Ang
maikling kuwentong Siya ba ang Inay ko? ni Segundo D. Matias, Jr. ay
tumatalakay sa mga magulang na nagtatrabaho bilang OFW’s. Dagdag pa rito, ang
nanay ng bidang si Carla ay hindi lamang iisa ang trabahong binabalikan kundi
sa kanyang bawat pag-alis ay nagkakaroon siya ng trabahong iba sa
pinanggalingan niya na trabaho, napupunta siya sa bansang iba sa pinanggalingan
niya na bansa. Ang pagiging OFW man ng isang magulang ang nagmukhang
pangunahing usaping maaaring mapansin ng batang mambabasa, may ilan pa ring
isyu sa lipunan na nakapaloob sa akda ang nais ko sanang punahin maya-maya.
Nais ko na munang unahin kung sa aling edad ng isang bata maaaring ipabasa ito
at maunawaan na ang nasabing maikling kuwento.
Sa tingin ko, pasok sa mga edad apat hanggang
lima, batay na rin sa mga development na inihain sa amin noong huli naming
pagkikita, ang mga maaarin magbasa ng kuwento. Para muna sa Cognitive
Development ng isang bata na maaaring itulong ng kuwento, binanggit sa
ikalawang bahagi na nadaragdagan ang kakayahan ng bata na ihanay ang isang
bagay sa kanyang kinabibilangang pangkat batay sa nakikita ng bata na mga
katangian nito. Kung si Carla ang titingnan, ang kanyang pagtatanong sa sarili
ng kung nanay niya ba talaga ang sinusundo nila sa airport ay makikitaan ng
kanyang pagbabase sa hitsura nito. Hindi naman sa mga bagay na walang buhay
lamang makikita ang ganitong development kundi makikitang bumabagay rin ito sa
pagtingin ni Carla sa nanay niya na paiba-iba ang balat at istilo ng buhok. Dagdag
pa rito ang muling pagtatanong sa kanyang sarili kung bakit ang mga nanay ng
kanyang mga kalaro ay gumagawa ng mga bagay na hindi ginagawa ng kanyang nanay.
Lalo pang napatindi ang tanong sa kanyang isipan dahil hindi lamang sa panlabas
na kaanyuan nakabase ang pagiging ina, para sa kanya, kundi sa mga gampanin na
rin nito sa kanilang pamilya, sa kanya. Binanggit din sa ikatlong bahagi ng Cognitive
Development ang pagpapakilala ng konsepto ng oras sa bata at nagsisimula raw
ito sa konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon” na mapapansin din sa pabagu-bago
ng hitsura ng nanay ni Carla.
Sa Language Development naman, mula sa
ikatlong bahagi, tinalakay ang paggamit ng isang bata sa mga tanong na bakit at paano, na kitang-kita naman kay Carla. Itinatanong niya kung bakit
paiba-iba ng hitsura ang kanyang nanay at kung bakit hindi niya (nanay)
ginagawa ang mga ginagawa ng mga nanay ng mga kalaro niya, at kung paano
nangyayari ang mga ito hanggang sa bumabalik siya sa kanyang pangunahing tanong
na kung siya (nanay) ba talaga ang nanay niya.
Sa bahaging Social Development naman, sa
pangatlong bilang nito nakasaad ang paminsan-minsang paglalaro ng isang bata nang
mag-isa ngunit nagsisimula nang kumilos nang walang kasama. Kung babalikan ang
kuwento, sa pakikipag-usap sa kanyang mga kalaro niya nalamang hindi kagaya ng
kanayng nanay ang ibang mga nanay. Dito na siya nagsimulang kumilos at tanungin
nang paulit-ulit ang sarili kung totoo niya nga bang nanay ang umuuwi sa
kanila. Kapag niyayaya siya ng kanyang nanay na sumabay sa kanyang ginagawa,
iniiwasan niya lamang ito. Hindi niya ito nakuha dahil sa inutos sa kanya ng
kanyang mga kaibigan, ni hindi itinanong muna sa kanyang tatay ang kanyang
problema. Nagkusa na muna siyang kumilos sa kanyang sarili, mula sa naunawaan
niya mula sa pagsusundo sa airport hanggang sa pakikipaglaro, bilang tugon sa
tanong niya. Sinagot na niya sa kanyang sarili: Maaaring hindi niya nanay ang
nagyayaya sa kanya. Mabuti na lang, nasagot ito nang maliwanag nang papaalis
nang muli ang kanyang ina. Nang yumuko si Carla at umiling nang humingi ng
huling yakap ang kanyang nanay, nagsimula na itong magsabi na siya ang kanyang
nanay at umaalis siya patungong abroad dahil sa kailangan ng pamilya nila ng
dagdag na pera, hanggang sa unti-unti nang nasagot ng kanyang ina kung bakit
paiba-iba siya ng hitsura at kung bakit hindi siya kagaya ng ibang nanay. Sa
pang-apat na bilang ng nasabing development, sinabi na nadaragdagan ang pagwawari
ng mga tungkol sa iba’t ibang papel ng mga tao na kanilang ginagampanan – sa
pagkakataong ito ay ang mga naging trabaho na ng nanay ni Carla na maging
domestic helper, trabahador sa pabrika, saleslady, at isa pang trabaho sa loob
ng isang ospital. Naipakilala na kay Carla na hindi lamang nakadikit sa gawaing
bahay ang mga nanay ng pamilya. May mga nanay, katulad ng sa kanya, na
lumalabas ng ibang bansa hindi para gawin ang ginagawa ng mga nanay ng mga
kalaro niya kundi gampanan ang iba pang maaaring papel nila sa lipunan, para sa
kanyang pamilya.
At sa huling bahagi, ang Personality
Development, nabanggit sa ikalawang bahagi na pinauunlad ng mga bata ang
kanilang kakayahang bitbitin at tugunan ang kanilang mga sariling emosyon gamit
ang kanilang sariling produktibong paraan. Nabanggit na nga kanina pa kung
paanong tinugunan ni Carla ang kanyang nararamdamang alinlangan sa kanyang ina
sa pamamagitan ng hindi pagpansin dito. Kakabit na rin ito ng ikaapat na
bahaging tumatalakay sa likas na pagbibigay ng motibo sa kanyang sarili, base
na rin sa kanyang mga nakikita at naririnig. Sinabi rin sa ikalimang bahagi na
kinakailangan ng isang bata ng mga kapaligirang matiwasay at ligtas, na kung
titingnang ulit ang kuwento, naibigay naman sa huli ng kanyang ina dahil sa
pagsagot nito sa kanyang bumabagabag na tanong, hindi man niya ito direktang
sinabi sa kanyang ina.
Kung babasahin ang kuwento ng isang
batang nasa edad na apat hanggang lima, maaari na niya itong maunawaan, lalung-lalo
na kung parating umaalis ang isa sa kanyang mga magulang, o puwede ring pareho.
Mula sa unang uri ng development, hindi na lamang naididikit sa mga bagay na walang
buhay ang pagkaklasipika ng isang bata kundi pati na rin sa tao. Makatutulong
ito sa pagtingin niya sa mga bagay-bagay na kahit iba-iba ay may pagkakapareho
rin. Natatakot lamang ako dahil sa doon sa bahaging tinatanong ng mga kalaro ni
Carla na kung bakit hindi gumagawa ng mga gawaing bahay, ‘di tulad ng ibang
nanay, ang kanyang nanay. O dapat ba akong matuwa dahil ipinakilala na sa bata
na hindi lamang nakadikit sa kasarian ng isang tao, sa ganitong kaso ang
pagiging ina, ang kanyang mga maaaring gawin? Naisama na rin dito na
nagsisimula nang makilala ng isang bata ang pagtingin sa oras dahil sa mga
konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon”. Natatanggap na rin ng mambabasa ang
paggamit ng mga tanong na bakit at paano, na may ganito palang mga tanong o
kaya’y alam niya na ang mga ito bago pa man niya buklatin ang akda at
nadaragdagan ang mga paksang maaari nilang tanungin. Halimbawang hindi na
lamang sa mga bagay sa labas, kundi sa loob mismo ng kanilang mga pamilya: kung
paano nagkakaroon ng pera ang kanilang mga magulang at kung bakit iyon ang mga
napiling propesyon ng kanyang mga magulang. Makakaugnay rin ang batang
nagbabasa sa pagkakaroon ng mga kalaro at pagsagot sa sariling mga tanong na
maaaring humantong sa maling pagtugon sa mga ito ngunit maliliwanagan din sa
huli ng kanilang mga magulang. Oo, matututunan ng bata na subukan munang sagutin
ang mga tanong sa kanila munang sariling mga paraan pero maaari nilang lapitan
agad ang kanilang mga magulang dahil sa huli, sila (mga magulang) pa rin ang
makasasagot ng mga ito. Mula naman sa iba’t ibang trabaho ng nanay ni Carla
maaaring sumibol pa ang bagong tanong para sa mambabasa na kung ano nga ba ang
gusto niyang gawin paglaki. Matututunan din ng bata mula sa kuwento na ang
magulang ang makapagbibigay sa kanila ng ligtas na kaligiran, makasasagot sa
kanilang mga tanong at nagtataguyod sa kanilang pamilya.
Ang maikling kuwentong binasa ay
nagtataglay ng isyung puwede nang maunawaan ng isang bata, ng mga tanong din na
maaaring tinatanong ng bata sa kanyang sarili tulad ng, “Bakit sumasakay ng
airplane si Daddy para umalis?” Naipakilala rin ang isyung patungkol sa
pagkakabit ng gampanin sa kasarian na nababasag sa huli dahil nga sa trabaho ng
nanay ni Carla. Nagkaroon din ng mga pagkakataong may pag-uulit, katulad ng mga
pag-uulit ng simula ng pangungusap gamit ang “Noong galing...”, “Nang...”, at
“Sa..., isa akong...” Makikita rin ang pagkakaroon ng hawig na parte ng katawan
ng isang bata mula sa kanyang mga magulang. Maaaring tanungin ng mambabasa ang
kanilang mga magulang kung sino nga ba ang kamukha nito o kaya naman ay kung
bakit parati na lamang nilang naririnig ang mga katagang, “Kamukha mo ang nanay
mo.” o kaya, “Kamukha mo ang tatay mo.” Natulungan ang bahaging ito ng mga
ilustrasyon dahil sa hindi nakangiti sa umpisa ang batang si Carla, para hindi
lumabas ang dimple na namana niya sa kanyang nanay. Ang mga ilustrasyon ay
nakatulong din, hindi lamang sa pagbabagu-bago ng hitsura ng nanay ni Carla,
kundi naipakilala na ang mga bandila ng iba’t ibang bansa, na maaaring
humantong sa paghahanap ng bata para sa bandila ng Pilipinas.
Tulad nga ng nabanggit kanina, ang
maikling kuwento ay makasasagot sa mga tanong ng isang batang may mga magulang
na OFW ngunit maaari na rin itong ipabasa sa kahit sinupamang bata dahil sa iba
pang mga nabanggit na aral at para na rin sa mga ugali at kilos na maaari pang
umunlad sa isang bata sa kanyang pagbabasa. Kailangan siguro niya ng may gabay
para matapos na basahin ang akda dahil nasa may bandang dulo pa malilinawang
hindi nararapat na padalus-dalos sa mga desisyon kung hindi pa naririnig ang
dahilan ng mga magulang na nag-uudyok sa mga bata na magtanong.
No comments:
Post a Comment