December 11, 2012

Ilang Kuwentong Ilokano



Mula sa kuwentong Ang Handog ni Dagwaley ni Hermilinda Lingbaoan, makikita ang pagsubok ng katutubo sa isang kinagisnan nang tradisyon. Binanggit na mula sa kuwento na ang pangunahing tauhan ay nanggaling na sa lungsod at umuwi lamang muli sa kanyang unang tirahan para tuparin ang pangako niya sa kanyang minamahal. Dito pa lamang, masasabi nang kahit na ipinipilit ni Dagwaley na uuwi lamang siya para balikan at pakasalan ang magandang si Dumay, hinding-hindi pa rin niya kinalimutan ang kinalakhang tirahan. Di hamak naman sigurong mas maraming magaganda, sopistikada at naaayon sa ninanais niya na ngayong kalinangan ang mga babaeng makikita niya sa kalunsuran kaysa sa mga babaeng kanyang babalikan pa, sa loob pa ng mahabang anim na taon. Hindi lamang sa hinding-hindi natin makalilimutan ang ating mga kinamulatang kabihasnan, hindi lang din sa matinding pagkakatali ng kanyang damdamin kay Dumay, anu’t ano pa’t nais niyang iayon sa kanyang mga natutunan sa lungsod sa mismong lugar ng kanyang tribu. Isa itong napakalaking hakbang hindi lamang sa pagsuway ito sa gusto ng Ama ng kanyang kinabibilangang grupo ngunit pagsira ito sa marahil ay daan o libu-libong taong tradisyon ng kanyang mga katribu. Isang pagwasak sa tradisyon, para sa kanya, ang kanyang mismong gagawin, hindi dahil sa iyon ang tama para sa kanya ngunit iyon ang tama dahil sa mga nasagap niyang kaalaman mula sa lungsod. Anim na taon ba naman siyang tumira roon at nagpaconvert pa ng relihiyon, talagang masusuotan ang kanyang mga mata ng bagong lenteng makapaghihiwalay sa kanya ng mga mali sa tama, ng mga bagong mali at tama. Iisipin ng mambabasa, paano kung hindi naman pumunta sa lungsod si Dagwaley? Magbabago kaya ang kanyang desisyon? Malaking epekto ba sa kanyang pakikitungo sa mga bagay-bagay ang paglipat ng kanyang tinitirhan? Apektado kaya ng lugar at lipunan kinabibilangan ang mga ideolohiyang papayagang kumatok, pumasok sa utak ng isang naninirahan doon? Maaari. Magandang hakbang kaya ito, para kay Dagwaley, na sirain nang ganun-ganon na lamang ang kanilang tradisyon, ang tradisyong dapat ay pinananatili? Dapat bang nananatili ang isang tradisyon? O kailangan ba talaga nitong makiangkop o “gumaya” nang ganun-ganon na lamang sa tingin ng mas marami bilang “mas sibilisado” na mga pangkat? Totoo nga bang may nagdidikta lamang ng tama at mali?

Sa kuwento naman na Pagkain ng mga Bathala ni Juan Hidalgo, Jr., hindi isang tradisyong nauna ang nais na sirain ng mga lalaking isiniwalat sa pagtatapos ng akda, kundi isang tradisyong nais naman ibalik ang nais na patunghayang itulak ng kalalakihang nabanggit. Naipamalas mismo sa dalawang mata ni Lorenzo ang kalandian at kahalayang ginagawa ng mga bathala sa mga babaeng parami nang parami habang sumasayaw at nagpapatay-sindi ang ilaw. Ang mga bathalang ito’y inilarawang mukhang mga dayuhan o maaaring mga dayuhan na talaga na nakikinabang na lamang sa hindi naman sa kanila. Nakikitira lamang sila rito ngunit sila ang kumikita at ang katulad lamang ni Lorenzo ang patuloy na nasasaktan. Sapagkat iyon na lamang ang tingin sa Pilipinas ng mga dayuhan. Parami nang parami ang kani-kanilang mga naaakit at lalapit sa kanila para sa kanilang nakabubulag na pahintulot ngunit sadyang hindi naman napapansing binabastos na pala nila ang Pilipinas. Tatawa-tawa na lamang ang mga babaeng sumasayaw nang malandi at mahalay kahit na sila ang ginagawang kabastusang aliw sa mga dayuhan. Pumipili ang mga bathala ng dalawa manonood sa kanilang piging sa bawat taon para lamang ipakita sa kanilang kahit na malaman-laman nila ang mga kapalastanganan at kasinungalingang nangyayari sa mga nasa taas, wala pa rin silang magagawa. Ganoon na lamang kalakas ang kumpiyansa nila sa kanilang mga sarili para magpapanood ng mga may potensyal na maging kanilang mga kalaban. Maaarin iniisip nilang may pera sila at sila’y mga tanyag na tao kaya’t lamang na lamang sila pagdating sa paghikayat ng mga kakampi. Iyon na lamang kasi siguro ang batayan kung paanong makaliligtas sa daigdig na ito, magpahanggang sa ngayon: kasikatan at kayamanan. Wala nang pakialam kung naipepreserba pa ba ang moral na kaisipan ng bawat indibidwal, nagpapabulag na lamang ang marami. Mapapansin ding hinahanap nang hinahanap ni Lorenzo si Filipinas, ang kanyang ina, ngunit hindi na niya ni naaninagan man lamang hanggang sa katapusan ng kuwento. Hindi na mahanap o makita pa ang Pilipinas, kung ano na ang kanyang naunang itsura, kung ano kaya ang Inang Bayan kung walang bahid ng mga dayo, kung walang nakikigamit. Hindi rin ipinakita kung tiyak na makikita pa si Filipinas sa kuwento, dahil sa atin pa rin siguro nakasalalay ang kinabukasan niya, o ayaw lang talagang batiin ng akda ang mga posibleng mangyari, kahit na wala na sigurong makaaabot pa sa ninanais niya.

Mula sa dalawang akdang binasa, nakita ko na mayroong mga gustong pagsirang gawin ang mga pangunahing tauhan. Maaaring pagsira sa tradisyon, sa mga namamayaning ideya, sa mga nakikitira lamang na dayuhan. Ang ganitong ideolohiya, bilang pagdikit na rin sa mga nakaraang leksyon tungkol sa pagpansin naman sa marginalized na pantikan, ay pagsira sa mga naghahariang nasa itaas upang pansinin ang mga kinalimutang dapat ay mas iniaangat pa. Hinding-hindi dapat natin kinalilimutan, tulad ng mga gusto ng Ama sa kuwento ni Dagwaley at ng tauhang dumampot kay Lorenzo sa may bandang huli ng kanyang kuwento, na ang ating identidad ay nasira na, nabahiran na at panahon na dapat siguro upang tumayo tayo at lumaban, ipaglabang pakilala ang ating mga sarili, upang makita ng buong mundo kung ano nga bang mayroon talaga tayo, anu-ano nga ba ang mga taal na katangian natin, sino nga ba ang mga Pilipino?

No comments: