Stative Verbs
Ang papel na ito ay nais
sanang talakayin, at susubuking kuwestiyunin ang ikalimang kabanatang may
pamagat na Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative. Nilinaw ng
artikulo na nagkaroon na ng iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga pandiwa na
humantong sa pagkakaroon ng klasipikasyon sa mga ito. Mula sa case study ni
Blake noong 1906 hanggang sa syntactical derivation study ni De Guzman noong
1978, ang iba man ay kumplikado, nakatulong umano ang mga tarok ng isip mula sa
mga pag-aaral na ito sa pagpapasimpleng bumuo ng klasipikasyon ng mga pandiwa ang
may-akda. At iyon na nga ang Stative at Dynamic verbs. Inunang talakayin ng
akda ang tungkol sa mga stative verb na nauukol sa kondisyon. Mula sa walong
klase, gusto ko munang talakayin ang unang dalawa. Pumili ako ng isang
halimbawang maaaring bigyang-suri mula sa unang klaseng (1) mga pandiwa na
nauukol sa pagbabago ng condition o pagiging:
10. Naging maliwanag ang paningin niya.
‘His/Her vision became clear.’
11. Naging prinsipe ang palaka.
‘The frog turned into a prince.’
Nilinaw sa mga paliwanag na
nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan
ng paningin ng nauna, at pangangatawan at hitsura ng sumunod. Nagkaroon ng
pagdidiin sa pandiwang naging bilang pagpapaalala
na ito ay para lamang sa unang klase. Nagbago ang paningin. Nagbago ang
pangangatawan ang hitsura. Nagkaroon diumano ng pagbabago sa kondisyon o
becoming, tulad ng isinasaad ng artikulo na kahulugan. Ngunit tingnan naman
natin ang mga halimbawa ng ikalawang klase (2) Destructive Verbs, na isang
klase ng pandiwa na nagtatanda ng pagkagunaw o pagkawasak sa pamamagitan ng
insekto, ng natural na puwersa, o ng aksidente, o sa madaling salita ay mula sa
isang normal na kalagayan patungo sa pagkasira. Narito ang ilan sa mga
halimbawang ginamit:
15. Kakalawangin ang kutsara kung ibabad sa suka.
‘The spoon will turn rusty if it is soaked
in vineger.’
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
‘The house was destroyed by the storm.’
Simpleng-simple. Nasira ang
kutsara. Nasira ang bahay. Nagkaroon din ng pagbabago sa kalagayan, tulad ng
nauna. Mayroong negatibong epekto, bilang kaibahan, para sa ikalawa. Kung
titingnang mabuti, mayroon ba itong ipinagkaiba sa ikalawa? Paano kapag bumuo
ng pangungusap na ‘Naging makalawang ang kutsara.’ o ‘Naging sira ang bahay.’? Malinaw
na sinabi ng akda na ang kahulugan ng unang klase ay nauukol sa pagbabago ng
condition o becoming. Ang ikalawa naman ay nagbago ang kalagayan patungo sa
pagkasira. Sa aking mga ibinigay na halimbawa, paano nang maihahanay ang
pandiwang naging? Bakit ihiniwalay pa
ang Destructive Verbs sa unang klaseng tungkol sa pagbabago naman pala ng kondisyon
o becoming? Hindi ba’t ang pagkakaroon ng kalawang ng isang bakal na bagay ay
pagbabago rin ng kondisyon kung titingnang mabuti? Ano ang ipinagkaiba nito sa
isang halimbawa mula sa unang klase na ‘Nangitim siya sa init.’ na mayroong
pagbabago sa hitsura katulad ng pagkakaroon ng kalawang? Ano rin ang pinagkaiba
nito sa ‘Namutla siya.’ na mayroong pakiramdam nang may sakit, at kung may
sakit ay mayroon ding paunti-unting pagkasira ng katawan ng isang tao, ano pa’t
nagmamarka ng pagiging destructive verb nito? May pinagkaiba rin kaya ito sa ‘Nagutom
ang pusa.’ bilang pagkasira ng kalusugan? Paano kung sinabing ‘Nawala ang
bubong ng bahay dahil sa bagyo.’ na maaaring magsabi ng pagkasira?
Nagbago ang kondisyon. Ito
ang kahulugan ng unang klase. Nauukol sa kondisyon naman ang kahulugan ng stative
verb. Kapag kinalawang ang isang bagay, hindi naman ito nalalayo sa pagkakaroon
ng pagbabago ng kondisyon. Tama lamang na ikinategorya ito sa ilalim stative
verb dahil sa nauukol nga naman ito sa kondisyon ng bagay na yari sa bakal
ngunit nakalilito lamang isiping maaari itong ihanay sa unang klase (pagbabago
ng kondisyon o becoming) dahil sa nagbago nga naman ang kondisyon. Mas mabuti
kayang tanggalin na lamang ang ikalawang klase na destructive verbs dahil halos
pareho lang din naman ang pinag-uukulan ng mga ito sa unang klase? Mula sa ‘Nabago
ang tanawin.’ ng unang klase, magiging destructive pa ba ang ‘Nabago ng lindol
ang tanawin.’? Nakabase na lamang ba sa konteksto ng pangungusap ang
pagkakahanay ng pandiwa sa kanyang nararapat na klase? O ang pagdidiing ginawa
sa mga pandiwa ay nakapaloob na sa kanya mismong kahulugan sa diksyonaryo?
Pareho namang nagbabago ang
kondisyon sa dalawa, mayroong pagbabago sa hitsura at ang ibang pandiwa mula sa
unang klase ay maaaring gamitin bilang destructive. Mas maigi siguro kung
pagsamahin na lamang ang dalawang klase para maging iisa na lamang. Ang
ganitong pagmumungkahi ay para sa mas kaunting mga kategorya para maiwasan ang
pagkalito kung may mga nagkakahawig sa halimbawa at posibleng sa mga kahulugan
Isa pang klase ng klase ng
stative verb na nais kong kuwestiyunin ay ang phenomenal verbs. Base sa
artikulo, ang mga pandiwang ito ay may kaugnayan sa kagagawan ng kalikasan,
tulad ng pagsikat ng araw, pag-ihip ng hangin at pagkislap ng mga bituin. Narito
ang ilang halimbawa:
36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon
yesterday.’
37. Bumaha ng dugo sa digmaan.
‘There was bloodshed in the
war.’
Malinaw naman sa lahat na ang
klima at panahon ay dulot o natural lamang na gawa ng kalikasan. Hindi ito
mapipigilan. Ngunit paano kung sinabi ko namang ‘Binaha ng bagyong Ondoy ang maraming
kabundukan na nagdulot ng landslide.’? Nagkakaroon ba ito ng destructive na
katangian dahil sa pagkasira ng lupa? Hindi ba’t dito sa konteksto ng Pilipinas,
malimit na nakasisira ang baha, lalung-lalo na kung napakalakas nito? Maaari
itong makasira ng lupa, ng mga daanan, ng mga tahanan, dahil lamang sa umaagos
nitong tubig. Kapag nagkaroon ng baha, negatibo agad ang konotasyon para sa
ating mga Pilipino, marami kasing nasisira o nababalitang nasisira. O mapupunta
pa rin ito sa kategoryang phenomenal dahil sa natural namang umuulan kahit na
maraming nagsasabing maaaring maagapan ang pagbaha? Maaari rin namang bumaha sa
mga lokasyong walang nakatirang tao kaya pupuwede kayang maging natural na
sakuna pa rin ang pagbaha?
Hindi naman lahat ng
phenomenal na pandiwa ay destructive pero may mga iilan pa ring maaaring isama
sa destructive verbs. Maaarin umulan ng acid rain na destructive, maaaring humangin
nang pagkalakas-lakas na makapagpapalipad ng mga bubong at makapagpapagalaw ng
malalaking tangkay, maaaring umaaraw lang pero pagkainit-init na maaaring
makapagpatuyo ng lupa at makasira rin. At papaano pa ang mga pagputok ng bulkan,
paglindol at pagbagsak ng bulalakaw galing sa kalangitan na kapwa mga natural
na sakuna? Lahat ng mga ito ay destructive at hindi rin naman mailalayo sa
pagiging phenomenal. Paano na lamang silang maihahanay? Dedepende na lamang ba
ang pagkaklase ng isang pandiwa sa antas
o grado ng pagkasirang idudulot nito? Maaari rin naman kasing bumaha o lumindol
ngunit walang nasira. Kaya ba ihiniwalay na lamang ang mga natural na kalamidad
para hindi na lamang pag-usapan pa ang antas ng pinsalang maaari nitong dalhin?
Nagkakaroon kasi ng pagkakatagpo o pagkakapareho sa ilang mga pandiwa katulad
ng mga nabanggit kong halimbawa sa pakahulugan ng destructive verbs. O babalik
na naman tayo sa konseptong ang pagkakategorya ng isang pandiwa ay nakabase pa
rin sa konteksto ng pangungusap at hindi na lamang sa kanyang kahulugan?
Atin namang pag-usapan ang
tungkol sa mental at psychological verbs. Ipinakahulugan ng artikulo na ang
mental verbs ay nauukol sa mga prosesong nangyayari sa loob ng kaisipan, tulad
ng pagkatuto, pagkaunawa, o pagiging maalam. Isinama pa rito ang pagkukunwari
bilang ibang tao ay isa ring mental na proseso. Para naman sa psychological
verbs, ito raw ay mga pandiwang may kaugnayan naman sa kalagayan ng mga
damdamin tulad ng galit o lungkot. Kapag mayroon ding kinokonsidera ang isang
tao na bagay bilang mabuti o madali ay sinasabi ring isang psychological na
pangyayari. Nais kong kuwestiyunin ang bahaging ito sapagkat ang sikolohiya ay
hindi lamang nalilimitahan sa takbo ng damdamin. Hindi rin naman maitatangging ang
mga nararamdaman ng isang tao ay may kaugnayan din sa kanyang mga iniisip. Kaya
paanong maiihiwalay ang damdamin o pagkokonsidera ng isang bagay na mabuti sa
mga proseso ng kaisipan? Ang sikolohiya ay mayroong malaking sakop kung saan
nakapaloob din ang mga mental na proseso. Maaari sigurong palitan ang katawagan
ng psychological verbs o kaya naman ay pagsamahin na lang din ang dalawa at
ikategorya na lamang bilang simpleng psychological na mga pandiwa bilang nasa
ilalim din naman ang mental na proseso sa larangang ito.
Mayroong mga pagkakahawig
sa kahulugan. Mayroon ding mga pandiwang maaaring ihanay sa dalawang klase, at
depende rin ito sa kung gaano katindi ang nakapaloob sa konteksto ng
pangungusap. Hindi malinaw sa mga ibinigay na kahulugan at halimbawa kung
ibabase ba ang paghahanay ng isang pandiwa sa kanyang kahulugan o sa
kontekstong kanyang kinabibilangan. Ang mga ito ay nagdudulot lamang ng mga
pagkalito na maaaring makasira sa nabuong mga klasipikasyon. Magkaroon sana ng mas
malinaw o mas detalyadong pagpapakahulugan. Subukan ding gumamit ng ibang bagay
bilang object kung magbabago pa ba ang klase ng isang pandiwa. Maaari ring
tingnan ang mga posible pang mga halimbawa kung maaaring ihanay o tumutugma ang
pagpapakahulugan sa bawat depinisyon ng bawat klase ng stative verb.
Dynamic Verbs
Kaiba naman sa stative verbs, ang dynamic
verbs ayon sa artikulo ay sinasabing mga pandiwang naghahayag ng aksyon. Narito
ang ilang halimbawa ng objective verbs (sa ilalim ng dynamic verbs) na
sinasabing mga pandiwang mayroon parating direct object o tagatanggap ng aksyon:
4. Magluluto ang nanay ng ulam.
‘Mother will cook the main dish.’
5. Kumuha siya ng
pagkain.
‘He got some food.’
Kitang-kita naman na tinanggap ng ulam ang aksyong magluluto at
ng pagkain ang pandiwang kumuha. Kapag bumuo ako ng pangungusap
na ‘Niluto ang ulam.’ o kaya ‘Kinuha ang pagkain.’, objective pa rin ang mga
nagamit na pandiwa kahit na walang tagagawa ng kilos dahil meron pa ring
tagatanggap. Nakadiin sa tumatanggap ng kilos, hindi man malinaw ang may
dahilan, ang mga objective verb. Ngayon, tingnan ang halimbawang kinuha ko
naman sa phenomenal verbs (mula sa stative verbs):
36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon yesterday.’
Maaari rin akong bumuo ng iba pang pangungusap katulad ng
‘Binaha ang lungsod.’ o kaya naman ay ‘Hinangin ng bagyo ang bubong nila.’ Ang
mga pangungusap na ito ay phenomenal, base sa mga depinisyong inilatag kanina
sa mga naunang bahagi at kasabay niyan ay ang pagiging objective. Napapailalim
sa dalawang nangungunang klase ng pandiwa mga inihaing halimbawa ng pandiwa. Kapwang
mayroong nakapaloob na aksyon at kagagawan ng kalikasan. Paano na lamang sila
maihahanay? Maaari bang nasa dalawang pinakaklase ng mga pandiwa sa Filipino
ang isang pandiwa? Narito pa ang ilang halimbawa na galing naman sa destructive
na klase:
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
‘The house was destroyed by the storm.’
17. Tinupok ng malaking sunog ang sambayanan.
‘The big fire burned down the whole town.’
Maaaring pan-stative pa rin ang dating ng mga inilagay
kong mga kasunod na pandiwa dahil mukhang wala nga namang nangyaring aksyon
ngunit mayroon pa ring mga tumanggap ng kilos. Tinanggap ng sambayanan ang tinupok at ng bahay ang nagiba. Kung malinaw sa mga pangungusap
na mayroong aksyon at mayroong tumanggap ng aksyon, maaari kayang ihanay ang
marami sa destructive verbs sa ilalim ng objective verbs? Masisira ba nito ang
binuo pang dalawang magkaibang klase ng mga pandiwa (stative vs dynamic) kung maaaring
ihanay sa dalawa ang ilang salita? May malaki bang pagkakaiba ang ‘Kinagat ang
burger.’ at ‘Giniba ang bahay.’? Paano naman ang halimbawang ito na nasa ilalim
ng directional verbs (dynamic):
16. Hinugasan niya
ang pinggan.
‘He/She washed the plate.’
Ayon sa artikulo, ang directional verb ay isang pandiwa
na patutunguhang direksyon. Madali rin daw itong malaman kung -an-verb ang
nangyayaring kilos. Lahat ng mga natirang halimbawa sa ilalim ng directional
verbs ay mayroong direksyong patutunguhan. Inihahayag ba ng hinugasan na patungo ang aksyon sa pinggan? Ano pang pinagkaiba ng halimbawang
ito sa objective verbs? At ito pa na galing naman sa locative verbs (dynamic):
36. Naghugas siya
ng mga baso (sa palanggana).
‘He/She washed the glasses (in the basin).’
Inilahad ng kahulugan ng locative verbs (dynamic) na may
mga halimbawang pandiwang naghahayag ng aksyon na kailangang mangyari sa isang
lugar. Ibig sabihin, may mga pandiwa raw na kumakailangan ng lugar na
pangyayarihan. Sa pagkukuwestiyong ito, iisang pandiwa lamang ang aking napuna (hugas).
At kung susundin natin ang marahil na pinag-uukulang atensyon ng stative verbs
para sa kanyang kahulugan, na base na rin sa kanyang mga ibinigay na halimbawa,
maaari bang tingnan ang pandiwang hugas sa kanyang kahulugan sa diksyonaryo para mas
madaling maihanay sa kanyang tamang klase? Bakit noong hinugasan ang pinggan ay hindi kinailangan ng lugar ng paghuhugasan?
Kapag naging nag- verb na lamang ba puwede ito katulad ng ‘Nagluto ng litson sa
kawali (sa kusina)? E papaano naman ang ibinigay na halimbawa galing sa objective
verbs na ‘Magluluto ang nanay ng ulam.’? Mauulit na naman ba ang paglalagay sa
dalawang klase ng iisang pandiwa? Nakalilito kung titingin ba sa kahulugan ng pandiwa,
o sa tatanggap ba ng aksyon, o sa kahulugan pa ba ng klase ng pandiwa. Nililinaw
din ng artikulo na maaari pang makatulong ang pagtingin sa panlapi ng mga pandiwa:
Pandiwa Panlapi
objective mag-,
-um-, mang-, mag-...-an, -in-,
makipag-...-an
makipag-...-an
directional mag-,
-um-, mang-, i-, -an, -in-
benefactive i-,
ipag-
causative pa-,
ika-, ikina-, na-, ipina-,
nagpa-, nag-
nagpa-, nag-
instrumental ipang-,
ipinang-, nag-
locative nag-,
-um-, -in-, ipa-, i-...-in-
May mga pandiwang madaling
matandaan dahil sa angking kahulugan katulad ng nanggaling para sa locative at nagbigay
para sa directional. May mga pandiwa namang makikita sa anyo dahil sa taglay na
panlapi katulad ng ipag- para sa
benefactive at ipang- para sa
instrumental. Ang iba naman ay maaaring matukoy depende sa konteksto o iba pang
bahagi ng pangungusap tulad ng sa
pamamagitan ng- para sa instrumental at dahil
sa- para sa causative. Maaaring alamin ang klase ng pandiwa sa iba’t ibang
paraan kung titingnang mabuti ang mga ibinigay na halimbawa at kahulugan ng
artikulo.
Kung mukhang nakatuon sa
taglay na kahulugan ng pandiwa ang magkaklasipika sa stative verbs, bakit sa
iilang halimbawa lamang ng dynamic verbs ito magagamit? Babalik at babalik pa
rin ba sa konseptong makatutulong ang ibang bahagi ng pangungusap para mas
madaling matukoy ang klase ng pandiwa? Nagmumukha kasing sa kalakhan ng mga
halimbawang pangungusap na inihain ng artikulo para sa bawat klase ng pandiwa,
mula sa mga stative patungo sa mga dynamic, magkaibang-magkaiba ang basehan sa
pagtukoy ng klase ng isang pandiwa. Nilinaw na kanina na mayroong iba’t ibang
paraan. Ngunit iisa o dadalawa lamang sa mga paraang ito ang makikita sa mga
halimbawa ng stative na halos lahat ay purong kahulugan ang pinagtuunan ng
pansin. Mas nakikita ang pokus ng pandiwa sa mga klase ng dynamic verbs. Kinakailangan
pang tingnan ang panlapi o mga kasama nitong salita sa loob ng pangungusap para
lamang malaman kung saan ihahanay ang pandiwa. Sinisira ng ganitong pagbibigay-pakahulugan
ng dynamic verbs ang naunang inilahad ng stative verbs. Maraming pandiwa tuloy
ang maaaring maisama sa higit sa isang grupo. Maaari naman pero ang proseso sa
kung paano natukoy ang iba’t ibang klase ay hindi nagtutugma.
Kabanatang
sinuri:
Cubar, E. H., Cubar, N. I.
“Chapter 5: Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative”. Writing Filipino Grammar: Traditions &
Trends. Quezon City: New Day Publisher. 1994.
No comments:
Post a Comment