Mahalaga ang panitikan sa pagsisiwalat ng
katotohanan. Ang malikhaing akdang Patayin sa Indak si Anastasha ni Vladimier
Gonzales ay isang kuwelang spin-off ng horror movie na Patayin sa Sindak si
Barbara gamit ang mga matang zombie bilang mga nakatatakot na kalabang
humahabol sa mga bidang niloloko lang ng isang malaking napakamakapangyarihang
ideolohiya – ang kulturang mall. Nakatatawa minsan, kadalasa’y seryoso. Ang
pagpapakilalang bulag ng mga nakakikita naman, ang pagtingin sa mga buhay
bilang mga patay, ang pagsira sa ideal na ang mall ay isang masayahing lugar
tungo sa isang masalimuot na lugar na maraming zombie ang naghahatian,
nag-iinggitan at nag-aagawan para sa walang kabuluhang premyo, ang makikita sa
kuwento. Sa huli’y kahit na gaano pa man kabukas ang malalaking mata natin,
maging kritikal man tayo o hindi, mahihirapan ang ating katawang umiwas sa mga
isinisiwalat na kapahamakan ng mall. Wala na tayong takas.
ANG
HINDI MAPIPIGILANG PANDEDEHUMANISA NG MALL
Ang maikling kuwentong Patayin sa Indak si
Anastasha ni Vladimeir Bautista Gonzales ay isang malikhaing akdang maraming
tinatalakay na usaping nakapaloob sa kulturang popular. Nariyan ang video
games, dramedy (drama + comedy) films/novels, lalung-lalo na ang kulturang mall
– partikular sa mga danas ng mga empleyado ng establisyamentong nagpapalaganap
ng mabiswal at mapang-akit na ideolohiya. Hinuhubog ng ideolohiyang ito ang mga
malay at hindi malay na pag-iisip ng mga tauhan na nagdidikta sa kanila ng
kanilang mga nais na mangyari at gawin. Ang ideolohiyang ito’y hindi
mapipigilang kumalat sa napakalawak na espasyo, makasira ng buhay ng isang
tao’t makapagpagastos pa sa walang mga katuturang bagay, na mas malala pa kaysa
sa ikalawa. Sinisira ng door-to-door shopping (partikular na trabaho ni
Preciouse, babaeng bida sa akda), isang bahagi ng sub-kontraktuwalisasyon at
kulturang mall, ang isang tao – sinisira sa pamamagitan ng pandehumanisa sa
kanya - pagbuo ng isang alien mula sa may buhay sanang tao para lamang
manggalugad na tila isang zombie’t gumawa ng mga paulit-ulit na routine.
Buod
Nagsimula
ang kuwento nang iaabot na ni Preciouse ang kanyang berdeng supot na naglalaman
ng bunga ng kanyang pag-iikot-ikot at pagkakatuk-katok sa bawat bahay para
magbenta ng kung anu-anong produktong nais ng consumer, sa isang higanteng
matang elektronikong nagngangalang Anastasha. Matapos maibigay sa kanyang
panginoon ang alay ay binagtas nang makauwi ni Preciouse, sakay ng isang jeep,
kung saan niya makikilala si Robin, ang lalaking bida. Maiisnatchan si
Preciouse ng berdeng supot na walang laman na kung saan tutulungan naman siya
ni Robin na tulad ng isang action star. Matapos ang mistulang heroic act ay
inihatid na ni Robin si Preciouse para sa hindi delikadong pag-uwi. Nang
makauwi naman na si Robin, napanaginipan niya ang kanyang inang matagal nang
nawawala. Kinabukasa’y mapapaisip si Preciouse nang malalim tungkol sa dahilan
ng kanyang mga ginagawa at ginawa ni Robin para sa kanya, habang si Robin nama’y
pilit na kinakalimutan ang kanyang inang nawawala sa pamamagitan ng paglalaro,
pagkalikot sa computer at paglabas ng bahay matapos ang unang dalawa. Muling magkakatagpo
ang dalawa sa 7-Eleven kung saa’y mas matagal silang magkakausap at mahahantong
sa pag-uwi sa apartment ni Robin. Hindi na inalala ni Preciouse ang kanyang
daily schedule para sa pagkakataong ito dahil sa kasiyahang dulot ng pagsasama
nila ni Robin at pagsayaw sa Dance Revo na nakakabit sa PlayStation. Sila’y
nakatulog sa sobrang pagod na dala ng pagsasaya ngunit nagising sa paghahanap
ng tatlong ahente pa ni Anastasha na mayroong isang malaking bilog na mata
bilang kanilang ulo – binabawi na nila si Preciouse. Maraming kinalaban si
Robin na mala-action star ulit hanggang sa makarating sila sa SM Fairview kung
saan nila huling pinaindak ang kanilang mga sarili gamit ang Dance Revolution
machine at tuluyang magapi ang large eye-head zombies ni Anastasha. Maraming
liwanag at kapaguran ang nangyari kung kaya’t muling nagising na lamang sina Robin
at Preciouse na pagod na pagod at may ngiti sa kanilang mga mata. Ngunit sa
huling bahagi ng kuwento’y muling lumiwanag nang berde ang mga mata ni
Preciouse habang siya’y hindi na nakaririnig sa kanilang pinag-uusapan ni
Robin.
~
Si
Anastasha ang pinakamakapangyarihan sa buong kuwento. Inilalarawan siya bilang
elektroniko at nakasasanib sa iba’t ibang bahagi ng sari-saring bagay sa kahit
saang lugar na ninanais niya. Siya’y isang higanteng mata, o maraming mga mata
kung halimbawa’y sasanib siya sa maraming poste ng ilaw, o mga telebisyon sa
isang appliance store. Maaaring basahing ang pagiging isang mata ng
pinakamakapangyarihang tauhan sa akda ang makapagsasabing ang mga taong
namamalakad o pinuno ng sub-kontraktuwalisasyon at produkto ng mall ay siyang
nagbabantay sa lahat ng maaaring igalaw ng kanyang mga ahente. Kung nakikita
nila ang lahat ng maaaring gawin ng kanilang empleyado, napakakatiting lamang
ng mga maaaring kalayaan ng mga mala-robot na katulad ni Preciouse. Kung
tutuusin, maraming mga security camera sa mga department store na nagbabantay
hindi lamang sa mga galaw ng malilikot na kamay ng ilang mga customer kundi sa
mga kilos ng kanilang mga empleyado. Mayroon lamang silang mga oras ng
pagpapahinga sapagkat tuluy-tuloy ang paglabas-masok ng mga consumer sa
kani-kanilang mga poste. Tsamba kung oras ng maraming walang tao o kainan, o
maaaring matsambahang kung kailan magbabawas sandali’y saka darating ang isang
apuradong manang na namimili ng bonggang bag. Kung sakaling magkamali, malamang
ay kukuhanin ang atensyon ng nakaposte dapat na robot sa bahagi ng store na
iyon – ngunit hindi gamit ang kanyang pangalan. Tulad ng nasa akda, Agent
HB-1182 ang tawag ni Anastasha sa kanyang kampong si Preciouse.
Hindi na nga tao ang pagtingin, hindi pa tao
ang pagkakakilanlan. Nabubura na lamang sa isang iglap na pagtawag ni Anastasha
sa kanyang empleyado ang lahat ng alaalang makatao, makulay at buhay. Nakadikit
sa pangalan ang buhay ng isang tao, o sa kasong ito, ang ikabubuhay, gawain at
alaala ng isang tao. Kung HB-1182 na lamang ang itatawag sa bida, hudyat lamang
ito ng pagiging trabahador na walang buhay ni Preciouse ngunit kung kanyang
ngalan ang gagamitin, lubhang malaki o buong pagkatao niya ang nagagamit para
sa pagkakakilanlan.
Muntik nang maging taong muli si Preciouse.
Sa kalakhan ng akda, madalas siyang nagmimistulang walang buhay – parang isang
robot lamang na sinususian araw-araw, parang isang alien na walang ibang
susundin kundi ang iniutos sa kanya ng mga tao sa binibisitang planeta. Mayroong
oras si Preciouse – mayroong routine. Binanggit sa akda na alas dose ang
paghaharap nilang muli ng kanyang panginoon – si Anastasha. Kung mayroong
routine, ibig sabihi’y paulit-ulit na lamang ang ginagawa ni Preciouse.
Mayroong oras ng pagtratrabaho, pagkain, at paglapit muli kay Anastasha.
Maaaring ganito siya araw-araw. Masasanay ang kanyang katawan sa walang
kabuluhang mga gawain. Hindi makabuluhan sapagkat hindi na nalilinang ang iba
pang mga kakanyahan ni Preciouse, bilang isang tao – taong may talento at
angking kahusayang maaaring matuklasan sa iba’t ibang paggawa.
Ayon kay Tolentino, kritikal ang mga edad na
pumapasok sa mga ganitong uri ng trabaho sapagkat sa mga panahong (edad)
pinagpapasa-pasahan ang kabataang ito sa iba’t ibang nakasisira sa pagkataong
gawain, nawawaldas ang mga oras na disin sana’y nagagamit nila sa pagpapaunlad
ng mga mas makabuluhan, o sa usaping ‘to’y, makakabuluhan talagang pang mga
kakayahan (2004).
Sayang ang pag-iisip at imahinasyon kung
hindi nagagamit. Kung hindi magagamit, hindi malilinang. Kung hindi magagamit,
mawawalan ng saysay ang pagiging tao ng isang tao. Kung hindi magagamit,
mananatiling robot ang isang taong paulit-ulit at iisa lamang ang ginagawa.
Ayon pa kay Tolentino, noong mga panahong
isinulat niya ang Kulturang Mall (2004), sa loob ng dalawang taon, tumaas na
nang halos 40 percent ang bilang ng labor sub-contracting at higit sa kalahati
ng bahagdang ito’y nasa Metro Manila pa. Indikasyon daw ito ng pagdami at
pagkalat ng labor sub-contracting.
Paano pa ngayong 2014?
Malawakan at makapangyarihan ang pananakop ng
ganitong uri ng ideolohiya. Maraming nabubulag sa mga ipinakikita ng mall
bilang mga kokonsumohin ng maraming tao. Kung mas maraming bibili at
nadaragdagan pa, kinakailangan din ng mas maraming empleyadong maaaring
magdoor-to-door para sa mas madaliang pagkalat ng impormasyon at mabilisang
transaksyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagpapagod na ginawa ni Preciouse sa
loob ng isang buong araw, napakaliit pa rin ng nakukuha niya o halos wala pa nga
siyang nakukuha matapos ang minutong mag-uulat na siya ng kalagayan kay
Anastasha. Ayon sa akda, mabilis na hinihigop ni Anastasha ang laman ng kanyang
berdeng supot, na bunga ng isang araw ng pagbisi-bisita sa mga bahay-bahay,
isang araw ng pagkukunwaring pagbebenta. Malaki at kritikal na bahagi na nga
ang inaagaw ng ganoong trabaho sa mga tao, ang lahat pa ng benepisyo at kita ay
napupunta pa sa may-ari o nagpapalakad. Napakahirap isiping ganito na lamang ang sinasapit ng ilan sa mga
walang kakayahang makapagkolehiyo at nauuwi na lamang ng sapilitang
pagtratrabaho para sa malalaking establisyamento kahit na malay silang nadadaya
sila nang napakalaki – hindi lamang ng dayang pinansyal ngunit ng dayang
pagkatao.
Mula sa akda, mahihinuhang malay naman si Preciouse
sa nangyayari sa kanyang sarili kahit na nagmimistulan na siyang robot sa
kawalang-kabuluhan ng kanyang ginagawa (siguro’y makabuluhang kaunti na lamang
kung ito na lang ang tanging solusyon para sa kanyang ikabubuhay):
“Habang
nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha, pinag-iisipan ko
kung bakit may mga nilalang na gaya kong pinagkakakitaan ng mga simpleng
karapatan tulad ng pagkakaroon ng sariling pangalan, ng sariling
pagkakakilanlan.”
Sa mga panahong habang iniisip ito ni Preciouse,
nakaramdam si Anastasha kung kaya’t sumanib siya sa isa sa mga ilaw ng posteng
malapit sa kinatatayuan ng kanyang empleyado. Napaghahalataang ayaw ng mas
makapangyarihang nag-iisip ang kanyang mga empleyado. Ayaw niyang malaman
nilang mali talaga siya. Ayaw niyang matapos ang walang pakundangang kamaliang
nagmumukhang masaya at malinis sa paningin ng karamihan. Agad-agad, tinatakot,
para mapanatili ang kapangyarihan. Basag na basag ang maraming karapatang
makatao tulad ng kalayaan at kakilanlan.
Binabanggit ni Tolentino na ang diin ay nasa
nangingibabaw na kapangyarihan, at pag-aakalang walang kakayahang humubog ng
sariling pagpapasya (2004). Si Anastasha ang nangingibabaw na kapangyarihan at
si Preciouse naman ang hindi makapagpasya sa simula. Sa bandang gitna ng
naratibo, makikitang nakahugot ng kakaunting kapangyarihan si Preciouse para
hindi sumunod kay Anastasha, habang kasama niya si Robin. Hindi nananatiling
nasa may kapangyarihan (o may mas malakas na kapangyarihan) ang pagpapasya.
Nakapagpapasya rin, kahit panumandali ang sumasailalim. Idinidikta na lamang ng
mga produkto ng mall kung ano ang mayroon ka dapat hanggang sa maisip mo nang
iyon talaga ang kailangan mo hanggang sa iyon na ang hahanapin-hanapin mo. Ang
ganitong bagay ay isiniwalat sa bahagi ng akda kung saan umamin si Preciouse sa
tunay na laman ng kanyang berdeng supot ng Anastasha – Wala, kundi kung anong
gustong makita ng sisilip. Ngunit kahit na malay ang mamimili sa kanyang mga
needs at wants, sumusulpot pa rin ang mga maigsing segundo ng pagpapasya sa
pagkonsumo ng kanyang utak at pitaka.
Ngunit mas maraming pagkakataong
hindi tao si Preciouse. Isang halimbawa nito ay noong hinablot ng isang lalaki
sa kanyang sinasakyang jeep pauwi ang kanyang berdeng supot ng Anastasha, na
wala namang laman. Ayon sa paglalarawan ni Robin sa kanyang isip, tila halos
ikamatay na raw ni Preciouse ang walang lamang bag na mawawala sa kanya. Dalawa
lamang ang nakikita kong implikasyon nito. Una, ang medyo litaw na dahilan ay
mukhang iyon na lamang ang trabaho ni Preciouse. Kahit na medyo alam niya nang
hindi na siya tao sa kanyang pang-araw-araw na gawain sa ilalim ni Anastasha,
hindi pa rin siya umaalis. O (ikalawa), ang mga produktong kinokonsumo ng
karamihan ng mga tao sa mall ay halos mga hindi ganoong kamakabuluhang
kagamitan ngunit mahal. Iyong tipong bibili para lamang masabi sa sarili at sa
mga makakikitang “mayroon akong nabibili sa mall na hindi niyo naman kayang
bilhin” ngunit hindi naman talagang kailangan sa buhay. Nakapagseset na ng status
symbol ang pagpasok sa mall, ng pagkakakilanlan, ng pekeng pagkakakilanlan.
Kung anuman ang iuuwi kong supot mula sa mall, iyon ang tiyak na
makapagpapakilala sa akin para sa mga taong makakasalamuha ko pauwi. Hindi na
ganoong kahalaga kahit na walang halaga ang aking bitbit na pinagkagastusan ko
ng malaking halaga basta’t makita nila ang halaga ng tatak ng aking supot.
Sinasabi ni Tolentino na nakasalalay
sa kontrol ng biswalidad ang pagtatanghal ng liberal na demokratikong sabjek –
para tayo mahikayat pumanig, mapabili, at kumonsumo ng iba’t ibang serbisyo at
produkto, kabilang dito ang politikal na paniniwala (2004).
Kontrolado ng mga patalastas ang
pagkokondisyon sa utak ng mga tao. Sila ang nagpapakilala ng kanilang
(consumer) mga pagkakakilanlan. Hanggat maaari’y natatamaan ang sentimental
at/o emosyunal na bahagi na pagkatao ng target kung kaya’t madali ring lumaki
ang dami nila. Matingkad sa kuwento ang tagline ng Anastasha na “Everybody
loves Anastasha!” Nakakalat ito sa mga patalastas at supot na dala-dala sa
tuwing mamimili. Sa may bandang dulo ng akda’y halos buong village ay humahabol
kina Robin at Preciouse. Ibig sabihi’y ganoon na lamang kalaki ang populasyon
ng mga tumatangkilik o kaya’y ang bisa ng isang epektibong pekeng slogan.
Ayon pa ulit kay Tolentino, ang
tumatangkilik sa mall ay gumagamit ng mga kalakaran tungo sa paglikha ng isang
kakat’wang pagkatao. Hindi normal ang karanasan sa mall, pero nagiging ideal
ito ng pagsisiwalat ng aktwal na karanasan (2004).
Nagiging kakat’wa sa umpisa ang
maraming nahuhumaling, ngunit sa huli’y ang mga akademikong kritikal na lamang
ang makapapansin sa kanila dahil sa lubos na kapangyarihan ng pagpapakilala ng
pagkakaroon ng pekeng pagkatao, mula sa mga pekeng kagamitan para magmukhang
nanggaling sa isang pekeng lugar at nakauunawa ng mga pekeng bagay.
Isa pa’y umamin si Preciouse sa may
bandang dulo ng akda na ang tanging laman ng berdeng supot ng Anastasha ay
isang berdeng materyal lang na may hypnosis mechanism. Ayon sa kanya, kung anuman
ang nais na makitang bag, sapatos, o laruan ng tumitingin, makikita niya. Isa
na namang pambubulag na estratehiya ng mga mall. Sa kanila pa lamang na mga
biswal na patalastas, ipinakikita lamang ng apat na sulok ng larawang kuha ng
camera ang mga gusto lamang nilang ipakita, o mga maaaring magustuhan ng
kokonsumo ng kanilang produkto. Hindi napapansin ng biktima na maraming
nakatago sa kanyang katotohanan o kaya nama’y inaakit lamang siya sa isang
bagay na hindi naman dapat mahalaga para sa kanya. Mapanlinlang ang karamihan
sa mga ganito ngunit marami pa rin ang nahuhulog, tulad na lamang ng tagline ng
SM na “We’ve got it all for you!” Pansinin ang salitang ALL sa pangungusap.
Hindi ba’t mahihikayat ka nang makapasok sa mall ni Henry Sy niyan (kung
iaassume na marunong ka namang makaunawa ng Ingles)? Pagpasok mo nama’y
makikita mo ang halos lahat ng maaari mong mabili, kahit na mayroon ka lamang
isang tiyak na bibilhin. Sikat na sikat na ang mapanligaw na struktura ng mall
kung kaya’t maaaring mapamahal ka pa sa iyong pagpasok dahil sa isang bibilhin
mong bagay (kasi nga nahikayat kang mayroon ng lahat ang SM) ngunit marami ka
pang madaraanang lugar na makapanghihinayang sa’yo kung hindi mo rin naman
bibilhin. Maaari ring nahihiya kang magwindowshop LANG kung kaya naman bibili
ka pa rin ng item, para ano ulit? Para magpakilala ng “sarili” sa mga
madaraanan ng supot, ng “sariling pagkatao.”
May katapusan naman pala kung sakali
ang ganitong buhay ni Preciouse dahil nga sa kontratang anim na buwan. Ngunit
dahil hindi tao ang pagkakakilanlan sa kanya ni Anastasha, wala rin itong
pakialam kung siya’y mawawala. Kakat’wang may sa precious ang ngalan ng bida ngunit ang kanyang halaga’y hindi
nakaaambag sa kanya mismong sariling buhay. Ang kanyang halaga ay nasa kanyang
araw-araw na pag-uulit-ulit ng ‘di makataong gawain sa ilalim ng ‘di makataong
trabaho at bossing na walang tunay na pagtanaw ng halaga. Hanggat maaari’y
walang nag-eestablisa ng emosyunal na relasyon sa pagitan ng empleyado at
may-kapangyarihan. Iniiwasan ang pagkakaroon ng pagtatagal ng mga empleyado
nang hindi lumaki ang kanilang mga suweldo’t hindi mabawasan ang kitang babalik
sa mga may-ari:
“...sa loob ng ilang linggo ay mabubuo ang
aking limang buwan ng paninilbihan, at posibleng maglaho ako parang bula...”
Hindi lamang si Preciouse ang biktima ng
pandedehumanisa ng kapit ni Anastasha kundi pati na rin lahat ng mga
kumokonsumo ng kanyang mga produkto:
“...Ang mga pugot na ulo, ang napakaraming
mga pugot na ulo! Lahat sila’y humihingi ng tulong! Si Dr. Constantino, si Mrs.
Piocos, lahat ng biktima ni Panginoong Anastasha, ako, ang aking pugot na
ulo...”
Wala ang ulo. Walang matitirang sensory
facility. Hindi na makararamdam ang mga taong ito’t madali na silang
makokontrol ni Anastasha. Maraming nabubulag sa mga gawain ng mall. Maraming
nawawalan ng saysay sa buhay ni ng kulay sa kani-kanilang buhay. Nagmumukhang
mga patay na buhay ang mga taga-sunod ng konsumerismo at kapitalismo ng
kulturang mall. Nakatutuwa ring isiping sa pagiging dominante ng kulay berde
bilang pagdikit nito sa maraming bagay kay Anastasha – ang kanyang
kapangyarihan, ang kanyang kuryente, ang kanyang supot, ang materyal sa kanyang
supot, ang dagat na pinaglalanguyan ng mga pugot na ulo, nakalilikha lamang ng
mga taong patay naman ang loob kahit na sa totoong buhay’y madalas na
ikinakabit ang kulay berde sa buhay na mga bagay tulad ng dahon, go ng
stoplight, etc. Mga patay na robot o alien ang nabubuhay sa enerhiyang berde ni
Anastasha.
Hindi mabubuhay ang mga robot na ito kung
wala si Anastasha. Hindi rin naman lalakas ang kapangyarihan ni Anastasha kung
hindi rin naman dahil sa kanyang mga empleyado:
“Inililipat niya [Anastasha] ang kanyang mga
kapangyarihan sa mga ahente, at bilang kapalit ay nagbabalik naman ng enerhiya
ang mga ahente sa kanya.”
Ngunit hindi naman sinasabi ng ganitong
pahayag na walang talo sa kanya. Siyempre, talo pa rin si Preciouse. Magmukha
mang give-and-take relationship ang pagkakasabi ng ganitong pahayag mula sa
akda, nandiyan pa rin ang hindi pagkakapantay ng benepisyo o natatanggap ng
dalawa mula sa kanilang mga benta. Oo na’t sabihin na nating kung si Anastasha
ang may-ari at pinuno, malamang, sa kanya ang mas malaking hati, kahit pa
pagsama-samahin ang suweldo ng kanyang mga ahente ngunit sa kabila ng lahat ng
mga ito, hindi na pinansyal na estado ang kailangang pag-usapan. Kung papalitan
natin si Anastasha bilang isang tao ring may boses ng pagkontrol sa mga
nangyayari sa paligid ng kanyang mga produkto at tauhan, ang paulit-ulit lamang
na paghahati-hati ng trabaho sa pamamagitan ng pag-uutos ay ibang-iba ang
epekto sa mga taong araw-araw na kinakaharap ang masalimuot na pagkausap sa
maraming kumokonsumo, pagpapakilala ng produkto, ang pagdinig sa numerong
ngalan habang walang ibang inisip kung saang bahay siyang susunod na dadaan.
Ayon pa kay Tolentino, ang
kartograpiya ng karanasan sa kulturang popular ang ang tatalakay sa
naturalisasyon ng mga dating (effect) sa kulturang ‘di lamang tinatangkilik
kundi nilikha na rin para kumita ang iilan (2004).
Nagiging natural sa mga paningin ng tao ang
ideal na espasyo, konsumerismo, at dehumanisasyon ng kulturang mall. Kahit na
paulit-ulit ang nangyayaring pagsira sa buhay ng tao, bulag na tatanggapin pa
rin ng karamihan o kaya’y walang malay na tatanggap na lamang ng tatanggap ang
mga tao dahil sa kung ‘di man sila kaapektado ng mga polisiyang ipinapatupad, hindi
rin naman talaga nila mapapansin. Ikaw ba namang mabigyan ng trabaho sa isang
malamig at malawak na lugar (kahit na contractual pa ‘yan!) sa panahon ngayon
ng kahirapan sa mataas na edukasyon at kababaan ng employment rate, aatras ka
pa ba? Maaaring dala na rin ng kahirapan sa buhay kung kaya’t ipinipilit ang
sarili sa nakapagpapababang mga gawain.
Para kay Tolentino, ang kulturang popular ay
bahagi ng mas malaking usapin ng kultura o pagbuo ng kamalayan batay sa mga
institusyong politikal, pang-ekonomiya at ideolohikal. At ang kamalayan ay
bahagi ng diskursong pangkapangyarihan – ano ang pinaghahari bilang normal at
unibersal ng namamayaning kaayusan, at ano ang ginagawang transformasyon ng mga
puwersa mula sa ibaba (2004).
Ibig sabihin, mayroong dati, mayroong luma,
mayroong dating maayos. Kung darating sa buhay ng mga tao ang mall, tulad ng
pagdating ng trabaho kay Preciouse, magkakaroon ng malaking pagbabago sa
kani-kanilang buhay na sa pagdating ng panahon, ang magiging kapalit ng dati,
luma at maayos na yayakapin at titingnang normal ng karamihan sa mga taong
apektado.
Apektado nga ang marami’t kahit na alam ng
nakararami na hindi natural ang loob ng isang mall, nagmimistulang mas
maaliwalas pa ito sa espasyo ng labas nito. Binobola ng ideal na espasyong ito
ang kamalayan ng taong nasa loob na wala siya sa labas kaya walang bahid ng
pagkakriminal o kakaiba sa mga nakikitang ibinebenta sa kanya. Mayroong
pagbabagong-anyo ng norm. Mayroon ding transformasyon ng taste o kamalayan ng
isang tao. Tulad ng mga apektado ng kapangyarihan ni Anastasha sa akda, ang mga
tao’y nagkaroon na lamang ng isang malaking mata bilang kanilang ulo – isang
malaking maugat na mata.
Mata ang hitsura o pagkakakilala natin kay
Anastasha bilang elektronikong nakakakabit sa iba’t ibang bagay. Naging mga
matang zombie rin ang mga alagad ni Anastasha. Ayon kay Tolentino, ang mata ang
primordial na documentor ng nakaraan at simultaneous na record ng kasalukuyan.
Ang mata rin daw, sa lahat ng sensory facilities, ang nakapagpapatanghal sa identidad
ng tao (2004).
Mahalaga ang pagtingin sa kulturang mall.
Dito nakasalalay ang pagiging mabisa ng isang biswal na patalastas. Maaari ring
nakikita ang tagline nila na “Everybody loves Anastasha!” na nakasulat sa bawat
supot na berde, na bitbit-bitbit ng mga namimiling naglalakad pauwi at baka
sakaling makasalubong ng maraming tao. Ang pagtingin din ay ginagamit sa
pagbabantay sa mga empleyado. May mga matang nakaantabay sa kanilang oras na
nalalabi at kalagayan ng kanilang trabaho. Ngunit sa kabila ng kalakhan ng
pagdidiin ng malalaking mata ng mga taong apektado ng kulturang mall,
nakatutuwang isiping sila pa pala ang mas higit na hindi nakakikita. Walang
katiyakan ang silbi ng espasyo ng mall dahil sa dinami-dami at nakaliligaw na
mga espasyong nakapaloob pa rito, na nakadisenyong iligaw ang “maller” kahit na
siya mismo, bilang nakakikitang nilalang, ang nagdala (kahit sub-conciously) ng
kanyang sarili sa loob nito o kung saan man siyang lugar sa kasalukuyang
magmo-mall.
Kahit naman ganito’y mayroon ding mga
pagkakataong paunti-unting tumitiwalag si Preciouse sa hindi pagiging isang
tao. Bilang dagdag sa naunang halimbawang nagbibigay kamalayan kay Preciouse
bilang isang taong nag-iisip (Habang
nakatayo’t hawak ang mga walang lamang supot ng Anastasha...), naaalala
niya rin paminsan-minsan na dati-rati, siya’y tao:
“Hindi ako ipinanganak bilang isang ahente ni Anastasha. Tao ako, oo,
minsa’y naging tao ako.”
“Hiniling kong hindi sana mabasa ng Panginoon ang laman ng isip ko. Na
may laman ang isip ko,...”
Maaaring sabihing tanggap na ni Preciouse sa
kasalukuyang hindi siya tao sa pagtratrabaho sa ilalim ni Anastasha ngunit
magandang bagay pang ‘di niya nakalilimutan ang kanyang nakaraan. Nagmumukhang
kapit sa patalim ang ganitong mga uri ng sitwasyong maaari ring makitang litaw
sa ating lipunang kinabibilangan din ng mga nagtratrabaho sa mall. Alam niyang
balang araw, anim na buwan pa man o mas mabilis pa, may pag-asa pa ring
makabalik sa sariling pagkatao kahit na nabawasan na ito sa loob ng isang
panahon ng pagsira sa maraming bahagi o esensya ng pagiging isang tunay na tao
– na taong may buhay at kulay ang paligid. Ang paglabang ito ay nakita rin sa
may bandang huling bahagi ng akda kung saan napagdesisyunan nina Preciouse at
Robin na tapusin na ang huling laban sa mga large-eyed zombie ni Anastasha sa
pag-indak gamit ang Dance Revolution machine sa Quantum ng SM Fairview. Sa
dulo’y umindak sila tungo sa tagumpay gamit ang Dance Revo machine – ang
pag-indak, ang pag-ibig nilang dalawa ni Robin, ang nagpanatiling buhay
(makikita sa akda na simula noong makilala ni Preciouse si Robin, mas napadalas
pa ang pag-iisip ng ahente hanggang sa hindi na ito sumunod sa kanyang karawang
schedule para sa kanyang kinilalang panginoon) at malay kay Preciouse.
Paulit-ulit niyang isinigaw ang kanyang pangalan, hindi lamang para
maipaalalang muli sa sarili na siya’y isang taong may pagkakakilanlan, ngunit
ang pagbabalik-kilala sa sariling may buhay at nakaiindak ang makatatalo sa
kapangyarihan ni Anastasha.
Maaaring labanan ang pandedehumanisa ni
Anastasha o ng kahit anupamang katulad na makapangyarihang ideolohiya sa
pamamagitan ng pagiging malikhain. Samakatuwid, kailanganang paganahin ang
utak, ang sariling imahinasyon. Mapapansin namang ang paulit-ulit na paggawa ng
isang bagay ay nakapagtatanggal na ng kabuluhan sa gawain iyon lalo pa’t
nililimitahan lamang nito ang ating sariling kakayahan at kahusayan. Ang isang
tunay na buhay na tao’y nakapag-iisip nang malaya at kritikal, at hindi lamang
namomroblema ng iisang bagay habang dumadaan ang isang araw sa harap ng kanyang
pagiging buhay.
Subalit sa huli’y manunumbalik pa rin sa
negatibong sarili si Preciouse:
“Nagsimula akong magsalita, ngunit walang tinig na lumabas mula sa aking
bibig. Nagsasalita si Robin pero wala akong naririnig. Unti-unting lumalabo ang
paningin ko, natatabunan ng luntiang liwanag.
Nagising ako’t nadiskubreng malayo pa sa pagwawakas ang
aming kuwento.”
Kahit na makailang balik pa si Preciouse sa
taong pagmamalay, mahihirapan pa rin siyang makabalik sa wasto. Mayroong
tinatawag si Rolando Tolentino na paradox ng nostalgia na nagsasabing sa
pag-igting ng pagnanasang makabalik, lalo namang nabubura ang alaala ng
pinagmulan (2004). Mababasa mula sa itaas ang luntiang kulay, indikasyon ng
pagbabalik ng kapangyarihan ni Anastasha. Kahit na gaano pa man ang tao’y
kamalay sa isang bagay, tulad ng malalaking kamalian ng mall, gagamit at
gagamit, papasok at papasok pa rin siya rito. Hinding-hindi niya mapipigilan
ang sayang naidudulot ng mga produkto sa mall na idinudulot nito sa kanya.
Patuloy niya itong babalik-balikan kahit na makailang-ulit pang isiwalat sa
kanya ng kung sinu-sinong kilusan sa akademya o simpleng pag-iisip ng
pang-aabuso ng mall sa kanya. Makapangyarihan ang buhay ng berdeng
kapangyarihan ng mall, kahit na unti-unti nito tayong isa-isang pinapatay.
Nawawala na ang esensya ng pagiging tao ng
isang tao, sa oras na madikitan na siya ng mall. Nawawalan na siya ng
kakayahang mag-isip, kahit na gaano pa man niyang isipin ang bawat
pagkakamaling isinisiwalat sa kanya, ni gaano pa man kasambulat sa mukha ang
narmamataan niya sa tuwing mababasa niya ang papel na ito. Nawawala ang
kakayahang mamili, kung alin pa ba ang tama at mali. Marami nang ipinakikitang
tama at mali. Nawawala na ang pagkakongkreto ng reyalidad. Panay ideal na
lamang ang ipinakikita sa biktima, kung saan iyon din ang kanyang hinahanap.
Nawawala sa kanyang paningin ang tunay na hitsura ng reyalidad, ng kanyang
reyalidad, at ang lahat ng ito’y mahihirapan siyang labanan. Babalik at babalik
pa rin siya sa mall.
Kay daling malinlang ang mata ng biktima. Ipinakikita
sa kanya kung anu-ano nga ba ang tama at mali, kahit na mabigyan pa siya ng
iba’t ibang bersyon nito. Sa isang pagkakataon, maaaring ipinadadaan ito ng
mall sa kanyang mga patalastas kagaya ng billboard. Nariyan ang mga phinotoshop
na mga katawan ng kung sinu-sinong modelo kung kaya naman maraming nahuhumaling
sa pagpapapayat. Nawawalan ng kakayahang maniwala sa kanyang sarili ang tao
dahil sa mga isineset ngang ideyal na katawan ng mga patalastas na ito. Kung
lahat na lang ng tao, nagagalit kapag sinabihan ng, “Mataba,” nawawala rin ang
reyalidad sa kanyang iba-iba naman talaga lahat ng tao. Nabubulag siya sa
katotohanang pinipilit ng mall na ipakitang bumubuo siya (ang mall) ng isang
ideyal na populasyong ang lahat ng tao’y mapapayat, walang ibang ginawa kundi
ang magpakasosyal at gumastos nang malaki para lamang maging “tama.”
Ilan pang dagdag sa mga kaninang naibigay na
halimbawa’y ang pagpapakita sa atin ng mga produktong napakaperpekto sa
aspetong biswal nang ipinadaan sa kanilang mga patalastas ngunit nang dumating
na sa atin ang aktwal, nanghihinayang na lamang tayo. Ngunit kahit na ganoon, babalik
pa rin tayo’t hindi naman talaga nagagalit, sa hindi malaman-lamang dahilan, o
sadyang madaling mabulag ang tao basta’t alam niyang galing sa mall, tama ito
at astig, kahit na madali siya nitong nilinlang.
Bilang kongkretong halimbawa sa biswal na panlilinlang,
nakilala nitong si Benjamin Starr, isang manunulat sa VisualNews.com, ang isang
photographer na nagsisiwalat ng katotohanan ng false advertising. Ayon sa isa
sa kanyang (Starr) mga artikulo, ang photographer na kanyang tinukoy bilang si
Dario D ay nagkaroon ng isang series na pinamagatang Fast Food: Ads. vs.
Reality kung saan maingat na pinagtabi’t pinaghambing ng photographer ang
kanyang mga kuhang larawan sa mga pinakatanyag na pagkaing fast food, sa mga
ginagamit na larawan ng false advertisers. Kitang-kita sa mga larawang kanyang
isiniwalat ang malalaking pagkakaiba sa dalawang nasabing panig:
Malakas ang tama ng biswal na kulturang
inilalantad ng mall. Minsan, hindi pa natin ito mapapansin, maging sa mga
empleyado. Halimbawa na lamang, hindi nakikitang mahirap ang kanilang mga
empleyado (kahit na alam naman natin iyon), o hindi ganoon kamasyadong halata
dahil sa kanilang mga uniporme. Yung kailangang nakamini-skirt at takong sila. Pare-pareho
lamang ang kanilang mga hitsura. Sige, sabihin na nga nating uniporme nga nila
iyon, ngunit nagiging bahagi na lamang sila ng isang background na
“pangmayaman” at “pansosyal” lamang ang dapat na nakatatapak. May mga taong
nakamake-up. May mga taong nakapormal ang suot. Kung ganito na lamang ang
makikitang set-up ng mga taong naglalabas-masok sa mall, nauukit na sa kanilang
mga isip na magkakaroon sila ng histura o “dating” na mayaman sila. Katulad ng
nabanggit kanina sa itaas, nagdadala ng pekeng lakas ng loob at pekeng
identidad ang pagpasok at paglabas ng mall. Sariling pagbubura sa kapaligiran
at identidad ang nangyayari kung kaya naman marami ang nagsisipuntahan at
pabalik-balik sa mall. Para bang ang laking bagay na magmukhang mayaman ng mga
tao. Kung patung-patong din naman kasi ang mga paratang sa Pilipinas na sobrang
hirap at madumi (na kadalasan, totoo naman), bakit pa magpapakaplastik ang mga
tao sa pagpapakaplastik. Bahala nang magmukhang mayaman o mapera.
Hindi lamang mga kostumer ang nawawalan ng
pagka-Tao kundi maging ng mga empleyado mismo, tulad na nga ng nababanggit na
kanina sa itaas. Ngunit bilang dagdag na rin para sa pagpapalakas ng
argumentong pinapaksa at inilalahad, maglalaan pa ang mananaliksik ng ilan pang
mga kongkretong halimbawa. Isa na rito ang hindi pagbibigay ng mga karampatang
benepisyo para sa mga empleyado. Hindi lamang sa mga mall kundi sa iba pang
establisyamento katulad ng gobyerno. Ayon sa isang nakalap na report ng GMA
News noong Enero 2013, sinasabi naman daw ng Senado na nagbibigay sila ng mga
benepisyo sa kanilang mga empleyado. Ayun nga lang, hindi lahat ng kanilang mga
empleyado, nakatatanggap ng mga ito. Ayon pa sa Commission on Audit at base sa
binabanggit na balita, malaking pondo ang inilaan para sa mga benepisyong
ipinapamigay dapat sa mga empleyado. Kung maraming empleyado ang nagsasabing
hindi sila nakatatanggap, edi saan na lamang napupunta ang perang nakarekord sa
mga talaan?
Kaugnay nito, ang pelikulang Endo, sa ilalim
ng direksyon ni Jade Castro at mga panulat nina Michiko Yamamoto at Raymond
Lee, pinatunghayan ng pelikula ang naturang praktika sa Pilipinas kung saan ang
mga establisyamento ay tumatanggap ng mga manggagawa sa loob lamang ng tatlo
hanggang limang buwan, upang mapayagan silang (mga establisyamento) huwag nang
atupagin pa ang mga obligasyong ligal para sa kanilang mga empleyado katulad ng
health care, union, social security, at iba pang mga regular na benepisyong
nararapat na natatanggap ng isang empleyado. Ang Endo, bilang pamagat, at
bilang slang ng “end of contract” o huling araw ng trabaho ay isang pagtingin
sa ating lipunang madamot sa pera at walang pakialam sa buhay ng ibang tao. Hindi
nagiging tao ang trato sa mga tao kundi mga produkto na lamang na nagmumukhang
pinagsasalin-salinan, pinagpapalit-palitan, naglilipat-lipatan. Para bang
pinaghihiraman ng napakaraming malalaking makapangyarihan para lang din sa
kanilang (mas makapangyarihan) sariling kapakanan. Sila-sila lamang ang
nakikinabang, ni walang pakinabang ang lakas-paggawa ng mga empleyado.
Nawawalan ng kapangyarihan ang mga empleyado sapagkat kung kailangan din naman
nila talaga ng pera, papayag pa rin sila kahit na nakadedehumanisa na ang ginagawa
sa kanila ng kanilang mga employer. Sa tagline ng SM na, “We’ve got it all for
you,” nagmimistulan na itong, “We’ve got it all from you!” Wala na silang
pakialam. Lakas-paggawa na lamang ang natitira sa kanilang mga empleyado kasama
ang katiting na kanilang mga suweldo. Ito na lamang ang kanyang pag-aari, ang
kanyang lakas-paggawa.
Bilang dagdag pang halimbawa sa pandedehumanisa
sa mga empleyado, ayon sa isang artikulong isinulat ni Gemma Garcia para sa
Pilipino Star Ngayon (PhilStar.com) nitong Diyembre lamang taong 2013, hindi na
raw dapat maglagay pa ng age limit o age requirement ang mga employer sa
pagkuha at pag-alis ng mga empleyado. Ito ay nakahain sa House Bill 2416 o
Anti-Age Discrimination in Employment Act na isinumite ni Leyte Rep. Lucy
Torres-Gomez. Hindi na raw dapat ginagamit na basehan ang edad ng isang taong
naghahanap ng trabaho.
Nakakatawa sapagkat
nagpapaka-“anti-discrimination” pa itong si Gomez, e lalo lamang niyang
tinutulungan ang mga employer na tumalo pa ng mas mahihina pa sa kanila. Yung
tipong wala na talagang kapangyarihan. Kung mababa din lang ang employemnt rate
at tumataas naman ang poverty rate, hindi hamak na mas malaking populasyon nga
ang mabibigyan ng trabaho ng bill ngunit mas malaki ring hati ng populasyon ang
matatanggalan ng makabuluhang buhay. Unti-unti nang pinapaslang ang kinabukasan
ng kabataang empleyado. Nakikinabang sa ganitong sitwasyon ang estado.
Kontrolado na ng estado ang mga tao. Walang
makagagalaw. Maging mahirap man o mayaman, naghahanap ng trabaho o mayroon na.
Lahat, nakikita ni Anastasha, at lahat, nakikita si Anastasha. Walang takas,
walang tunay na liwanag. May diwa, ngunit walang bakas ng pagtiwalag.
Sanggunian:
Garcia,
G. 2013. “Age limit sa empleyado pinapaalis.” Huling kinuha noong Marso 30,
2014 mula sa .
Gonzales, V. 2008.
“Patayin sa Indak si Anastasha!.” Lagda:
Journal ng UP DFPP. ed. (Eugene Evasco. Will Ortiz). Quezon City: DFPP-KAL.
pp. 338-357.
Starr, B. 2012. “Fast
Food: Advertisements vs. Reality.” Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa
.
Tolentino, R. 2004.
“Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi / Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil
Publishing, Inc. pp. 1-31.
Tolentino, R. 2004.
“Malling, Subcontracting, at Serbisyong Ekonomiya sa SM.” Kulturang Mall. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. pp. 32-72.
Youtube.com. 2013.
“Benepisyong binibigay sa empleyado sa Senado, ‘di raw natatanggap ng iba pang
empleyado ng gobyerno.” GMA News.
Huling kinuha noong Marso 30, 2014 mula sa .
No comments:
Post a Comment