Minsan, naitanong ko na sa sarili, "Bakit nga ba ako kulot?" Hanggang sa sundan pa ito ng kung paano ako naging kulot kasi straight naman ang buhok ko noong elementary hanggang first year high school. Bakit kaya? Syempre, ang unang isasagot ko yung e kasi kulot din yung nanay ko. Namana ko sa kanya. Pero bakit nung 3rd year high school lang ako naging kulot? Wala na rin akong balak pang igoogle. Pero bakit nga kasi gano'n? Pinilit ko pa ring sagutin. Baka naman kasi mahilig ako mag-gel ng buhok nung elementary. Oo, yung pampatigas, ng buhok. Handful. Tapos tumigil ako maglagay pagtuntong ko sa high school. Baka 'yon? Baka lang naman. Baka naman kasi mahilig ako noon magsumbrero, kahit nasa loob ng bahay o classroom noong elementary? Pinilit kasi ako ng nanay ko na ipakalbo. Puwede naman kasi noon sa elem. Tapos syempre, maraming bully, kahit na ako ang pinakamatalino sa amin, napagtitripan ang panlabas, napipilitan akong magsumbrero, kahit habang nagkaklase yung teacher. Wala naman silang magagawa, ako lang naman yung tatawagin nila kapag wala nang makasasagot sa tanong nila. Tapos pagagalitan pa nila ako 'pag nakasumbrero ako? Ayun, hanggang sa namamawis yung ulo ko at hindi ko pa rin tinatanggal yung sumbrero. Hanggang sa kahit humaba na ulit yung buhok ko, nasanay na rin akong magsumbrero, na tumigil din noong high school. Tang ina, nag-gel dati tapos sumbrero. Barbero. 'Kala mo naman may epekto. O baka naman tamad akong magsalamin noon. Oo, nag-gegel ako nang walang sala-salamin. Ang weird nga e. Saka lang ako nagsasalamin kapag nagbubutones na ako ng polo, para malaman ko agad kung pantay. Pagkatapos no'n, gora na. Wala nang sala-salamin pa. Tamad talaga akong magsuklay, maski pa bago umalis ng bahay, pagkaligo, pagkaahon sa swimming pool, pagkagaling sa bugbugan, sa commute, sa laro, sa tulog. Wala akong pakialam dati sa buhok ko, hanggang sa humaba na ito nang humaba, este, lumago nang lumago. Saka ko lang napansin, na kulot pala ako, payabong, payabang. Mayabang ako. Kasi naranasan kong maging straight ang buhok at kulot. Pero magkasunod. At walang bayad.
No comments:
Post a Comment