Kailan nga bang nagiging bastos ang salita? Sa tingin ko depende? Kung ipapasok natin ang wika sa loob ng kahit saan-saan na gagamitin ng kahit na sinu-sino sa lipunan, magkakaroon ng kung anu-anong konteksto ang halimbawa na lamang ay isang salitang mura.
Kapag nagmura ay bastos na. Mariing konsepto ito sa maraming kinalakhang lipunan. Yung tipong mapapalingon ka talaga 'pag may narinig kang batang paslit na sumigaw ng, "Gago!"
Ni hindi ko nga alam ang pinakaibig sabihin ng salitang gago. Ikaw ba? 'Pag may tinanong ka niyan, sasabihin lang, parang ganito, parang ganyan. Pero yung salitang leche, alam natin na gatas. Yung puta, prostitute. Yung tite, penis. Pero iba pa rin yung tite sa penis, depende sa kung sinong kausap mo, at sa kung saan ka nagsasalita.
Naaalala ko nung high school kami, second year yata, maraming tawa nang tawa kasi ipinapaliwanag ng teacher namin na pagkatapos daw labasan ng lalaki, hindi raw agad-agad na makakaihi ang tite dahil sa something. Yung something na iyon ay hindi ko na maalala o malaman kasi nabad trip na sa amin yung teacher namin kasi tawa kami nang tawa sa lecture, so pinagalitan niya na lang kami.
Sa konteksto, purely scientific yung atake ng aming guro. Pero mabanggit lang yung nilabasan o penis, marami na sa aming napapangisi. Hindi naman bastos yung guro namin pero bakit kami napapangisi? Kasalanan ba naming mapangisi? Siguro oo? Kasalanan ba naming ganun tumakbo yung utak namin sa ganoong mga konsepto at salita? O mayroong mas malaking puwersa at/o makinarya pa sa lipunan ang nagpaigting sa amin para na lang ganoon kami mag-isip sa tuwing makakarinig ng mga ganoong salita? Bakit ambilis ng tibok ng puso ko dati noong unang beses akong magmura?
Depende rin ang puke para sa vagina. Minsan din, iba ang puke sa vagina. Bakit may ganitong pag-angat tayo sa kinatatayuan ng vagina e puke rin naman 'yon? Bakit 'pag English, okay lang e Filipino ang salita natin? Bakit yung Filipino pa yung hindi okay sa tenga natin? Meron ding puke para sa may minura kang tao. O puke kung napamura ka lang talaga. Bastos ka pa ba kapag wala kang binastos na tao? Bastos ka ba agad 'pag may ginagamit kang salitang bastos? Bastos ba agad ang isang salita? Kapag sinabi ko bang makati ang bulbol ko, bastos na agad ako? E bulbol lang naman ang salita natin do'n?
Kahit na iisa lang ang tinutukoy ng puke at ng vagina, bakit mas maluwag para sa atin na gamitin ang isa? Bakit kumportable tayo sa penis e tite rin naman 'yon?
Kapag minura ba kita ng gago, anong pakiramdam? Masakit? O sakto lang? Anong klaseng epekto ang meron sa atin ng salitang alam natin na mura kahit na hindi natin talaga alam kung anong ibig sabihin? Malay ba natin sa salitang gago? E paano kung puta? Putang ina mo, putang ina ka. Nasasaktan ka ba dahil sinabing puta yung nanay mo? O bad trip ka lang kasi minura ka?
Paano na lang yung mga magkakaibigan na minsan e gago yung tawagan?
"Gago, napanood mo na yung bagong scandal?"
"Oo, gaguuu. Lupet putang ina."
"Gago, pinagjakulan mo lang e."
"O ba't ikaw hinde?"
"Gago, 'di ako katulad mo pakyu!"
"Gago ka rin, putang ina mo!"
Ilang beses ginamit ang gago bilang pagmumura? At ilang beses lamang ito ginamit bilang pambabastos? Ginamit ba ito bilang pagtawag lamang sa kanyang kaibigang malibog? May pinagsalsalan ka na rin bang scandal video? O dun ka lang sa mga HD shit ng Pornhub?
Matapos ang lahat ng mga tanong ko, napatanong ka na rin ba? Mapapangiwi ka pa rin ba 'pag makakarinig ka ng tite? "Pagagaanin" mo pa rin ba ang pagtukoy sa ari ng tao sa tuwing kakausap ka ng bata? O ituturo mo na agad sa kanila yung original? 'Pag kaclose mo na yung tatay mo, puwede mo na rin ba siyang tawaging gago? Bakit hindi? Okay na ba sa 'yong makipag-usap nang mahinahon sa katabi mo sa jeep kung nagshashampoo rin ba siya ng bulbol? Bakit? Kapag buhok sa ulo, hindi bastos. Kapag buhok malapit sa ari, bastos na agad? Bakit?
Mapagpalaya ang wika, ngunit sa ginagalawan natin ngayong mga espasyo, mukhang wika rin ay dapat nating palayain. Ang tao mismo ang nagseset ng kaligiran kung magiging bastos ba siya o hindi. Darating kaya ang araw na hindi na tayo malilimitahan ng kinagisnan nating kultura at uumpisahan na nating palayain ang ating pag-iisip sa tuwing gagamit ng mga salita sa iba't ibang konteksto? Tao ang naglalagay ng bigat at lalim sa mga salita, ngunit sa tingin ko, nasa tao rin ang kakayahang magpalaya sa hindi lamang mga nakakulong na pag-iisip kundi pati na rin sa mga nalubog nang salita natin.
Mapagpalang araw sa inyo, mga ponponyeta!
No comments:
Post a Comment