April 28, 2013

Mula sa Dalawang Diksiyonaryo

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino (2011)

            Ang diksyonaryong nakuha ko mula sa Komisyon sa Wikang Filipino ay ang kanilang pang-ika-75 anibersaryong edisyon. May paunang mensahe sa simula si Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III na dahil daw sa multi-etniko at multi-kultural ang Pilipinas ay napakagandang ang diksyonaryong ito ng wikang Filipino ay nagbigay halaga sa lahat ng wikang umiiral sa buong kapuluan ng ating bansa mula Batanes hanggang Jolo. Tinawag niya pang Wikang Panlahat (lingua franca ng Pilipinas) ang wikang Filipino. Ibig sabihin, ang diksyonaryong nailimbag ay para sa mga taong marunong na ng Filipino, o nakapag-aral na at nakapagsasalita na ng Filipino. Nang tiningnan ko na ang bahating Daglat ng diksyonaryo, ito ang aking nakita:

            1.2 Mga diyalekto at wika
           
            Badyaw                                  Palawan
            (Bk.) Bikol                              (Png.) Pangasinan
            Bontok                                   Samal
            (Hlg.) Hiligaynon                  (Seb.) Sebuano
            Ibaloy                                     Sisang Siasi
            (Ig.) Igorot                              (S-L) Samar-Leyte
            (Ilk.) Ilokano                          Sulu
            (Is.) Islam                               (Tg.) Tagalog
            Isneg                                      Tawi-tawi
            Ivatan                                     (T’boli) Tiboli
            Kankanay                              Tagbanwa
            (Kpm.) Kapampangan         Tingguian
            Kinaray-a                               (Tau.) Tausug
            (Mar.) Maranao                     (Tir.) Tiruray
            (Mgd.) Maguindanao           (Vis.) Visaya
            Palawan Agta

            Una sa lahat, mukhang hindi malinaw para sa kanila ang pagkakaiba ng diyalekto at ng wika. Hindi ba’t ang wika’y mas malaki ang nasasakupan kaysa sa diyalekto bilang din namang ang diyalekto ay mas maliit na bahagi lamang ng isang wika. Paano na lamang kung hindi pa gaanong maalam sa wika ang gagamit ng kanilang diksyonaryo? Kahit na sabihin nating kung nasa opisina lamang nila o nasa College of Law ng UP Diliman lamang makikita ang diksyonaryo nilang ito, dapat ay maaari itong basahin ng kahit  sinumang taong matatas sa Filipino kahit na hindi siya nagme-major sa larangang nabanggit. Paano na lamang malalaman ng isang Engineering Major o ano pa mang major ng agham na larangan kung alin sa mga nakalista sa ibabaw ang diyalekto at kung alin ang wika? Ni hindi nga siguro nila alam kung ano ang pagkakaiba ng dalawa. Madali lang naman sigurong ilagay sa ilalim halimbawa ng wikang Palawan ang diyalektong Palawan Agta.  Mas maigi rin sana kung inihanay nila sa tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang pagkakategorya ng mga wika (Luzon, Visayas at Mindanao).

Ikalawa, kung gagawin naman nila iyong paghahanay sa tatlong malalaking isla, lalong lilitaw ang kanilang kakulangan nila sa kaalaman tungkol sa mga wika ng Pilipinas. E hindi lang gaganyan kakakaunti ang mga wika ng Pilipinas. Hindi pa umaabot sa kalahati ng totoong dami ng wika ng Pilipinas ang kanilang inilista. Nasaan na halimbawa ang mga wikang Ibanag, Itneg, Romblomanon, at Waray? At hindi ba’t maraming ring diyalekto ang bawat malalaking wika tulad ng Ilokano, Bikolano at Tagalog? Nasaan ang mga ito? Maling sabihin sa simula pa lamang ng diksyonaryo na lahat ng wika ng Pilipinas ay makikita o nasaliksik nila para sa ilalagay na mga lahok. Maaari naman sigurong ilagay na lamang na lahat ng lingua franca sa malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nailagay nila. O lahat ng malalaking wika ng malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nasaliksik nila. Ngunit maaari lamang sila madali dahil sa konsepto pa lamang ng laki. Mas maigi na siguro ang paggamit na lamang ng tungkol sa lingua franca. Papaano na naman iyon e Hiligaynon nga, wala sa kanilang listahan.

Ikatlo, para sa bahaging ito, hindi lahat ng lahok ay nilinaw kung saang wika o diyalekto sila nanggaling. Paraan ba ito ng pagsasabi na hindi naman na nila kailangan pang ilagay kung anong wika ang pinagmulan ng isang lahok para mas lalong tumibay ang pagtingin sa wikang Filipino bilang wikang ibinase sa maraming wika ng Pilipinas ngunit kailangang tingnan bilang para sa lahat? O halos lahat ba sa kanilang mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog kaya hindi na lang nila nilagay ang wikang pinanggalingang wika bilang din namang malaking porsyento ng Filipino ay Tagalog? Maiintindihan ba agad ng mga mambabasa iyon? O napakalaking porsyento ng bilang ng mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog? Kung galing nga sa Tagalog, bakit hindi pa rin nila inilagay katabi ng salita gayong nasa mga dagli ang Tagalog (Tag.)? Paano na lamang ang mga wikang nanggaling sa wikang Espanyol na matagal nang ginamit ng mga Tagalog at hindi nila alam na banyaga pala ang etimolohiya ng salitang iyon? Mahalagang maipalam sa mga gagamit ng diksyonaryo ang pinagmulang wika ng isang salita kung sasabihin lang din naman nila sa simula na multi-etniko tayong bansa. Hindi ito pag-aangat ng konsepto ng rehiyunalismo o pagkakaroon ng pagkakaiba-iba kahit na nasa ibang bansa tayo at may mga nagkakatagpong mga ideolohiya. Bagkus, ang simpleng paglahad lamang ng pinanggalingang wika ng isang salita ay mabisa nang pagkilala sa wikang iyon, para malaman niyang may naiambag siya sa pambansang lingua franca, at iyon ay kung nais nga nilang patingkarin na pambansang effort ang pagbuo at paglinang sa wikang Filipino. Hindi ba’t hindi gaano kagandang makitang nailagay sa diksyonaryong iyong binabasa ang isang salitang taal sa iyong bayan, kung hindi rin man lang iaacknowledge ang pinanggalingan nitong wika, samantalang ang ibang salita naman ay nalalagyan? Hindi ba nila naisip na hindi naman lahat ng Pilipino ay alam kung Tagalog nga ba nagmula ang isang salita o Sebuano o Waray? Narito ang halimbawa ng isang lahok na may nakalagay na pinagmulang wika (Note: Nahirapan akong maghanap ng salitang ganito. Halos lahat kasi ay walang inilagay na pinagmulang wika.):

gu.sôk (Bk., Hlg., S-L., Sb., Tau.) png. Tadyang.

 Magandang bagay naman ng paglagay nila para sa salitang ito. Marami naman sigurong hindi nakaaalam ng salitang gusok ngunit bilang tadyang ang kahulugan ng salita ay malamang sa malamang ay alam ng mga Bikolano, Hiligaynon, taga-Samar at Leyte, pati na rin ng mga Tausug ang salitang ito. Bahagi ito ng katawan at hindi naman siguro maaaring hindi nila alam ang ibig sabihin ng gusok dahil sa wika nila mismo ito kinuha. Marami bang gumagamit ng salitang gusok? O tadyang pa rin ang madalas pa ring gamitin? Pasimple lamang ba ang paglalagay nila ng lahok na ito? Basta lamang ba iniligay nila ang salitang ito para lamang masabing bahagi ng paglinang sa wikang Filipino ang mga wika ng Bikol, Silangang Visayas at Timog Mindanao? Hindi kasi makikitang mabigat ang pakitungo nila sa pagsasabi nila sa unang bahagi pa lamang ng diksyonaryo na para sa maraming wika ng Pilipinas ang Filipino na sinaliksik nila para rito. Lubhang kakaunti lamang ang bilang nga mga ganitong lahok. Halos lahat ay walang ganitong paglalagay o paglilinaw, o maaari ring napakalaking bahagi ng kanilang diksyonaryo ang wikang Tagalog. Kung ilalagay nila ang ganitong paglalahok, bakit hindi nila gawin sa Tagalog? Mga Tagalog lamang ba ang alam nilang pinakagagamit ng kanilang binuong aklat? Hindi naman kasi lahat din ng salita ay taal lamang sa Tagalog. Halimbawa na lamang sa lahok nila na guniguni:

gu.ní.gu.ní png. 1. Pagbubuo ng mga larawang pangkaisipan o mga palagay tungkol sa mga bagay na hindi naman tunay na nangyayari. 2. Kapangyarihan  ng isip na bumuo ng gayong larawan at palagay. 3. Bunga ng imahinasyon; palagay o anumang likha ng pag-iisip na karaniwan ay walang batayan at hindi nakikita. –gu.ni.gu.ni.hin, ma.gu.ni.-guni pd. laman ng guniguni idy. Nasa isip. –wala sa guniguni idy. Hindi man lamang nagugunita o naiisip. sk: imahinasyon, hinagap, haraya.

 Una, para sa bahaging ito, ayon muna sa UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010) na ang salitang guniguni ay nanggaling o ginagamit na noon pa sa mga wikang Aklanon, Kapampangan at Tagalog. Kita-kita ang kakulangan sa kaalaman ng mga gumawa ng diksiyonaryo tungkol sa mga wika ng Pilipinas. Pangalawa, gusto ko sanang kumentuhan ang tungkol sa kanilang pagbabaybay. Kung gagamit ka pa lamang sa simula ng iyong lahok ng ibang simbolo, halimbawa sa kasong ito sa simbolong i, para magkaroon ng emphasis sa pagbigkas, bakit sa bahaging gunigunihin, maguniguni, etc., ay hindi na isinaalang-alang ang tamang simbolo/titik? Maganda na sana ang ipinakitang mga gabay sa paggamit ng diksiyonaryo na isinulat sa may bandang unahan, katulad na nga ng nabanggit na tungkol sa tamang pagbigkas ngunit bakit hindi na naging masinsin ang paggamit sa tamang simbolo para sa tamang pagbigkas? Isa pang napansin ko ay ang pagkakaroon ng gitling sa bahaging maguni-guni. Bakit hindi rin masinsin ang paggamit ng bantas para sa mas mapagkatitiwalaang baybay? At  isa pa, mula naman sa halimbawang pangungusap mula sa sinusuring lahok, nagkaroon ng pagkakamali sa sulat na Waka imbes na Wala ang nakasulat. Wala bang nagproofread ng kanilang diksiyonaryo? Sana’y ginawang malinis man lamang nila ang pagsusulat bilang pang-anibersaryo nila itong edisyon. Palalampasin lang sana itong maliit na bagay na ito kung mga Pilipino lang ang gagamit, ngunit papaano na ang mga banyaga? Kinakailangan pa ba nilang hanapin ang salitang waka para lamang mapagtanto nilang baka typographical error lamang ito para sa wala para magkaroon na ng diwa ang ginamit na halimbawang pangungusap? Ang isang diksiyonaryo ay nararapat lamang na maging isang reference material na kung gagamitin ay mabilis at madalian para sa mambabasa o nananaliksik. Hindi na nito kinakailangan pang nililito ang gagamit sa kanya. Kahit na maraming salita pa ang nakapasok bilang mga lahok sa kanyang bawat pahina, hindi dapat maging abala ang baybay, pagbigkas, at iba pang mahahalagang detalye para sa gumagamit.

Narito ang isa pang halimbawa ng lahok mula sa Diksiyonaryo ng KWF:

i.a.bot [abot] pd. Ibigay sa pamamagitan ng pag-aabot.
ang bote ng patis.>


Isang rule ang pinaalala sa amin ng aming guro na hindi dapat maging bahagi ng kahulugan ng isang salita ang mismong salita. Sa halimbawang ito pa lamang ay malilito na ang gumagamit ng diksiyonaryo. Sayang lamang sa espasyo ang lahok na mga katulad nito. Inilagay ko naman ang aking sarili bilang baguhan sa wika kaya sinubukan ko na ring puntahan ang sinasabi ng diksiyonaryo na [abot] na dapat kong puntahan:

1a.bot png. 1. Lawak, laki, sakop ng anuman. 2. Ang pagbibigay sa pamamagitan ng kamay. 3. Pagkuha, pagdaiti, o paghipo sa pamamagitan ng dukwang; nakaunat na kamay, sungkit, atb. 4. Ang nasasakop ng isip, pang-unawa o kaalaman. pag.a.a.bot, ta.ga.a.bot png. a.bu.tan, a.bu.tin, i.a.bot, ma.a.bot, mag.a.bot, u.ma.bot pd. a.bot-a.bot pr. sk: 1. saklaw; kaya

           Kapag hindi na ginamit ang kamay, hindi na abot ang tawag doon? Paano kung naiabot gamit ang paa? Marami pa namang gumagawa ng ganoon sa bahay, lalung-lalo na ang mga nanay. Ano ang gagamiting salita kapag nagkagano’n? Pagbibigay ba talaga ang salitang abot? Paano kapag tinanong ako ng isang kong kaibigan kung abot ko ang isang bagay? Kailangan ko pa ba itong ibigay sa kanya? Hindi. Ang abot ay kung kayang mahawakan o mahipo ng kahit na anumang bahagi ng katawan ng tao ang isang bagay, kung sa literal na abot ang pag-uusapan. Hindi gaanong nakatulong ang [abot] na inilagay sa lahok na iabot para sa mas tiyak na kahulugan. Lalu lamang malilito ang gumagamit ng diksiyonaryo, lalo na kung hindi siya isang native speaker ng Filipino. Maigi siguro kung inihanay sa pandiwa ang salitang abot at inilagay sa ibaba ang mga maaaring gamiting panlapi. Iba rin naman kasi ang pakahulugan kapag umabot na, bilang ang abot rito ay ang pagdating o pagsapit. Maaaring mag-iba ang pinakakahulugan ng salita base sa ginamit na panlapi sa salitang-ugat, lalung-lalo na sa mga pandiwa.
      
      Ikaapat, kung babalikan na ang nauna kong tinatalakay tungkol sa mga wikang isinama sa diksiyonaryo, paano na lamang ang mga lahok na nasa wikang banyaga? Hindi naman din sila naglagay ng Ingles ni Espanyol sa kanilang listahan. Alam ba talaga nila ang esensya ng iba’t ibang wikang nakapaloob sa isinusulong na wikang Filipino sa bansa na base sa maraming wika? Hindi lamang kasi wikang taal sa Pilipinas ang kasama sa Filipino ngayon kundi pati na rin ang mga banyagang wikang nagkaroon na ng malaking epekto sa ating kultura gaya na lamang ng mga wikang Ingles, Espanyol at Intsik. Hindi nalilimitahan sa wikang Filipino, patuloy itong nagbabago, at sa patuloy na ginagawang paglinang sa pambansang lingua franca ay hindi sana malimutang kilalanin ang mga wikang nag-ambag, kahit na sinabi pang inangkin na natin ang mga ito. Tanggapin ng mga leksikograpo na wala nang purong wika, ngunit kailangan pa ring alalahanin ang mga salitang naging pundasyon ng isang wika.
       
     Magandang bagay naman na isinama nila ang mga gabay tungkol sa pag-uulit ng pantig. May mga salita kasing mukhang inuulit ngunit kapag tinanggal na mula sa anyong ito ay nagmumukhang wala namang kahulugan ang salitang naiwan na parang salitang-ugat. Tungkol naman sa pagbabaybay ng mga salita may vowel clusters halimbawa na lamang sa mga katagang piyano, pyano at piano, tatlong variants ng baybay ang ipinakita nila bilang paglilinaw sa mga maaaring pagbabago sa salita kapag inaadapt na ng naturang pagbigkas ng isang wika. Mabuting isinama nila ito sa diksyionaryo upang hindi malito ang gumagamit sa mga batas ng pagbabaybay sa wikang Filipino. Kaakibat na rin nito ang mga gabay tungkol sa mga pagbabagong morpoponemiko sa wikang Filipino na hindi naman naituturo nang masinsinan sa elementarya o iba pang mga kurso sa kolehiyo, pati na rin ang kasaysayan ng ortograpiyang Filipino bilang mas makatutulong na mapalinaw ang sistema ng ating pagsulat.
       
     Ipinagtataka ko lamang kung bakit kinakailangan pa nilang ilagay ang dami ng kanilang lahok mula sa pinanggalingang edisyon patungo sa kanilang edisyon na ito. Hindi naman siguro ito magagamit ng mga maghahanap lamang ng mga kahulugan. Ito ba ay para mas mapagkatiwalaan ng tao ang kanilang libro dahil sa sinasabi nilang signipikanteng dami ng dagdag sa kanilang mga lahok? Ang kailangan lamang nila ay mas lubusang pag-eedit impormasyon lalung-lalo na sa mga maliliit na detalye. Kailangan din nilang pagtuunan pa ng pansin kung makalilito lamang ba ang isang lahok na makatatagpo ng gumagamit.

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010)

            Katulad ng Diksiyonaryong Sentinyal, ang UP Diksiyonaryong Filipino ay may pagpapahalaga rin sa mga katutubong wika ng Pilipinas. Nang aking silipin ang listahan ng mga dagli ay nagulat ako sa dami ng wikang isinama nila ngunit magkahalong mga emosyon liban sa pagkasindak ang nagpaisip sa akin. Una, natuwa ako sa mukhang kumpleto o mas matinding pananaliksik na ginawa para sa mga wikang nakapag-ambag na sa Filipino. Maraming wika ang nanggaling sa Luzon, sa Visayas pati na rin sa Mindanao. Nariyan din ang mga wikang Ingles at Espanyol pati na rin halimbawa ng Hapon at Italyano. Hindi lamang matututo ng kahulugan ang mga gagamit ng diksiyonaryo kundi magkakaroon pa sila ng maliit na bahagi ng kasaysayan ng salitang isinama. Maganda bagay sana rin kung nagsama pa sila ng mga diyalekto ng malalaking wika dahil may mga salitang ginagamit sa isang diyalekto ng isang wika ngunit wala sa isa pa. Hindi na nila pa siguro isinama pa ang mga diyalekto dahil magpapahaba lamang ito sa magiging espasyo para sa lahok. Ang ikinabahala ko lamang ay nakapaloob din sa listahan ng mga dagli ang mga kaalamang siyentipiko, halimbawa ang Zoology at Botany, na nakapaloob din sa listahan ng mga dagli. Mas maganda sana kung ikinategroya rin nila ang mga dagli para mas madaling malaman kung anong bahagi ang nakapaloob sa lahok. Ngunit nang silipin ko naman ang lahok ay nalaman kong hindi naman pala nakapaloob sa panaklong na [ ] ang Zoo, Bot, etc. Magandang bahagi ito ng lahok bilang dagdag na impormasyon tungkol sa mga salita.

Mabuti ring detalyadong kumpleto ang gabay na mga isinulat para sa paggamit ng mga diksiyonaryo. Katulad na lamang ng mga varyant na maaaring makatulong sa mga maaaring pagkalito sa pagbabaybay gayundin sa mga salitang inayos ang tamang pagbibigkas. Magandang bagay na isinama nila ang lahat ng posibleng pagbigkas sa isang lahok. Sa bawat varyant ng pagbigkas ay nagkakaroon kasi ng bagong salita. Kapuri-puri ang masinsinang paggamit ng mga tamang simbolo para sa ganap na pagbigkas. Ang pagbigkas na mga ito ay nakapaloob sa mga panaklong ( ) bilang hiwalay na makita mula sa ganap namang baybay ng lahok.  Mayroon ding mga pagbigkas na diretso nang nakasama sa lahok mismo. Ang mga nakapaloob sa mga panaklong ibig sabihin ay malaking tulong sa mga salitang posibleng hindi alam ng gumagamit ang bigkas. Nilinaw rin sa mga gabay na may mga hiram naman talagang mga salita ang wikang Filipino, kaya nga pagdating sa dagli ay may mga isinamang banyagang wika.

Nang pasadahan ko na ang mga lahok ng nasabing diksiyonaryo, halos lahat ng mga salita ay mayroong pinanggalingang wika. Napakamabuting malamang hindi lamang pala sa Tagalog mayroon ng mga ibang salita. Itinuro pa ng diksiyonaryo na mayroong pagkakahawig sa mga wika ng Pilipinas. Naituturo sa kamalayan ng gumagamit na magkakaugnay ang mga wika ng Pilipinas na hindi dapat magkaroon ng ibang pagtingin kapag hindi Tagalog ang napakikinggan. Dapat mas lalong maunawaan ng mambabasa na magkakapantay ang mga wika at hindi dapat bumababa ang pagtingin sa hindi Tagalog. Hindi na lamang kahulugan ang maaaring mapulot ng gumagamit sa diksiyonaryong ito kundi iba pang makabuluhang impormasyon tungkol sa wika at sa mga wika ng Pilipinas.

Dahil sa dami ng wikang isinama sa diksiyonaryong ito ay lalong nagmultiply ang dami ng lahok. Mabuti pa ito o masama para sa espasyo? Makabubuti naman ito sapagkat nakapagpapakilala ng bagong wika, ibig sabihin ay bagong mga salita, ang diksiyonaryo sa mambabasa kahit na sabihin nating patungo lamang siya sa isang lahok. Hindi malayong maraming-maraming salita siyang mapapasadahan dahil sa tatlong column ng mga lahok. May mga lahok ding katulad ng abokado at avocado na mahahalatang magkalayo kung hahanapin pa. Nasa lahok na abokado ang kahulugan ng dalawa dahil sa idederetso ka ng lahok na avocado sa abokado. Maling bagay ba ito na nakasasayang lamang ng espasyo kung halos magkasingbigkas at magkasingbaybay lamang ang dalawang salita? May mga salita nga na pareho ng baybay ngunit ibahin lamang ang bigkas ay magkakaiba at malaki na ang pagkakaiba sa kahulugan. Mabuti na sigurong isinama nila pareho ang dalawang lahok na ito para sa mga nakaaalam baybay sa Ingles. Maaari rin itong makatulong sa mga banyagang nag-aaral pa lamang ng wikang Filipino. Ngunit magmumukha ba itong kasayangan sa espasyo kung binanggit ko ang tungkol sa isang bilingual dictionary? Bakit napakadami ng ganitong halimbawa gaya na lamang ng abortionist at abortionista? Binabasag na ba ng diksiyonaryong ito ang mga papel ng isang bilingual dictionary? O minimithi na rin nilang pagsabayin ang dalawa sa iisang reference material? Maraming salita na kasi na nanggaling sa Ingles ang maaari namang makuha ang kahulugan sa isang Ingles na diksiyonaryo o kaya naman ay kung patungkol pa man ito sa Zoology o Botany ay mayroong iba pang reference material tulad ng almanac at encyclopedia. O sinusubukan ding maisama sa diksiyonaryong ito ang mga katangiang taglay o impormasyong pinagtutuunang pansin ng ibang reference material? Ang mga ganitong malalaking pagsakop ba ng espasyo sa iisang reference material ay maaaring tingnan bilang pagtitipid na rin sa mga maaari pang buuing materyal? O mas maiging gumawa rin ng ibang reference material sa wikang Filipino para lamang makatipid sa espasyo ng diksiyonaryong bubuuin?

Nagmukhang masikip man o paulit-ulit ang mga salita para sa gagamit na Pilipino ng diksiyonaryong ito (kung hihinalaing edukado ang gagamit at marunong ng Filipino at Ingles), maganda bagay pa rin naman ang pagiging siksik ng mga lahok sa detalye, kahit sa maliliit at mga makabuluhang impormasyon.



Mga diksyunaryong sinuri:

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon. UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman.
Anvil Publishing Inc. 2010.

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino: Pang ika-75 na Anibersaryong Edisyon.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2011.

No comments: