March 22, 2014

Balikong Pagkakakilanlan

Parehong walang kalayaan ang dalawang tauhan mula sa mga kuwentong I Pulled a Rickshaw ni Tam Lang at Savage Winds ni Bao Ninh. Ang dalawang tauha’y nagsimulang hanaping muli ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga dignidad – ang dignidad na sapilitang kinuha sa kanila ng kanilang lipunang ginagalawan. Parehong  nagpatuloy na manatiling mabuhay para lang kung sakaling mabawi nilang muli ang kanilang mga dignidad, at hindi na mamuhay pa na parang patay na rin walang mayroong pakialam.
           
Hindi naman talaga nawalan ng dignidad itong si Tam Lang nang simulan niyang magbalat-kayo’t makiapid sa mga humihila ng rickshaw. Ang ganitong pagtatangka ay napakagandang simulain sa pagkilalang-totoo ng lipunang kanyang nais pang imbestigahan at gawan ng mga sanaysay at kuwento. Kung tatanda man siya bilang isang mahusay na journalist, hindi siya nararapat na umasa na lamang sa mababaw na pag-oobserba lamang at pagtatanung-tanong sa at tungkol sa kanyang mga target.

Nang sinubukan niya nang makisalamuha’t makibagay sa mga “kapwa” niya coolie, aminado siya sa sarili niyang hindi na niyang muling kilala ang kanyang sarili. Ayon sa kanya, kung sa katotohana’y wala talagang tumitingin at may pakialam sa kanya, hindi niya pa rin mapigilang isiping tinititigan siya ng mga taong nakakikita sa kanya. Sa puntong ito’y siya’y muling naisilang sa mundo. Muli niyang kinikilala ang kanyang sarili. Para bagang simula noong unang segundong itinulak siya ng Supervisor para maging coolie, nabura agad-agad ang identidad niya bilang isang manunulat at namuhay sa mga paa ng isang hindi respetadong tao sa lipunan.

Importante para sa kanya na “magsimulang muli” sapagkat hindi niya nararapat dalhin ang kanyang totoong trabaho sa pag-iimbestiga. Tinutukan niya talagang maging isa sa mga coolie, itinuring niya talaga ang kanyang sarili bilang isang coolie at hindi isang nagpapanggap na coolie. Napatunayan itong lalo nang sinubukan niyang manghingi ng dagdag pasahe mula sa isang pasahero dahil sa napakalayo naman daw ng kanyang pinaghatiran e hindi naman ganoon kasapat ang ibinayad sa kanya. Kahit naman alam niyang mabubuhay siya gamit ang kanyang pera mula sa totoong trabaho, sinikap niyang mabuhay gamit talaga ang makukuhang kita sa pagiging coolie. Hindi siya nandaya. Naging matapat siya sa kanyang sarili, sa kanyang mga kasamahan at sa kanya mismong trabaho ngunit siya pa rin ang natatapakan. Siya pa rin ang nawawalan ng dignidad.

Nakakatawang isiping kung sino pa yung sumusunod sa mga patakaran at walang karapang lumusot sa mga pagkakamali ang siya pang nakatatanggap ng katiting na suweldo, kung pag-uusapan ang kultural na rickshaw trade sa Vietnam. Bilang patunay na halimbawa, si Tu, isang naging matalik na kaibigan ni Tam Lang sa pagiging isang rickshaw coolie ay nagkuwento tungkol sa maraming pagkakataong siya’y “nananakawan.” Panay mga pasaherong poserong mayroong perang pambili ng pananamit ngunit walang awang nang-iiwan nang walang pasahe para kay Tu. Si Tu na ang nagmalasakit, siya pa ang nadadaya. Napakadaya ng mundong kanilang ginagalawan. Tila ba walang pakialam talaga ang mga tao sa kanila. Tila ba hindi sila itinuturing talagang tao.

Pero doon nagkakamali ang mga tao sa gitna at mataas na uri, argumento nitong si Tam Lang. Tao ring nag-iisip ang mga coolie. Sa unang pagkakataong nagpahinga si Tam Lang mula sa paghila para uminom ng tsaa, doon niya nalamang marami palang gamit ang kanilang sinusuot na parang sumbrero sa ulo. Hindi niya iyon naisip bilang isang manunulat, pero para sa isang beteranong coolie na kumausap sa kanya, para bang napakahalata naman ng iba pang mga gamit na itinuro sa kanya. May karunungan silang, oo, hindi maaaring magamit ng nakararami, ngunit napakalaki ng kahalagahan para sa kanilang trabaho, para tumagal sila sa kanilang trabaho.

Tao rin silang kapantay ng lahat. Hindi yung minamaltrato sila bilang mga hayop. Sa sobrang awa nga ni Tam Lang e nagmungkahi na talaga siyang palitan ang mga de-hila ng mga de-pedal, para naman raw nakaupo ang mga naghahatid at bumubuhat. Nais niya na lamang ilipat ang paggamit sa mga rickshaw bilang panghatid na lamang ng mga produkto. Balewala na sa kanya yung matagal nang kultura ng rickshaw sa Vietnam na nagsimula pa sa sinaunang Japan. Itatak na lamang siguro sa kanilang mga aklat pangkasaysayan ang tunay na gamit ng rickshaw para lamang maisauling muli ang karapatan ng mga coolie. Balewala rin ang kultura kung hindi nakatutulong sa pag-unlad ng identidad ng isang tao. E ayon pa kay Tam Lang, identidad pa ng isang buong nasyon ang delikadong minamata ng ibang bansa dahil lamang sa isang trabaho.

Tao rin silang may dignidad, dapat. Kahit na tumatakas sila gamit ang opyo. Kahit na maduduming pagkain ang ipinanglalaman nila sa kanilang sikmura. Kahit na hindi naman mukhang bahay ang kanilang mga tinutuluyan. Kahit na iisa na lamang ang kanilang kasuotan sa kanilang buong buhay. Kahit na para bang robot sila na paikut-ikot na gawaing pang-araw-araw na lamang ang kanilang isinasakatuparan para mabuhay. Ikanga sa kuwento, “Nabubuhay ba ako para kumain? O kumakain ako para mabuhay?” Dahil kung iisipin, hindi naman sila ang nagdala sa kanilang mga sarili sa ganoong mga posisyon, ni hindi naman nila ninais humila ng mga tao. Ang mga nakatataas din sa kanila, ang kanilang mga Supervisor, may-ari, pasahero, ang siyang umaagaw sa kanila ng kanilang mga dignidad, dahil nga sa hindi naman sila kinikilala bilang tao. Kaya kung babalikan ang unang pagkakataong hihila na si Tam Lang, kinilala niya ang kanyang sarili bilang hindi niya kilala talaga. Siya’y kinilalang muli ng lipunan bilang walang pagkakakilanlan.

Pagdako sa kaso ni Dieu Nuong, isang mang-aawit ng mga dilaw na kanta, makikitang tinitingnang siyang mali, siyempre, ng kanyang mga kalaban. Anti-military raw ang mga ito. Siya’y kinukulong sa pag-awit laban sa kawalan ng kalayaan. Tinanggalan tuloy siya ng kalayaan. Ang mga awit ni Dieu ang nagsilbing lubid na nagbuklod sa mga tao sa ilalim ng militar na kapangyarihan. Ang mga awit niya ang nagsilbing pananggalang ng mga tao laban sa mga pang-aabuso ng kapangyarihan. Ang mga awit niya ang nagpakilalang muli sa kanila na sila’y mga tao – mga taong buhay na kailangang lumaya.

Parati na lamang takot ang mga may kapangyarihang malamangan sila. Supervisor. Owner. Military leader. Lahat ng nasa itaas. Takot na takot silang mag-isip ang mga tao kung kaya’t pinipilit nilang burahin ang identidad ng mga taong kanilang nasasakupan, ginagawa silang mga robot sa ilalim ng mga paulit-ulit na gawain, itinuturing silang mga hayop na hindi nararapat sa pagkakakilanlan, para lamang hindi mabasa ang kanilang mga nakapanghihilakbot na kasakiman at pandedehumanisa.

Burado sa kanilang diwa ang moral. Ang moral naman kasi’y gawa-gawa lamang ng tao. Ang kapangyarihan, hindi. Hindi ko naman maipipilit na gawa-gawa lamang ang ibang kapangyarihan, kasi nga, wala namang ibang kapangyarihan. Walang mga uri ang kapangyarihan. Iisa lamang ang kapangyarihan kung kaya’t pinag-aagawan at pinagdadamot ito ng kung sinuman ang mayroon. Nakakatawang isiping kung sino pa ang may kapangyarihan at ipinoproklamang sila’y mga tao, ay sila pa nga ang may asal na sa isang hayop. Sa totoong banda, hindi makatao ang kanilang mga ginagawa. Parehong nabubura, may kapangyarihan man o wala, ang pagkatao ng dalawang panig. Ang ‘di makataong pamamalakad ng pinuno sa loob ng isang lipunan ang nagpapamukhang dehumanisado ang pareho.


Bulag naman kasi ang karamihan. O sarili lamang ang pinapansin. Laking pasasalamat ng lipunan kina Tam Lang at Dieu Nuong bilang mga taong sinubukang ipakilala muli sa mga inaabuso at inaagawan ng pagkatao, na sila’y mga tao rin. Kailangan lamang nilang makinig at magsalita. Kailangan nilang makaintinding sila’y nabubuhay, na sila’y mabubuhay kung magbabalik-loob sa sarili. Ang muling pagkilala sa sarili ang isang solusyon para labanan ang pagkabagot sa pagmamaltrato sa kanila, at araw-araw na lamang na pagkain ang tanging dapat na mangyari sa loob ng isang araw.

No comments: