March 22, 2014

Ano Ba Talaga, Suang U?

Napakagandang uri ng tauhan nitong si Suang U sapagkat naguguluhan na talaga ako sa kanya. Naguguluhan ako sa kanya dahil sa naguguluhan na rin siya sa sarili niya. O maaari ring hindi siya malay na naguguluhan na siya sa sarili niya o kaya nama’y hindi rin siya malay na magulo lang talaga siya. Oo, tinatanggap niya ang kanyang sarili bilang isang Intsik, kahit na matagal pa siyang maninirahan sa Thailand para makapagtrabaho’t kumita para sa kanyang pamilya ngunit hindi niya naman maitatangging mababahiran ang kanyang mga Instik na danas ng mga banyagang konsepto dahil nga naman sa pamamalagi sa isang dayuhang lugar, kahit pa man nakatrira siya sa isang komunidad na binuo ng mga mismong dayuhan ng Thailand.
         
   Hati ang personalidad ni Suang U, naguguluhan man siya o hindi. Ang usapang ito’y hipokritikal na naman mula sa aking lumang papel tungkol kay Saya John na hindi rin naman talaga mabigyan ng “tamang” pagkakakilanlan. Hipokritikal dahil binatikos ng papel na iyon ang pag-iisteryotipo ng mga tao base sa kanilang mga hitsura, pangalan, at wikang ginagamit. Hipokritikal sapagkat magsusuot akong muli ng lente para tingnan si Suang U bilang isang indibidwal na mayroong hindi malinaw na pagkakakilanlan – pagkakakilanlang nakakabit sa lahing pinanggalingan.
          
  Pilit na sinasabi ni Suang U, o napapansin sa nobela, na ibang-iba ang mga Instik sa mga Thai. Para bang mayroon talagang hindi madugong digmaan tungkol sa kung sino ang maganda at mas mahusay na lahi kaysa sa isa. Halimbawa na lamang, sa trabaho. Napakabastos nga naman, kung iisipin, na kung ang isang banyagang Intsik noong mga panahong iyon ay mayroong pagmamay-ari sa lugar na hindi talaga nayon ng mga Intsik. Mahirap para sa mga Intsik noon na magkaroon ng mataas na posisyon sa Thailand katulad nina Nguan Thong (na umampon kay Suang U) at Tae Lim (na tito ni Seng na tutulong sana sa kanila) dahil nga sa “giyera” sa pagitan ng mga lahi. Tanggap naman na nating katotohanan ang pagiging hari ng mga Instik sa pagpapalakad ng ekonomiya sa maraming bansa, lalung-lalo na rin sa Pilipinas.
          
  Pagtapak pa lamang nina Suang U sa Thailand, pansin niya na ang hatian ng trabaho sa pagitan ng mga lahi. Idinikit niya pa ang laki ng sahod na matatamo sa trabahong kayang gawin ng isang indibidwal. Lininaw niya ito kay Kim na ang kanyang suweldo ay mas malaki kaysa sa suweldong makukuha ni Kim sapagkat marunong siyang magbasa’t magsulat, na halata namang hindi kaya ni Kim. Nainis nga lang si Kim dahil sa alam niyang mas pagod ang kanyang katawan kaysa sa magdamag na pag-upo lamang ni Suang U sa pagsusulat ng mga numero’t pagbabasa ng mga dokumento sa trabaho kasabay ng pagtuturo pa sa mga anak ni Nguan Thong. Hindi man direktang ipinukol ng may-akda, maagang malalaman ng mambabasa na may pagpapahalaga dapat ang tao sa edukasyon.
        
    Isa ang edukasyon sa mga indikasyon ng modernidad. Mabuti na lamang ang hindi iyong edukasyong natatamo talaga sa kongkretong apat na sulok ng walang kuwenta talagang silid-aralan, kung saan mayroong mga nakapag-aral nang mga propesyunal na guro ang magtuturo sa mga bata kung paanong dapat titingin sa mundo para hindi mapahamak. Namulat lamang kasi si Suang U, sa pagiging literado, dahil sa kanyang nanay na tunay na nakatamo ng tunay na edukasyon. Nahati ni Suang U sa dalawang magkaibang dimensyon ang edukasyon. Maaaring sabihing magkaiba ang edukasyong natamo ni Suang U kaysa sa natamo naman ng kanyang nanay. Ang nanay niya rin kasi’y nagturo na rin sa ilang mga anak ng pinagtrabahuhan. Mas matagal na nalublob sa pagbabasa’t pagsusulat ang kanyang nanay bago pa man niya naturuan si Suang U. Si Suang U nama’y nakatanggap pa rin ng edukasyon, sa kanilang tahanan, na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang nanay.
         
   Napakalaking bagay ng edukasyong natanggap na ito sapagkat ito ang nagtulak sa bida na makatanggap ng mas maraming oportunindad sa mas magagandang trabaho. Hindi rin maitatangging nabubura na ang totoong gawad ng edukasyon na kaalaman ngunit ang gawad na ng edukasyon ngayon ay trabaho. Kailangan na rin kasi ng pera. Wala nang nag-aaral para lamang matuto. Lahat ay kailangang mag-aral para makapagtrabaho.

Pagdating sa trabaho’t edukasyon, hindi rin makatao ang natunghayan ni Suang U pagtapak niya sa Thailand. Unang-una, tira-tira lamang ang nakakain ng mga babae dahil sa ang mga lalaki naman daw ang nagtatrabaho para sa kani-kaniyang mga pamilya. Mabuti na lamang na mayroong nagbanggit sa kuwento na hindi rin naman ganoon kadali ang trabaho sa loob ng bahay na ginagawa ng isang ina. Ito’y panibagong paghahati na naman sa mga uri ng trabaho, pagkain nga lang ang gantimpala sa kanila.

Ang ikalawa’y, ayon kay Nguan Thong, napakalaking pagkakamali para sa kanya na marunong magbasa’t magsulat ang kanyang mga anak na babae. Kung papansinin, kanina pa ikinakabit sa pagiging literado ang pagiging edukado. Ayaw ni Nguan Thong na babae ang magmana ng kanyang mga pinaghirapang ipundar. Idinikit pa niya na sa kusina lamang dapat namamalagi ang isang babae kasama ang mga bigas na kanyang isasaing. Kung may isa pang mapapansin, hindi gaanong pinapansin ang karapatang pagkakapantay-pantay ukol sa kasarian. Isa na namang magandang punto ng nobela kung saan iniaangat ang karapatan ng kababaihan. Bilang isang guro ng dalawang anak ng nagpapatrabaho sa kanya, kung tutuusi’y nasa napakakritikal na kondisyon ni Suang U sapagkat ginagawa niya ang ayaw ng nagpapatrabaho sa kanya! Apektado ng utang na loob, apektado ng pag-ibig. Maaaring pag-ibig sa magandang mga mukha ng mga dalaga ngunit tinitingnan ko pa rin ito sa pagpapahalaga ng may-akda sa edukasyon, maging na sa kasarian.

Hindi makatao si Nguan Thong sa aspetong ito kahit na sabihin pa nating pinapasuweldo niya’t itinuring niyang anak si Suang U. Kahit na sabihin pa nating siya ang maaaring potensyal na tagapagmana ng ari-arian ng Nguan Thong sa simula ng nobela kung kaya nga siya naghanap talaga sa barko ng literadong lalaki. Nawawalan ng buhay na maging isang tao ang mga babae sa naratibo sapagkat natatali na lamang sila sa iisang uri ng gawain. Nawawalan na sila ng kakayahang magpatakbo ng isip at imahinasyon. Maaaring marami sa kanila sa kuwento, wala nang kuwenta. Wala nang kuwenta kasi hindi na tao. Ang tao ay mayroong inaaming limitadong kakayahan kung kaya’t kinakailangan niyang mag-isip at gumawa ng iba’t ibang bagay para mahasa ang mga kakayahang ito. Kung magiging isang robot ang babaeng gumagawa ng pang-araw-araw na habit o routine, nawawalan na siya ng kakayanang mag-isip at gumamit ng imahinasyon. Nabubura ang napakarami sanang potensyal para mabuhay bilang isang ganap na tao.

Kung kaya’t natutuwa ako kay Ang Buai (isa sa mga anak na babae ni Nguan Thong) sa kanyang pagbanggit tungkol sa kayamanang dala-dala ng wika. Isa siyang Intsik na nais matuto ng ibang wika, liban sa kanyang alam at inaaral pa ring wika. Kinikilala ni Ang Buai ang halaga ng pagkatuto ng isang wika – na kapag natutunan mo ang isang wika, maaari mong matutunan ang panitikang nasa ilalim nito. Kung matututunan ang panitikan ng wikang ito, malalaman mo rin ang malawak na kultura’t ideolohiyang nakakabit sa kaalamang nakaukit na sa mga taong taal na gumagamit ng wikang iyon. Kung maaari lang sanang matuto agad-agad ng maraming wika sa mundo, edi sana’y naging maluwag ang lahat sa pag-unawa at pag-intindi para humantong sa pagrespeto sa bawat paniniwala, ng bawat lahi – kung saan magulo pa rin talaga si Suang U.

Noong ipinagdiwang na ng kanilang komunidad ang Moon Festival, binanggit niyang pinagtatawanan ng mga Thai ang kanilang tradisyong ito. Para raw bang ang sariling mga tradisyon ay wasto naman talaga ngunit ang tradisyon ng iba ay nakatutuwa lamang. Nakakatawang pag-isipan ang ganoong mentalidad ng mga tao na may kanya-kanyang konsepto ng pagiging kakaiba. Maaaring kakaiba para sa atin pero normal para sa kanila. Nilinaw pa ni Suang U na mas wasto naman daw yung taong may respeto paniniwala ng ibang tao – na agad niya namang kinontra! Nakakatawa ulit kasi, kasasabi niya lamang na gusto niyang tinatrato ang lahat ng tao na pantay-pantay ngunit nang makita niya si Seng sa Moon Festival na mukhang nangmamata sa mga anak ni Nguan Thong, tumanggi agad siya sa konsepto ng pagpapakasal ng kanyang kaaway kay Mui Eng (isa muli sa mga anak ng kanyang Father figure sa Thailand)!

Noong mga panahong kinakailangan ding magvegetarian diet ang mga Intsik ay nagkaroon naman siya ng pagkakataong pansinin ang kakaiba sa kanya mismong sariling kultura. Ayon pa sa kanya, tanga lamang ang nagdidikit ng mga ‘di makabuluhang kasalanan sa kaluluwa, para lamang maisahan ang mga diyos.

Hindi man siya malay, impluwensyado na rin si Suang U ng kulturang pumapaligid sa kanya. Hindi man siya malay, hati na pala ang kanyang personalidad. Hindi lamang hati sa dalawang kultura, ngunit nahahati sa maraming iba’t-ibang pira-pirasong basag na salamin. Isang basag na salamin si Suang U, ngunit maaari pang mabuo. Basag at hindi na malinaw ang unang repleksyon sa unang pagtingin ngunit kung tititig nang mabuti’t masinsinan, ay mayroon pa ring makikitang tao sa kabila.

Indikasyon pa rin ito ng modernidad – ang pagkakaroon ng maraming personalidad. Maaaring laki sa ibang lahi, lumaki sa magkasabay na lahi, o kahit pa magkasunod, katulad ng nangyari kay Suang U. Wala nang puro sa ngayon. Halos lahat ng popoulasyong nakapagpapapasok at nakapagpapalabas ng iba’t ibang lahi, halu-halo na ng lahi. Ngunit wala namang dapat na nabuburang kultura. Nariyan pa rin ang mga taong nag-aangat at nagpapatuloy ng mga kinagisnang tradisyon at paniniwala kahit na marami pang makilahi sa kanila. Aaminin nating napakaipokrito talaga ng manunulat ng papel na ito dahil sa itulak man niyang pantay-pantay ang mga tao, iba-iba pa rin talaga tayo.

No comments: