sa aming harapan.

“EEY!” gaya ng mga batang kasama ko. Takot na takot na kami. “Ey,” sambit ko sa aking sarili.
         
   “At last!” buntong hininga ng babae. “This is the letter A! It produces the sound ‘A’! Say it again, children! ‘A!’ ‘AAAAHHH!’”, paulit-ulit na namang bigkas nang pasigaw ng babae sa harapan. “’AAAHH’! Like this one on the picture! ‘Apple’! Come on, children! ‘AHHH’! ‘AAAPPUHL’!”
        
    Wala na naman kaming imik. Kumuha ng isang maliit na patpat na kulay itim ang babae mula sa kaniyang lalagyan. “Could you KINDLY PLACE YOUR HANDS ON THE TABLE: LIKE THIS!” Ipinatong niya ang kaniyang dalawang kamay sa isang lamesa ng bata nang nasa ilalim ang palad. Ginaya ito ng bata hanggang sa ginaya na ng kaniyang katabi. Maya-maya’y lahat na kami’y nakapatong na ang lahat ng mga kamay sa lamesa.
         
   “Very good! Now, say, Apple. AHH-PUHL.”
           
Wala pa ring imik. Lumapit ang babae sa isa sa mga bata at hinampas ang kaniyang kamay. “I SAAAID, APPLE!.” Hindi umiyak ang bata ngunit bakas ang taka at takot. “APPLE!”
            
“Ahh-pol,” sagot ng mga kasama ko.
           
“Very good! Again! Apple!”
         
   “A-POL,” isinagot na naming lahat.
         
   Ginaya kong muli ang letter na nakasulat sa hawak ng babae. Baka kasi hampasin niya rin ako kapag hindi ko siya maintindihan. A. Letter A. AHH. Letter A. Paulit-ulit na ring bulong ko sa aking sarili. ‘AHH’ ang basa rito. Parang sa ‘aso’. Parang sa ‘atis’. Parang sa ‘ayaw’. Parang ayaw ko na. Natatakot na ako. Hindi ko na naman maintindihan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Sumunod na ang ibang mga letter. At lalo akong nagtaka sa bawat larawang ipinakita niya. May ilang mga larawan tulad ng talong, mangga, pusa at aso ang aking nakilala. Halos lahat ng mga ipinakitang larawan, hindi ko pa nakikita doon sa aming lugar. May mga kakaibang prutas. Hindi ko rin masabi kung ito ba ay gulay o prutas. May mga hayop ding hindi ko alam kung totoo. Marami ring bagong tunog ng salita ang aking napakinggan. Iba kaya ang lugar namin sa lugar nila? Maraming bagong bagay. Maraming ibang bagay. Ibang-iba sila sa amin.
          
  Matapos ni Titser Linda, pumalit na ang kaparehong-kapareho niya ng damit. “Old McDonald had a farm. E-I-E-I-O!” nakangiting umaawit na pambungad niya sa amin. Umaawit din ang isang ‘to, sabi ko sa aking sarili. Sa kanilang mga salita, mayroon silang mga awitin.

“Again! Old McDonald,” muli niyang awit.

“Ol makdonal,”

“Had a farm,”

“Hadapar,”

“E-I-E-I-O!” nakangiti pa rin.

“Iya-iya-yo!” ngiting awit-pabalik namin bilang sagot.

Nakahinga kami nang maluwag-luwag sa kanya. Mas gusto ko siya kaysa sa nauna. Pabalik-balik din ang mga awitin sa akin ni Nanay  kahit na alam kong ibang-iba ang himig ng babae sa harapan. Paulit-ulit at mas madaling masundan. Kaya ko lamang alalahanin ang malambing na boses ni Nanay ngunit nahihirapan akong gayahin siya. Sa panibagong babae sa aming harapan, tila mas nadadalian ko ang pag-ulit at pagsunod sa kanya.
        
    Sumunod na ang iba pang mga katulad ng babae na maputi at tuwid ang mga pananamit. Mukang hindi rin nagagalaw o nadudumihan ang kanilang mga suot. Ganito rin sa mga buhok nila. Iba-iba ang kanilang mga sinusulat sa harapan gamit ang puting panulat ngunit wala akong maintindihan sa kanila. Alam kong pare-pareho ang kanilang mga ginagamit na salita kahit na iba-iba ang kanilang mga boses. May mga naglabas ng malalaking larawan. Mayroong mga nagdala ng iba’t ibang kagamitang hindi ko naman nakikita sa amin.
           
Naglakad akong pauwi nang umaawit. Nakangiti akong sinalubong ng aking mga magulang, “O, mukhang naging masaya ang araw mo ngayon a.”
      
      “Opo. Kaya nga lang, may ilang mga titser ang hindi ko nagustuhan.”
          
  “Bakit naman, Jose?” pagtataka ni Tatay.
       
     “Yung isa po kasi, mabilis magalit. Baka kasi iniisip niya, madali lang. E ibang salita ang kanyang ginagamit. Nahihirapan akong unawain siya.”
         
   “Galingan mo na lang bukas, anak!” hikayat sa akin ni Nanay habang nakangiti. “O halika na’t maghapunan na tayo’t maaga kang makapagpahinga para bukas.”

            Sumunod ang panibagong araw. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan ang aming mga guro. Kinakabahan na talaga ako’t nasasayang lamang ang aking oras sa mga salitang lumalabas lamang sa aking tenga. Ang tanging naiiwan lamang sa aking pag-uwi sa bahay ay ang himig ng mga awit ni Titser Anne at mga salitang wala sa kasiguraduhan ang pagbigkas.
           
Paglakad kong pauwi sa aming bahay isang hapon, natanaw ko ang aking nanay at tatay sa may harapan. Parang nagtataka sila noong nakita nila ako. “May problema ba, Jose, anak?” Oo nga pala. May problema nga pala ako.
       
     “Wala akong maintindihan, Tay. Wala talaga. Ibang salita ang ginagamit nila e. Gusto ko sanang malaman yung mga bagong hayop at halaman na ipinakita ni Titser Linda kanina kaso, hindi talaga kami magkaintindihan. Tapos, hinahampas pa niya ang mga kamay ng mga batang hindi sumusunod sa kaniya. E hindi naman talaga kami makakasunod agad, hindi nga kasi naman siya maintindihan. Tapos, sunud-sunod pa yung mga pumasok na titser at hindi na letter ang tinuturo sa amin,” paliwanag ng aking nagtataka pa ring mukha. Pagod na pagod na ako noon. Magdamag ba naman kasing nakaupo at ginagaya ang mga sinasabi ni Titser Linda at iba pang mga titser. Sa bawat banat ng ng kanilang mga braso habang tinatakot ng kanilang maliit na patpat na itim. “Ayoko nang pumasok sa eskuwelahan bukas, Tay.”
        
    “Ano ka ba, Jose? Papaano ka na lamang makakatulong sa amin paglaki mo?” galit na sagot sa akin ni Tatay.
            
“Edi tutulong na lang po ako sa mga gawaing bahay,” sagot ko sa kaniya. Iyon lang naman yata ang hinihingi ni Tatay sa akin. “Tsaka tutulong na lang po ako sa pagtratrabaho niyo sa bukid. Iyon po e baka mas madali ko pang maintindihan dahil pareho naman po tayo ng mga salita, ‘di ba?”
        
    “Mabuti pa. Huwag mo nang sayangin ang oras mo riyan sa pagpasok mo sa eskuwelahan. Mas makatutulong ka pa nga talaga sa amin sa bukid at dito sa bahay kaysa sa mga nagtuturo riyan,” tulong na sagot sa akin ni Nanay.
         
   “Aba, Josefina. Baka nakakalimutan mo ang mga gastusin natin? Kailangan natin ng mas malaking kita para lamang makatapos ng ilan pang utang natin sa ibang tao,” kontra naman ni Tatay.
         
   “Kaya nga, Mario. Tumutulong na lang dapat iyang anak mo sa bukid para mas mapabilis ang trabaho, mas mabilis ang kita.”
         
   “Aba’t anong malaking tulong ang isang dagdag na trabahador? Isang batang trabahador? Bata pa si Jose, Josefina. Tatanggapin ba siya?”
         
   “Susubukan kong makipag-usap. Pero kapag pinayagan, o hindi ba’t magandang bagay iyon?”
           
“Papa’no kung mapa’no ‘yan? May pang-ospital ka ba? Tuluy-tuloy ang trabaho namin, ‘di ba? May pambili ka ba ng gamot kapag nagkasakit ‘yan? Masusubaybayan mo ba siya sa bawat galaw niya?”
           
“Oo naman! Anong tingin mo sa’kin? Inaalala ko rin naman ang aking anak. Hindi mo ba narinig na hinahampas sila ng kanilang guro kapag ‘di nakaintindi? Alam ko ang responsibilidad ko sa aking anak.”
        
    “At alam ko rin ang responsibilidad ko kay Jose. Anong pinagkaiba ng parusang iyon kapag tayo naman ang gumawa? Magandang bagay naman iyon para mas mabilis silang matuto! Kaya HINDI! Hindi siya sasama sa akin. Mas maganda kung nakapag-aral siya at makapunta sa ibang bansa. Sa bansa ng mga Amerikanong iyan. Nakita mo ba iyong pananamit nila? Ayaw mo bang makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaki ang anak mo? Para sa atin? Para sa pamilya natin?”
       
     Pumunta na ako sa aking silid. Mukhang hindi na naman nila ako nakikita. Mag-aaway na naman sila magdamag. Paghiga ko sa aking kama, iniisip ko naman ang tungkol sa mga Amerikano. Ahh. Iyon pala ang tawag kay Titser Linda. Ibang-iba kasi sila kaya iba sila sa amin. Iba ang tawag kaysa sa amin. At sa ibang lugar sila nakatira na malayo sa amin? Kaya siguro sila nakasakay sa malaking barkong T na iyon. Malayo pa pala ang pinanggalingan ni Titser Linda. Totoo kaya ang sinabi ni Tatay na mas maganda ang buhay doon? Hindi ba maganda ang buhay namin dito? Humiga na lamang ako. Mukhang nakalimutan na nilang hindi pa kami naghahapunan sa tindi na naman ng kanilang pag-aaway. “Tingkel tingkel litel istar...” paulit-ulit ko na lamang na awit.
...
Sumunod na ang mga araw, mga linggo. Pinagpursigihan ko na ang pag-aaral sa Letters na paulit-ulit na itinuturo ni Titser Linda. Nasusundan ko na rin ang mga awit, na nadaragdagan bawat araw na itinuturong masigla ni Titser Anne. Sa bawat bagong letter na itinuturo sa amin, bagong salita ang aking natututunan. Patuloy lamang na nakapagtatakang hindi ko pa rin nakikita ang mga bagay na ito sa aming bakuran, ni sa aming lugar.
          
  May mga larawan nang ipinapakita sa amin si Titser Linda na may iba’t ibang mga bagay, maraming mga bagay. Hindi katulad nung mga naunang larawang tig-iisa lamang bawat salita. Nag-iiba-iba na ang kanyang boses, tila siya’y nagkukuwento. Mayroon siyang larawan ng isang unggoy, at isang pagong. Mga hayop sa larawan na mayroong malalaking mata at bumubuka ang mga bibig! Nagsimula ang kuwento nang nag-uusap ang dalawa, sa galing ng pag-iiba ng boses ni Titser Linda, ako’y naengganyo na rin sa pagdinig at sinubukang umunawa. Itinuro ng dalawang hayop ang kani-kanilang bahay.
         
   “Teka... Naikuwento na ito sa akin ni Tatay!” bulong ko sa aking sarili. “Mananalo ang pagong dito panigurado!”
         
   Natapos ang pagkukuwento ni Titser Linda nang umaayon sa aking mga hula.
         
   Sumunod ang mga araw na inaabangan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda.
         
   “Okay, kids, today, we are going to read about Jack and the Beanstalk.”
       
     Nagsimula sa unang larawang may batang lalaking nabentahan ng butong pananim ng isang lalaking nakatago ang mukha. Hanggang sa pag-uwi ng batang lalaki’y siya’y nadapa at nahulog sa basang lupa ang mga buto. Kinabukasa’y nagkaroon ng napakalaking punong malalaki ang dahon at mahahaba ang tangkay na lumalampas sa langit!
           
“Nandoon kaya si Hesus?” bulong ko sa aking sarili habang ipinagpapatuloy ang kuwento.
          
  Umakyat na ang batang lalaki sa napakatayog na puno at lumampas na sa kaulapan. Wala si Hesus ngunit may isang napakalaking tao at isang bibeng nangingitlog ng gintong itlog! Natapos ang kuwento sa pagsira ng batang lalaki sa malaking puno at pagkamatay ng malaking tao sa tindi ng kanyang pagbagsak mula sa mga ulap.
        
    Bagong araw, bagong mga kuwento. Nakahiligan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda. Unti-unti ko na ring naaalala ang mga simpleng letter at salita na kanyang itinuturo. Ang pagbati sa araw-araw ay memoryado ko na, memoryado na naming lahat. Naengganyo na nang naengganyo ang aking isipan sa pakikinig sa mga guro. Marami na silang itinuturo sa amin, hindi na lamang mga salita at awitin. Mga aralin tungkol sa araw, sa mga bituin, sa buwan, sa mga halaman, maging sa mga hayop at sariling katawan. Bagong araw, bagong aralin, bagong isipan. Nagbabago nang muli ang aking pagtingin sa aking paligid. Panibagong mga lenteng nasusuot sa aking mga mata sa bawat buwan at taon na aking nakatatagpo ang mga guro sa eskuwelahan.
...
            “Bata ka! Sinabi nang huwag tapakan ang nuno sa punso! Naku!” sigaw sa akin ni Nanay sa aking pagdaang pauwi sa aming kubo.
          
  “Nanay, mga langgam po ang nakatira riyan. Naiipon ang mga lupang kanilang dinadala para sa kanilang sariling bahay,” nakangiting pagpapaliwanag ko naman sa kanya.
         
   “Naku! Iyan ba ang natututunan mo sa Titser Linda mo na ‘yan?! Umalis ka riyan! Huwag na huwag mong tatapakan ‘yan! Hindi mo ba nabalitaan yung kaklase mong si Opet? Ayun! Nilalagnat at masakit ang tiyan! Nagtatakbo’t naglaro kasi sa may kasukalan ng gubat noong isang araw! Gusto mo bang magaya sa kanya?” matinding pamimilit ni Nanay.
         
   “Bakit, Nay? Bakit yung mga kalaro niya, hindi naman sumakit ang tiyan, bakit siya lang?”
          
  “Aba, sumasagot ka pa!”
        
    “Nakakita ka na ba talaga ng nuno? Anong itsura? Marami ba?”
       
     Walang imik.
        
    “Nasaan ang tiktik? Nasaan ang aswang kapag maliwanag ang buwan?”
        
    Walang imik.
          
  “Nasaan ang kapre, Nay? Nasaan ang mga duwende? Sa dinami-daming beses kong tinapakan ‘tong nuno na ‘to, ni hindi ako nagkasakit nang malubha! Lupa lang ‘to, Nay! Lupa!”
        
    Wala pa rin.
        
    “Kailan ba may naagawang buntis dito sa atin? Kailan ba nagkaroon ng tiyanak ng mga buntis na iyon? Nasaan na yung mga kinukuwento niyo sa akin?” Wala pa ring imik. Nagdabog na akong papalapit sa aming bahay at pumasok sa silid. Humiga na ako.

Nagising akong may inis pa rin at dumiretso na sa eskuwelahan. Hindi ko na kinuha ang aking baon sa labis na pagkukuwestiyon sa mga tanong ng aking ina na tila wala talaga sa lugar.
...
Tila may kakaiba sa aming silid-aralan ngayon. Bukod pa sa lalong dumilim, sumikip at dumumi, nagkaroon ang mga dingding ng tigdadalawang tuldok ng liwanag na nasa gitnang bahagi ng itaas. Lalo lamang luminaw ang pagtingin nila sa akin. Bakit nakatingin pa rin sila sa akin? Sobrang lagkit na rin ng lamesang pinagpapatungan ng aking mga kamay. Nahihirapan na akong tanggalin paminsan sa sobrang pagkakadikit ng mga ito. Bakit malagkit na ang lamesa ko? Sinubukan kong tanggalin ang lagkit, at patong muli sa lamesa – babalik ang lagkit. Palagkit nang palagkit. Napagod na ako katatanggal ng lagkit ngunit hindi ko na matanggal ang aking mga kamay nang ipatong kong muli sa lamesa. Tiningnan ko ang aking katabi para humingi ng tulong - wala pala akong katabi! Sinubukan kong sumigaw ng, “Titser Linda!” ngunit walang lumabas na boses. Nakatingin lamang sa akin si Titser at galit na galit. Sumisigaw habang papalapit sa akin, hawak-hawak na naman ang kanyang pamalo. Naku! Kailangan ko nang matanggal ang aking mga kamay! Hindi ko na sila mahila! Tumayo na ako’t humila nang buong-lakas ngunit wala pa ring nangyayari. Ako’y lumingon para humingi muli ng tulong. Unti-unting kumilos papalapit sa akin ang dingding sa likuran. Nang tumingin ako sa magkabilang gilid ay nagsisunuran di’t dahan-dahang lumapit sa akin. Papalapit na nang papalapit ang galit na titser habang unti-unti na akong iniipit ng mga sulok. Sige pa rin ako sa kakahila nang buong-lakas sa aking dalawang braso. Sumigaw ako nang sumigaw kahit na wala pa rin akong boses na naririnig. Humagulgol na ako na parang pipe sa lubos na takot at dami ng tanong sa sarili. Huli na ang lahat.

Nalipat ako ng lugar sa isang kisapmata. Nakaharap ako sa malaking salamin, kaharap ko ang aking sarili. Nakangiti sa akin. Maputi na ang aking balata, maputi na ako. Matangos na ang ilong, dilaw na ang buhok. Hinawakan ko ang aking buong katawan habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Manghang-mangha sa nakikita. Napansin kong hindi pala ako nakangiti. Bakit nakangiti ako sa akin? Tumawa nang malakas ang aking repleksyon.

“HA-HA-HA!”

Tawa nang tawa. Pilit kong kinisikis ang aking balat ngunit ayaw bumalik ng aking kulay. Tinatawanan na lamang ako ng aking repleksyon. Tinakpan ko ang aking mukha’t umakmang magtatanggal ng maskara. Ayaw matanggal! Lumakas nang lumakas ang tinig sa aking harapan. Tawa nang tawa nang tawa. Ayaw tumigil at palakas nang palakas. Pilit kong binubunot ang aking buhok at kinukurot ang aking mga bisig. Hindi ko na mapalitan. Sumigaw akong muli nang walang tunog. Kailangan ko na ng tulong. Kailangan ko nang makabalik. Kinurot kong muli nang ubod na ng lakas ang aking katawan sabay sigaw,

“NANAY!”
           
“Jose, bangon na!” bati na naman sa’kin ni Nanay.
           
Tik-tila-ok!
           
“Baka mahuli ka pa sa eskuwelahan.” 

“Ito na ang baon mo,” sabay abot ng nilagang saging sa akin. Iniabot niya na rin ang supot ng aking lapis at papel. “Pagbutihin mo na ngayong araw,” huling paalala niya sa akin. “Saka ka na kumain pag-uwi dahil hindi pa tapos ang aking sinaing.”
        
    Dilat na dilat ang aking mga mata. Sinilip ko ang aking mga palad. Pawing-pawi ang aking antok at takot. Sa isang banda, nakahinga na ako nang maluwag mula sa aking pagkakabangon. Sa kabilang banda, sana kinain na lang ako ng apat na dingding para ‘di na ako bumalik pa ngayon sa pagiging ibang tao.
        
    Napansin kong umuulan ang mga ulap sa taas ng sikat ng araw. Lumapit muli sa akin si Nanay.
        
    “O heto, payong,” kanyang abot sa akin.
      
      Ibinaba ko ang payong pabalik bilang pagtanggi.


        
    “May kinakasal na tikbalang.”

December 6, 2013

Punk Kapunk

Ano ba ang kasaysayan ng Pilipinas? Ang kasaysayan ay ang mga pinagdaanan ng mga nangyari sa Pilipinas sa bawat panahon. E ang panitikan ng Pilipinas? Ang panitikan naman ang mga karanasan ng mga Pilipino o ng mga katutubo ng Pilipinas na maaaring naisulat o naipapasa nang pasalita. Ito ay ang kolektibong mga karanasan ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon na nagsasabi ng ating kultura, kinagisnang kalinangan, mga kaugalian at iba pa. Samakatuwid, ang panitikan ang makapagsasabi o makapagpapakilala kung sino tayo, kung ano ang papel natin sa bansa. Kung mayroong kasaysayan at panitikan ang Pilipinas, hindi malabong may kasaysayan ang panitikan ng Pilipinas. Nais sanang pagdiinan ng papel na ito na ang kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas ay hindi kumpleto, o sa madaling sabi e kulang-kulang, na maaaring magpahiwatig na ang pagkaltas sa sana’y maaaring makapagpakilala sa ating mga Pilipino ay sinadya, o maaari ring hindi pa rin nagiging malalim ang paghuhukay sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pag-aakala nating kumpleto na tayo kasi may kasaysayan tayong naisulat e kulang pa rin pala. Sa dami ng akala nating bumubuo sa atin e kakaunti pa rin pala ang pagkakakilala natin sa ating pagka-Pilipino. Sa dami ng mga nakolektang impormasyon tungkol sa lahi ng matatapang at malilikhain sa Pilipinas e yung iba pala ay hindi totoo, inedit at hindi para sa lahat ng Pilipino kundi maaaring para lamang sa isang lahi, sa isang tao, at hindi para sa Pilipinas.
                
Ano ang literary history ng Pilipinas? Ito ay ang mga pinagdaanan ng literature ng Pilipinas sa bawat panahon. Ito ang mga pagbabago, pagbabawas at pagdadagdag sa literature. Nakapasok na rin dito kung paanong umunlad, pumasok, nagsimula, hinaluan at nabagu-bago ang buong panulat ng mga Pilipino tungkol sa mga karanasang paglaban, pasining at natural na bugso ng damdamin.
                
Pero ano nga ba talaga ang literary history? Ito ba ang History ng Literature?  O Literature ng History? May malaki nga bang pagkakaiba sa dalawang nabanggit para sa ibig sabihin ng kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas? Iba ang pagkukuwento ng talagang nangyari sa kasaysayan, sa paraang masining man o direktang pagsasalaysay ng mga aktuwal na nangyari. Ang Literature ng History ay maaaring patago, nakatago o naitago. May mga panulat na itinatago ang kanilang mga nais sabihin para hindi mahuli ang mga manunulat na nais magmulat sa mga taong kanilang nais maimulat sa katotohanan. Pumapasok na rito ang usapin ng censorship na ginagamit ng karamihan ng mga manunulat na bumabatikos sa mga nakatataas. Dahil nga naman sa ayaw ng mga nasa itaas na malaman ng kanilang mga nilalapastangan at pinagsasamantalahan na nakapandaraya na sila sa kanilang mga nasasakop, idinadaan ng mga manunulat sa pagpapahiwatig ang mga nangyayari sa mga hindi pa nakakikita. Nakikita ng mga manunulat ang mga nakikita na rin ng mga nilalapastangan. Nakikita nga ng mga pinagsasamantalahan ngunit hindi rin naman nila nakikita. Nagiging daan ang mga manunulat sa paglilinaw ng mga malalabong nakikita ng mga inaabusong Pilipino.
             
   O ito ang History ng Literature? Iba rin naman ang pagkukuwento tungkol sa mga lumitaw na kuwento, tula, dula at awit na isinulat, isinalin o ipinasa nang pasalita o paawit sa simula pa lamang ng kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring nagsimula na ang kasaysayan ng Pilipinas ngunit hindi pa nagsisimula ang panitikan dito. Iba ang pagsasalaysay ng pinagdaanan ng mga panulat ng Pilipino sa panulat tungkol sa pinagdaanan ng mga Pilipino. Ano ba talaga ang Literary History?
             
   Ang Literature ng History ay maaaring fiction at non-fiction. Nabanggit na kanina na ang pagsusulat sa Pilipinas ay maaaring tungkol sa Pilipinas, tungkol sa mga kasaysayan dito at maipapasok na rin ang sining sa panulat at pag-awit ng mga Pilipino tungkol sa kanilang mga karanasan, tungkol sa kanilang kasaysayan. Ang literature ng history ay ang pagkukuwento ng kasaysayan. Ang pag-aaral ng literature ng history ay ang pag-aaral ng nilalaman at istilo ng panulat ng mga Pilipino simula noon hanggang sa ngayon, na madalas nakabatay sa mga piling panahon.
             
   Samantalang ang pag-aaral ng History ng Literature ay ang pagbibigay-diin sa pag-aaral ng istilo at pagkakita sa pag-unlad at pagbabagong nangyari sa literature sa lahat ng panahon. Kung ang Literature ng History ay ang pagtingin sa kasaysayan ng mga tao, ang History ng Literature, sa pinakamadaling sabi ay ang pagtingin sa kasaysayan ng panulat ng mga tao. Maaaring sabihing bahagi ng history ng literature ang literature ng history. Mula rito, maipagpapalagay na mas malaki ang sakop ng history ng literature dahil pasok dito ang pagkakapanganak ng literature hanggang sa mga kasalukuyang panulat. Sapagkat kasama sa kuwento tungkol sa mga Pilipino ang kuwento tungkol sa simula at pag-unlad ng kanilang mga panulat at pag-awit, ang history ng literature ay bahagi lamang ng literature ng history.
              
  Ang literature ng history ay may pinipili lamang na panahong nais na ipakita sa mambabasa. Nakapasok sa mga imahen ng bawat panulat ang mga nangyayari na kung pagsusumahin at kokolektahin ang lahat ng panulat ay maikakahon sila sa bawat panahong kanilang ikinukuwento o maaari ring pagpangkat-pangkatin sa grupo kung saan ay sinasabi kung kailan sila isinulat.
               
Kapag binasa ko ang libro, madaragdagan lamang ang kaalaman ko sa bawat panahong alam ko tungkol sa history at maaaring maliit na kontribusyon lamang sa alam kong history ng literature. Mula rito, kakarampot lamang na bahagi ng alam kong history ng literature ang napasukan. Habang nadaragdagan ang mga kuwento sa isip ko tungkol sa mga tumira at nanatili sa Pilipinas, malaki ang naitutulong nila para sa kung ano ang masasabi ko sa kasaysayan nating mga Pilipino, ngunit kakaunting pagdidikit lamang ng mga katangian, nilalaman at karanasan ng mga panulat ng mga Pilipino ang maipapasok ko para sa alam kong kasaysayan ng ating mga nakasulat na karanasan. Kailangan ko pang magbasa ng mas marami kung pagtutuunan ko ng pansin ang history ng literature. Hindi na ako kailangang kabahan pa para sa mga alam ko sa kasaysayan ng ating bansa kung sa pag-aaral ng pa lamang nang pautal-utal sa history ng literature ay marami na akong nahihigop tungkol sa literature ng history.
             
   Kung ang panulat ay tungkol sa karanasan ng mga tao, at ang kasaysayan ang mga kuwento tungkol sa karanasan ng mga tao, maaari ko bang sabihing ang history ay literature at ang literature ay history? Mismo? Kung ang history ay nakasulat, o maaaring isulat, maaari naman itong ikategorya sa literature. Kasama na ito sa mga umusbong na sumulat dahil nabanggit naman kaninang ang literature ay maaaring fiction at non-fiction, at kung susuriing mabilis lamang ay ang history ay non-fiction literature. Ang history ay literature. Kung ang literature ay ang pagkukuwento ng mga karanasan, totoo man o hindi, pasok pa rin ito sa mga kuwento ng tao, kuwento ng karanasan ng mga tao, kasaysayan ng mga tao, kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring makapagsabi o makapagpahiwatig ng mga bagay-bagay na nangyari simula noon hanggang ngayon ang mga sinasabi at isinasalaysay ng mga manunulat kaya’t maaari nang isumang ang literature ay bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko sinasabing bahagi ng bawat sibilisasyon ang pagkakaroon at pagkakapanganak ng kanilang mga manunulat kundi bahagi ng kani-kanilang mga kasaysayan ang mga ipinanganak ng kani-kanilang mga manunulat. Ang literature ay history.
               
Kailangang aralin ang literature tungkol sa history. Hindi lamang nito masasabi kung ano ang nangyari noon kundi sinasabi rin nito ang nangyari sa ating panulat, kung paano itong nagsimula, nabago at maaari ring nawala o napalitan, nag-evolve sa mas maganda pang klase o istilo ng paghahayag ng karanasan at damdamin. Kailangan ding aralin ang literature na hindi tungkol sa history. Ito yung mga panulat na hindi pa nangyayari o maaaring patungkol pa sa ibang fiction na may posibilidad pang mangyari sa pag-usbong lalo ng teknolohiya. Ito yung mga sinasabi nilang may kahalong magic, o super advanced technology na maaaring feasible at maaaring hindi. May mga panulat kasing hindi patungkol sa kasaysayan o karanasan ng kanyang manunulat. Maaaring ang panulat ay magsasabi ng kasaysayang nais mangyari o hindi pa nangyayari ngunit gusto o maaaring mangyari ayon sa kanyang manunulat. Mula rito, pumapasok na ang problema sa isang literature tungkol sa isang Panahong hindi naman ginawa sa Panahong inilapat sa akda. Ito ay ang problema tungkol sa kung saan dapat ikahon ang iprinisentang halimbawang akda: sa Panahong nakapaloob dito o sa Panahong kinapapalooban niya?
               
Kung magsusulat ako ng literary history ng Pilipinas, kailangang nahahati ito sa mga panahon. Maraming sinasabing panahong tungkol sa mga kasaysayang ating nababasa pero may tatlo pa ring lumalabas na pangunahing mga panahon sa akademya: ang panahong wala pang mananakop, panahon ng mga mananakop at ang panahong wala na yung mga mananakop. Medyo problematiko pa rin ang unang panahon dahil sa hindi naman halos nahahati pa ang panahong ito batay sa mga panulat ng bawat isa, hindi tulad ng sa pangalawang sobrang sikat dahil sa mga Espanyol, Amerikano at mga Hapon, at sa ikatlo kung saan may mga nilabanang administrasyon sa Pilipinas. Oo nga, may panahon ng bato, metal, tanso at kung anu-ano pa ngunit sa mga antolohiya ng panitikan ng Pilipinas ay hindi nahahati ang pre-colonial na bahagi. Hindi ba makikita ang panahong kanilang pinapasukan para sa mga mas maliliit pang bahagi ng nabanggit na naunang panahon sa Pilipinas? O ang konsepto ng panitikan ng Pilipino ay mas kinikilala lamang kung kailan lamang kinilala ang salitang Pilipino at Pilipinas? Hindi pa ba mga Pilipino ang isinasama sa pre-colonial na bahagi panitikan ng Pilipinas? Hindi na ba kailangang mahati sa panahon ang bahaging ito? O kulang pa ang mga nakalap na panitikang nanggaling sa panahong ito? Isa pa ay ang pagtawag sa mga bahagi ng ikalawang panahon ng ‘ng kolonisador.’ Panahon ng Amerikano, panahon ng Espanyol, panahon ng Hapon. Panahon ba nila iyon? E bakit nakasulat sa kasaysayan at panitikan natin e sa kanila naman pala iyon? Kaya ba sinasabing sa kanila ang Hapon ay dahil nasa ilalim tayo ng kapangyarihan nila noong mga panahong iyon? O hanggang ngayon e kolonyal pa rin ang ating utak kaya panahon nga nila iyon? Hindi ba dapat e Panahon ng mga Pilipino? Panahon ng Pilipino sa ilalim ng Espanyol, Amerikano at Hapon? Sa atin ang panahon at hindi sa kanila. Hindi naman sila nakatira rito. Nakitira lamang sila sa Pilipinas. Hindi sa kanila ang mga panahon ng Pilipinas kung hindi sa atin. Atin ang ating mga panahon.
             
   May mga literature din na post-modernistic at futuristic. Tulad ng nabanggit kanina, ito yung mga panulat tungkol sa mga imposibleng mangyari at hindi pa nangyayari ngunit posibleng mangyari. Ito yung mga panulat na feasible scientifically o hindi, o sa madaling salita ay science fiction, na maaaring patunayan o hindi na, o hinahanapan pa ng patunay, pero nakasulat. Ibig sabihin, sila ay bahagi pa rin ng literature, at maaari na rin, ng history. Pero saan natin sila ikakahon? Wala naman silang puwesto sa tatlong unang nabanggit na panahon. Hindi naman puwede sa post-colonial kasi may bahagi pa rin sa mga ito ang hindi na nga talaga mangyayari. Kapag nangyari na ba ang context ng sinasabi ng isang literature, ililipat na ba ito ng kahon o saka lamang ba ito maikakahon? Maaari bang nasa dalawang kahon ang isang literature? Kailangan bang baguhin ang mga kahon o kailangan silang dagdagan?
              
  Kapag magkakahon ng isang bahagi ng literature papaloob sa isang period, pipiliin ang panahon kung kailan ito isinulat o isinilang. Ang mga naisulat nang literature sa panahon ng mga Espanyol ay nakapaloob sa panahon ng Espanyol ng mga naisulat nang bahagi ng history ng literature. Maaaring sabihing may literature noong panahon ng Hapon at maaari ring sabihing may literature tungkol sa panahon ng Hapon. Paano ikakahon ang mga ito? Saan nga ba sila ikakahon? Ikakahon ko ba ang mga ito sa panahon lamang ng Hapon?
              
  Ano nga rin ba ang panitikan na ng Pilipinas? Ito ba yung panitikang isinulat sa Pilipinas? Paano kung dayuhan ang nagsulat tungkol sa Pilipinas, bahagi pa rin ba ito ng panitikan ng Pilipinas? Panitikan na nila ito dahil sila ang sumulat. Ito ang pagtingin nila sa Pilipinas o ang mga karanasan nila Pilipinas ngunit hindi naman sila mga Pilipino. Maaaring sabihing problematiko rin ang terminong panitikan ng Pilipinas. Baka naman sabihin na lang nating panitikan ng mga nakatira sa Pilipinas. Ito ang panitikan ng mga Pilipino. Kaya kahit nasa ibang bansa man ang isang Pilipinong manunulat at sumusulat siya tungkol sa bansang iyon, panitikan pa rin iyon ng Pilipinas, ng mga Pilipino. E paano naman kung Pilipino ka ngunit sa ibang bansa ka lumaki? Apektado ang iyong imahinasyon at istilo ng panulat ng dayuhang kultura at kalinangan. Pilipino ka pa rin ba? Panitikan pa rin ba ng Pilipinas ang iyong pinahahalagahan o panitikan na ng bansang iyong kinalakhan at kulturang kinagisnan? Kailangan bang may umangking bayan sa lahat ng mga panulat na inilalabas ng mga manunulat? O ang panitikan ay para sa lahat naman ng mambabasa at hindi para sa kani-kanilang mga manunulat?
              
  Bakit kailangang magkahon? Kailangan nating maikahon ang ating mga panitikan para maging maayos at sunud-sunod ang pagtingin sa pag-unlad ng panulat ng mga Pilipino sa Pilipinas. Ipinapangkat nang maayos ang bawat panitikan sa Pilipinas para makita ang unti-unting pagbabago sa bawat panahon. Inaaral ang pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas para malaman ang pinagmulan ng panulat nating mga Pilipino, kung paano tayong mag-isip, kung paano nating inilalabas ang ating mga naiisip at nararamdaman, kung paano tayo nagiging iba at natatangi sa iba pang mga lahi sa mundo. Tinitingnang mabuti ang panitikan ng Pilipinas sa bawat panahon para makita ang daloy ng ating mga nais sa bawat panahon, kung anu-ano nga ba ang mga lumilitaw na espisipikong hinahanap-hanap natin sa bawat panahon para maikumpara ang hangarin ng bawat Pilipino, kung may pagkakaiba man o pagkakapareho. Sa pagkakapareho, madaling masasabi kung sino talaga ang Pilipino, kung paano siyang nakikibagay sa mundo, at para sa pagkakaiba, lumalabas ang iba’t ibang naranasan ng mga Pilipino na maaaring tumulong sa pag-abot o pagdating natin sa ating pagkakapareho.
               
Paano magkakahon? Kailangang maikahon ang isang literature sa panahon kung kailan ito isinulat. Maaaring sabihing apektado ng wika ang pagsusulat ng isang manunulat tungkol sa literature na kanyang nililikha, ano pa mang panahon ang nakapaloob at ang kanyang gustong isalaysay o ilahad. Hindi na iisipin ang nilalaman ng isang literature kung nais magkahon. Iisipin na lamang kung kailan ito isinulat. Ang wika ng manunulat ay nakapako sa panahong kanyang ginagalawan. Apektado ng kapaligiran ng panahon ang wika ng isang manunulat. At kung apektado ng wika ng manunulat ang kanyang literature na kanyang isinusulat, nakapako ang kanyang nililikha sa kung kailan niya ito isinulat. Kaya kung may ikakahon mang literature, ibabase ito sa wikang ginamit ng manunulat, sa wika ng kanyang panahon, sa panahong isinulat ng manunulat ang kanyang literature.
                
Kung may magbabasa man nito, madali itong mababasa dahil nga sa wika ng kanyang panahon ang ginamit. Mas madaling magkakaintindihan kung magkapanahon ang manunulat at ang kanyang mambabasa. Kung nais na madaling maunawaan ng target na mambabasa, maaaring makibagay ang kasalukuyang manunulat at ibabase niya ang kanyang tono sa tono ng kinaliligiran niyang mga tao o mas paliliitin niya pa ito sa alam na wika ng kanyang target talaga na mambabasa. Maaaring ang target na mambabasa ng isang manunulat ay naaayon sa panahon ngunit ang wika ng panahon ay maaari pa ring pagpangkat-pangkatin. Naikakahon din sa marami pang mga wika ang isang wika ng isang panahon. Sa madaling sabi, ang pagkakahon ay maaari pa palang ipasok sa mas pailalim na spesipikong wika ng isang panahon, mula sa mas karaniwan o pinaghugutang wika ng kinapapaloobang panahon.
                
Sa akademya, mas mabilis na nauunawaan ng mga estudyante ang wikang mas gusto nilang binabasa, lalung-lalo na kung nasa wika nila itinuturo ang paksa o nasa wika ng kanilang panahon ang kanilang mga pinag-aaralan at sinusuri. Bilang isang manunulat, kung magsusulat ako ng literature ng history para sa mga taong labas sa akademya, isusulat ko ito sa wikang madali nilang mauunawaan. Hindi lang naman para sa mga taga-akademya ang literature at ang history. Noong panahon ng mga Amerikano, sikat ang mga sosyalistikong panulat sa mga taong labas sa akademya, partikular na sa mga manggagawang Pilipino. Ang mga panulat na ito ang nagmulat sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa kanilang paligid. Ang isang papel ng manunulat ay magpakita ng kanilang mga karanasan para na rin sa mga taong nakararanas ng kanilang mga nararanasan ngunit bulag sa kanilang talagang nararanasan. Ang pagsusulat sa wikang nakapaloob sa panahong kinapapalooban ay pagsusulat sa panahon ng mga taong pumapaloob dito. Para saan pa ang malalim na pagsusulat kung gusto kong gisingin ang mga natutulog na hindi pa marunong sumisid?
           
     May literature noong panahon ng kolonyalismo na nakatago ang mga ibig sabihin para hindi mahuli agad. Katulad ng nabanggit pa kanina, ang mga ito ay censored, censored sa mga dayuhan ngunit hindi censored sa kamalayang Pilipino. May paraang mas mabilis nating makikilala ang ating mga sarili nang hindi tayo nakikilala ng mga taga-labas. Ang pagtatago ng mga pahiwatig ay magtatago nang walang hanggan mula sa mga dayuhan dahil sa iba ang takbo ng kanilang isip sa takbo ng isip ng mas madaling makaiintindi ng mga simbolismo at imaheng nakapaloob sa isang literature. Itinatago nila ang kanilang mga identidad para hindi sila mapahamak dahil ayaw ng mga nakatataas na binabatikos sila dahil sa kapag namulat na ang kanilang mga pinagsasamantalahan, maaaring maalis sila sa puwesto nang walang kalaban-laban, kaya maaga na nilang inaalisan ng kapangyarihan ang sinumang mahuli nila.
           
     Pero may mga literature din na direktang bumabatikos at madaling mahuhuli ng isang kalaban. Minsan, mas maganda na rin kung ang atake e madaling makapagpapaunawa sa isang kalaban. Matatapang ang mga ganitong panulat sapagkat ang bomba ay inilalaglag mismo sa upuan ng mga nakaupo, hindi lamang sa mga nakatayo. Sinusubukan nilang kumbinsihin ang mga nakataas na walang pakialam na magkaroon naman sila ng pakialam sa kanilang mga pinagtitripan. Kung may kakayahan silang hubugin ang mga naghihirap, iniaangat nila ang kanilang mga kakayahan bilang mga manunulat para hubugin naman ang mas matataas.
           
     May mga literature din ng Pilipinas na nakasulat sa mga banyagang wika. Dahil sa kalat na ang pambansang wikang Filipino sa buong Pilipinas dahil sa pagkakalat ng media at pagtuturo sa edukasyon nito bilang isang asignatura, kailangang maisalin sa Filipino o sa iba pang mga wika ng Pilipinas ang mga wala sa wikang Filipino. Naisulat man ito sa ibang wika, kung Pilipino pa rin ang sumulat nito ay hindi naman siguro ito mailalayo sa kulturang Pilipino, sa wika ng isang Pilipino. Baka naman mas madali pa itong mauunawaan at mas marami pang maipapasok, masasabi at maidaragdag tungkol sa isinaling panulat mula sa banyaga tungo sa isang wikang mas mabilis na mauunawaan ng isang Pilipino, kung ang isinulat nga ay para sa Pilipino.
            
    Makikita sa Revolutionary Routes ang naging tulong ng literature at wika sa pagsasalaysay ng mga nangyari sa history. Magkatuwang pa rin ang dalawa, ang literature at ang history, sa pagpapublish ng mga kuwentong nais ipabatid. Hindi maaaring paghiwalayin ang literature at history. Ang literature ay ginagamit upang maipakilala ang history at ang history ay ipinapakilala ang literature. Ang pagkukuwento ay hindi lamang nakatutulong sa pagdadagdag sa karanasan ng mga tao kundi pati na rin sa karanasan ng ating panitikan.
              
  May nakapaloob pa ring kultura at ideology sa wikang ginagamit ng isang manunulat sa kanyang paggawa ng literature. Kung nagsasalin, hindi rin naman agad-agad na nakikita o naipararamdam ang nais na iparamdam ng manunulat sa kanyang target na mambabasa. Sa kaso ng Revolutionary Routes, ang proseso ng pagsasalin ay mula Espanyol hanggang Ingles at mula first-person hanggang third person. Kung magkakaroon ng mas malalim pang pagbabasa ang isang mananaliksik, hahanapin niya ang orihinal na akda para ikumpara sa naipublish at mas mapicture out ang mga pangyayari, lalung-lalo na’t siya’y magbabasa sa first person point of view. Mas magiging kumpleto ang karanasang kanyang iniimagine, mas buo dahil sa mas detalyado at purong mga ideya sa orihinal na wikang ginamit.
           
     Ang papel ng literature upang maipasa ang kasaysayan, para sa mga mambabasang hindi nakadanas ng nangyari sa nakaraan. Ang panitikan ang nagbabalik sa kanyang mambabasa sa mga nangyari noon, sa mga panahong hindi niya kinabibilangan. Ang panitikan ay naisusulat para maipakilala nga ang history. Sa unang wikang ginamit para maisalaysay ang mga nangyari sa kanilang buhay, ang unang draft ng Revolutionary Routes, maipakikilala ang uri ng literature sa panahong tumatakbo sa isipan ng kanyang unang manunulat. Nabibigyang-diin ng history ang literature na kanyang nasasakop.
               
Sa Revolutionary Routes, may binanggit din tungkol sa Secret History. Bakit nga ba may mga itinatagong history? Pili pa rin ba kaya ang mga itinuturo sa elementarya? May kinakampihan ba ang mga historyador ng bansa? Kapag naisulat ay dapat nababasa dahil kaya nga naisusulat ang isang literature ay dahil may gusto itong patunguhan, may gustong mambabasa. Hindi dapat itinatago ang kasaysayan at panitikan dahil isinulat ang mga ito para mabasa, malaman at maunawaan at hindi para lamang maipon, maidisplay o mabulok sa baul. Hindi dapat kinokontrol ang history. Hindi na ba mahalagang literature ang mga hindi sikat? Kaya lamang ba sumisikat ang literature ay mahalaga sila? O pinipili lamang ang mga pinahahalagahan? Hindi na dapat pahalagahan ang lahat ng panulat? O implikasyon lamang ng Secret Histories na ito na kulang pa ang ating history? Kapag hindi pa ba naisusulat ay hindi na bahagi ng ating panitikan?
             
   Sa parte na Tomas, the Lawyer ng Revolutionary Routes, makikita ang pagsilence sa kapwa Pilipino para sa reputasyon ng isang sikat na Pilipino. Hindi lamang pala ang mga kolonisador ang nagpatahimik sa mga nais sabihin nating mga Pilipino ngunit mga kapwa din nilang Pinoy ang umagaw sa kanilang karapatang mag-ingay na maaaring magpaalis sa isang tao at maaaring makapagpabago ng buong history, ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng hinaharap. Kontrolado ang history ng Pilipinas, hindi lang ng mga dayuhan, kundi ng mga Pilipino mismo. Hindi lahat ng naisusulat sa libro e nangyari nang natural, sa madaling sabi e scripted. Naisulat na agad ang history bago pa man ito naisulat.
              
  Pansin naman sa kuwento ng Crisostomo, the Guerilla ng Revolutionary Routes ang pagtulong ng mga Hapon sa mga Pilipino laban sa mga mapagsamantalang Hapon. Madalas, kapag sinabing mananakop, kalaban at masama agad na maituturing. Bawas na bawas na talaga ang ating kasaysayan. Nagkukulang ang ating kasaysayan at panitikan, hindi lamang dahil sa kulang pa ang mga nahuhukay ng mga historyador ngunit pinipili pa rin mula sa mga kaunting nahuhukay ang mga nais lang ipabasa. Kakarampot na nga, binabawasan pa. Makikita ang dalawang pagtalikod – ng Hapon sa Hapon, at ng Pilipino sa Pilipino. Ang isa’y para sa kapakanan ng isa. Ang kabaitan ng isang tao ay wala sa kanyang pinanggalingang bansa, hindi sa kinikilalang natural o kumon mula sa kanyang bansa, kundi sa pagyakap sa tradisyon ng kanilang bansa, sa tamang kultura at tradisyon ng kanilang bansang kinalakhan, sa gusto ng kanilang bayan at hindi sa gusto ng kanilang mga tao. Naghihiwalay ang pagiging makabayan at pagiging makasarili sa mga pagkakataong ito dahil nakikita ang tunay na natututunan ng isang tao sa kanyang bayan o kung natututo ang isang tao sa kanyang bayan. Nabubura ang pagtingin sa bandila at kapangyarihan at bumababa sa mas madaling konsepto ng pagiging tao, malayo sa isang lahi, malayo sa sarili, malayo sa usaping makasarili at pasok sa usaping makabayan. Ang punto ng pagtataksil ay hindi laban sa kapwang kapareho ng pinanggagalingan kundi laban sa mga itinuturo ng pinanggagalingan.
              
  Mula sa Cracks in the Parchment Curtain, pinalalabo ng dokumento ng mga Espanyol ang maaari sanang malinaw na larawan ng nang dinatnan nila sa unang pagkakataon ang mga katutubong Pilipino nang mapadpad sila sa mga isla ng Pilipinas. Sila nga ay nakarating dito sa Pilipinas ngunit hindi sa punto de bista ng isang Pilipino ang kanilang mga panulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga para sa Pilipinas ang kanilang pagsusulat kaya hindi naman nila pinahahalagahan ang pagsusulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga sila nagsusulat para sa mga Pilipino ng Pilipinas ngunit nagsusulat sila tungkol sa kanilang mga ekspedisyon at tungkol sa kanila, hindi tungkol sa atin. Ngunit mula sa kanilang mga panulat na ito ay maaaring pagkuhanan ng kasaysayan natin kahit hind sila para sa atin. Basta ba’t may nakapaloob na Pilipinas e maaari nating magamit upang maipakilala ang sinaunang mga nangyayari sa bansa. Hindi man ito panitikan ng Pilipinas, ang panitikan sa Pilipinas ay maaaring basahan tungkol sa Pilipinas upang makilala din natin ang mga sinaunang Pilipino.
            
    Binanggit sa Cracks in the Parchment Curtain ang pagsilence sa mga hindi naman ganoong kaimportante sa kasaysayan ng mga dayuhan. Tinanggal nila ito dahil hindi naman mahalaga tungkol sa pagpapakilala ng kanilang pagiging mahusay pero mahalaga para maipakilala tayo. E sa para sa mga tao nila, para sa kabuuang istorya ng kanilang ekspedisyon ang kasaysayang kanilang isinusulat kaya hindi nila isinama ang kasaysayang makatutulong sa mga hindi nila kalahi. Ang pagsulat ng kasaysayan ay may pinipili lamang na mambabasa, mambabasa ng panitikan, panitikan ng sariling lahi. Hindi naisusulat nang kumpleto ang kasaysayan dahil sa iba’t ibang pagpapahalagang pinagtutuunan ng pansin na kanyang manunulat.
             
   Ang pagsulat ng panitikan ay hindi lamang ginagawa para may maisalba sa kasaysayan kundi binabawasan ito base sa importansya nito sa manunulat. Kung hindi naman magagamit ng kanilang lahi e hindi na nila kailangan pang pagbutihin ang pagsulat tungkol dito. Hindi kinokonsidera ang kasaysayan ng ibang lahi kung magsusulat ng tungkol sa lahing kinabibilangan. Isa rin itong halimbawa ng mga dahilan kung bakit kulang o bawas ang panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Alam na agad ng manunulat ang kanyang magiging mambabasa.
              
  Ang manunulat ay mahalaga sa kasaysayan at panitikan ng kanyang bansa. Siya ang nagdaragdag, nagpapaunlad at pangunahing tumutulong sa pag-usbong ng panitikan at nagpapakulay sa kasaysayan. Kung walang manunulat, walang panitikan, magkukulang ang kasaysayan. Kung walang manunulat, walang makaaalam ng kasaysayan. Ang manunulat ang may kapangyarihang magpasimula ng mainstream at mayroon din silang kapangyarihang sirain ang mainstream. May kapangyarihan silang ipakilala na ang mga may kapangyarihan ay wala naman palang kapangyarihan. May kapangyarihan ang isang manunulat na bigyang ng kapangyarihan ang mga walang kapangyarihan o ipaalam sa isang indibidwal na mayroon pala siyang kapangyarihan. May kapangyarihan ang manunulat na tuluyang makilala ng isang nilalang ang kanyang pagkatao at kaya rin ng isang manunulat na tapakan ang pakatao ng isang indibidwal at masira nito ang unang kinikilala niyang akala niya ay kanyang tunay na pagkatao. May kapangyarihan ang isang manunulat na ipakilala sa kanyang mga mambabasa ang kapaligirang kanilang ginagalawan, magsiwalat ng mga sikreto at magbunyag ng mga hindi pa nakikita sa mga hindi pa nakababasa sa kanila o sa mga hindi mapanuring matang di natutulad sa mga mata ng isang manunulat. May kapangyarihan din silang itago ang mga nalaman nila ngunit kahit kailangan nilang isiwalat ang katotohanang kanilang mga nakita, maaari rin silang pigilan ng mga nagkukunwaring mas makapagyarihan pa kaysa sa kanila.
             
   Mula sa dalawang Sarilaysay, hindi naman agad na nagiging mahusay na manunulat ang isang manunulat. Karaniwan sa mga manunulat noong bata pa e, nakahihiligan na nilang magsulat. Ang pagsisimula nang ganito mula pa lamang sa murang isipan ng isang tao ay maaaring makatulong upang maaga nang mahasa ang angking galing at pagnanais na magsulat para sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Pero hindi pa sila agad naghahangad ng makilala ng kapwa nila ang kanilang mga sarili. Nagsisimula sila sa pagkilala ng kanilang sarili. Nababanggit sa dalawang aklat na nagsusulat pa lamang sila noong mga bata sila dahil sa iyon ang gusto nila. Gusto lang talaga nilang magsulat. Ginagamit nila ang kanilang panulat para mailabas ang hindi nila masabi, upang mailabas ang kanilang mga nararamdaman. Hanggang sa magsimula na silang magbasa nang magbasa, dumadami at mas namumulat ang kanilang mga murang isipan, mas lumalalim ang kanilang mga panulat hanggang sa hindi na lamang sila nagsusulat para sa kanilang mga sarili kundi nagsusulat na sila para sa iba, para sa kanilang mga mambabasa.
           
     Kapag nakilala na nila ang kanilang sarili at handa na silang pasukin ang mundo ng isang manunulat, ang mundo ng pagpapakilala ng sarili ng iba, ang mundo ng pagmumulat sa iba, may mga daan pa rin silang dapat lampasan upang lubos na maipagpatuloy ang napiling destinasyon. Maliban sa patuloy pang pagbabasa ng napakarami at pagsusulat nang patuloy, maraming manunulat din ang sumasali sa mga contest, sumasali sa mga writing organization at sumasali sa mga workshop kasama ang kapwa nila manunulat o yung mga manunulat na sa tingin nila agad e mas magagaling sa kanila. Doon nila mas nakikilala ang kaibahan nila sa kapwa nilang manunulat at nakatutulong din ang mga kapwa nila sa pag-unlad pa lalo ng kanilang mga panulat. Mahalagang mapaunlad nang maayos ng isang manunulat ang kanyang pagsulat dahil sa kailangang maging consistent o iisa ang kanyang istilo sa pagsulat. Kailangan niyang makilala o mabuo ang kanyang sariling istilo sa pagsulat. Kung makabubuo siya agad ng isang istilong para sa kanya, ang kanyang mga susunod pang maisusulat para sa panitikan at kasaysayan ay madali na siyang makikilala para sa mas madaling malaman ng mga mambabasa ang mga nagmulat sa kanila. Magiging bahagi ng mas maayos na kasaysayan ng panitikan ang isang manunulat dahil sa kanyang tanyag na istilo at magiging nilalaman ng kanyang mga panulat.
                
Kailangan din nilang malampasan ang problema nila sa magulang dahil sa pipiliin nilang career sa buhay. Ayon sa mga kinapanayam, may magulang din kasing ayaw sa pagiging manunulat ng kanilang mga anak dahil sa kakaunti ang perang papasok sa bulsa. Mas pinahahalagahan ng mga magulang ang gusto nila para sa kanilang mga anak at hindi ang gusto ng kanilang anak para sa kanyang sarili. Pinag-aaral lamang nila ang kanilang anak para makapagtrabaho at kumita, umunlad bilang isang robot, at hindi ipinapasok ang kanilang anak sa unibersidad para makilala nito ang kanyang gusto at umunlad bilang isang tao.
              
  Sa may unang bahagi ng Etsa-Puwera, nakita ang pagtingin ng tao sa hayop at ng maaaring pagtingin ng mga hayop sa tao. Malaki ang pinagkaiba ng mga hayop sa tao dahil nairerekord natin ang ating kasaysayan at naiipon natin ang ating mga panitikang maaaring makapagpabuo o makasira sa ating mga sarili, sa ating mga pagkatao. Tao na rin mismo ang nagsusulat tungkol sa mga hayop, sa kanilang mga kuwento at gawi.
             
   Maaga na ring nabanggit sa Etsa-Puwera ang pagkukuwento ng Sion sa nagkukuwento ng nasabing akda – ang oral na tradisyon. Nasusulat sa mga antolohiyang ang pre-colonial na panahon ay may panitikan ngunit madalas ay naipapasa sa paraang pasalita o paawit. Sa panahon natin ngayon, may mga nagkukuwento pa ring matatanda. Nasa pagnanais na ng nakarinig kung isusulat niya ang kanyang mga narinig para sa mas marami pang makababasa o kung wala siyang kumpyansa sa kanyang pinagsasabihan na hindi naman nila ikakalat ang kanilang mga narinig mula sa kanya.
              
  Sa pagtapak ng unang Espanyol sa lugar ng pangunahing tauhang pinakilala ng nagsasalaysay sa nobela, nagulat sila sa kakaibang kulay ng dayuhan. Ang pagtingin nating mga Pilipino sa taong may ibang kulay ay maganda, madalas. Pumapaloob na rin dito ang pagtingala sa mga ginagawa ng dayuhan. Ang pagpasok ng dayuhang sistema sa sistema ng ating panitikan ay nagpabago at humubog sa anyo ng panulat ng Pilipinas. Ang kanilang anyo ng panulat ang nasunod na bigla dahil sa tiningala nga ang mga dayuhan. Ginaya na natin sila. Ang pagbabago ng anyo ng ating pagsulat, ang pagkabawas at masyadong pag-unlad ng ating naunang sariling anyo ng pagsulat at pagsasabi ng ating mga kuwento, ng ating kasaysayan. Mas lalong naipayabong ang dayuhang paraan ng panitikan kaysa sa naging taal sa kasaysayan ng mga katutubong Pilipino. Kung hindi sana tayo napasok ng mga dayuhan at naipakilala nila ang kanilang kultura, panulat at paniniwala, nakabuo sana tayo ng mas orihinal na konsepto, mas Pilipinong panulat at mas maipagyayabang na sariling ating istilo ng panulat.
               
Sila ang nagdikta sa atin kung ano raw ang tama. Matagal na ipinagbawal sa atin ang mga nakasanayan ngunit may mga hindi rin naman sumunod o hindi naabutan ng kulturang dayuhan. Ang panitikan ng Pilipinas ay pinaghalu-halong dayuhang panitikan, taal na Pilipinong panitikan at hybrid ng dayuhan at Pilipinong panitikan – panulat ng mga sumunod sa diktadurya hinggil sa kung ano raw talaga ang tama, panulat ng mga nagpanatili ng orihinal na panulat ng mga katutubong Pilipino, at mga panulat na may bahid pareho ng kontekstong Pilipino na may kaunting porma’t anyo ng mga dayuhan.
              
  Maganda ang imaheng ipinakita sa bahaging Ang Pamumukadkad ni Rosa ng Etsa-Puwera. Nakapaloob sa bahaging ito ang pagde-virginize kay Rosa ng isang paring dayuhan. De-virginized na pero bata pa rin. Nakaramdam lamang ng pagnanasa, ng sarap ngunit hindi nakasisiguro kung tama. Ang pagtanggap lamang nang pagtanggap ay natural sa isang batang walang malay, walang alam. Hindi siya nakasisiguro dahil wala naman sa ugali niya ang paniniguro. Madalas, kung anong nakikitang ginagawa ng matatanda, malupit agad, magaling, masayang gayahin, at sa kontekstong Pilipino, kung anuman ang gawin ng dayuhang may kakaibang kutis ng balat. Ang pagkantot ng dayuhan sa batang panitikan, kultura at kasaysayan ng Pilipinas ay napakasama dahil pilit nilang binura kung anuman ang ating nasimulan. Madalas nila tayong pasunurin, lokohin, sa pag-aakalang magulang natin sila, kasi pakiramdam nila, bata pa tayo.
             
   Sinundot ng pari ang inosenteng nagdadalaga ngunit hindi rin niya siya buong napasunod. Tinatawanan lamang siya nito kahit na kanyang pinangangaralan. Ganito ang naging sagot ng mga nakakita ng kamalian ng dayuhan, ng mga dakilang manunulat. Tatawanan nila sila at gagawin ang nais, ang tama para sa kanila. Pero katulad ni Oysang na kalahating usa at kalahating tao, kakaunti lamang ang mga ganitong tao. Mga taong namulat at mabilis na nakapick up ng balak ng mga dayuhan sa Pilipinas. Ang mga nagsulat tungkol sa pagwasak sa sistema. Nagsimulang kaunti ang mga tulad ni Oysang kaya matagal tayong nabihag, nadiktahan. Ang ginawa ni Oysang ay pinasarap niya ang kanyang sarili ngunit hindi siya nagpabihag sa iba pang pakay ng pari. Malinaw sa kanya na kung ano ang gusto niya ang masusunod, hindi ang kagustuhan ng dayuhan. Ganito rin ang ginawa ng mga manunulat na ginamit ang porma’t anyong ipinakilala sa atin ng mga dayuhan. Ginamit nila ang mga ito sa pagsulat ng ating panitikan na maaari namang nagpaunlad din sa panitikan ng Pilipinas. Kinukuha lamang nila ang magagamit nila nang mabuti mula sa mga dayuhan ngunit hindi sila nagpagamit sa kasamaan ng mga dayuhan.
               
Lahat ng kultura ay tama. Walang kaisipan ng moralidad, yaman at etiketa sa usapin ng pagtingin sa pagitan ng dalawang magkaibang kultura. Maling pagkumparahin mula sa dalawang magkaibang kultura kung alin ang mas tama, alin ang mas makatao, kung alin ang mas maganda. Ang mali sa mga mananakop, akala nila e kung hindi sa kanila e mali. Ito namang ibang Pilipino, gumaya at hinangad na maging dayuhan sa sariling kultura. Yung mga magagaling na panulat, iniangkop nang maayos ang katangiang ipinakilala sa ating panitikan saka gumawa ng hybrid ngunit maituturing pa ring pansarili at tatak Pilipino.
            
    Naging bahagi pala ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Intsik, ngayon ko lang nalaman. Habang nagbabasa ng Etsa-Puwera, nagkaroon ng mas malinaw na larawan ang naging buhay ng mga Intsik dito sa Pilipinas. Sa mga kasaysayang nakasulat at ipinababasa sa akin madalas sa paaralan, madaling makikita at paulit-ulit ang kuwento tungkol sa mga kalaban. Ang kauna-unahang kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa mga dayuhan e tungkol na lang parati sa mga kalaban. Bakit hindi magsulat ng kasaysayang tungkol sa magaganda namang naidulot ng dayuhan? Itinatanghal ang mga Pilipinong tumulong sa Pilipinas at hindi ang mga dayuhang nagpaunlad sa Pilipinas o yung mga taong maaaring magpayaman pa sa kasaysayan ng bansa?
            
    Sa bahaging Ang Paghahanap sa Wala naman ay bahagyang inilarawan ang batang Sion. Sinabi roon na parang wala siyang matandaang magandang kuwento tungkol sa sarili. Dagdag pa ng nagsasalaysay na sa tingin niya ay ipinanganak na siyang matanda na agad. Malinaw rin naman itong pangitaing ito noong panahon pa talaga ng pananakop sa Pilipinas. Ito yung mga panahong bata pa lamang yung mga Pilipino e bawas na ang kasiyahan nila bilang bata, na magiging masaya na lamang kapag naging maayos ang katayuan sa buhay, na mahirap maging masaya kapag mahirap. Wala nang pakialam sa nakaraan, ang inaalala na lamang ay ang hinaharap. Papasok na sa kokote ng mga bata na kailangang mag-aral at magkaroon na lamang ng trabaho para magkapera. Tulad nga ng sinabi ng isa kong prof, nagtatrabaho na lamang para kumita, hindi para maenjoy ang pagiging tao sa mundong kanyang ginagalawan. Apektado ng kolonyalismo ang mga naisin ng mga Pilipino sa buhay. Mula sa pagiging payak lamang ngunit masaya at nakabubuo ng pagkatao e naging kumplikado, mahirap at nakawawalang gana na at nakapagpapabagong-tingin sa sarili bilang isang anak ng bayan.
               
Lutang naman ito sa panitikan ng Pilipinas, oo. Kaya nga may mga akdang sosyalista, halimbawa, na bumabatikos noon sa pagtingin na lamang sa sarili ng isang Pilipino bilang makina ng mga dayuhan. Ang mga panulat ay ginamit upang imulat ang mga manggagawa na hindi na lamang sila hanggang doon sa kinauupuan nila kundi marami pang posibilidad sa buhay at nararapat lamang na maenjoy nila ang mga specializations na napili nilang pagkadalubsahaan at hindi lamang para sa mga dayuhan, para sa pera, na ang kani-kanilang mga talento ay para sa kani-kanilang mga sarili, sa bayan at hindi para sa iba.
              
  Sa kabanata naman na Ang Maliit na Tao na May Pinakamalaking Ari sa Bayan, natigilan ang bumigwas kay Bong nang malaman nitong kay Sion at Ruben ang kanyang kaharap. Sinundan pa ito ng pagpunta ni Golyat upang magdiskargo sa nagawa ng kanyang tauhan kay Bong. Ibig sabihin, kilala ang lahi ni Sion. Ibig sabihin, sikat sa kanila ang lahi ni Sion. Ang pagsulat ng kasaysayan ay ipinapasa at isinusulat din para maiangat nga ang pangalan tulad ng sa nabanggit pang kabanata bago ito. Naisusulat para maipagmalaki, para may maipagmalaki. Naisusulat ang kasaysayan hindi lamang para maipakilala ang sarili kundi para maitangi nang malinaw ang sarili, para maipagmalaki ang sarili.
              
  Sa bahagi ulit na nabanggit kanina (Ang Paghahanap sa Wala), ay nadiskubre naman ni Sion ang isang gusi, isang earthenware jar, pinaglumaan ng panahon, maraming nakabaong sikreto. Nang buksan niya ito, lumakas ang kanyang loob at handang-handa na siyang humarap sa mga ibabato ng hinaharap at kasalukuyan. Ganito rin ang magiging tulong ng panitikan at kasaysayan kapag sinipag na halukayin. Kailangang mahanap ang pinagmulan ng sarili para mahanap ang pupuntahan ng sarili.
               
Sa kabanata ring ito isinalaysay ang piniling pagtahimik ni Johnny para maisalba ang sarili at ang kanyang mga magulang, ang pagpili ng mga taong nararapat lamang na makarinig ng kanyang kasaysayan. Maaaring sabihing nagkakaroon ng mga isinisikretong kasaysayan para may mailigtas sa kapahamakan. Puwede ring basahin ito nang may pinipili lamang na pagsasabihan ng kasaysayan, na hindi para sa lahat ng tao ang isang kasaysayan. Saka lamang ang mga ito isinasambulat sa kamadlaan kapag malayo na sa panganib ang mga taong posibleng mapahamak. Ang panitikan ay may pinipili at hindi para sa lahat. Ang kasaysayan ay hindi madalas naisusulat agad kaya minsan ay kulang-kulang o nakalilimutan na. May mga panitikan at kasaysayan ding maaaring hindi na talaga inilabas dahil sa pansariling takot at kaligtasan. May mga panitikang hindi naisusulat ngunit nakapako at nakalihim sa isipan ng nagmamay-ari nito.
               
Sa kabanatang Ang Mundo Namin Sang-ayon kay Misis Meyor ay nagpagawa ng family tree na hindi isasama ang makapagpapasama sa reputasyon ng kanilang angkan. Ang pagpapatahimik ay iniuutos ng mga nagpapagawa ng kasaysayan. Ang nakasulat na kasaysayan ay edited, maraming nakatago, tinanggal, ipinagbawal. Yung mga hindi naisusulat, maaaring manatili sa pinagpasahan at nakaaalam pero maaaring ipasa nang paoral.

             
   Kulang ang ating kasaysayan. Hindi lahat ng nasa panitikan ay totoo. Maraming nakatago. Maraming nakasulat ang nakatago. Maraming nakatago sa isip ang nararapat na maisulat. Maraming panitikang kailangang ibalik sa orihinal at tamang pagkakasulat. Ang iba ay nagsusulat para maisalba ang kanilang mga sarili. Ang iba naman ay nagsusulat para maisalba ang isang tao, hindi para maisalba ang kasaysayan ng Pilipinas. Pinipilit na baguhin at isulat ang hindi dapat na nababago at naisusulat nang agad-agad na kasaysayan. Maraming panitikan ang muntik nang maisulat na maaari sanang makatulong sa kasaysayan at panulat ng Pilipinas. Maaari pang maghukay nang mas malalim sa baul ng kasaysayan at panitikan ng Pilipinas. Kailangan pang maghukay, sumuri nang mas mabuti at buksan nang mas malawak pa ang kaisipan para sa mga panulat ng Pilipinas, para sa mas buong pagkilala sa sarili at sa mag maganda at kumpletong pagtatanghal ng panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.



Ang mga Sikreto ng Literary History:
Mga Sikreto ng Kasaysayan,
Kasaysayan ng mga Sikreto




Sanggunian

Reyes, J. C. Etsa-Puwera. University of the Philippines Press. 2000.
Scott, W. H. Great Scott!. New Day Publishers, 11 Lands Street, VASRA, 1128 Quezon City. 2006.
Stuart-Santiago, A. Revolutionary Routes. StuartSantiago Publishing & Pulang Lupa Foundation. 2011.
Torres-Yu, R. Aguirre, A. C. Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking Manunulat sa Filipino. The University of the Philippines Press. E. de los Santos St., UP Campus, Diliman, Quezon City 1101. 2004.
Torres-Yu, R. Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa Sariling Danas Bilang Manunulat. Anvil Pub., Pasig City. 2000.