April 15, 2014

'Di Lang Araw sa Umaga ang Nagpapalakas

Laking pasasalamat ko na naman sa sarili ko dahil sa isang napakagandang aklat ang napili ko para sa huling proyektong ito. Ang koleksyon ni Will P. Ortiz na pinamagatang Bugtong ng Buwan at Iba pang Kuwento ay hindi lamang naging interesante sa akin bilang mambabasa at kritiko ngunit nagbigay ng bago at mas malinaw na lente sa aking mga matang bulag na bulag pa pala sa nangyayari sa mga bata ng Pilipinas.

Hindi lamang iyon kundi hindi na lamang puro Maynilang-batang-lansangan-at-grasa na lamang ang alam ko matapos kong mabasa ang kanyang maiikling kuwento. Ipinaabot niya rin sa kanyang mga mambabasa ang mga naabot niyang iba pang mga karanasan mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Napakagandang simulain, kahit na sa Filipino pa rin nakasulat, gumagamit siya ng ilang mga salitang taal sa wika at kulturang kanyang pinaghugutan. Mahalagang ipinakikilala niya ang iba’t ibang mga wikang ito sapagkat sa pamamagitan ng ganitong dagdag sa pagsasalaysay, ipinakikilala na rin ang iba’t ibang kultura sa Pilipinas. Malaking bagay na malaman ng kanyang mga mambabasa, lalo na kung bata pa sila, na maraming uri ng bata sa Pilipinas, at sa mundong kanilang ginagalawan. Maagang mababasag ang kanilang mga isip sa nosyon ng pagsesteryotipo kung kaya’t ang pagpansin sa mayamang kultura ng kanilang bansa ang magandang atupagin na ng kanilang diwa, habang maaga pa. Sa pamamagitan din nito, unti-unting nabubuo ang isip at pagpapahalaga ng mga bata sa kanilang mga sarili. Kapag nalaman na nilang napalilibutan pala sila ng maraming iba’t ibang tao, maiisip din nilang naiiba rin sila sa nakararami. Doon mismo nabubuo ang kanilang identidad. Mahalaga ring makilala agad ng isang bata ang kanyang sarili nang sa gayo’y maaga pa lamang ay napaplano niya na ang kanyang naisin. Pero hindi ko rin naman masasabi iyon nang tapos, kasi nga, bata pa lamang siya. Marami pang maaari mangyari sa mga mura ang edad, ika nga ng nakararami. Ang pagkakaroon lamang ng interes ng isang bata, habang maliit pa siya, ang maaaring magtulak sa kanyang ipagpatuloy ang isang nasimulang bagay tungo sa isang napakaunlad na hinaharap.

Dagdag pa, mula sa pinag-uusapang pagpapakilala ng kulturang Pilipino, hindi nakaligtaan ni Ortiz na ipakilala rin ang mga kuwentong bayan, o sa ilang mga kaso ng mga kuwento, kung paanong tumatakbo ang istorya noon, pati ang pamumuhay noon, maging ang nilalaman ng mga ito. Halimbawa na lamang, sa unang kuwento, Ang Bugtong ng Buwan, mayroong isang diwatang nagkaroon ng karelasyon sa lupa. Nariyan din ang kuwentong Ang Mangingibig sa Bayan ng Perlas kung saan mayroong nangyaring tradisyunal na ligawan ng mga babae at lalaki. Napakaganda ring isinalaysay ni Ortiz ang tungkol sa isang batang babaeng Babaylan sa kuwento niyang pinamagatang Mabaylan. Iba’t ibang klaseng kultura pa rin ang ipinaaalam sa mga batang mambabasa. Maaaring magkaroon sila ng iba’t ibang imahen sa kanilang mga isip kung ano ba ang mga Pilipino noon? Maaaring humantong sila sa pagtatanong kung paano tayong humantong sa ganitong mga pananamit, paniniwala at kultura. Tumutulong sa paghihiraya kasabay ng pagiging palatanong ang mga kuwento sa koleksyon kung kaya’t sa bawat paglipat ng pahina ng isang mambabasa’y hindi lamang magandang aral at isyu ang napupulot niya.

Kung magandang aral at isyu lang din naman ang pag-uusapan, hinding-hindi masasabing malabong nagtagumpay si Ortiz. Bilang sentral na tema ng aking papel, nais ko rin sanang hugutin ito mula mismo sa ginamit na pamagat ng manunulat sa kanyang koleksyon at kung bakit hindi na niya kailangan pang mag-isip ng bago dahil sa saktung-sakto na ang pamagat ng una niyang kuwento, ang Bugtong ng Buwan.

Sa simula pa lamang, sa bahaging introduksyon ng aklat, nilinaw niya na sa kanyang mga mambabasa na ang madalas daw na imahen natin sa mga bata ay walang lakas, nawawala, at laging hinahanap (ix). Naisip ni Ortiz na baguhin ang ganitong mga imahen (ix) kung kaya’t lumikha siya ng mga kuwentong makapagtutulak ng ganitong naisin. Malaking paksain din sa kanyang mga kuwento ang mga manggagawang bata. Muli, hindi ko rin ito inaasahan mula sa isang akdang pambata dahil sa mula pa lamang sa ikalawang kuwento (Hakbang ng Hangal) ay kinilabutan na ako. Una sa lahat, marahas ang nararanasan ng mga manggagawang mas bata pa sa akin. Ikalawa, alam kong nangyayari pa rin ito magpahanggang sa ngayon. Sa simula’y mahirap ituloy ang pagbabasa, pero kinakailangan. Ang pagpapatuloy sa pag-alam sa sitwasyon ng mga batang inagaw, hinuli, dinukot, pinilit, at niloko, unti-unting nakikilala ang mundong matagal nang kilala ng mga mas bata pa sa akin. Kahit na isipin kong nilikha lamang ang mga naratibo sa haraya ni Ortiz, halata pa rin namang base ang lahat ng mga ito sa tunay na mga pangyayari. Hindi ko na tuloy alam kung matatawa ako kasi ako ‘tong iskolar sa panitikan at lipunan ngunit mas alam pa ng mga batang ito kung paano dapat ang yapak sa reyalidad na matagal ko nang kinatatakutan. O malulungkot kasi bakit alam na nila agad ang karahasan ng mundo, ang tunay na karahasan, e mas bata nga sila sa akin. Sa pagpapatuloy ng pagbabasa, tuluyang nalungkot, pero hindi nawalan ng pag-asa. Nalaman din kung bakit mas maaga silang namulat sa akin. Naunawaan din kung bakit marami sila. Naliwanagan din kung bakit may liwanag ng buwan. Naabutan din ako ng liwanag ng buwan.

Ipinakilala sa lahat ng mga pangunahing tauhan ang hirap ng buhay. Iba’t iba ang kanilang mga naranasan kung paano nga ba silang napadpad sa kani-kanilang mga trabaho ngunit magkakahawig din naman ang kalagitnaan ng kanilang pagkaalipin sa paggawa: nahihirapan din sila. Marami sa kanila ang binubugbog ng kanilang mga amo. Maraming hindi nakakakain nang tama – tamang oras, kahit wastong pagkain, wala. Parang hayop na lamang ang turing sa kanila. Mahirap na nga ang trabaho, pinahihirapan pa sila lalo. Mayroon pa ngang mukhang kulungang may rehas ang kuwarto, katulad ng kina Eli at Jay sa kuwentong Hakbang ng Hangal. Marami sa kanila ang pinagtrabaho na humihigpit pa sa kakayahan ng isang bata. Ang mga bata rin ay hindi napakakailaman ang kalusugan, tulad ng sa kaso ng mga bata sa kuwentong Salamangkero kung saan nauulanan sila ng likidong pesticide, na para sana sa mga halaman, na nakapagkukulubot ng kanilang mga balat at nagdudulot pa ng impeksyon. Kapag lumala pa e namamatay ang biktima. Ang lalong masama pa sa sitwasyong ito, ang mga namamatay sa ganitong sanhi ay ipinapatago lamang ng may-ari para walang makitang ebidensya at magpatuloy lamang ang kanilang malaking pagkita ng salapi. Walang pakialam ang mga taong namamahala sa mga manggagawang bata na ito. Tinatanggalan nila ng karapatang pantao lalung-lalo na ng karapatan ng mga bata. Mayroon din sa kanilang hindi pinapayagang magsalita kung hindi lang tungkol sa trabaho ang sasabihin, tulad ng kaso ni Bayan sa kuwentong Ang Mananahi sa Tore. Walang kalayaan, ni saang sitwasyong mapunta. Kulong mula sa labas na mundo ngunit tunay na mundo ang nararanasan. Halos lahat din sila, niloko lang para sa mas magandang kinabukasan daw para sa kanilang mga pamilya. Kinakailangan daw nilang magtrabaho para makatulong sa pagtustos. Marami sa kanila ang binulag, niloko, at kung mabigyang-malay man sila, hindi pinapayagang makaalis. Mayroong pagtakas na nagaganap. Kung hindi man makatakas, at piniling manatili sa hindi makataong pagtatrabaho, ay base na rin sa kanilang pansariling mga desisyon. Maaari rin kasing iyon na lamang ang natatanging paraan para kumita para sa kanilang pamilya nais talaga nilang tulungan. Marahil ay inisip din nilang baka wala na silang mahanap na iba pang oportunidad kundi iyon na lang. Kumikitid na dapat ang kanilang mga pangarap ngunit laking pasasalamat na hindi naman. Kung paulit-ulit lang din naman kasi ang kanilang mga ginagawa na parang mga robot, maaaring hindi na sila humusay pa sa mas marami pa sanang mga gawain. Pero dahil mga bata nga sila, malamang ay tanggap na natin sa klase na masipag pa rin silang magpagana ng imahinasyon.

Nandiyan yung pagtawa ni Eli sa “tumatawang” sirang bota ni Jay (Hakbang ng Hangal). Ang puppy love ni Raya kay Fer (Salamangkero). Ang paninirador ng magkapatid na sina Crispin at Basilyo (Si Crispin at ang Matandang Pilosopo). At ang paghiling ng mga bata, gabi-gabi. Bata pa rin naman talaga sila, hindi iyon maitatanggi. Kahit na mahirap isipin dahil sa mga imahen ng pagkilos, paggawa, at pang-aalipi’t pang-aabuso, natural pa rin sa kanila ang makipaglaro, ang maging masaya, ang mag-isip nang mas maraming bagay pa kaysa sa kanilang mga amo. Ang kanilang kakayahang magpumiglas mula sa pagkakatali ng marahas na trabaho ang kanilang tanging paraan para mabuhay pa’t hindi na magmukhang robot.

Gabi sila pinagpapahinga mula sa kanilang pagkahirap-hirap na trabaho. Bawat batang bida, pagkatapos mapahirapan ang kanilang mga katawa’y hihiga na sa kanilang mga kama’t haharap sa kalangitan. Tititig sa buwan at hihiling ng kung anuman. Ang gabi at ang buwan ang siyang mga bagay na tanging nagbibigay sa kanilang muli ng kanilang mga buhay na inagaw sa kanila. Nabubuhay silang muli kapag gabi na. Nakakatawang kapag umaga naman talaga gising ang maraming tao, maging ang mga batang ito. Ngunit kapag gabi lamang sila muling nakararanas ng paghinga nang maluwag, pag-iisip nang maayos, at maramdaman ang pagiging maaliwalas ng kapayapaan at katahimikan. Kapag umaga kasi, walang silang ibang inaatupad kundi ang maging robot ng kanilang mga boss, o hari, o manloloko. Kapag gabi na, nagiging tao silang muli na nakapag-iisip, gumagana ang imahinasyon, tungo sa kanilang mga pangarap sa buhay. Ayaw rin naman nating matulog kaagad noong mga bata pa tayo, ‘di ba? Gustung-gusto nating gising lang tayo noong mga bata pa tayo kasi ang dami nating gustong gawin. Mas suwerte pa tayo sa kanila kasi, hindi nga naman tayo naging manggagawa. O bilang ako na lang, si Marion, ni hindi ko naranasan ang mga karahasang dinanas ng mga bata sa kuwento. Napakasuwerte ng marami sa atin, kung tutuusin, dahil nahahasa natin ang ating mga talento, at ang ating mga gusto, maraming naaabot. Ang mga bata naman sa kuwento, hindi mapakaling sana’y maggabi na, para makabalik na silang muli sa pagbibigay-pangarap sa kanilang mga sarili. Hindi sila matutulog. Pipiliin nilang manatiling gising para bigyang-halaga pa ang kanilang mga buhay. Katulad na lamang ng bata sa nobelang The Little Prince ni Antoine de Saint-ExupĂ©ry kung saan mayroong planetang alam ang munting prinsipeng tauhan na parati niyang pinupuntahan kasi kaya niyang ikutin nang buo agad-agad ang mundong ito. Sa mundong iyon ay paulit-ulit niyang pinapanood ang paglubog ng araw. Ayaw nating natatapos ang araw noong mga bata pa tayo kasi nga, oras na ng pagtulog. Pero hindi, para sa mga bata sa kuwento. Sabik na sabik sila sa paggabi dahil alam nilang nakapagpapahinga pa rin sila kahit magdamag silang gising nang gabi.

Sa unang pagpapakilala sa kanila ng hirap ng buhay, sa pag-usad ng naratibo’y unti-unti din nilang nakikilala ang pag-asa. Ngunit ang pag-asang ito’y hindi iniaabot sa kanila ng kung sinu-sinong tao lamang. Kung dati, mayroong kung sinong kailangang tumulong, kasi nga bata, sa mga kuwento ni Ortiz ay naiiba. Katulad nga ng binanggit kanina sa itaas, gusto niyang basagin ang nosyong mahihina ang mga bata kung kaya’t sa bawat kuwentong kanyang inihain sa koleksyon para sa kanyang mga mambabasa, binibigyan niyang lakas ang batang tauhan na sila mismo ang kailangang magkamit ng kanilang mga gusto, o ng kalayaan, nang hindi humihingi ng malaking tulong mula sa iba. Sila mismo ang nagpapasimula ng mga nararapat gawin. Sila mismo ang nagkakaisip na kumilos na agad mula sa maling sistema. Sila mismo ang gumagawa ng kani-kanilang mga sariling desisyon para makatakas sa karahasang kanilang natatamo. Nasa kanilang mga kamay ang kanilang mga kinabukasan at wala sa iba. Kung tayo nga e pinapaaral pa tayo nang matagal ng ating mga nagtatrabahong magulang, ang mga bata sa kuwento’y nagtatrabaho na hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para na rin sa kapakanan ng kanilang mga pamilya. Dagdag pa rito, ramdam nila ang pasakit ng hagupit ng reyalidad kung kaya’t maaaring mas bata pa tayo sa kanila. Hawak nila ang kanilang tadhana at hindi ng isang fairy godmother. Mayroon silang mga sariling pag-iisip. Kung inaakala ng kanilang mga amo na naloloko nila ang mga batang kanilang inaalipin dahil sa hindi naman sila tumatakas o kung ano pa man, nagkakamali sila. Ang mga bata ay humihingi ng lakas mula sa paghiling sa liwanag ng buwan, dahil iyon lamang ang tanging oras ng kanilang pahinga. Pahingan sapagkat hindi lamang sa pagod sila kung doon lamang sa mga oras na iyon na nakahihinga nang maayos, na nakahihinga nang buhay.

Mula sa paghiling, pagkausap, at paghingi ng inspirasyon sa liwanag ng buwan ay saka lamang silang muling babalik sa hirap ng kanilang trabaho. Pero alam nilang hindi sila nararapat na manatili roon. Alam din nilang marami pa silang kayang abutin. Alam nilang, bilang mga bata, mayroon din silang mga pangarap. At sila, ang kanilang mga sarili, mismo ang natatanging kongkretong solusyong nakakaya nilang isipin dahil sa malayo ang tulong sa kanilang mga nakikilala. Basag ang kanilang mga nosyon ng superhero. Ni hindi natin masisiguro kung nakapagbasa pa ba sila. Nariyan naman si Iston na nakapagbasa pa ng Bibliya at ang tanging kilala bayani ay si Hesus (Mabalyan). At kahit pa nabigyan sila ng pagkakataong mag-aral, mas pinipili na lang nilang tumulong sa kanilang mga magulang. Mas mabilis nga naman kasi ang pagpasok ng pera. Hindi minsan naiisip na bigyang-pagkakataon ang edukasyon para mas malaki ang balik sa kanilang pamilya, kung sakali mang may mapagtapos ang mga magulang. Pero hindi rin e. Gipit din. Maikli lang siguro ang oras kapag may problemang pinansyal. Bawat oras ng trabaho ay napakalaking bagay para kumita ng salapi. Salapi na lamang ang pinakamalaking problema ng mga batang manggagawa. Kahit na alam nilang nasasaktan sila nang napakarahas at delikado para  sa kanila itutuloy pa rin nila. Sila ang bayani ng kanilang mga sarili at hindi nila kailangan pang makapagbasa ng komiks o makapanood ng pelikula para lamang maunawaan at makita nila sa kanilang mga sarili iyon.

Sa pamamagitan ng mga ito, nabubura na ang pagiging robot zombie ng mga batang manggagawa. Hindi sila namamalagi sa pagkaalipin at pang-aabuso bagkus, sila’y kumakawala. Pinapakawalan nila ang kanilang mga imahinasyon, halimbawa’y pagkausap sa buwan, para lamang makilalang muli ang kanilang mga sarili. Sila na mayroong mga pangalan at sariling mga karanasan. Sila na mga tao rin at nararapat lamang na mamuhay nang maayos katulad ng nakararami sa atin.

Maaari ring hindi namamalayan ng mga bata na nakatatakas na pala sila sa pamamagitan ng paghingi ng hiling at lakas sa liwanag ng buwan. Maaaring hindi rin nila namamalayang inaabuso na pala sila at niloloko lamang pala sila ng mga kumuha sa kanila. Maaaring alam ng mga bata na kailangan nilang mag-isip para hindi na tuluyang maging alipin. Maaaring alam ng mga bata na inaabuso na pala sila ng mga mas makapangyarihan sa kanila dahil sa maaaring tinatakot sila o ayaw na nilang madagdagan pa ang kanilang mga problema. Para bang maaaring sapat na rin para sa kanila ang ganoong buhay basta’t alam nilang nakatutulong sila sa kanilang pamilyang malayo naman sa kanila. Maaaring piniling pilitin na lamang nilang kalimutan ang tama at mali para sa salapi. Kung anuman ang lagay o rason ng mga bata sa mga kuwento ni Ortiz, alam nating lahat, o at least ng mga nakabasa na ng akda, na mahirap umalis sa kanilang mga sitwasyon. Hindi naman talaga ganoon kadaling tumakas sa ganitong mga problema. Unang-una nga, tulad ng nabanggit kanina, maaaring wala nang iba pang oportunidad. Mabuti nang mayroon kaysa sa wala, ika nga. Ikalawa, mahigpit ang mga patakaran. At lalong mas mahirap ang mga kaparusahan kahit sa mga katiting na pagkakamaling magagawa. Malaking bagay ang pagkakaroon ng kamalayan ng isang batang manggagawa para magsimula siyang magplano ng kanyang mga susunod na gagawin sa hinaharap kasi, darating at darating din siya sa puntong magtatanong siya sa mga lakaran ng kanyang pinagtatrabahuhan. Mapagtatanto niya rin mayroong mali. Maliliwanagan din siyang mas marami pa sanang bagay siya na nagagawa.

Nakadikit din sa buwan ang pananaginip ng mga bata. Matapos magmuni-muni ng hinaharap, binabalot din ng antok ang mga bata. Kahit pigilan natin ang ating mga antok, kadalasa’y noong bata pa tayo’y nakatutulog pa rin tayo nang hindi natin napapansin. Ang pagtulog ng mga bata sa kuwento’y mahalagang pansinin sapagkat ito ang kanilang ikalawang anyo ng pagtakas. Sa kanilang mga panaginip, maaaring malaya rin sila. At hindi lamang simpleng panaginip sapagkat kung ating iisipin, panaginip ito ng isang bata, ng isang batang malawak ang imahinasyon. Mayroong kakayahang baguhin ang kanilang mga kasarian, ang kanilang mga karanasan at nakaraan. Mayroong kakayahang bumuo ng sariling mundo, ng sariling pagkatao, na pumili ng kanilang mga gustong ilagay sa kanilang mundong nilikha na para lamang sa kanila at sa kanilang mga kaibigan, na maging malaya. Sa gabi lamang nila nagagawa ito. Sa gabi lamang sila nagkakaroon ng oras makapag-isip nang marami, habang tulog ang matatanda. Ito rin ang mga panahong maaari na silang makapagsalita, kasi nga, tulog ang matatanda. Inuuna nilang makatulog ang matatanda bago sila, hindi katulad ng sa atin na ang matatanda ang nagpapatulog sa atin. Ang mga bata na ngayon ang naghihintay. Binibigyan nila ng pagkakataon ang kanilang mga sarili upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang mga sitwasyon, kahit na kathang-isip pa iyan. Kung gaano sila kawalang-kuwenta at mahihina sa paningin ng kanilang mga boss, ganoon din silang bumabawa kung gaano silang kalakas at kahalaga para sa kanilang mga sarili.

Binabaligtad ni Ortiz ang normal na oras dapat ng isang tao, lalung-lalo na mga bata pa sila. Nagtatrabaho nga sila sa umaga, naglalaro naman ang kanilang mga isip kapag gabi. Sila na ang bahala kung anuman ang gusto nilang isipin o gawin, huwag lamang silang mag-ingay. Ang oras ng kanilang pagtatrabaho ay umaga. Ang punto sa kanilang buong buhay na timeline ay pagtatrabaho para sa unang kalahati. Maaaring sa buong buhay na lang, nagtatrabaho na lamang sila. Sa gabi na sila naglalaro, kahit nakahiga na lamang, at nakikipag-usap sa buwan. Dinadaya nila ang mga mas nandaraya pa sa kanila. Ang pandaraya ay para lamang sa kapakanan ng isang partido. Hindi ito madalas nakatutulong sa kalaban.
         
   Ang mga kumuha naman talaga sa kanila ang mga naunang nandaya e. Nagsinungaling sila sa simula, tapos manloloko, mambubulag sa salapi ng suweldo, sabay kapag nakalayo na sa pamilya ang bata, pahihirapan, aabusuhin at, pagbabawalang makauwi. Tatakutin hanggang sa sa kanila na lamang sumunod ang mga ito. Bata ang gusto nilang pinupuntirya. Unang-una kasi, iyon nga, madaling utusan, kasi nga, bata. Kapag alam nilang mas makapangyarihan sa kanila, at halata naman na siguro nilang mas makapangyarihan ang mas matanda sa kanila, ang nagpapasuweldo sa kanila, ang nagbibigay sa kanilang  tirahan at pagkain. Madaling kainin. Madaling tirahin. Madaling kaltasan ng suweldo. Madaling abusuhin. Madaling utuin. Maaaring hindi sila lumaban. Maaaring mahirapan silang lumaban kaya pinipiling tumahimik na lamang at tanggapin at kaparusahan. Sunod pa rito, madali ring matuto ang mga bata. Kakaunti pa lamang kasi ang kanilang mga natututunan. Kung anuman ang bagong ituro sa kanila, maaari pang iyon pa ang unang gawaing kanilang makakasanayan.  Ano pa bang hanap mo para sa lakas-paggawa, ‘di ba? Edi yung mabilis nang matuto at mauto.
       
     Kung makahalata naman na ang mga bata sa kuwento ng pang-uuto, napagtatanto nilang kinakailangan na nilang umalis, kinakailangan na nilang tumakas. Ang pagtakas ay nasa dakilang liwanag din ng buwan. Habang tulog nga ang kanilang matatanda, iyon din ang pagkakataong maaari na silang tumakas. Nasa gabi rin ang kanilang maaaring literal na pagtakas. Nasa gabi ang buhay nila, wala umaga, wala sa hapon, wala sa oras ng trabaho. kahit na kumikilos sila, hindi pa rin tao ang turing sa kanila. Pinagtitripan at sinasaktan sila na parang mga hayop na hindi pinakikialaman ang kanilang mga nararamdaman. Ginagawa rin silang mga robot na pinapaulit-ulit ang mga ginagawa kung kaya’t hindi nahahasa ang kanilang kahusayan sa mga mas makabuluhan sanang mga talento o bagay.
        
    Kung maiwan man sila sa ibang estadong, halimbawa’y bulag sa katotohanan, magiging iisa na lamang ang mundo nila. Mabubuhay na lamang sila sa mundo ng pagtatrabaho’t suweldo’t hindi na magkakaroon pa ng kulay ang buhay. Kuntento na lamang sila sa isang kumpletong araw ng paggawa. Hinding-hindi na sila maghahanap pa ng ibang pagkakataon o naisin, kung nakatali man sila sa trabaho at kung kinakailangan talaga nila. Nabubura ang potensyal sana, sa kanilang mga murang edad, ng pagkatuto at paghahasa sana sa mas masasaya pang kahusayan. Halimbawa, ng kanilang mga talento. Maaaring nag-aaral sila ng mathematical equations ngayon, o ‘di kaya’y nakapag-aaral tumugtog ng violin o piano pero wala. Ipit sila sa sitwasyon kung saan practice makes perfect, hindi naman sa isang larang na gustung-gusto talaga nila. Nagiging iisa na lamang ang mundo nila, at sila na lamang ang nagpapatakbo ng mekanismong iyon. Wala na silang pakialam kung anuman ang gawin sa kanilang mali. Hindi tulad ng mga batang nakikipag-usap at humihiling pa sa liwanag ng buwan, buhay ang mga iyon. Mahahaba pa ang kanilang mga buhay. Nagkakaroon sila ng pagkakataong paganahin pa ang kanilang mga isip para sa mga susunod pang araw. Sila ang bahala sa kanilang sarili at hindi nila ipinagsasawalang-bahala na lamang. Mayroon silang mga talento, kalakasan sa pagkilos, at lawak ng imahinasyon para lumikha ng kung anumang nais nilang ipakita. Nasa kritikal na panahon sila ng pagkatuto at pagtuklas ng kani-kanilang mga talento. Kung gusto ng mga mandaraya na bata ang pagtrabahuhin kasi nga mabilis matuto, e ‘di ba mas wasto kung mga kahusayan ng talento ang naaatupag nila sa halip na sapilitang pagpapatrabaho.
         
   Sa huli, ang mga bida pa rin ang mananaig. Ang inimbento ng tao na “tama” pa rin ang itutulak ng mga tao na magkatotoo. Ang mga bata pa rin ang hahanapan natin ng mga kanlungan o tayo na rin mismo ang magtatanggol sa kanila, para sa mas maayos nilang paglaki.

Sa Bugtong ng Buwan, mayroong isang diwatang may karelasyong taga-lupa. Sumama ang lalaki sa kanya patungong langit sa kanilang pag-iibiga’y sumagana ang mga lupain sa ibaba. Nagbunga rin sila ng maraming anak. Sinubukan niyang pababain ang ilan sa kanyang mga anak sa lupa. Namangha siya sa mga pinagawang trabaho ng mga taga-lupa sa kanila. Unti-unti ring nawala ang mga puno. Napalitan na ng mga nagtataasang gusali at mga daanang kongkreto. Napalitan na halos lahat ng semento at mga bahay na matataas. Naghirap ang mga bata. Nawala na ng mga taniman. Umalis ang mga magulang sa lugar para maghanap pa. Iniwan nila ang mga bata. Ang masama pa rito, napilitang magtrabaho ang mga batang naiwan ng kanilang mga magulang. Dinagdagan pa ito sa pangtsitsismis nila sa diwata na iba’t ibang kalapastanganan niya. Sa galit ng diwata sa pagpapaliit ng mundo ng mga taga-lupa, sa dating tirahan ng kanyang asawa, maging na rin sa sinapit ng kanyang unang apat na anak na pinababa, pinababa niya ang natirang lima pang anak para magkalat ng salot sa lupa. Gamit ang mga bugtong na iniwan ng diwata ng mga buwan, maaari pang maisalba ng sangkalupaan ang kanilang tahanan dahil sa agarang pagkatanto nila ng pagkakamali.
       
     Idinaan sa bugtong ang pagpapatigil sa salot na darating bilang pagbibigay-pagkakataon sa kanilang mga sariling magbalik-loob muli’t ilagay ang kanilang mga sarili bilang mga bata. Magbalik-loob. Bumalik sa kanilang mga dating sarili. Umatras. Maging batang muli.

Noong unang panahon, sikat na sikat ang paggamit ng bugtong para magbigay-aliw at magbigay-aral sa lahat ng mga edad. Ito rin ang kanilang nagiging pampalipas-oras kasi nga, wala pang internet noon. Ngunit sa kuwentong ito, lumilipas nang mas mabilis pa ang oras. At ang oras na iyo’y nalalabi na lamang. Kung hindi pa nila masagot ang mga bugtong, malalagay pa sila sa peligro. Kung masagot man nila ang mga bugtong, hindi lang sa maisasalba nila ang kanilang mga tahanan at sarili kundi mas magbibigay-halaga pa sila sa kalikasan at sa mga bata.

Mga bata ang pinababa ng diwata sa lupa, ang kanyang mga anak. Nakita ring ang mga bata ang pinagtrabaho ng mga taga-lupa. Kung bata ang sasaktan nila, marapat lamang na bigyang-lakas ng awtor ang mga bata para bumawi sa kapangahasang idinulot ng mga taga-lupa. Hindi nito tinuturuan ang mga bata na gumanti kundi kinakailangan nilang malamang hindi sila nararapat inaabuso dahil idinadaan ng mga taong nakapalibot sa kanila sa kapangyarihan. Nararapat lamang malaman ng mga bata na ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay wala sa edad o position, kundi kung saan ang mas tama o wasto.

Sa kuwentong Hakbang ng Hangal naman, mayroong kumupkop sa bida dahil sa sinalanta ang kanilang tahanan ng isang malakas na panahon. Kinuha siya para makapagtrabaho para sa pera. Sa kanyang biyahe paalis ay may nakilala siyang isang matandang napagtsitsismisang hangal. Nakausap niya ang matanda ito’t sinabi sa kanya na kapag makakita siya ng lumba-lumba, maaari siyang humiling. Nang siya’y makakita, humiling siya na sana’y makapag-uwi siya ng kayamanan para sa kanyang mga magulang at mga kapatid. Nang makarating na siya sa lugar ng kanyang pagtatrabahuhan, nakita niya ang maraming kapwa niya ring mga bata. Si Mrs. Ho, ang babaeng nagbabantay sa kanila, ang nagsabing 12 oras silang magtatrabaho. Mayroon lamang daw silang 15 minuto para kumain. Ayon sa bida, mukhang kulungan ang kanilang mga kuwarto. Mukha rin daw sementeryo. Sa paglalata naman ng isda na kanilang trabaho, mayroon silang awiting pantawid sa kalapastanganan sa araw-araw. Sila ang maglilinis ng mga buto, kaliskis at bituka ng isda bago isilid sa lata. Latigo ang pamarusa sa kanilan kapag sila’y nagkakamali. Minsan pa ngang ikinumpara ni Eli, ang bida, ang kanilang mga sarili sa mga sardinas na balot na balot pula, sa dugo, at bilang din namang nagsisiksikan sila sa kanilang mga “kulungan”. Kahit na mahirap ang trabaho, paulit-ulit niyang inaalala ang kanilang buhay sa tahanan niya. Hindi niya rin nakalimutan ang kanyang kaarawan. Ngunit hindi naging sapat ang kanyang kaarawan para makalabas sapagkat ang itinagal nila sa pagtatrabaho ang binibilang bago sila mabigyan ng lastikong pula bilang tanda ng kanilang isang taong serbisyo. Nanaginip siya minsang makatakas pag-uwi. Konektado ito sa madalas niyang pangangarap na makalipad. Nakatakas na rin kasi yung kaibigan niyang si Lisa. Binugbog siya dahil dito ngunit hindi siya umiyak. Pagdating ng isang gabi, ninais niya na ring tumakas. Hindi na siya makapaghihintay pa ng ilang buwan. Humakbang siya mula sa kanilang bintana, at nalaglagsiya sa maraming bubog. Ininda niya ang sakit para lamang makaalis sa mas masalimuot na dadanasin pa dapat niya. Tumalon siyang muli, humiga sa hangin hanggang sa tubig.
         
   May konsepto ng paghiling, para sa mga bata. Mahilig silang humiling, kung ano pa man ‘yan. Ngunit para kay Eli, pera para sa pamilya ang nais niya. Hindi niya inuuna ang kanyang sarili. Ang pagiging malikhain din, mula sa paglikha nila ng kantang panawid-pagod, nakita mula sa mga bata ng kuwento. Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa kanyang trabaho, hindi pa rin niya kinalilimutan ang kanyang sarili. Mahilig siyang magbalik-tanaw sa kanyang pinanggalingan. Isa pang magandang ipinakita ni Eli ay yung pinarusahan siya ngunit hindi siya umiyak o nanlaban. Ininda niya ang sakit. Napakagandang halimbawa nito, kung mababasa ng isang bata. Hindi nakalilimutan ni Ortiz na palakasin ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng pagbasag sa mga ideyang kumon na para sa atin tungkol sa mga bata. Si Eli ay mahilingin, malikhain, palatawa ngunit inaalala ang kanyang pamilya at mga kaibigan bago ang sarili, maging din sa pagiging matapang ay kitang-kita sa kanya.

Sa Ang Mangingibig sa Bayan ng Perlas nama’y mayroong tatlong magkakapatid na sina Diwa, Maria, at Dana. Ang unang dalawang babae ay sikat sa mga mangingibig at manliligaw. Isang araw, mayroong isang lumapit kay Diwa at sinabing sumama siya sa kanya dahil lilibutin nila ang mundo’t magpapakasal na rin sila. Ang lalaking ito’y si Dakila. Sumama naman si Diwa matapos makapagpaalam. Pagkarating nila sa isang malaking bahay, binigyan ni Dakila si Diwa ng pagsubok na linisin ang isang kuwarto sa loob ng 100 araw. Pumayag naman si Diwa, kahit na alam niyang hindi siya maaaring umalis. Pagkatapos ng 100 araw, bumalik na si Dakila at sinabi ni Diwa na ayaw niya na. Hindi pumayag si Dakila at inilipat niya sa ibang kuwarto para iyon naman ang linisin. Nagpatuloy ito nang makailang ulit hanggang sa nanghina na ang bait ni Diwa. Panahon na para kunin si Maria, ang ikalawa. Ganoon din ang nangyari sa kanya. Sa pagkakataong si Dana na kukunin, narinig niya ang panaghoy ng kanyang mga kapatid sa ilalim ng puno ng Balite. Mayroon sa kanyang tumulong na kanyang mangingibig na dinala siya patungo sa Kastilyong Itim at binigyan pa siya nito ng tatlong mahiwagang butong maaaring hilingan. Hinayaan niya na si Dana at hindi niya sinamahan sa kastilyo. Nahuli naman ni Dakila si Dana at gayun din ang pinagawa sa kanya. Bago pa man matuluyang masira ang bait, naalala niya ang tungkol sa tatlong mahiwagang buto. Inuna niya nang hilinging makita ang kanyang mga kapatid. Ikalawa nama’y bumalik sana ang pag-asang makauwi, sa puso’t isipan, na bumalik nawa ang kanilang bait. At sa huling-huli, ang pagtanggal sa kapangyarihan ni Dakila. Sa dulo ng kuwento’y sinabing tikbalang ang tumulong kay Dana.
       
     Maaaring sabihing nagkaroon ng tulong mula sa iba si Dana ngunit nasa kanya pa ring mga desisyon ang kalalabasan ng mga pangyayari. Nasa kanya naman kasi ang kapalaran ng tatlong mahiwagang buto. Nasa kanya pa rin ipinagkaloob ang kapangyarihan. Nakikita rin ang reyalidad na pag-aasawa ng mga dayuhan ng mga Pilipinang bata para lamang gawing mga housewife sa kanilang mga anak at tahanan. Nasasarado sa iisang maliit na kahon lamang ang kababaihang ito kung kaya naman nasisiraan ng bait ang ipinakita sa kuwento. Mabuti na lamang at nandiyan si Dana at ang kanyang mangingibig upang iligtas ang kanyang mga kapatid. Si Dana ang magiging ehemplo sa mga kabataang maging wais sa pagpili ng mga hiling.

Ang Ang Anniniwan ng Sta. Quiteria naman ay tungkol sa isang tubuhan kung saan mayroong mga pinupugutang nahuhuling lumalaban, at mga pandaraya sa mga tubuhan. Si Dalisay, kahit na anak pa siya ng isang dugong ganid, alam niya kung ano ang tama. Madalas siyang magdasal sa buwan na laging pangalagaan ang kanilang mga kaibigang namatay sa tubuhan.
            
Tumindig nang buo ang loob si Dalisay sa isang bahagi ng naratibo kung saan nakausap niya na ang Prinsesa ng Espada. Hindi tipikal sa mga kuwento ni Ortiz na matatakutin ang mga bidang bata. Sa halip, inilalaban niya pa ito, kahit sa mga mas makapagyarihan pang entity. Nilabanan niya ang panstereotype na ibinato sa kanya ng mga tao, na base lang naman sa kulay ng kanyang mata. Mahalagang matutunan na ng mga bata na hindi na magandang nagbabase ng ugali ng isang tao sa kanyang panlabas na kaanyuan.

Tungkol naman sa mga batang nagtatrabaho’t nag-aasikaso ng mga paputok. Isang batang apoy ang nagkukuwento ng salaysay. Nagsimula siya sa pag-iibigan ng kanyang mga magulang. Hanggang sa inamin niya sa mambabasa na ang tatay niya ay nakatira sa Kailaliman. Kinakailangan ng destino ng mga anak ng kanyang ama kung kaya’t ibinato siya Sta. Maria, Bulacan. Nasa takdang edad na rin siya kaya na siya idinestino ng kanyang ama.
         
   Kung trabaho sa paputok ang pag-uusapan, hindi tayo mahihirapan ‘yang unawain. Pero kung mga bata na ang magtatrabaho, matatakot na lamang ako. Una sa lahat, napadelikado ng ganitong trabaho, bakit mga bata ang kanilang mga kinukuha? Maaaring gusto lang ng bata na kumita o kaya nama’y maliliit ang kanilang mga kamay pupuwedeng magamit sa pagkukumpuni ng mga paputok.

Ang pagiging batang apoy ng nagsasalita sa kuwento ay nakatulong sa naratibo sapagkat kinaya niyang kontrolin ang kanyang init at galit para sa kapakanan ng nakararami. Isipin mo, isang buong batang apoy, tapos nasa pagawaan ng mga paputok. Maaaring hindi ganoong kahirap ang pagtanggal ng ganoong uri ng katawan ngunit isinaalang-alang niya ang kapakanan ng nakararami. Hindi niya inuuna ang kanyang sarili, ang kanyang sariling galit, kahit na badtrip na badtrip na siya sa tatay niya.

Sa Salamangkero naman pinakita ang pagtatrabaho ng mga bata sa isang sagingan. Mahirap magtrabaho sa ganitong uri ng mga plantasyon sapagkat halos araw-araw ring nagpapalipad ng eroplano para lamang maglaglag ng likidong pesticide para sana sa mga saging. Kapag balat ng mga bata ang napatakan, mangangati ito at masusugatan agad-agad ang balat. Sunod pa rito’y makasobra siya sa impeksyon sa balat, maaari nila itong ikamatay. Nagkaroon din ng munting istorya ng pag-ibig tungkol kina Fer at Raya. Mayroon ding panahong nagperya sila kasama ang kapatid ni Raya. Pero sa kabila ng lahat ng mga kasiyahan ito, kumakalat pa rin ang balitang may nawawalang sampung babae. At ang sampung iyo’y kakilala ni Raya sapagkat katrabaho nila ang mga ito sa plantasyon. Nang dumating na ang inaabangang party para kay Fer, nagkaroon muli ng mga kasiyahan. Sa pangalawang pagkakataon, nawala naman sa bahay ang kapatid ni Raya. Habang hinahanap niya ito’y natuklasan niya ang isang kuwarto kung saan naroon ang isang kaibigan niyang matagal na ring nawawala. Nang ikinalat niya na ang kanyang paningin, marami na siyang nakita buto’t kalansay. Mayroong nakahuli sa kanilang dalawa pero nanlaban si Raya. Gamit ang kristal na sapatos na regalo sa kanya ni Fer, nakapaslang siya ng isang tao.
         
   Muli, napakamarahas ng sinapit ng mga trabahador na bata sa kuwentong ito. Nakakatakot isiping hindi man lamang naililibing nang wasto ang mga bangkay ng mga namamatay na bata. Ni hindi nila nirerespeto ang kanilang mga manggagawa. Baligtad nga yung nangyari e. Sila yung walang tapang na umamin sa kanilang mga pagkakamli kasi nga, sino ba naman ang gusto makulong, ‘di ba? Pero ang ilibing ang mga bangkay? Hindi talaga nagiging tao ang pagtingin ng mga ito sa kanilang mga manggagawa. Mga wala silang pakialam. Si Raya pa ang nagkaroon ng tapang na manlaban at makapatay. Maaaring sabihing sinasadya ito ni Raya’t wala talaga siyang konsensya dahil sa ano ba naman iyong isang pagpatay sa walang hiyang lalaki doon sa nakita niyang patung-patong na mga bangkay? Mapapatanong tuloy ang mambabasa kung tama ba ang ginawa o nagawa ni Raya. Ang paglaban niya para sa kanyang karapatan ay wasto. Ang lalaki rin ang nagkaroon ng nais na patayin din siya kunh kaya’t mabuti lamang ding ipagtanggol niya ang kanyang sarili, kahit na bata pa siya, at isa sa mga tauhan ng nagbibigay nga trabaho sa kanya, ang mayroong tutok sa kanyang patayin siya.

Sa Si Crispin at ang Matandang Pilosopo naman, ipinakita kung paanong nagkakilala ang magkapatid na Basilyo at Crispin, at Pilosopo Tasyo. Maraming magagandang bagay ang itinuro sa kanila ng pilosopo, maging ang paglilinaw sa kanilang iwan na lamang ang trabaho sa simbahan kung pinahihirapan lang din naman sila. Naging tila, mas tunay na ama nila si Tasyo kaysa sa tunay talaga nilang ama. Maraming ipinaabot na aral si Tasyo tulad ng nasasaktan din ang mga ibon, mayroong ngang guro ngunit mayroong sariling katawan at isip ang mag-aaral, at marami pang iba. Kung pinaaalis nga ni Tasyo ang dalawa mula sa pagiging sakristan, hindi rin naman pang maaaring tumanggi ang dalawa sa mungkahi ng pilosopo sapagkat unang-una, hindi sila nababayaran nang tama ng mga sakristan. Ikalawa, pinagbibintangan pa silang magnanakaw. Bintang sapagkat walang solidong ebidensya ang nanggigitgit sa kanila. Sunod pa rito ay ang panlalatigo sa kanila sa tuwing sila’y nagkakamali.
          
  Nakakatawa, lalung-lalo na siguro, ito para kay Pilosopo Tasyo sapagkat yung tipong mga mas matagal pa simbahan ang gumagawa ng masama, at sa loob pa mismo nito! Kung hindi rin naman na nila isinasabuhay ang mga prinsipyong kanilang pinanghahawakan kung kaya’t napili nilang tumulong sa simbahan, e bakit pa sila nandon? Maganda ring ipinakita ni Rizal dito na kahit walang kuwenta ang ama ng magkapatid, tapos nabaliw pa ang kanilang ina, maghahanap o darating pa rin maaari ang maaaring maging bahagi ng kanilang pamilyang pupuwedeng umakay sa kanila’t gumabay sa kanilang pagtanda. Siyempre, kahit na kanina pa natin ineestablisang kailangang tumindig mag-isa ng mga bata sa kuwento, kinakailangan pa rin nila ng kung anumang puwersang magtutulak sa kanila para simulan kung ano ang nararapat.

Ang Pagdating ng Adlaw nama’y tungkol sa mga batang mangingisda ng Muro Ami. Sila iyong mga batang sumisisid sa kailaliman ng dagat, dala-dala ang malalaking bato bilang mga pamukpok, saka sisirain ang mga coral para mayroong mas mahuling maraming isda. Ang araw ang nagsasalita sa kuwento. Sinasabi niyang nagpapasalamat ang mga tao sa kanya. Marahil ay baka mahirap mangisda kapag umuulan. Gustung-gusto niya rin daw na pinagmamasdan ang dagat. Pero nang mapansin niya na nga ang maling ginagawa ng mga bata sa bahay ng mga isda, kinausap niya na ang mga paslit at tinanong kung bakit pa rin nila tinutuloy ito. Sinabi naman ni Radil na wala na silang iba pang mapagpipilian, at iyon na lamang ang alam niyang tanging paraan para kumita ng pera. Pinaalalahanan na lamang ng Araw na linawan ni Radil ang kanyang mga mata. Hindi lamang kasi sila binubulag o napipilit sa ganiton uri ng trabaho, paminsan di’y pinagtitripan sila ng matatanda sa malaking barko at binubugbog kapag nagkakamali.
         
   Magandang basahin ang araw bilang literal na nagbigay ng liwanag, at gayundi’y nagbigay ng liwanag kay Radil. Pinaalalahanan lamang ng araw na bata pa si Radil at maraming bagay pa siyang maaaring maabot. Hindi iyong naiiwan na lamang siya sa isang trabahong nakasisira na nga ng kalikasan, nakasisira pa ng kanyang pagiging bata. Binigyan ng araw si Radil na magdesisyon para sa kanyang sarili. Ang araw ang nagpaalala kay Radil na mayroon siyang kapangyarihan para mamili at maghanap ng mas magagandang oportunidad, at na mayroon siyang isip para bumuo ng plano para sa kanyang mas tamang pagtatrabaho.

Kapag binasa naman ang Mabalyan, makikilala si Iston, isang Bagobo na marunong magsulat at bumasa ng Ingles, maging ng bibliya. Mayroon din siyang kaibigang Babaylan na pinagkukuhaan niya ng mga kuwento na ipinapasa niya naman nang oral sa ilang mga turista sa kanilang lugar. Si Samantha naman ang dayuhang nagturo sa kanya ng wikang Ingles at Bibliya. Minsan ding tinanong ni Samantha si Iston kung ilang taong gulang na siya. Hindi niya naman ito masagot. Kahit na nag-aaral, nagtatrabahong itong si Iston sa plantasyon ng goma. Ang plantasyong ito ay nakasisira ng utak ang amoy na dinadala. Delikado para sa mga batang manggagawa. Para kay Iston, kahit na ano pa man ang mapasok na trabaho o kung sino pa man ang pumunta, hinding-hindi nila dapat makalimutan ang kanilang sariling kultura. Kahit na ipakilala ni Samantha sa kanila na si Hesus at ang pagmamahal niya ay para sa mga bata sa buong mundo, maging sino pa man sila.
          
  Sa unang pagbasa, maaaring sabihing ang nakasusulasok lamang na plantasyon ng goma ang maaaring makitang problema para sa bata. Pero kung iintindihing mabuti, mapapansing unti-unti nang binabago ni Samantha ang kultura ni Iston at ng kanyang mga kaklase. Unang-una, sa wika. Tinuruang mag-Ingles. Maaaring maghanap yan ng kung anu-ano si Iston na wala naman talaga sa kanyang kultura. Sunod, relihiyon. Bago pa man tayo masakop, mayroon at marami na tayong mga paniniwala. Ikatlo, mahal na mahal daw ni Hesus ang lahat ng mga bata. Iniisip ko lamang kung nauunawaan o hinahanap kaya iyon ni Iston? Mahalagang hindi nakalilimutan ang isang wika, ang isang paniniwala, ang isang kultura. Napakahalaga ng kultura sa identidad ng isang tao. Kapag mayroong lumapit ang nakipag-usap sa’yo, alam mong bilib ka sa sarili mo kasi nga, kilala mo ang sarili mo. Hindi lamang identidad ang nagiging usapin sa pagpapaalis ng mga kultura o pagbubura sa mga ito. Nariyan din ang mga kaalamang maaaring masayang kung mapapalitan o mahahaluan ang anumang kultura at wika. Nakay Iston na ang desisyon kung makikipag-usap siya o hindi na. Nasa kanya kung titigil na siya sa paglingon at tatakbo na lamang. Nasa kanya ang kapangyarihang buuin ang kanyang sariling identidad.

Tinitira naman ang mga prostituted girls sa kuwentong Kamatayan ng Lobo. Isang lobo ang nagsasalita kung saan ikinuwento niya na muna kung paano siyang naging sikat sa kagubatan. Malakas kasi ang pang-amoy niya sa mga takot na takot. Sinabi niya rin kung paanong manghuli ng mga babae. Ipinaunawa niyang ang mga babae kanyang nakukuha ay mga babaeng iniwan na ng kanilang mga pamilya, o sira-sira ang pamilya. Kanya silang kukupkupin at bibigyang trabaho bilang pokpok. Alam niyang matagal nang walang respeto sa sarili at pag-asa ang mga batang ito bago pa man niya sila isabak. Mayroon daw nakatakas mula sa kanya dati, si Diwa. Malinaw para sa lobo na mas nauna pang naging masahol ang pamilya ng mga taong kaharap niya kaysa sa kanya. Magsimula ba naman ang kasiraan ng pamilya dahil lamang sa walang text o internet. Isipin nating nasa tahanan ang isang bata tapos sa tahanan pa lamang mismo, sirang-sira na ang buhay ng paslit? Naghihintay lamang ‘yang mga lobong ‘yan. Nag-aabang sa mga mawawasak na pamilya.

Sa Kung Bakit Nadaragdagan ang mga Bituin sa Kalangitan naman, mayroong isang talentadong batang si Rael. Mabilis niyang natututunan ang mga itinuturo sa kanya. Mahusay siyang magbistay at magkunyas ng adobe, magsako ng eskomboro, magkamada ng tinibag na bato nang hindi man lamang nadisisgrasya. Ganoon ang trabaho sa Kamangyanan. Ang nagsasalita sa kuwento ay isang bituin. Katulad ng araw sa Pagdating, nais niya ring makatulong sa mga batang nagtatrabaho. Kahit na ayaw siyang payagan ng kanyang ama, bumaba pa rin siya at tumulong kay Rael na minsan na rin humingi ng kaagapay sa kanya. Sa kanyang ikalawang pagbaba, hindi siya makilala ni Rael. Ngunit nang magpakilala na siya bilang isang tala, ni hindi nagulat o natakot man si Rael. Araw-araw, nagtutulungan sila. Mas mabilis nilang natatapos ang mga kailangang tapusin sa Kamangyanan. Gabi-gabi naman sila gumagala. Sinasamahan ng tala si Rael na mas kilalanin pa ang mundong malawak.
        
    Ilan sa mga nakakagulat sa kuwento ay yung may mga batang nadidisgrasya sa trabaho. Hindi lamang iyon kundi nagkakasakit din sa baga ang mga trabahador. Wala talagang pakialam ang mga nagpapalakad sa kanilang mga trabahador, lalo pa’t alam nilang kabataan ang kanilang hawak. Sa unang pagkakataon ding pinakita si Rael na gumagala nang gabi, ikinuwento ng tala na sabik na sabik ang batang lalaki sa kanyang nakikita. Ito ang sinasabi ko kanina pa, na mayroong nabubuong sariling mundo ang mga batang hindi na nakalalabas ng bahay, maging ang mga batang paulit-ulit na lamang ang ginagawa. Iba ang mundo sa labas. Maaari kang tumakbo. Puwedeng-puwede kang lumikha. Walang makapagsasabi sa iyo minsan na magkakamali ka rin. Mahalaga sa bata ang pagiging palaisip at malikhain. Importanteng napagagana niya ang kanyang utak para sa mas ikauunlad niya pa.  Ang tala ang nagturo kay Rael na mangarap. Ang gabi pa rin ang nagbibigay-buhay sa mga batang manggagawa. Ang tala rin, bilang batang tala, ang nagtuturo sa iilan na maaaring sumira ng mga utos ng magulang, basta’t mas wasto pa ang gagawin, katulad ng pagtulong sa isang kaibigang nangangailangan.

Huling-huli, ang Ang Mananahi sa Tore na tila kahawig ng Rapunzel kung saan hindi rin kilala ng batang babae ang kanyang nanay kung kaya’t mayroon sa kanyang matandang babaeng umampon at inilagay siya sa isang napakataas na tore para lamang magtahi nang magtahi. Ang umampon sa kanya’y napuno sa kanya sapagkat hindi niya matigilan ang kanyang boses sa pagbanggit ng paulit-ulit na hinahanap ang kanyang nanay. Simula noon, pinagbawalan ng matanda ang babae sa tore na magsalita kung hindi naman tungkol sa trabaho ang kanyang sasabihin. Narinig itong lahat ng tore (na siyang nagsasalita sa kuwento) at binantayan nang maigi ang bawat galaw ng batang babae. Sumapit ang isang gabing may nakadiskubreng batang lalaki sa tore. Umakyat ang lalaki ng puno para makita ang tuktok at nakita niya ang isang babaeng nagtatahi. Kinausap niya ito nang kinausap, gabi-gabi, pero hindi nagsasalita ang babae. Ang nakapagtataka lamang para sa tore, e umuuwi nang hindi dismayado ang lalaki matapos niyang magsalita lamang nang magsalita sa babaeng hindi naman siya sinasagot. Paglipas na araw ay nadiskubre ng tore na tinatahi naman pala ng babae ang kanyang mga mensahe para sa lalaki. Sa dulo’y nakatakas ang babae gamit ang tinahi niyang mahabang telang lubid.
         
   Tinanggalan ng kalayaang makilala ang kanyang sarili dahil sa nakalimutan niya ang kanyang pangalan. Tinanggalan din siya ng kalayaang makapagsalita, masabi man lamang ang kanyang mga naisin, o mga reaksyon, o emosyon. Wala siyang kalayaan. Mabuti na lamang at dumating ang lalaking nagbigay-kulay muli sa kanyang buhay puno ng tamlay. Sa kanilang mga pag-uusap gabi-gabi, umunlad ang pagiging malikhain ng babae maging ang pagiging matalino. Gamit ang mga binibili sa kanya ng kumupkop sa kanya, nagtahi siya nang patago ng isang bagay na makapagpapalaya sa kanya. Ginamit niya ang sanhi ng kanyang kulungan para maging sanhi ng kanyang kaligtasan.
           
Si Harry Potter din ay isang batang tinanggalan ng maraming karapatan. Ni hindi niya alam sa simula ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang mga magulang. Ipinagkait din sa kanya na isa siyang wizard. Kung hindi pa lumabas si Hagrid e ‘di sana’y hindi na nagpatuloy pa ang napakagandang istorya ng kanyang pakikipagsapalaran sa mundo ng witches at wizards. Mapapansing sa bawat libro, kahit na pagbawalan si Harry na huwag nang ituloy ang ninanais niyang matuklasan, tinutuloy niya pa rin. Maaaring magturo ito ng imoral sa mga batang mambabasa na hindi sumunod sa kanilang nakatatanda ngunit uulitin ko ang sinabi ko kanina tungkol sa ginawa rin ni Estrelya, ang talang lumabag sa kalooban ng kanyang ama mismo para lamang matulungan ang batang lalaking si Rael. Ang kabutihan at ang kasamaan ang nagtutulak kay Harry na ipagpatuloy ang kanyang mga misyong gapiin ang kanyang mga kalaban. Alam niya sa sarili niya kung bakit siya pinagbabawalan ng mga nakatatanda sa kanya. Alam niya sa sariling niyang maaari niyang ikamatay ang napakaraming pagkakataong nakakasalamuha niya ang mga mabibigat na pagsubok sa mga tinatanggap niyang misyon. Hindi iyon ininda ni Harry. Yung mga matatandang nagbabawal sa kanya, mas matapang pa siya doon. At hindi rin makalilimutan ang paggapi ng isang bata sa isa sa mga pinakamalalakas na wizard sa kanilang mundo, si Voldemort.


Sa huli, napakagandang basahin ng koleksyong isinulat ni Ortiz. Kumpleto sa rekado ng mga lalawigan ng Pilipinas, panitikang bayan, at bagong mga katangiang nararapat lamang na taglayin din ng mga bata, maging ng matatanda sa ating bansa. Hindi nakakahiyang humiling na parang isang bata. Ang paghiling ay tanda ng pag-asa, pag-asang hindi ka pa pala bumibigay sa buhay na ibinigay sa iyo. Ang mga bata sa kuwento ni Ortiz ay hindi tumigil sa paghiling, sa paghingi ng gabay, ng tulong. Dahil alam nila sa kanilang mga sarili, na hindi natatapos ang isang araw nang hindi dumaraan ang isang gabi. Isang gabing may liwanag ang buwan na maaari nilang makausap sa kalahati ng oras na sila’y gising pa. Handa nilang ipamigay ang kani-kanilang mga antok, pagod, at tulog, mabigyan lamang ng marami pang pagkakataon ang kanilang mga sarili na mabuhay. 

No comments: