February 19, 2013

Mga Bahagi ng Pananalita ng Wikang Tagalog



Sinimulan ang The Parts of Speech in Tagalog: A Reexamination sa kung paano nga bang nagkaroon ng mga panimulaing pag-uusap tungkol sa paghahati sa mga salita o ang pagkakaroon ng iba’t ibang grupong makapagkaklasipika sa mga salita ng isang wika batay sa kanilang pare-parehong katangian. Ang usapin daw na ito ay maaaring  sumibol sa pag-uusap tungkol sa Language Universals o yung mga bahagi ng lahat ng wika sa mundo na puwedeng ikonsiderang pagkakapare-pareho nila. Halimbawa na lamang na ang lahat ng wika sa mundo ay hinding-hindi mawawalan ng mga pangngalan at pandiwa. Nang simulan na ng mga unang nag-aaral sa wika ang ganitong mga salita, nagsimula na rin ang paghahati-hati sa kanila.

Ang unang-unang paghahating ginawa sa wika ay unang beses daw ginawa ng mga sinaunang Griyego sa kanilang wika. Klinasipika nina Aristotle at Plato ang sinaunang wikang Griyego sa dalawang grupo: bilang mga pangngalan at bilang mga pandiwa. Hanggang sa tagal na ng panahon, dumami na rin ang mga lingguwistang nag-aral at nagsuri sa mga posibleng pagkakatulad ng mga wika hinggil sa mga bahagi nga ng kanilang pananalita. May mga nagsasabing kailangang nasa loob mismo ng isang pangungusap ang isang salitang tinutukoy pa ang kanyang kinabibilangang pangkat. May mga nagsasabi ring hindi rin naman pupuwedeng parating may mga katabing salita pa ang isang salita para lamang masabi agad kung anong uri ng salita ito. Kailangan din naman daw na magkaroon ng mga depinisyong makapaglalarawan sa mga salitang ito at posibleng makapagbigay-kahulugan batay nga sa kanilang gamit nasa loob man o wala sa isang pangungusap.

Isinunod na rin ang kaso ng pag-aaral ng Tagalog ng mga prayleng Espanyol sa Pilipinas bilang pangunahing hakbang sa pagsakop ng pag-iisip ng mga sinaunang Pilipino. Dahil nga sa inaaral nila ang wika ng mga katutubo noon, kinailangan nilang bumuo ng mga diksyunaryo para hindi na mahirapan pa ang mga susunod nang prayle o maipadala na ang mga nasabing diksyunaryo sa bansang Espanya para maaral na agad ng mga ipadadalang prayle ang wika ng kanilang masasakupan. Natural lamang, bilang mga diksyunaryo, na hindi lamang ibigay ang kahulugan ng isang lahok kundi maibigay na rin kung anong bahagi ito ng pananalita. Mula kina San Jose, Totanes at Coria, magkakaiba man ang bilang ng dami ng bahagi ng pananalita sa kani-kanilang mga listahan, nagkaroon pa rin ng pagkakatulad sa mga ito - Ang mga salita raw sa wikang Tagalog ay naglalaman ng dalawang pangunahing klasipikasyon: ang mga ugat at ang mga panlapi. Oo, sinimulan ng ilang mga prayle na isama ang mga panlapi bilang malaking bahagi ng pananalita pero sa haba ng panahon ng pag-aaral din ay tinanggal na sila at mas lalo pang isinapangkat ang mga salita sa Tagalog. Gayunpaman, naroon pa rin ang matinding pagtingin sa paglalapi bilang isang napakalaking bagay sa Tagalog. Maaaring makatulong ang madaling pagtukoy sa bahagi ng pananalit dahil sa mga panlaping nakakabit sa isang ugat. May mga nagsasabi pa ngang lahat daw ng mga salita, kung gagamitin sa wikang Tagalog, ay maaaring maging pandiwa.

Maraming lingguwista ang nagpresenta ng kani-kanilang mga listahan ng mga bahagi ng pananalita ng wikang Tagalog. Mayroon din, katulad ni Cecilio Lopez, na nagklasipika sa mga panlapi. Hanggang sa ibinuod ng chapter na mula sa pag-aaral ng mga prayle hanggang sa mga ipinresenta ng mga lingguwista noong 1971 ay nagkakaroon pa rin ng nagbabanggaang mga ideya ngunit makikita pa rin daw ang malaking gamit ng mga lapi sa Tagalog. Mayroon pa ngang nagsabi na ang mga salitang ugat ng mga tinukoy na bilang pandiwa, pang-abay at pang-uri ay maikokonsidera pa ring mga pangngalan.

Ayon naman kina Schachter at Otanes sa kanilang Tagalog Reference Grammar, sinimulan nila ang kanilang pag-aaral sa mga bahagi ng pananalita ng Tagalog sa paghati ng isang simpleng pangungusap. Nauuna raw madalas ang panaguri, mapanominal man, adjectival o verbal ito, saka susundan ng simuno. Ipinakilala na rin nila ang pagiging marked at ‘di marked ng isang nominal na bahagi ng pananalita. Sa bahaging adjectival naman, una rin siguro nilang ginamit ang pagiging abstract ng isang ugat na pang-uri hinggil sa mga panlaping maaaring ikabit dito. Maganda rin naman daw ang ganitong pagtingin sa paghahati ng mga salita sa Tagalog ngunit matindi naman daw ang pagkakakabit ng mga ito sa kung paanong ginagamit ang isang salita sa loob ng isang pangungusap. Katulad ng nabanggit kanina sa itaas, kailangan pa ring magkaroon ng depinisyon ang bawat bahagi ng pananalita. Idinagdag na rin dito na ang mga laping nakakabit sa isang ugat ang siyang madaling makatutukoy sa kanyang bahagi ng pananalita hanggang sa tinapos na nga ang chapter sa pagsasabi na ang wikang Filipino (Tagalog) ay may kayamanan sa paggamit ng kanyang mga panlapi.

Natakot ako habang nasa kalagitnaan pa lamang ng pagbabasa ng ibinigay sa aming chapter dahil sa iba’t ibang opinyon ng maraming lingguwista hinggil sa pagpapangkat-pangkat ng mga salita ng Tagalog. Hindi na nga sila nagkatulad-tulad sa ilang mga aspeto, nagmumukha pa silang mga tama lahat! Kung baguhan ang isang mananaliksik, katulad ko, sa ganito kalalalim na mga pag-aaral sa wika, kinakailangan pa niyang pumili ng kanyang papanigang may-alam. Nagmumukhang nagsasagutan lang din ang bawat pagpepresenta ng kanilang mga listahan ng mga pagpapangkat sa mga salita. Tila, sa kanilang sariling mapalihim na paraan, sinasabi nilang sila ang sundin at huwag ito dahil sa iyon ay mali. Bakit nga ba inilagay ng awtor ang mga ito kahit na nagbabangga-banggaan ang kanilang mga ideya? Maaaring isang dahilan nito ay ang pagkakaroon ng mga punto ng bawat lingguwista. Halimbawa na lamang ay ang pagpapakilala ng mga bagong konsepto katulad ng Functors at Contentives na nang naglao’y naging Function Words at Content Words na. Mula rito ay sumibol na naman ang pagdedebate kung ang panghalip nga ba ay ibibilang sa Contents o Functions. Nariyan din ang Lexemes at Morphemes, ang pagiging marked ng isang pangngalan, at pagiging abstract ng isang pang-uri. Bawat ipinepresenta ng isang mananaliksik ay nakapag-aambag ng mga panibagong konsepto na maaaring makatulong sa pag-aaral ng mga susunod pa. Hindi lamang ang mga ito na simpleng pagtanggi lamang at pag-angat ng sariling pangalan sa larangan bilang pagsira sa mga nauna. Hindi ito mga pagpilit ngunit mga mungkahing may mga katulong na patunay.

Kung para sa akin din man lang, sana’y nagkakasundo sila sa mga ito ngunit hindi ko naman masasabing magkakakilala silang lahat at may sari-sarili naman silang mga pananaw at pagtingin sa mga salita. Kung magiging ganito din man lang, sa pagiging kanya-kanya, bakit pa isinusulong ang ganitong pag-aaral kung hindi makapagpreskriba nang maayos at nang hindi nagkakaroon ng malalaking pagkakaiba ang  kanilang mga listahan? Magandang bagay na rin sana na kung suportado nang maayos ang isang mungkahi at napapatungan na nito ang isa pa, hindi ba maaaring huwag nang isulong ang isa pa? Pero tulad nga ng nabanggit kanina, nasa ibat ibang taon naman nabuhay ang mga lingguwistang ito. Ngunit may mga naibabalik pa ring konsepto kahit na may nasimulan nang bago. O maaari ring hindi pa nababasa ng isa ang ginawa ng isa nang simulan niyang isulat ang kanya.

Maganda ngang matukoy nang maayos ang mga bahagi ng pananalita ng mga salita ng isang wika dahil kasama ito sa pag-iistandardisa niya. Ang pagpeprescribe nang maayos at detalyado ng mga katotohanan sa isang salita ay makatutulong sa mas mabilis na pag-intindi para sa mas mayamang paggamit sa wikang Tagalog. Ibig sabihin, para sa akin ay ang ganitong mga pag-aaral ay makatutulong sa pag-unlad ng madaling komunikasyon dahil sa iisa at madaling maunawaan ang iniisip ng mga taong gumagamit ng mismong wika dahil sa gamay nila ang paggamit ng mga salita sa isang pangungusap at paglalaro na rin sa mga ito dahil sa kasanayan sa paggamit ng mga panlapi. Kung mas mapaglalaruan ang mga salita, hindi lamang bibilis ang daloy ng pag-uusap ng mga tao kundi mas yayabong ang imahinasyon ng mga tao pagdating sa kanilang pag-iisip sa mga bagay-bagay. Para sa akin, saka lamang nagiging mas makulay mag-isip at magsalita ang isang tao kung gamay na gamay na niya ang kanyang wika, at malaki ang maiaambag nito sa madaliang pagtukoy sa kung anu-ano nga bang mga salita ang kanyang mga ginagamit. Naeehersisyo ang pagkamalikhain sa mga salita nang hindi lumalayo sa sintaktika at semantikang paggamit sa mga ito.

Sa huli, mananatili pa rin ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mararami, hindi lamang ng mayorya ng populasyon kundi ng mga nakapag-aral nang marami. Ang mga nasa akademya lang din naman ang mga maaaring may pakialam sa ganitong mga usapin, o sa mga nag-aaral lamang ng wika, kultura at lipunan ng Pilipinas. Gayunpaman, para sa aki’y sana’y maipakilala na nang maayos sa elementarya ang ganitong mga konsepto sa lingguwistika nang sa gayon ay kahit wala na silang pakialam sa ganitong mga usapin sa pagtanda nila, nananatili pa rin kanilang mga kubling-malay ang wastong paggamit sa mga salita.

No comments: