February 19, 2013

Boss Lady Supladita Underscore 50



Kitang-kita naman ang kalinawan ng pagkakaroon ng hindi umano’y mukhang pagtututulan o pagsasalungatan ng Manaoag Legends at ng Urduja Legends patungkol pa lamang sa relihiyong kanilang pinagmulan. Kung ang Manaoag, bilang isang siyudad sa probinsiya ng Pangasinan ay hitik sa mga kuwento-kuwento tungkol sa rebelasyon o pagpapakita ng Blessed Virgin Mary, isang tanyag na icon at sinasamba ng mga kaanib ng Simbahang Katoliko, si Urduja naman, na mababakas din ang yaring pinagmulan sa Pangasinan, ay isang princess at heroine na may orihinal na pinagmulang Sanskrit. Sinasabing ang Sanskrit ay ang wikang ginagamit panliturhiya ng Hinduism at wikang pang-iskolar naman ng Buddhism at Jainism. Sa panahon ngayon, kahit ang mga Muslim na rin ay nakikipagtalastasan gamit ang wikang Sanskrit. Hindi malalayong ang Urduja, bilang na ring unang-unang nadiskubre ito ni Ibn Battuta na isang Muslim na manlalakbay, ay isang mahiwagang kathang maikakabit sa Islam.

Taliwas sa mga ipinapakitang kagandahang-loob at pagpapakumbabang itinuturo ng mga kuwento tungkol sa Birheng Maria sa Manaoag, si Prinsesa Urduja ay sinasabing isang prinsesang mandirigma. Dito pa lamang, napakalayo na ng tinataglay na mga katangian ng dalawang nabanggit na babae. Kung si Birheng Maria ng Manaoag ay napakadalisay at mukhang ‘di makabasag pinggan sa kabaitan at kalumanayan, si Prinsesa Urduja, kung yayakaping lubos ang katangian niya bilang isang mandirigma ay kakikitaan ng dahas, pagkakaroon ng alam sa buhay, ibig sabihin ay kayang dalhin ang sarili nang hindi umaangkas sa lakas at kapangyarihan ng iba, lalo na ng isang lalaki, kayang makidigma at pumatay, at handang-handa sa kung sinumang lalaban sa kanya. Kung pareho mang kakikitaan ng katangian ng pag-aalay ng buhay, o kahandaang magbuwis ng sariling buhay para sa iba, masusuri kayang pagkakaiba ang sa dalawa, kung sa pareho lang din naman nilang ibinubuwis at iniaalay ang kani-kanilang mga buhay para sa diyos at kapwa nila? Kung magkaiba lang din naman ang kanilang mga paraan sa paghahayag ng pagtatanggol sa paniniwala, maaari na rin sigurong pansinin ang ganitong mga pagkakaiba. Sinasabi rin kasing si Prinsesa Urduja ay isang mandirigmang personal na kumuha ng kanyang sariling bahagi sa pakikipaglaban at naghahamon pa nga ng mga duwelo mula sa mga kalabang mandirigma. May mga nagsasabi pa ngang ang tanging pakakasalan lamang ni Urduja ay ang lalaking makatatalo sa kanya sa pakikipaglaban. Maraming mga manliligaw na mandirigma ang natakot nang lumapit pa sa kanya dahil sa pangambang maipahiya.

Ang ganitong imaheng ipinapakita ng prinsesa, na lubhang salungat sa ipinapakitang imahe ng isang babae na naimpluwensiyahan ng Simbahang Katoliko, ay nagsasabi lamang na hindi nagkaroon noon pa ng diskriminasyon sa pagitan ng mga kasarian, bago pa man dumating ang mga Espanyol na mananakop. Sayang din lang kung nabura ang maganda na sanang ipinakikilalang kaugalian at moral na pagtanggap sa kapwa-tao, kahit na iba-iba pa man ang bawat kasarian ng mga sinaunang Pilipino, dahil na rin sa pagyakap ng nakararami sa ipinakilalang relihiyon ng mga prayle.

Gayunpaman, mayroon pa rin namang pagkakapareho ang Birheng Maria at si Prinsesa Urduja. Kapwa naman sila mayroong representasyon sa mga lugar na nadaanan o pinangyarihan ng kanilang mga kuwento. Sa probinsiya ng Pangasinan, ang gusaling capitol sa Lingayen ay pinangalanang Urduja Palace. Mayroon ding estatwa ni Prinsesa Urduja na nakatayo sa Hundred Islands National Park doon din mismo sa Pangasinan.

No comments: