Bakit ambilis nating balewalain ang maylaping natutunan, natututunan, matututunan, etc.? Dahil lang sa wala kang ibang mahanap na diksyunaryo o sanggunian na makapagpapakilala sa etymology kung bakit may mga dilang Tagalog na nag-adapt sa ganitong pagdulas tungong pag-iibang tunog ng hulapi? Mahirap balewalain, oo, dahil ang dami-daming beses mo siyang narinig, naririnig, at maririnig pa. Maraming speaker ng Tagalog ang gumagamit ng natutunan, etc.
Ngayon, maaaring kumontrang hindi porke't maraming gumagawa ay tama na, pero sa kalikasan ng wika, kung matagal at marami nang gumagamit nito, nagiging tanggap at tama ito, at hindi madaliang mailalapat bilang "mali" o "hindi wasto." Buo ang salitang natutunan. Meron siyang root word (tuto), at meron din siyang suffix. Sinubukan ko ring magsaliksik noong una hinggil sa kung may iba pang mga hulaping Tagalog ang hindi madalas gamitin pero wala rin akong nahanap.
Hanggang sa naisip-isip kong baka dumaan lamang ito sa isang pagbabagong morpoponemiko (kung saan nagbabago ang bigkas tungong baybay ng isang salita depende sa kung gaano itong nagiging makakapagpadali para sa dila ng nagsasalita) kung kaya't siguro'y may mga Tagalog speaker noon na mas madali para sa kanila ang pagbigkas ng natutunan versus natutuhan (Sige nga, try mo sa dila mo kung alin ang mas madali!).
Bakas ang ganitong proseso sa mangilang halimbawang maaari kong banggitin katulad ng ambaho mula sa ang baho, o kaya nama'y panguha galing sa pangkuha. Kapansin-pansin ang mga pagbabago sa baybay/bigkas sa mga isinaad na halimbawa kung kaya't maaaring ganito rin ang nangyari sa natutunan mulang natutuhan.
Hindi ako sang-ayon sa pagtanggal na lamang nang biglaan, or pagkakitang "mali" ng isang maylaping sobrang tagal nang ginagamit ng mga Tagalog, at sobrang daming Tagalog din ang bumibigkas. Mahirap tanggapin dahil likas ang paggamit ng salitang ito sa mga likas na tagapagsalita ng Tagalog. Ano 'yon, mali na agad porke't may apat lamang na pangunahing suffix ang naipakilala? Hindi naman yata dapat.
Edit 1: Bilang dagdag, mula sa comment ng aking mga kaibigan, may mga salitang gumagamit ng hulaping -nan. e.g. ulunan, paanan, tawanan
Edit 2: Noong umpisa'y meron lamang dalawang posibleng sagot sa problema. Una (1), nagbago ang salita mula natutuhan/uluhan tungong natutunan/ulunan dahil sa pagbabagong morpoponemiko, or maaaring (2) dalawang magkaibang panlapi ang -han at -nan, at interchangeable (maaaring hindi) sila.
Edit 3: Sa kalaunan ng pagresolba sa problema, may mababasang sanggunian ang nagsasabing mayroon lamang hulaping -an, at walang -han at -nan. Pagbabagong morpoponemiko ang paglitaw ng tunog ng N o H 'pag 'di nagtatapos sa impit (glottal stop) ang kakabitan ng binanggit na hulapi. Ganito rin ang nangyayari sa suffix na -in tungong -hin at -nin.
e.g.
ulo + an = uluhan
ulo + an = ulunan
May mga Tagalog na gumagamit ng uluhan. Meron ding mga gumagamit sa ulunan.
Pero mukhang may mga pagkakataong hindi maaari ang pareho.
e.g.
talo + an = talunan
talo + an = taluhan (?)
(cont.) Aware naman ako sa mga dapat at hindi dapat na rule sa grammar dahil maging ako rin ay naging mag-aaral ng wika noong ako'y nasa unibersidad pa lamang. Iyon lang, bakit may agarang pagbalewala sa salitang ubod ng dami naman ang gumagamit?
Maraming salamat kung ito ma'y basahin mo't maunawaan, Ms. David, and maraming salamat pa rin sa ginagawa mong mga paglilinaw sa nakakalimutan nang mga aralin ng mga kapuwa nating Pilipino, lalo na't patungkol pa ang mga ito sa kanila/atin mismong sariling wika.
No comments:
Post a Comment