July 28, 2021

I've been thinking of my death lately. Anong maiiwan kong marka kung sakaling lagutan na ako ng hininga. Anong meron ako na wala sa iba, o anong naiiba sa akin kung sakaling mawala. Bakit ba akong nabubuhay sa ngayon kung 'di siguradong buhay pa kinabukasan. Anong meron sa mga ginagawa ko ngayon na mapapansin hanggang bukas. Napapansin ba ako ngayon, gusto ko bang napapansin. Bakit naghahanap pa ako ng pansin kung ayaw ko ring nakikita. Pero gusto ko ring makita ako, kahit minsan lang naman. Minsang mananatili o magpakailanman tatatak. Tatakbuhan ko ba ang bukas kung iniisip ko na ang aking kamatayan. Halagahan kong may mangyaring hindi na ako mabubuhay magpakailanman. Hinahanap na makitang hindi na mabibitin pa. Bitin pa ba ang lahat, o kaunti na lamang ang angat. Aangat pa ba ang hindi na kumikinang pa. Pipilitin ang mga kaya, kalilimutan na lamang ba ang iba. Iibahin pa ba ang mga hilig, o mamamali ang tama na. Mali pa kaya ang tama na, o tama pa bang magkamali. Sakaling isipin ang kamatayan, hayaan na akong magkubli.

Sa isang banda, alam kong may nangyayari sa akin, at mayroon pang mga mangyayari. Yaring may patung-patong na bakat, kinakailangan lamang tingnang mabuti bago hilahin mula sa pagkakaipit. Huwag mag-alala sana dahil naiipon namang masukat ang lahat. Pantay-pantay ang mga saidsid, may kaunti mang sasayad. Palaging magkakalumaan ang iniiwasang mga sugat. Hindi madali ang maghirap, mahirap din madaliin. Alam kong alam kong may kailangan pang mga gawin. Hindi naman pinababayaan, hindi rin nagmamabilis tumapak. Iiwasan ang magpaikut-ikot, nagiging malapit nang makatapak, makihakbang, nakikisabay sa nauuna. Mauunahan ang mga nais, matatakot sa mga pangmamata. Inaasahan ang masaktan, matatakot nang may pagpigil. Nag-iisa ang sarili, sasarilinin ang pag-iisa.

Sagasaan ang mga boses, isiping lahat ay masasabi. Maraming may matatapos, kaunti ang may maihaharap. 'Di naman ding kailangang may maipamukhang kalabit. 'Di naman lahat ay lumilingon, lahat ay may itinitimpi. At akong may pakiwaring ano nga kung ako ay ready because right now, I have been thinking of my death lately.

July 21, 2021

Mas makapal ang usok ng yosi tuwing tag-ulan. Mas makapit ang mga alaala. Mas luntian ang mga halaman. Mas takot ang mga ibon. Mas taimtim ang mga langaw at lamok. Mas malambing yumakap ang kumot. Mas maginaw. Mas malambing ang yakap sa mga unan. Mas madaling magutom, magluto, maghanap ng mangangata. Mas masarap ang mainit na kape, sinusong gatas na malabnaw, malapot, kapait-pait. Mas madaling makudlitan ang mga tahimik, madaling araw nang gigising at... mas madaling makatulog muli.

Yakapin mo ako hanggang sa hindi ko na makilala pa ang aking sarili. Hihintayin kong gapusan ako ng aking mga panaginip hanggang sa maging mahirap nang kusa ang aking mga paghinga. Lagutan mo na ang aking mga pagod at pangarap, hayaan mo na akong malunod sa payapang aking natatanging inaasam. Layuan mo ako kaagad dahil hindi na ako magiging mahalaga pa. Layuan mo ako't palaring mapag-isa 'pagkat anong yari ba ang manatiling mate na lamang sa kinalalagyan. Huwag mo na akong guluhin dahil gulung-gulo na rin ako sa mga eksenang nakapalibot, mga huning pakilabot, halu-halong mga boses, kanya-kanyang pamamalakad.

Iwan mo na ako't dinggin ang kanilang mga nararapat. Ako'y bato na lamang na himlay rito't magpapaalala. Iwan mo lang din diyan ang maligamgam na tasa ng aking kape. Saka mo na akong balikan 'pag naisip mo nang bilhan ako ng pandesal sa umaga. Gusto ko yung manamis-namis, parang maghahalik muli ang matagal nang pinaghiwalay! Kahit pang dalawang buwang inaabangan ang paglubog ng kinang ng araw, alam kong alam mong mas mainam pa ito sa pagsapit ng ating gabi, ng aking huling pahinga.

July 14, 2021

Papauwi na dapat. Tulog na nga kasi ang mga tao. Mga pulubi, tambay, at nagsisipagang mga jeepney at bus driver na tumira ng tatlong tasa ng kape na lamang ang sumasabay sa patiyempo-tiyempong lakad sa may sidewalk. Ilang oras na ring napalitan ng tambutso at saidsid ng sapatos ang pag-arangkada ng tren, pagkukuwentuhan ng mga tindera't tsismoso. Nailigpit nang lahat ang kanilang mga bentang patupi at maya't mayang naghahanap ng pinakamaayos na puwesto sa pagtulog habang pinagpipiyestahan ng lamok at langaw ang bukas nang paliliguang amoy.

Mabuti't maliwanag pa ang pangatlong 7-Eleven sa may susunod na kanto. Sinilip saglit ang cell phone na wala na nga palang baterya, buntong-hininga, tingala sa buwan. Dinukot ang panyo at pinunasan ang pawis sa noo at magkabilang pisngi. Naghanap ng mauupuan pero wala kaya umupo na lamang sa gutter at inilabas na ang kaha ng yosi. 

"Parahan mo tayo ng bus."

"Pasaan?"

"Pa-******, o basta dadaan sa ******."

Paubos na ang ikalawang stick nang makapagpara. Buti na lang at meron pa. Preskong jackpot kasi walang aircon. Mukhang sabog talaga yung driver pero okay pa rin kasi good shit ang pinatugtog ng DJ sa radyo. Agad nang naabutan ng konduktor ang nais, agad ding nanahimik ang lahat. Walang kutyaba ng paparating na sakuna, pandelikado man ang dagok ng mga hibla.

Mukhang malayo sa panaginip ang magmadali. Lumingat lamang nang ilang segundo at biglang may tumatapik na sa kaliwang balikat.

"Gago, lumampas na ba tayo?"

Halos patalong sinipa ng sarili ang kagigising lang na diwa. Sinilip ang labas. Lalong guminaw at sumariwa ang simoy ng hangin. Kumuwit sandali ang ngiti nang madaanan na ang mga puno at iba't iba pang mga hudyat na malayo na sa karahasan ng langis, usok, at bakal. Sininghot sa pangalawang beses ang pagkakakalas ng tanikala at dinukot ang kaha ng yosi.

"Manong, puwedeng magyosi?"

"Aba'y, uo."

"Thank you po."

Sumindi ang umpisa ng pagkasabik. May mga paniking lumilipat ng puwesto. Humina na ang kanta sa radyo, at tulog na halos lahat ng pasahero. Payapa pa sa natutulog na tuta ang pagkalong ng tahanan. Lumingon sandali kung may pasahero bang sa likod na maaasar. Buti na lang wala.

"Malapit na, gago."

Ilang lubak pa ang tiniis at pumara na rin sa wakas. Nanigarilyo munang ulit ng tag-isa. Sumunod sa nauuna, habang ginagabayan ng mga natatapakang bato sa lupa. Limot nang magtabi-tabi hangga't hindi pa nadaratnan. Bawat apak ay parang kusang paunti-unting tulak sa pagmamadali. Malapit na... Malapit na tayo.

Maya-maya'y naaninag na sa may ilang dura pa ang bukas pang tila malaking kubo-karinderya. 

"Sabi ko sa'yo bukas pa si Kabayan e."

"Ano sa inyo?"

"Dalawang pares nga po."

July 7, 2021

Magiging okay naman yata lahat kung naging mabait ka.

["Naku naman. How do we demonstrate "friendliness"? May LGBTQI sa Congress, media, corporate leadership, etc. Maniwala ako sa pagka "katoliko" (sic) ng Pinoy, eh mamamatay tao (sic) nga at magnanakaw ang peborit ihalal. Hecklers ang Pinoy. At kasama sa mga hecklers na yan mismo ang LGBTQI."

"hmm I see your point. But, I still believe na yung points sa post still stand true. May internalized homophobia ang karamihan ng mga Pinoy. Tama si OP, we tolerate but we don't entirely accept the LGBT. For example, in corpo world. We hire indiscriminately. However, if may bs na nangyari, we tend to attack their gender instead of their actions. "Bakla kasi yang hayop na yan kaya kanda-leche-leche na dito." smth like that.

Pero totoo nga maski naman inside the lgbt group, I see na hindi naman lahat pantay ung tingin across all genders. May hint pa rin ng patriarchy lolz"

"statistically, sa banking kung san ako nanggaling, mas madaming babae at bakla ang mga nangulimbat."] **

Hindi na siguro kailangang banggitin yung ganitong statistics kung ang punto nga ng post is huwag gagamitin ang kasarian bilang tool para manghusga ng tao. Maaaring valid yung fact na mas maraming babae o bakla sa inyo ang nangungulimbat, pero the point will still stand na hindi porke't mas marami e lahat na. 

Isipin mo, halimbawang bakla ka o babae, pero baka hinuhusgahan ka na agad ng mga katrabaho mo na mangungulimbat ka (kahit 'di mo pa ito ginagawa or gagawin), masakit yun, unfair pati. Parang napintahan ka na agad na masama dahil lang sa statistics kahit hindi ka pa talaga nakikila/kinikilala nang lubos.

Maaaring ihalaw ang ganitong pag-iisip o konsiderasyon sa napakaraming sitwasyon, sa kasarian man, o sa iba pang sektor ng lipunan.

Halimbawang lalaki ka, inaasahan na ba agad dapat na tigasin ka at hindi umiiyak? O hindi maiiwan sa bahay para maglinis, magluto, etc.? Hindi nakadikit sa kasarian ang magiging buong ugaling-pagkatao, o magiging destino sa buhay. Kaya dapat ding hindi ito ang pinakabasehan kung paanong hinuhusgahan ang isang tao.

Halimbawang Katoliko ka, mabait ka na ba agad pero nanghuhusgang masama ang pagiging bakla/lesbyana? Punto ng post is matindi pa rin ang diskriminasyong nararamdaman at nararanasan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community, lalo pa't sa Pilipinas e usbong pa rin sa marami ang patriyarkal at saradong Katolisismo. Hindi pinalalaya ang pag-iisip kaya't hindi napalalaya ang mga biktima ng sarado at mapanghusgang tanikala.

May mga magsasalita o magrereklamo ba kung wala nang nangyayari?

Bakit ka takot, bakla ka ba? Babae ka, mahina ka at iyakin. Lahat ba ng Bikolano mahilig sa maanghang na pagkain? Ay Kapampangan ka, dugong-aso amputa. A graduate ka galing UP, ang galing mo siguro magrally. Galing ka palang Ateneo, conyo ka siguro magsalita, 'di ka rin siguro kumakain ng street food, sasabihin mo lang, "Yuck!" You're black, patingin nga ng etits mo kung malaki. All men are trash. Mahirap ka? Tamad ka lang siguro. A Capricorn ka, ganito siguro ugali mo. 'Di tayo compatible kasi Sagittarius ang simbolo ko. Tambay ka lang sa kanto, bobo ka siguro. Andami mong tattoo, masama kang tao, eww. Yung aso mo siguro nakain ng tae 'no? 

Shut. The fuck. Up. Or better yet, make your thoughts shut the fuck up.

May Black Lives Matter. Meron ding mga feminista. Hinihikayat ng mga  ganitong uri ng community ang advocacy na, hindi sila tingnang mas mataas o superyor sa iba, ngunit hinihinging tratuhin ang bawat isang indibidwal bilang kapantay. Kahit hindi black. Kahit hindi babae. Lahat pantay-pantay. Kamakailan lang mayroong Pride Month. Hindi dapat ikinakahiya o maramdamang nakakahiya ang sariling identidad. Bakit bang hirap pa rin ang marami na tigilang manghusga? Na huwag mangmaliit?

O kaya'y bakit papanig lamang sa isang grupo ngunit hindi na nagagamit sa ibang sitwasyon? Kung talagang naiintindihan ang sigaw ng mga adbokasiyang sinusuportahan, hindi lamang dapat natatali roon ang pagtrato sa ibang indibidwal. Kung pagkukumpul-kumpulin lang ang lahat ng ganitong pag-iisip, sa tingin ko, darating at darating lamang tayo sa isang tanong na dapat igiit sa sarili:

Kung ikaw nga, ayaw na mahusgahan agad, sino ka para manghusga agad?

Maaaring backed up lahat ng statistics ang mga pagpanig na panghuhusga pero the point still stands: Hindi porke't maraming ganito, ganito na ang lahat; at hindi dapat unfairly na dinidiktahan o hinuhusgahan ang isang indibidwal na tao depende sa sektor na kanyang kinabibilangan sa lipunan (gender, sex, paniniwala, ethnolinguistic group, race, etc.).

** sipi mula sa isang conversation sa Facebook