Ang sampung karapatan ng mga bata ay
binuo para lumaki nang maayos ang mga magpapatuloy ng nasimulan ng mga nauna. Dapat
silang ingatan, hindi lamang para hindi masayang ang pinagpaguran ng kanilang
mga susundan kundi ang lahat ay mayroong karapatang maranasan at maunawaan kung
paano mabuhay. Mula sa sampung karapatan ng mga bata, nais kong unang pansinin
ang karapatan nila na magkaroon ng sapat na edukasyon upang mapaunlad ang
kanilang kakayahan at talento. Hindi lamang ito naididikit sa paaralan at iba
pang institusyong labas sa kanilang tahanan. Kasama na rin ang mismong ginagawa
ng kanilang mga magulang para matuto ang kanilang anak na tumuklas at mamulat
sa mga bagay-bagay. Hindi rin naman lahat ay kayang ituro ng mga magulang kaya mayroong
karagdagang gabay ng paaralan. Ang pagpasok ng bata sa paaralan naman ay
kailangan pa rin ng patuloy na suporta ng magulang hanggang sa kanyang paglaki. Nabanggit din
ang tungkol sa talento ng isang bata na sana’y hindi pinipigilan ng mga guro o
magulang na kung saan maging sana’y napahuhusay ng mag-aaral kung ano ang gusto
niyang ginagawang hindi naman labag sa moral ng nakararami. Ang isa pang
karapatang nais kong pansinin ay ang karapatan ng isang bata na mapangalagaan
at matulungan ng gobyerno. Dito na kasali ang paglalaan ng gobyerno ng panahon
at pera para matugunan ang ilan pa sa mga karapatan ng bata na malapit sa mga
pangunahing pangangailangan ng tao. Dito nga lang kaso sa Pilipinas, marami pa
ring palaboy na kabataang kumikita na lamang sa pag-aabot ng envelope sa mga
pasahero ng jeep, pagtugtog ng tambol sa mga bungad o pabiglang pagnanakaw ng
mga hikaw. Hindi naman sa nakaiistorbo sila’t mababaho sa pang-amoy ng mga
nagcocommute tulad ko ngunit nasaan na ang aksyon ng gobyerno para sa mga
ganitong problema? Hindi ko rin naman sigurado kung may magagawa ako, natatakot
na hindi mapakinggan o tinatamad tumulong at puro hanggang sa salita na lamang.
Ang huling karapatang nais kong
banggitin at punahin ay ang karapatan ng isang bata na maipahayag niya ang
kanyang saloobin, opinyon at ideya. Totoo nga bang ang lahat ng opinyon ay
tama? Magandang nahahasa ng bata ang ganitong mga bagay para malaman nila kung
tama ba ang kanilang iniisip. Ang pakikilahok ng isang bata sa isang maliit na
debate lamang ay malaking bagay na hindi lamang sa pagtulong sa mahusay na
pakikipagtalastasan at talas ng pag-iisip ng isang bata kundi nang kanyang
maagang matutunang wala sa edad ang pagtatanggol sa sarili, o kahit sa kapuwa o
sa ano pa man. Maaga nilang mapagtatanto sa ganitong karapatan na mayroong tama
at mali. Kaya dapat, hindi sila pinipigilan o nililimitahan sa kanilang
pag-iisip. Kailangan lamang silang gabayan. Kaya dapat, hindi lamang ang
suporta ng kanilang mga magulang at ng paaralan ang natatanggap nila, kailangan
din nila ang kalinga ng gobyerno. Kaya dapat, maaga silang natutulungan,
namumulat. Dapat alam nila ang kanilang mga karapatan.
No comments:
Post a Comment