Nagjijeep lang naman ako kapag tinatamad ako maglakad. O kaya trip ko'ng magpataba. O kaya kapag umaga, tapos bagong gising at hindi pa naliligo dahil late na sa klase. Pa'no na lang kung mga tanga pa yung nakasabay ko? Nakakainis yung mga taong nagpapara sa hindi naman babaan. Nagkalat naman yung mga waiting shed sa buong campus at mga obvious na babaan pero bakit may mga leche pa ring nagpapara sa kung saan-saang gitna ng dinaraanan ng maraming sasakyan? Minsan, kahit obvious nang narinig sila ng driver, sisigawan pa nila yung driver ng isa pang PARA para lang tumigil yung jeep sa hindi naman dapat na binababaan. Akala mo kung sinong may mas alam sa daloy ng trapiko e araw-araw nang dinaraanan ng mga driver ang mga iyon. Itatabi naman kung ipatatabi, bakit kailangan pang manigaw na para bang walang alam yung driver sa daan? Maliban na lang kung matindi yung bass ng jeep o may pagkabingi yung tao, o may mas malalim pa siyang problemang inaalala kaysa ibaba kang walang galang at atat makababa. Magtimpi naman minsan. Yung iba naman, uupo sa may bandang likod tapos ang hina-hina ng boses kapag nagpara. Tang ina naman, friends. Lakasan niyo kapag magpapara kayo. Hindi lang kayo yung napapagod, halos lahat naman na siguro ng nasa loob ng sasakyan e sawang-sawa na, pagod na pagod na, marami pang iniisip. Tapos may gana pang magdabog at bumulung-bulong kapag sa-wakas na itinigil na ang jeep? Mayroon pa. Paano naman yung nakita na nila yung bayad sa harapan nila tapos ayaw pa nilang abutin? Mga paarteng pasosyal na ayaw humawak ng pera ng iba. Akala naman nila yung pera nila e sila yung unang nakahawak. E yung mga umuupo nang patagilid, tapos minsan, ang hahaba pa ng buhok? Ang sakit kaya mamilantik ang dulo ng hibla ng mga 'yan. Puwede namang umayos ng upo. Lahat naman ng nasa loob e nadudumihan at nahihirapan, nasisikipan. Nakakainis din yung mga nagpapamadali kapag late na sila, dahil sa matagal na paghihintay ng jeep ng pasahero. Okay lang sana kung pauwi kayo e, medyo may rason pa kayo para magreklamo. Pero huwag na huwag niyong sisisihin ang driver ng jeep kung malelate na kayo papunta o papasok ng pupuntahan. Baka naman kasalanan niyong nalate kayo ng gising? Ta's magrerebut kayo na late na nga kayo nagising, mabagal pa yung jeep? Paano kung ilugar niyo muna yung sarili ninyo sa kalagayan ng isang jeepney driver? Yung pamilya marahil na kanyang tutustusan, yung mga utang na hindi nababayaran, o yung kakainin man lang niya sa buong maghapon, o kung kakain man siya. Naisip niyo na ba 'yon? Maaaring hindi ang pasaherong nasa loob lamang ang pagtutuunang pansin ng driver. Baka iniisip niya rin yung mga nasa labas, yung mga maaaring makadagdag sa kanyang kita, yung maaaring mga makatulong sa kanya. Hindi yung mga tulad niyong nakasisira lamang ng araw, simula pa lamang, sa kababangon lang ding katabing pasaherong kulot.
No comments:
Post a Comment