August 11, 2015

Isa pang Gamit ng Panitikang Pambata

Petsa: Pebrero 13, 2014
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Ikalawang Exam – Diskasin ang isyu/mga isyu sa bata/panitikang pambata na dinadala ng kuwento. Paano ito inilalarawan o isinasalaysay? Ano ang posisyon ng kuwento tungkol sa mga isyu na ito? Ano ang posisyon mo rito?


Napakagandang halimbawa ng Si Sibol at si Gunaw ni E.B. Maranan bilang isang panitikang nagpapakilala ng kuwentong bayan o karunungang bayan sa mga bata. Maigi nang maaga silang mamulat na mayroon na ang mga Pilipino dati ng mga ganitong uri ng salaysay at paniniwala bago pa man maimpluwensiyahan ng maraming dayuhan.

Isang halimbawa nito si Luningning, isang bathalumang taga-langit na may kapangyarihan sa mga pananim, ulan, puno’t halaman, maging sa ilog at bukal. Siya rin mismo ang nagpasimula ng buhay sa mundo. Kung may ibang relihiyong bata ang makababasa nito, maaga na siyang mamumulat at magtatanong nang kritikal sa kung paano ba talagang nagsimula ang buhay. Maaari rin naming maipakilala sa kanya ang pinaniniwalaan ng mga Pilipino noon, kung paano silang mag-isip, kung gaano na kayaman dati ang karunungan, ang panitikan, at ang kultura natin.

Sa panitikan pa lamang malalaman ng bata na tradisyon na pala sa atin ang pag-awit at pagtula. Masisilayan ito sa bahaging unang pagkikita nina Kapuy, isang lalaking mandirigmang taga-lupa, at Luningning, isang bathalumang diwatang taga-langit. Umawit na noon si Luningning at sinabayang-bigla naman ni Kapuy. Ang oral na tradisyon ang makapagsasabi kung paano ba talagang nag-aakyat ng ligaw ang mga Pilipino.

Isang halimbawa pa nito ang pambihirang paglalaban nina Sibol at Gunaw, na makikita sa maraming epiko bilang katangian din ng mga paglalaban ng mga tauhan. Dagdag pa rito ang paglalahad sa bandang dulo ng akda sa pinagmulan ng salitang gunaw. Bahagi rin ng karunungan at panitikang bayan ang pagsagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng mga bagay at pagpapangalan, tulad ng ating mga alamat.

Isa pa, mayroon na tayo noong konsepto ng pagkakapantay sa pagitan ng mga kasarian. Naipakita ito nang ipinakilalang babae ang diwata ng kalikasan at nagging hari naman si Gunaw. Kahit sino, maaaring mamuno, maaaring manalo, o matalo.

Hanggang sa mga dayuhang mangangalakal na pinagbentahan ni Gunaw ng punongkahoy, at paglamon ng buhawing itim sa yumaong si Kapuy bilang pagpapakita ng parehong kasaysayan at paniniwala, masasabi kong tagumpay ang akda sa pagpapakilala ng karunungan at panitikang bayan. Hindi rin nagpahuli ang awtor sa pag-iwan ng magandang asal na nakatuon sa responsibilidad.

Nariyan ang malaking responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, na maagang pinakita ni Sibol, maging sa pagtatapos. At kahit na nagmukha pang masama si Gunaw, may makikita pa ring kahit katiting na responsibilidad bilang hari, o namumuno. Iyon nga lang, sablay siya sa responsibilidad bilang kapatid, may utang na loob sa kalikasan, at anak, na inako namang ni Sibol. Makikita rin ng mambabasa na ang pagtalikod sa responsibilidad ay hindi nagdudulot ng maganda, tulad ng nangyari kina Kapuy at Gunaw, na kapuwa tumanggap ng mga karampatang kapalarang kaparusahan.


Yayaman ang kaalaman ng batang makababasa ng akdang ito, lalo na kung alam din ng gagabay sa kanyang pagbabasa ang mga pinagsasasabi ko rito. Lilitaw na kasi ang pagtatanong ng bakit ng bata. Mabuti nang alam ng bata ang tunay na Pilipinong pagkakakilanlan at responsibilidad sa kapuwa, kaysa yung nasasayang yung mga kayamanan natin dati, at maging ngayon.

No comments: