April 28, 2013

Mula sa Dalawang Diksiyonaryo

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino (2011)

            Ang diksyonaryong nakuha ko mula sa Komisyon sa Wikang Filipino ay ang kanilang pang-ika-75 anibersaryong edisyon. May paunang mensahe sa simula si Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III na dahil daw sa multi-etniko at multi-kultural ang Pilipinas ay napakagandang ang diksyonaryong ito ng wikang Filipino ay nagbigay halaga sa lahat ng wikang umiiral sa buong kapuluan ng ating bansa mula Batanes hanggang Jolo. Tinawag niya pang Wikang Panlahat (lingua franca ng Pilipinas) ang wikang Filipino. Ibig sabihin, ang diksyonaryong nailimbag ay para sa mga taong marunong na ng Filipino, o nakapag-aral na at nakapagsasalita na ng Filipino. Nang tiningnan ko na ang bahating Daglat ng diksyonaryo, ito ang aking nakita:

            1.2 Mga diyalekto at wika
           
            Badyaw                                  Palawan
            (Bk.) Bikol                              (Png.) Pangasinan
            Bontok                                   Samal
            (Hlg.) Hiligaynon                  (Seb.) Sebuano
            Ibaloy                                     Sisang Siasi
            (Ig.) Igorot                              (S-L) Samar-Leyte
            (Ilk.) Ilokano                          Sulu
            (Is.) Islam                               (Tg.) Tagalog
            Isneg                                      Tawi-tawi
            Ivatan                                     (T’boli) Tiboli
            Kankanay                              Tagbanwa
            (Kpm.) Kapampangan         Tingguian
            Kinaray-a                               (Tau.) Tausug
            (Mar.) Maranao                     (Tir.) Tiruray
            (Mgd.) Maguindanao           (Vis.) Visaya
            Palawan Agta

            Una sa lahat, mukhang hindi malinaw para sa kanila ang pagkakaiba ng diyalekto at ng wika. Hindi ba’t ang wika’y mas malaki ang nasasakupan kaysa sa diyalekto bilang din namang ang diyalekto ay mas maliit na bahagi lamang ng isang wika. Paano na lamang kung hindi pa gaanong maalam sa wika ang gagamit ng kanilang diksyonaryo? Kahit na sabihin nating kung nasa opisina lamang nila o nasa College of Law ng UP Diliman lamang makikita ang diksyonaryo nilang ito, dapat ay maaari itong basahin ng kahit  sinumang taong matatas sa Filipino kahit na hindi siya nagme-major sa larangang nabanggit. Paano na lamang malalaman ng isang Engineering Major o ano pa mang major ng agham na larangan kung alin sa mga nakalista sa ibabaw ang diyalekto at kung alin ang wika? Ni hindi nga siguro nila alam kung ano ang pagkakaiba ng dalawa. Madali lang naman sigurong ilagay sa ilalim halimbawa ng wikang Palawan ang diyalektong Palawan Agta.  Mas maigi rin sana kung inihanay nila sa tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang pagkakategorya ng mga wika (Luzon, Visayas at Mindanao).

Ikalawa, kung gagawin naman nila iyong paghahanay sa tatlong malalaking isla, lalong lilitaw ang kanilang kakulangan nila sa kaalaman tungkol sa mga wika ng Pilipinas. E hindi lang gaganyan kakakaunti ang mga wika ng Pilipinas. Hindi pa umaabot sa kalahati ng totoong dami ng wika ng Pilipinas ang kanilang inilista. Nasaan na halimbawa ang mga wikang Ibanag, Itneg, Romblomanon, at Waray? At hindi ba’t maraming ring diyalekto ang bawat malalaking wika tulad ng Ilokano, Bikolano at Tagalog? Nasaan ang mga ito? Maling sabihin sa simula pa lamang ng diksyonaryo na lahat ng wika ng Pilipinas ay makikita o nasaliksik nila para sa ilalagay na mga lahok. Maaari naman sigurong ilagay na lamang na lahat ng lingua franca sa malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nailagay nila. O lahat ng malalaking wika ng malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nasaliksik nila. Ngunit maaari lamang sila madali dahil sa konsepto pa lamang ng laki. Mas maigi na siguro ang paggamit na lamang ng tungkol sa lingua franca. Papaano na naman iyon e Hiligaynon nga, wala sa kanilang listahan.

Ikatlo, para sa bahaging ito, hindi lahat ng lahok ay nilinaw kung saang wika o diyalekto sila nanggaling. Paraan ba ito ng pagsasabi na hindi naman na nila kailangan pang ilagay kung anong wika ang pinagmulan ng isang lahok para mas lalong tumibay ang pagtingin sa wikang Filipino bilang wikang ibinase sa maraming wika ng Pilipinas ngunit kailangang tingnan bilang para sa lahat? O halos lahat ba sa kanilang mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog kaya hindi na lang nila nilagay ang wikang pinanggalingang wika bilang din namang malaking porsyento ng Filipino ay Tagalog? Maiintindihan ba agad ng mga mambabasa iyon? O napakalaking porsyento ng bilang ng mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog? Kung galing nga sa Tagalog, bakit hindi pa rin nila inilagay katabi ng salita gayong nasa mga dagli ang Tagalog (Tag.)? Paano na lamang ang mga wikang nanggaling sa wikang Espanyol na matagal nang ginamit ng mga Tagalog at hindi nila alam na banyaga pala ang etimolohiya ng salitang iyon? Mahalagang maipalam sa mga gagamit ng diksyonaryo ang pinagmulang wika ng isang salita kung sasabihin lang din naman nila sa simula na multi-etniko tayong bansa. Hindi ito pag-aangat ng konsepto ng rehiyunalismo o pagkakaroon ng pagkakaiba-iba kahit na nasa ibang bansa tayo at may mga nagkakatagpong mga ideolohiya. Bagkus, ang simpleng paglahad lamang ng pinanggalingang wika ng isang salita ay mabisa nang pagkilala sa wikang iyon, para malaman niyang may naiambag siya sa pambansang lingua franca, at iyon ay kung nais nga nilang patingkarin na pambansang effort ang pagbuo at paglinang sa wikang Filipino. Hindi ba’t hindi gaano kagandang makitang nailagay sa diksyonaryong iyong binabasa ang isang salitang taal sa iyong bayan, kung hindi rin man lang iaacknowledge ang pinanggalingan nitong wika, samantalang ang ibang salita naman ay nalalagyan? Hindi ba nila naisip na hindi naman lahat ng Pilipino ay alam kung Tagalog nga ba nagmula ang isang salita o Sebuano o Waray? Narito ang halimbawa ng isang lahok na may nakalagay na pinagmulang wika (Note: Nahirapan akong maghanap ng salitang ganito. Halos lahat kasi ay walang inilagay na pinagmulang wika.):

gu.sôk (Bk., Hlg., S-L., Sb., Tau.) png. Tadyang.

 Magandang bagay naman ng paglagay nila para sa salitang ito. Marami naman sigurong hindi nakaaalam ng salitang gusok ngunit bilang tadyang ang kahulugan ng salita ay malamang sa malamang ay alam ng mga Bikolano, Hiligaynon, taga-Samar at Leyte, pati na rin ng mga Tausug ang salitang ito. Bahagi ito ng katawan at hindi naman siguro maaaring hindi nila alam ang ibig sabihin ng gusok dahil sa wika nila mismo ito kinuha. Marami bang gumagamit ng salitang gusok? O tadyang pa rin ang madalas pa ring gamitin? Pasimple lamang ba ang paglalagay nila ng lahok na ito? Basta lamang ba iniligay nila ang salitang ito para lamang masabing bahagi ng paglinang sa wikang Filipino ang mga wika ng Bikol, Silangang Visayas at Timog Mindanao? Hindi kasi makikitang mabigat ang pakitungo nila sa pagsasabi nila sa unang bahagi pa lamang ng diksyonaryo na para sa maraming wika ng Pilipinas ang Filipino na sinaliksik nila para rito. Lubhang kakaunti lamang ang bilang nga mga ganitong lahok. Halos lahat ay walang ganitong paglalagay o paglilinaw, o maaari ring napakalaking bahagi ng kanilang diksyonaryo ang wikang Tagalog. Kung ilalagay nila ang ganitong paglalahok, bakit hindi nila gawin sa Tagalog? Mga Tagalog lamang ba ang alam nilang pinakagagamit ng kanilang binuong aklat? Hindi naman kasi lahat din ng salita ay taal lamang sa Tagalog. Halimbawa na lamang sa lahok nila na guniguni:

gu.ní.gu.ní png. 1. Pagbubuo ng mga larawang pangkaisipan o mga palagay tungkol sa mga bagay na hindi naman tunay na nangyayari. 2. Kapangyarihan  ng isip na bumuo ng gayong larawan at palagay. 3. Bunga ng imahinasyon; palagay o anumang likha ng pag-iisip na karaniwan ay walang batayan at hindi nakikita. –gu.ni.gu.ni.hin, ma.gu.ni.-guni pd. laman ng guniguni idy. Nasa isip. –wala sa guniguni idy. Hindi man lamang nagugunita o naiisip. sk: imahinasyon, hinagap, haraya.

 Una, para sa bahaging ito, ayon muna sa UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010) na ang salitang guniguni ay nanggaling o ginagamit na noon pa sa mga wikang Aklanon, Kapampangan at Tagalog. Kita-kita ang kakulangan sa kaalaman ng mga gumawa ng diksiyonaryo tungkol sa mga wika ng Pilipinas. Pangalawa, gusto ko sanang kumentuhan ang tungkol sa kanilang pagbabaybay. Kung gagamit ka pa lamang sa simula ng iyong lahok ng ibang simbolo, halimbawa sa kasong ito sa simbolong i, para magkaroon ng emphasis sa pagbigkas, bakit sa bahaging gunigunihin, maguniguni, etc., ay hindi na isinaalang-alang ang tamang simbolo/titik? Maganda na sana ang ipinakitang mga gabay sa paggamit ng diksiyonaryo na isinulat sa may bandang unahan, katulad na nga ng nabanggit na tungkol sa tamang pagbigkas ngunit bakit hindi na naging masinsin ang paggamit sa tamang simbolo para sa tamang pagbigkas? Isa pang napansin ko ay ang pagkakaroon ng gitling sa bahaging maguni-guni. Bakit hindi rin masinsin ang paggamit ng bantas para sa mas mapagkatitiwalaang baybay? At  isa pa, mula naman sa halimbawang pangungusap mula sa sinusuring lahok, nagkaroon ng pagkakamali sa sulat na Waka imbes na Wala ang nakasulat. Wala bang nagproofread ng kanilang diksiyonaryo? Sana’y ginawang malinis man lamang nila ang pagsusulat bilang pang-anibersaryo nila itong edisyon. Palalampasin lang sana itong maliit na bagay na ito kung mga Pilipino lang ang gagamit, ngunit papaano na ang mga banyaga? Kinakailangan pa ba nilang hanapin ang salitang waka para lamang mapagtanto nilang baka typographical error lamang ito para sa wala para magkaroon na ng diwa ang ginamit na halimbawang pangungusap? Ang isang diksiyonaryo ay nararapat lamang na maging isang reference material na kung gagamitin ay mabilis at madalian para sa mambabasa o nananaliksik. Hindi na nito kinakailangan pang nililito ang gagamit sa kanya. Kahit na maraming salita pa ang nakapasok bilang mga lahok sa kanyang bawat pahina, hindi dapat maging abala ang baybay, pagbigkas, at iba pang mahahalagang detalye para sa gumagamit.

Narito ang isa pang halimbawa ng lahok mula sa Diksiyonaryo ng KWF:

i.a.bot [abot] pd. Ibigay sa pamamagitan ng pag-aabot.
ang bote ng patis.>


Isang rule ang pinaalala sa amin ng aming guro na hindi dapat maging bahagi ng kahulugan ng isang salita ang mismong salita. Sa halimbawang ito pa lamang ay malilito na ang gumagamit ng diksiyonaryo. Sayang lamang sa espasyo ang lahok na mga katulad nito. Inilagay ko naman ang aking sarili bilang baguhan sa wika kaya sinubukan ko na ring puntahan ang sinasabi ng diksiyonaryo na [abot] na dapat kong puntahan:

1a.bot png. 1. Lawak, laki, sakop ng anuman. 2. Ang pagbibigay sa pamamagitan ng kamay. 3. Pagkuha, pagdaiti, o paghipo sa pamamagitan ng dukwang; nakaunat na kamay, sungkit, atb. 4. Ang nasasakop ng isip, pang-unawa o kaalaman. pag.a.a.bot, ta.ga.a.bot png. a.bu.tan, a.bu.tin, i.a.bot, ma.a.bot, mag.a.bot, u.ma.bot pd. a.bot-a.bot pr. sk: 1. saklaw; kaya

           Kapag hindi na ginamit ang kamay, hindi na abot ang tawag doon? Paano kung naiabot gamit ang paa? Marami pa namang gumagawa ng ganoon sa bahay, lalung-lalo na ang mga nanay. Ano ang gagamiting salita kapag nagkagano’n? Pagbibigay ba talaga ang salitang abot? Paano kapag tinanong ako ng isang kong kaibigan kung abot ko ang isang bagay? Kailangan ko pa ba itong ibigay sa kanya? Hindi. Ang abot ay kung kayang mahawakan o mahipo ng kahit na anumang bahagi ng katawan ng tao ang isang bagay, kung sa literal na abot ang pag-uusapan. Hindi gaanong nakatulong ang [abot] na inilagay sa lahok na iabot para sa mas tiyak na kahulugan. Lalu lamang malilito ang gumagamit ng diksiyonaryo, lalo na kung hindi siya isang native speaker ng Filipino. Maigi siguro kung inihanay sa pandiwa ang salitang abot at inilagay sa ibaba ang mga maaaring gamiting panlapi. Iba rin naman kasi ang pakahulugan kapag umabot na, bilang ang abot rito ay ang pagdating o pagsapit. Maaaring mag-iba ang pinakakahulugan ng salita base sa ginamit na panlapi sa salitang-ugat, lalung-lalo na sa mga pandiwa.
      
      Ikaapat, kung babalikan na ang nauna kong tinatalakay tungkol sa mga wikang isinama sa diksiyonaryo, paano na lamang ang mga lahok na nasa wikang banyaga? Hindi naman din sila naglagay ng Ingles ni Espanyol sa kanilang listahan. Alam ba talaga nila ang esensya ng iba’t ibang wikang nakapaloob sa isinusulong na wikang Filipino sa bansa na base sa maraming wika? Hindi lamang kasi wikang taal sa Pilipinas ang kasama sa Filipino ngayon kundi pati na rin ang mga banyagang wikang nagkaroon na ng malaking epekto sa ating kultura gaya na lamang ng mga wikang Ingles, Espanyol at Intsik. Hindi nalilimitahan sa wikang Filipino, patuloy itong nagbabago, at sa patuloy na ginagawang paglinang sa pambansang lingua franca ay hindi sana malimutang kilalanin ang mga wikang nag-ambag, kahit na sinabi pang inangkin na natin ang mga ito. Tanggapin ng mga leksikograpo na wala nang purong wika, ngunit kailangan pa ring alalahanin ang mga salitang naging pundasyon ng isang wika.
       
     Magandang bagay naman na isinama nila ang mga gabay tungkol sa pag-uulit ng pantig. May mga salita kasing mukhang inuulit ngunit kapag tinanggal na mula sa anyong ito ay nagmumukhang wala namang kahulugan ang salitang naiwan na parang salitang-ugat. Tungkol naman sa pagbabaybay ng mga salita may vowel clusters halimbawa na lamang sa mga katagang piyano, pyano at piano, tatlong variants ng baybay ang ipinakita nila bilang paglilinaw sa mga maaaring pagbabago sa salita kapag inaadapt na ng naturang pagbigkas ng isang wika. Mabuting isinama nila ito sa diksyionaryo upang hindi malito ang gumagamit sa mga batas ng pagbabaybay sa wikang Filipino. Kaakibat na rin nito ang mga gabay tungkol sa mga pagbabagong morpoponemiko sa wikang Filipino na hindi naman naituturo nang masinsinan sa elementarya o iba pang mga kurso sa kolehiyo, pati na rin ang kasaysayan ng ortograpiyang Filipino bilang mas makatutulong na mapalinaw ang sistema ng ating pagsulat.
       
     Ipinagtataka ko lamang kung bakit kinakailangan pa nilang ilagay ang dami ng kanilang lahok mula sa pinanggalingang edisyon patungo sa kanilang edisyon na ito. Hindi naman siguro ito magagamit ng mga maghahanap lamang ng mga kahulugan. Ito ba ay para mas mapagkatiwalaan ng tao ang kanilang libro dahil sa sinasabi nilang signipikanteng dami ng dagdag sa kanilang mga lahok? Ang kailangan lamang nila ay mas lubusang pag-eedit impormasyon lalung-lalo na sa mga maliliit na detalye. Kailangan din nilang pagtuunan pa ng pansin kung makalilito lamang ba ang isang lahok na makatatagpo ng gumagamit.

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010)

            Katulad ng Diksiyonaryong Sentinyal, ang UP Diksiyonaryong Filipino ay may pagpapahalaga rin sa mga katutubong wika ng Pilipinas. Nang aking silipin ang listahan ng mga dagli ay nagulat ako sa dami ng wikang isinama nila ngunit magkahalong mga emosyon liban sa pagkasindak ang nagpaisip sa akin. Una, natuwa ako sa mukhang kumpleto o mas matinding pananaliksik na ginawa para sa mga wikang nakapag-ambag na sa Filipino. Maraming wika ang nanggaling sa Luzon, sa Visayas pati na rin sa Mindanao. Nariyan din ang mga wikang Ingles at Espanyol pati na rin halimbawa ng Hapon at Italyano. Hindi lamang matututo ng kahulugan ang mga gagamit ng diksiyonaryo kundi magkakaroon pa sila ng maliit na bahagi ng kasaysayan ng salitang isinama. Maganda bagay sana rin kung nagsama pa sila ng mga diyalekto ng malalaking wika dahil may mga salitang ginagamit sa isang diyalekto ng isang wika ngunit wala sa isa pa. Hindi na nila pa siguro isinama pa ang mga diyalekto dahil magpapahaba lamang ito sa magiging espasyo para sa lahok. Ang ikinabahala ko lamang ay nakapaloob din sa listahan ng mga dagli ang mga kaalamang siyentipiko, halimbawa ang Zoology at Botany, na nakapaloob din sa listahan ng mga dagli. Mas maganda sana kung ikinategroya rin nila ang mga dagli para mas madaling malaman kung anong bahagi ang nakapaloob sa lahok. Ngunit nang silipin ko naman ang lahok ay nalaman kong hindi naman pala nakapaloob sa panaklong na [ ] ang Zoo, Bot, etc. Magandang bahagi ito ng lahok bilang dagdag na impormasyon tungkol sa mga salita.

Mabuti ring detalyadong kumpleto ang gabay na mga isinulat para sa paggamit ng mga diksiyonaryo. Katulad na lamang ng mga varyant na maaaring makatulong sa mga maaaring pagkalito sa pagbabaybay gayundin sa mga salitang inayos ang tamang pagbibigkas. Magandang bagay na isinama nila ang lahat ng posibleng pagbigkas sa isang lahok. Sa bawat varyant ng pagbigkas ay nagkakaroon kasi ng bagong salita. Kapuri-puri ang masinsinang paggamit ng mga tamang simbolo para sa ganap na pagbigkas. Ang pagbigkas na mga ito ay nakapaloob sa mga panaklong ( ) bilang hiwalay na makita mula sa ganap namang baybay ng lahok.  Mayroon ding mga pagbigkas na diretso nang nakasama sa lahok mismo. Ang mga nakapaloob sa mga panaklong ibig sabihin ay malaking tulong sa mga salitang posibleng hindi alam ng gumagamit ang bigkas. Nilinaw rin sa mga gabay na may mga hiram naman talagang mga salita ang wikang Filipino, kaya nga pagdating sa dagli ay may mga isinamang banyagang wika.

Nang pasadahan ko na ang mga lahok ng nasabing diksiyonaryo, halos lahat ng mga salita ay mayroong pinanggalingang wika. Napakamabuting malamang hindi lamang pala sa Tagalog mayroon ng mga ibang salita. Itinuro pa ng diksiyonaryo na mayroong pagkakahawig sa mga wika ng Pilipinas. Naituturo sa kamalayan ng gumagamit na magkakaugnay ang mga wika ng Pilipinas na hindi dapat magkaroon ng ibang pagtingin kapag hindi Tagalog ang napakikinggan. Dapat mas lalong maunawaan ng mambabasa na magkakapantay ang mga wika at hindi dapat bumababa ang pagtingin sa hindi Tagalog. Hindi na lamang kahulugan ang maaaring mapulot ng gumagamit sa diksiyonaryong ito kundi iba pang makabuluhang impormasyon tungkol sa wika at sa mga wika ng Pilipinas.

Dahil sa dami ng wikang isinama sa diksiyonaryong ito ay lalong nagmultiply ang dami ng lahok. Mabuti pa ito o masama para sa espasyo? Makabubuti naman ito sapagkat nakapagpapakilala ng bagong wika, ibig sabihin ay bagong mga salita, ang diksiyonaryo sa mambabasa kahit na sabihin nating patungo lamang siya sa isang lahok. Hindi malayong maraming-maraming salita siyang mapapasadahan dahil sa tatlong column ng mga lahok. May mga lahok ding katulad ng abokado at avocado na mahahalatang magkalayo kung hahanapin pa. Nasa lahok na abokado ang kahulugan ng dalawa dahil sa idederetso ka ng lahok na avocado sa abokado. Maling bagay ba ito na nakasasayang lamang ng espasyo kung halos magkasingbigkas at magkasingbaybay lamang ang dalawang salita? May mga salita nga na pareho ng baybay ngunit ibahin lamang ang bigkas ay magkakaiba at malaki na ang pagkakaiba sa kahulugan. Mabuti na sigurong isinama nila pareho ang dalawang lahok na ito para sa mga nakaaalam baybay sa Ingles. Maaari rin itong makatulong sa mga banyagang nag-aaral pa lamang ng wikang Filipino. Ngunit magmumukha ba itong kasayangan sa espasyo kung binanggit ko ang tungkol sa isang bilingual dictionary? Bakit napakadami ng ganitong halimbawa gaya na lamang ng abortionist at abortionista? Binabasag na ba ng diksiyonaryong ito ang mga papel ng isang bilingual dictionary? O minimithi na rin nilang pagsabayin ang dalawa sa iisang reference material? Maraming salita na kasi na nanggaling sa Ingles ang maaari namang makuha ang kahulugan sa isang Ingles na diksiyonaryo o kaya naman ay kung patungkol pa man ito sa Zoology o Botany ay mayroong iba pang reference material tulad ng almanac at encyclopedia. O sinusubukan ding maisama sa diksiyonaryong ito ang mga katangiang taglay o impormasyong pinagtutuunang pansin ng ibang reference material? Ang mga ganitong malalaking pagsakop ba ng espasyo sa iisang reference material ay maaaring tingnan bilang pagtitipid na rin sa mga maaari pang buuing materyal? O mas maiging gumawa rin ng ibang reference material sa wikang Filipino para lamang makatipid sa espasyo ng diksiyonaryong bubuuin?

Nagmukhang masikip man o paulit-ulit ang mga salita para sa gagamit na Pilipino ng diksiyonaryong ito (kung hihinalaing edukado ang gagamit at marunong ng Filipino at Ingles), maganda bagay pa rin naman ang pagiging siksik ng mga lahok sa detalye, kahit sa maliliit at mga makabuluhang impormasyon.



Mga diksyunaryong sinuri:

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon. UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman.
Anvil Publishing Inc. 2010.

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino: Pang ika-75 na Anibersaryong Edisyon.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2011.

April 21, 2013

Stative Verbs & Dynamic Verbs

Stative Verbs

Ang papel na ito ay nais sanang talakayin, at susubuking kuwestiyunin ang ikalimang kabanatang may pamagat na Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative. Nilinaw ng artikulo na nagkaroon na ng iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga pandiwa na humantong sa pagkakaroon ng klasipikasyon sa mga ito. Mula sa case study ni Blake noong 1906 hanggang sa syntactical derivation study ni De Guzman noong 1978, ang iba man ay kumplikado, nakatulong umano ang mga tarok ng isip mula sa mga pag-aaral na ito sa pagpapasimpleng bumuo ng klasipikasyon ng mga pandiwa ang may-akda. At iyon na nga ang Stative at Dynamic verbs. Inunang talakayin ng akda ang tungkol sa mga stative verb na nauukol sa kondisyon. Mula sa walong klase, gusto ko munang talakayin ang unang dalawa. Pumili ako ng isang halimbawang maaaring bigyang-suri mula sa unang klaseng (1) mga pandiwa na nauukol sa pagbabago ng condition o pagiging:

            10. Naging maliwanag ang paningin niya.
            ‘His/Her vision became clear.’

            11. Naging prinsipe ang palaka.
            ‘The frog turned into a prince.’

           
Nilinaw sa mga paliwanag na nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng paningin ng nauna, at pangangatawan at hitsura ng sumunod. Nagkaroon ng pagdidiin sa pandiwang naging bilang pagpapaalala na ito ay para lamang sa unang klase. Nagbago ang paningin. Nagbago ang pangangatawan ang hitsura. Nagkaroon diumano ng pagbabago sa kondisyon o becoming, tulad ng isinasaad ng artikulo na kahulugan. Ngunit tingnan naman natin ang mga halimbawa ng ikalawang klase (2) Destructive Verbs, na isang klase ng pandiwa na nagtatanda ng pagkagunaw o pagkawasak sa pamamagitan ng insekto, ng natural na puwersa, o ng aksidente, o sa madaling salita ay mula sa isang normal na kalagayan patungo sa pagkasira. Narito ang ilan sa mga halimbawang ginamit:

            15. Kakalawangin ang kutsara kung ibabad sa suka.
            ‘The spoon will turn rusty if it is soaked in vineger.’

           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

           
Simpleng-simple. Nasira ang kutsara. Nasira ang bahay. Nagkaroon din ng pagbabago sa kalagayan, tulad ng nauna. Mayroong negatibong epekto, bilang kaibahan, para sa ikalawa. Kung titingnang mabuti, mayroon ba itong ipinagkaiba sa ikalawa? Paano kapag bumuo ng pangungusap na ‘Naging makalawang ang kutsara.’ o ‘Naging sira ang bahay.’? Malinaw na sinabi ng akda na ang kahulugan ng unang klase ay nauukol sa pagbabago ng condition o becoming. Ang ikalawa naman ay nagbago ang kalagayan patungo sa pagkasira. Sa aking mga ibinigay na halimbawa, paano nang maihahanay ang pandiwang naging? Bakit ihiniwalay pa ang Destructive Verbs sa unang klaseng tungkol sa pagbabago naman pala ng kondisyon o becoming? Hindi ba’t ang pagkakaroon ng kalawang ng isang bakal na bagay ay pagbabago rin ng kondisyon kung titingnang mabuti? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang halimbawa mula sa unang klase na ‘Nangitim siya sa init.’ na mayroong pagbabago sa hitsura katulad ng pagkakaroon ng kalawang? Ano rin ang pinagkaiba nito sa ‘Namutla siya.’ na mayroong pakiramdam nang may sakit, at kung may sakit ay mayroon ding paunti-unting pagkasira ng katawan ng isang tao, ano pa’t nagmamarka ng pagiging destructive verb nito? May pinagkaiba rin kaya ito sa ‘Nagutom ang pusa.’ bilang pagkasira ng kalusugan? Paano kung sinabing ‘Nawala ang bubong ng bahay dahil sa bagyo.’ na maaaring magsabi ng pagkasira?

Nagbago ang kondisyon. Ito ang kahulugan ng unang klase. Nauukol sa kondisyon naman ang kahulugan ng stative verb. Kapag kinalawang ang isang bagay, hindi naman ito nalalayo sa pagkakaroon ng pagbabago ng kondisyon. Tama lamang na ikinategorya ito sa ilalim stative verb dahil sa nauukol nga naman ito sa kondisyon ng bagay na yari sa bakal ngunit nakalilito lamang isiping maaari itong ihanay sa unang klase (pagbabago ng kondisyon o becoming) dahil sa nagbago nga naman ang kondisyon. Mas mabuti kayang tanggalin na lamang ang ikalawang klase na destructive verbs dahil halos pareho lang din naman ang pinag-uukulan ng mga ito sa unang klase? Mula sa ‘Nabago ang tanawin.’ ng unang klase, magiging destructive pa ba ang ‘Nabago ng lindol ang tanawin.’? Nakabase na lamang ba sa konteksto ng pangungusap ang pagkakahanay ng pandiwa sa kanyang nararapat na klase? O ang pagdidiing ginawa sa mga pandiwa ay nakapaloob na sa kanya mismong kahulugan sa diksyonaryo?

Pareho namang nagbabago ang kondisyon sa dalawa, mayroong pagbabago sa hitsura at ang ibang pandiwa mula sa unang klase ay maaaring gamitin bilang destructive. Mas maigi siguro kung pagsamahin na lamang ang dalawang klase para maging iisa na lamang. Ang ganitong pagmumungkahi ay para sa mas kaunting mga kategorya para maiwasan ang pagkalito kung may mga nagkakahawig sa halimbawa at posibleng sa mga kahulugan

Isa pang klase ng klase ng stative verb na nais kong kuwestiyunin ay ang phenomenal verbs. Base sa artikulo, ang mga pandiwang ito ay may kaugnayan sa kagagawan ng kalikasan, tulad ng pagsikat ng araw, pag-ihip ng hangin at pagkislap ng mga bituin. Narito ang ilang halimbawa:

36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon yesterday.’

37. Bumaha ng dugo sa digmaan.
‘There was bloodshed in the war.’


Malinaw naman sa lahat na ang klima at panahon ay dulot o natural lamang na gawa ng kalikasan. Hindi ito mapipigilan. Ngunit paano kung sinabi ko namang ‘Binaha ng bagyong Ondoy ang maraming kabundukan na nagdulot ng landslide.’? Nagkakaroon ba ito ng destructive na katangian dahil sa pagkasira ng lupa? Hindi ba’t dito sa konteksto ng Pilipinas, malimit na nakasisira ang baha, lalung-lalo na kung napakalakas nito? Maaari itong makasira ng lupa, ng mga daanan, ng mga tahanan, dahil lamang sa umaagos nitong tubig. Kapag nagkaroon ng baha, negatibo agad ang konotasyon para sa ating mga Pilipino, marami kasing nasisira o nababalitang nasisira. O mapupunta pa rin ito sa kategoryang phenomenal dahil sa natural namang umuulan kahit na maraming nagsasabing maaaring maagapan ang pagbaha? Maaari rin namang bumaha sa mga lokasyong walang nakatirang tao kaya pupuwede kayang maging natural na sakuna pa rin ang pagbaha?

Hindi naman lahat ng phenomenal na pandiwa ay destructive pero may mga iilan pa ring maaaring isama sa destructive verbs. Maaarin umulan ng acid rain na destructive, maaaring humangin nang pagkalakas-lakas na makapagpapalipad ng mga bubong at makapagpapagalaw ng malalaking tangkay, maaaring umaaraw lang pero pagkainit-init na maaaring makapagpatuyo ng lupa at makasira rin. At papaano pa ang mga pagputok ng bulkan, paglindol at pagbagsak ng bulalakaw galing sa kalangitan na kapwa mga natural na sakuna? Lahat ng mga ito ay destructive at hindi rin naman mailalayo sa pagiging phenomenal. Paano na lamang silang maihahanay? Dedepende na lamang ba ang pagkaklase ng isang pandiwa sa  antas o grado ng pagkasirang idudulot nito? Maaari rin naman kasing bumaha o lumindol ngunit walang nasira. Kaya ba ihiniwalay na lamang ang mga natural na kalamidad para hindi na lamang pag-usapan pa ang antas ng pinsalang maaari nitong dalhin? Nagkakaroon kasi ng pagkakatagpo o pagkakapareho sa ilang mga pandiwa katulad ng mga nabanggit kong halimbawa sa pakahulugan ng destructive verbs. O babalik na naman tayo sa konseptong ang pagkakategorya ng isang pandiwa ay nakabase pa rin sa konteksto ng pangungusap at hindi na lamang sa kanyang kahulugan?

Atin namang pag-usapan ang tungkol sa mental at psychological verbs. Ipinakahulugan ng artikulo na ang mental verbs ay nauukol sa mga prosesong nangyayari sa loob ng kaisipan, tulad ng pagkatuto, pagkaunawa, o pagiging maalam. Isinama pa rito ang pagkukunwari bilang ibang tao ay isa ring mental na proseso. Para naman sa psychological verbs, ito raw ay mga pandiwang may kaugnayan naman sa kalagayan ng mga damdamin tulad ng galit o lungkot. Kapag mayroon ding kinokonsidera ang isang tao na bagay bilang mabuti o madali ay sinasabi ring isang psychological na pangyayari. Nais kong kuwestiyunin ang bahaging ito sapagkat ang sikolohiya ay hindi lamang nalilimitahan sa takbo ng damdamin. Hindi rin naman maitatangging ang mga nararamdaman ng isang tao ay may kaugnayan din sa kanyang mga iniisip. Kaya paanong maiihiwalay ang damdamin o pagkokonsidera ng isang bagay na mabuti sa mga proseso ng kaisipan? Ang sikolohiya ay mayroong malaking sakop kung saan nakapaloob din ang mga mental na proseso. Maaari sigurong palitan ang katawagan ng psychological verbs o kaya naman ay pagsamahin na lang din ang dalawa at ikategorya na lamang bilang simpleng psychological na mga pandiwa bilang nasa ilalim din naman ang mental na proseso sa larangang ito.

Mayroong mga pagkakahawig sa kahulugan. Mayroon ding mga pandiwang maaaring ihanay sa dalawang klase, at depende rin ito sa kung gaano katindi ang nakapaloob sa konteksto ng pangungusap. Hindi malinaw sa mga ibinigay na kahulugan at halimbawa kung ibabase ba ang paghahanay ng isang pandiwa sa kanyang kahulugan o sa kontekstong kanyang kinabibilangan. Ang mga ito ay nagdudulot lamang ng mga pagkalito na maaaring makasira sa nabuong mga klasipikasyon. Magkaroon sana ng mas malinaw o mas detalyadong pagpapakahulugan. Subukan ding gumamit ng ibang bagay bilang object kung magbabago pa ba ang klase ng isang pandiwa. Maaari ring tingnan ang mga posible pang mga halimbawa kung maaaring ihanay o tumutugma ang pagpapakahulugan sa bawat depinisyon ng bawat klase ng stative verb.

Dynamic Verbs

            Kaiba naman sa stative verbs, ang dynamic verbs ayon sa artikulo ay sinasabing mga pandiwang naghahayag ng aksyon. Narito ang ilang halimbawa ng objective verbs (sa ilalim ng dynamic verbs) na sinasabing mga pandiwang mayroon parating direct object o tagatanggap ng aksyon:

4. Magluluto ang nanay ng ulam.
            ‘Mother will cook the main dish.’
           
            5. Kumuha siya ng pagkain.
            ‘He got some food.’


            Kitang-kita naman na tinanggap ng ulam ang aksyong magluluto at ng pagkain ang pandiwang kumuha. Kapag bumuo ako ng pangungusap na ‘Niluto ang ulam.’ o kaya ‘Kinuha ang pagkain.’, objective pa rin ang mga nagamit na pandiwa kahit na walang tagagawa ng kilos dahil meron pa ring tagatanggap. Nakadiin sa tumatanggap ng kilos, hindi man malinaw ang may dahilan, ang mga objective verb. Ngayon, tingnan ang halimbawang kinuha ko naman sa phenomenal verbs (mula sa stative verbs):

            36. Inulan ang parada kahapon.
            ‘The parade was rained upon yesterday.’


            Maaari rin akong bumuo ng iba pang pangungusap katulad ng ‘Binaha ang lungsod.’ o kaya naman ay ‘Hinangin ng bagyo ang bubong nila.’ Ang mga pangungusap na ito ay phenomenal, base sa mga depinisyong inilatag kanina sa mga naunang bahagi at kasabay niyan ay ang pagiging objective. Napapailalim sa dalawang nangungunang klase ng pandiwa mga inihaing halimbawa ng pandiwa. Kapwang mayroong nakapaloob na aksyon at kagagawan ng kalikasan. Paano na lamang sila maihahanay? Maaari bang nasa dalawang pinakaklase ng mga pandiwa sa Filipino ang isang pandiwa? Narito pa ang ilang halimbawa na galing naman sa destructive na klase:
           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

            17. Tinupok ng malaking sunog ang sambayanan.
            ‘The big fire burned down the whole town.’


            Maaaring pan-stative pa rin ang dating ng mga inilagay kong mga kasunod na pandiwa dahil mukhang wala nga namang nangyaring aksyon ngunit mayroon pa ring mga tumanggap ng kilos. Tinanggap ng sambayanan ang tinupok at ng bahay ang nagiba. Kung malinaw sa mga pangungusap na mayroong aksyon at mayroong tumanggap ng aksyon, maaari kayang ihanay ang marami sa destructive verbs sa ilalim ng objective verbs? Masisira ba nito ang binuo pang dalawang magkaibang klase ng mga pandiwa (stative vs dynamic) kung maaaring ihanay sa dalawa ang ilang salita? May malaki bang pagkakaiba ang ‘Kinagat ang burger.’ at ‘Giniba ang bahay.’? Paano naman ang halimbawang ito na nasa ilalim ng directional verbs (dynamic):

            16. Hinugasan niya ang pinggan.
            ‘He/She washed the plate.’


            Ayon sa artikulo, ang directional verb ay isang pandiwa na patutunguhang direksyon. Madali rin daw itong malaman kung -an-verb ang nangyayaring kilos. Lahat ng mga natirang halimbawa sa ilalim ng directional verbs ay mayroong direksyong patutunguhan. Inihahayag ba ng hinugasan na patungo ang aksyon sa pinggan? Ano pang pinagkaiba ng halimbawang ito sa objective verbs? At ito pa na galing naman sa locative verbs (dynamic):

            36. Naghugas siya ng mga baso (sa palanggana).
            ‘He/She washed the glasses (in the basin).’


            Inilahad ng kahulugan ng locative verbs (dynamic) na may mga halimbawang pandiwang naghahayag ng aksyon na kailangang mangyari sa isang lugar. Ibig sabihin, may mga pandiwa raw na kumakailangan ng lugar na pangyayarihan. Sa pagkukuwestiyong ito, iisang pandiwa lamang ang aking napuna (hugas). At kung susundin natin ang marahil na pinag-uukulang atensyon ng stative verbs para sa kanyang kahulugan, na base na rin sa kanyang mga ibinigay na halimbawa, maaari bang tingnan ang pandiwang hugas  sa kanyang kahulugan sa diksyonaryo para mas madaling maihanay sa kanyang tamang klase? Bakit noong hinugasan ang pinggan ay hindi kinailangan ng lugar ng paghuhugasan? Kapag naging nag- verb na lamang ba puwede ito katulad ng ‘Nagluto ng litson sa kawali (sa kusina)? E papaano naman ang ibinigay na halimbawa galing sa objective verbs na ‘Magluluto ang nanay ng ulam.’? Mauulit na naman ba ang paglalagay sa dalawang klase ng iisang pandiwa? Nakalilito kung titingin ba sa kahulugan ng pandiwa, o sa tatanggap ba ng aksyon, o sa kahulugan pa ba ng klase ng pandiwa. Nililinaw din ng artikulo na maaari pang makatulong ang pagtingin sa panlapi ng mga pandiwa:

            Pandiwa                        Panlapi

  objective               mag-, -um-, mang-, mag-...-an, -in-, 
                                    makipag-...-an
           
  directional                    mag-, -um-, mang-, i-, -an, -in-

 benefactive                    i-, ipag-

 causative                      pa-, ika-, ikina-, na-, ipina-, 
                                        nagpa-, nag-

 instrumental                 ipang-, ipinang-, nag-

locative                         nag-, -um-, -in-, ipa-, i-...-in-

           
May mga pandiwang madaling matandaan dahil sa angking kahulugan katulad ng nanggaling para sa locative at nagbigay para sa directional. May mga pandiwa namang makikita sa anyo dahil sa taglay na panlapi katulad ng ipag- para sa benefactive at ipang- para sa instrumental. Ang iba naman ay maaaring matukoy depende sa konteksto o iba pang bahagi ng pangungusap tulad ng sa pamamagitan ng- para sa instrumental at dahil sa- para sa causative. Maaaring alamin ang klase ng pandiwa sa iba’t ibang paraan kung titingnang mabuti ang mga ibinigay na halimbawa at kahulugan ng artikulo.
           

Kung mukhang nakatuon sa taglay na kahulugan ng pandiwa ang magkaklasipika sa stative verbs, bakit sa iilang halimbawa lamang ng dynamic verbs ito magagamit? Babalik at babalik pa rin ba sa konseptong makatutulong ang ibang bahagi ng pangungusap para mas madaling matukoy ang klase ng pandiwa? Nagmumukha kasing sa kalakhan ng mga halimbawang pangungusap na inihain ng artikulo para sa bawat klase ng pandiwa, mula sa mga stative patungo sa mga dynamic, magkaibang-magkaiba ang basehan sa pagtukoy ng klase ng isang pandiwa. Nilinaw na kanina na mayroong iba’t ibang paraan. Ngunit iisa o dadalawa lamang sa mga paraang ito ang makikita sa mga halimbawa ng stative na halos lahat ay purong kahulugan ang pinagtuunan ng pansin. Mas nakikita ang pokus ng pandiwa sa mga klase ng dynamic verbs. Kinakailangan pang tingnan ang panlapi o mga kasama nitong salita sa loob ng pangungusap para lamang malaman kung saan ihahanay ang pandiwa. Sinisira ng ganitong pagbibigay-pakahulugan ng dynamic verbs ang naunang inilahad ng stative verbs. Maraming pandiwa tuloy ang maaaring maisama sa higit sa isang grupo. Maaari naman pero ang proseso sa kung paano natukoy ang iba’t ibang klase ay hindi nagtutugma.


Kabanatang sinuri:

Cubar, E. H., Cubar, N. I. “Chapter 5: Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative”. Writing Filipino Grammar: Traditions & Trends. Quezon City: New Day Publisher. 1994.

April 14, 2013

Exit to Existence

Ops! Teka lang! Subukan mo 'to. Please. Alam kong kaya mo 'to. Madali lang. Pakiramdaman mo muna yung inuupuan mo. Tapos yung mouse. O yung touchpad. O yung keyboard. Tapos yung tinitingnan mo. Tumigil ka. Pansinin mo na ang iyong paghinga. Mapapansin mo na. Napapansin mo na ba? Tumigil kang mag-isip. Subukan mo. Basahin mo ang. Bawat. Salita. Sa. Bawat. Linya. Nang. Maunawaan. Mo. Tigil.
.
.
.
Subukan mong tingnan ang iyong palad. Madali lang. Huwag ka nang mahiya. Tingnan mo na ang iyong palad. Tiningnan mo na? Tingnan mo na. Mabilis lang. Pero nang hindi nagmamadali. Hindi kita inuuto. Magandang bagay ito. Subukan mo lang. Astig. Ngayon. Handa ka na talaga. Pansinin mong muli ang iyong paghinga. Pansinin mong muli na nakakikita ka pala. Tumitig ka lamang, ngunit 'wag kang mag-isip. Tumingin. Ka. Lang. Subukan mong muli. Isa pa: Tingnan mo ang iyong palad.
.
.
.
Buhay. Isa kang nilalang. Humihinga. At araw-araw nag-iisip. Subukan mong pansinin ang sarili mo. Mas maraming beses kang mag-isip kaysa makita ang nasa harapan mo. Ngayon, subukan mong 'wag mag-isip. Ngayon lang. Pansining muli ang paghinga. Tumitig. Huwag mag-isip. Tingnan ang palad. Buhay ka nang muli.

April 13, 2013

Weird

Ang weird mo. Ang weird ko. Ang weird naman nila. Ay, ang weird niya! Sobrang weird talaga! Ang weird niya kanina. Ang weird naman niya! Ang weird ko kanina!

Weird.


Gusto ko sana 'tong bigyang-kahulugan, nang totoo, walang bias, at siyempre, pabarbero. Barbero naman kasi ako. Pero ibang kuwento na iyon. Weird. Strange. Kakaiba. Hindi mo sigurado kung magugustuhan mo o hindi. Maaaring gusto mo, pero hindi naman gusto ng iba. Maaari ring kakaunti lang kayong may gusto, at mas maraming ang tingin sa inyo ay weird. Weird. Strange. Kakaiba kayong kakaunti lamang. Paano kapag dumami kayo, tapos lumawak ang impluwensiya, kayo pa ba ang weird? Nakabase ba sa social na mas maraming gumagawa, hindi na weird? Binabasag ba ng kaisipang ito na kailangang may bilang ang pagiging tanggap o hindi mukhang weird? Nakadikit nga ba ang pagiging kakaiba ng isang bagay sa bilang ng nakauunawa sa mga ganitong bagay? Weird. Strange. Kakaiba. Babalik tayo sa tanong na, "Ano nga ba ang weird?" 

Ano nga ba talaga? Nasira ko na ba ang assumption na nakaangkla sa dami ng taong tumatangkilik. Ano pa ba ang pupuwedeng tingnan at suriin? Weird. Nakikinig daw kasi ako sa steampunk genre ng music. Masarap sa tenga ko e. Dalawa kaming alam kong nakikinig kami. And from the rest of our circle of friends, think na weird yung music na iyon. Pero para sa aming dalawa, hindi weird ang tingin namin sa kanila. Hindi ko alam. Alam ko ang konsepto ng pagiging weird pero, hindi talaga weird ang steampunk genre sa akin. Siguro kasi nagustuhan ko? Kapag naging bahagi na ako ng kalingang aking pinagbuksan ng pinto at pinapasok e, hindi na ito magiging weird para sa akin? Siguro. Baka. Malamang. Marahil. Hindi ko pa rin talaga alam. Kasi, tingnan mo, weird para sa akin ang mga jejemon. Hindi na iyong mge jejemon na nakakabit sa pagtetext na lamang. Later on kasi, inihanay na rin sila sa pagigiging jologs, Jolina's Organization? Jejelogs? Jejelogz? O ako lang nag-iisip ng gano'n? Kung sa bagay, halos lahat, I mean lahat pala ng nakalagay rito, opinyon ko lang naman. Alam mo naman sa sarili mong hindi mo kailangang maniwala sa sinasabi ko. Pero kahit na may ipinupuwestong ganyang pagbababala sa harapan, sinisikap ko pa rin naman kahit papa'no na maging maayos, malaman at medyo may sipa ng pinag-isipang usapan bago ko isulat. Nagmuni man lang naman ako kahit kaunti, no? 

Pero babalik: May binanggit na isang wika ang isang kong professor sa rehiyunal na panitikan na weird. Wikang weird. Kakaibang language. Strange language. Strange na language. Ang 'strange language' ay English. At ang 'strange na language' ay Filipino. At ang 'ang strange language' ay Filipino. Huwag kang mag-alala. Wala akong panahong ipaliwanag ang mga ibinigay kong halimbawang pangungusap dahil wala naman silang kinalaman sa tatalakayin ko'ng kasunod. Weird. Strange. Kakaiba. Paano nga bang nagkakaroon ng kakaibang wika? Take note: Wika. Wika na ito. Isang malaking bahagi na ito ng kultura. To put it simply, hindi maihihiwalay ang kultura sa wika, ang wika sa kultura. Katatapos ko lang mag-Taglish. Going back: Paanong naging weird ang isang wika? Kasi hindi mo ginagamit? Kasi hindi ka native speaker? Parang kapag nakarinig ako ng French, for the first time, weird? Ang French language ba, para sa mga French people, weird? Ang Tagalog ba, para sa isang tubong-Manila o tubong-Cavite, weird? Hindi naman 'di ba? Ang Spanish ba, weird para sa iyo? Maaaring oo, maaaring hindi. Maaari ring walang nagbabasa nito. 

Ibig sabihin, kapag tinanggap ko na ang isang bagay sa sarili ko, hindi na ito magiging weird para sa akin? Bale, ang pagiging weird ay nakadepende sa isang tao. Paano na natin ito maipapasakahulugan? Kayo na ang humusga kung ano ang weird. Trabaho ko pa ba iyon? Nakadikit ang weirdness ng isang bagay o konsepto sa panlasa mismo ng isang tao. Hindi maaaring maggeneralize, siguro, ng isang weird na bagay. Maaaring wala nang matatanggap ng universal fact na pagiging weird ng isang bagay o konsepto. Weird. Strange. Kakaiba.

April 12, 2013

Bakit Hindi Ko pa rin Alam?

As usual, hindi ko na naman alam. Hindi ko pa rin talaga alam. Hindi ko na naman alam kung bakit pinindot ko na naman 'yang lintik na create a new post. Bakit pa? E kung anu-ano na naman ang ilalagay ko rito. Namimiss ko lang sigurong magsulat ng essays. Panay pagpapapansing-kaunti at maiikling naratibo yung natitripan ko ngayon. Ngayon? Sa ngayon nga, dapat, gumagawa na ako ng outlines. Mayroong mga tatlong narratives yung gusto kong ioutline kaso, tinatamad talaga ako. Hindi ko na naman alam kung bakit. Siguro kasi, hindi naman required. Pero, gusto ko talaga. Oo, gusto ko. Alam kong gustung-gusto kong nagsusulat ng narratives at essays kahit na wala naman talagang kuwenta akong magsulat. Wala nang bago sa mga sinasabi ko. Sa dami nang nangyayari ngayon, imposible nang mag-isip ng bago. O imposible lang talagang maging napakacreative ng utak ko. O imposible lang talagang sipagin ako. Yung tatlong naisip kong idea for narratives, sana hindi mabura sa isipan ko. Pero laking gaan ding walang naiiwang projects na hindi naman kasi nga required kung makalilimutan ko sila. Pero sana, hindi ko pa rin sila makalimutan kasi, ang lupit talaga ng mga naisip ko. Rerepasuhin ko pang gumawa ng maayos na outline. Pakiramdam ko, mas madaling gumawa ng outline kapag hindi required, kasi hindi ko na pipiliting magkaroon ng pangalawang part ang isang part kapag hindi na talaga kaya. Teka, kinakabahan ako, baka makalimutan ko na nga silang tatlo. At kahit na sa napakakawalang kuwentahan naman ng blog na ito kaya wala nagbabasa, itatago ko pa rin sa code words yung tatlo: 

1. Knock How Jeep
2. Cup Hole Sects & House Fee Toll
3. Aug. Ow Un-Ack!

Iniisip ko rin, minsan, minsan lang naman, minsan, hindi bagay sa'kin yung Twitter. Nung naadik na naman ako sa maiikling pagsasalita, nakaligtaan ko nang mag-essay. Gusto ko na uling magsalita. Ayaw kong lumabas kasi wala namang masyadong materyal sa subdivision namin. Siguro kapag nakalabas kami sa Sunday, marami na uli akong makita. Gusto ko na rin ulit magsulat para sa Jumbo Gravy. Marami pang naiwang episodes na hindi pa naguguhit ng girlfriend ko. Mayroon pa ring isang episode na guest comic ng kuya ko. Malapit na rin palang matapos yung second floor na ginagawa sa harap ng bahay namin. Itaas ng bahagi ng garaheng tinatapos pa. Alam kong tahimik do'n kasi hindi naman kakabitan ng antenna yung TV. Ang alam kong gagawin lang do'n sa TV e para sa Playstation 3. Iaakyat lang din yung mga gitara pero wala naman sigurong matagal tutugtog do'n nang matagal at sobrang dalas. Hindi ko rin alam kung puwede yung katagang 'sobrang dalas'. Ang bagal pa rin ng PS 3 namin. Hindi ko rin alam kung bakit. Nagsimula iyong pagkabagal na iyon (pero hindi naman, pumipitik-pitik lang yung lag, tolerable pa rin naman) nung may ginawang glitch sa restoration pots yung bunso kong kapatid. Hayy.. Sorry, wala pa ring kuwenta hanggang ngayon mga sinasabi ko. Gusto ko na ring ituloy yung 100 questions sa Makasapi kaso, wala pa rin sa 100, kaya nakakatamad pa rin. Sorry talaga. Ikaw? May gusto ka bang pag-usapan ko sa blog na ito? Icomment mo na lang sa baba. 

April 9, 2013

Skyrim: Alchemy

FE: BBW, HagClaw, SnowB, SprigSap
FS: Blist, GlowMush, SabreTooth, SprigSap
FM: Canis, Elves, Junip, SpidEgg

Fortify Enchantment: Blue Butterfly Wing, Hagraven Claw, Snowberries, Spriggan Sap

Fortify Smithing: Blisterwort, Glowing Mushroom, Sabrecat Tooth, Spriggan Sap
Fortify Marksmanship: Canis Root, Elves Ear, Juniper Berries, Spider Egg

Limbs and Souls

The Philosopher's Stone
The Heavenly Stone
The Great Elixir
The Red Tincture
The Fifth Element

HT: T

There.

Crows.


Water. 35L

Carbon. 20kg
Ammonia. 4L
Lime. 1.5kg
Phosphorus. 800g
Salt. 250g
Niter. 100g
Sulfur. 80g
Flourine. 7.5g
Iron. 5g
Silicon. 3g

April 3, 2013

Malapit na Mawala si Mama?

Para sa mga bata..


Biyernes na at pauwi na ako galing sa paaralan. Wala na namang klase bukas. Doon lang ako ulit sa bahay namin.  Doon lang ako kasama si Mama.

Mula Lunes hanggang Sabado pumapasok sa trabaho si Papa. Naiiwan palagi sa bahay si Mama. Siya ang nag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Maagang gumigising si Mama para maaga niya ring matapos ang mga gawain.

Si Mama ang nag-aayos ng aming kuwarto. Si Mama ang naglalabas ng lahat ng basura sa bahay. Si Mama ang naglilinis ng banyo at iba pang bahagi ng bahay. Si Mama ang naglalaba ng aming mga damit.

Pero ngayong narito na ako sa bahay at walang pasok kinabukasan, matutulungan ko nang muli si Mama. Sinimulan ko na agad ang aking mga takdang-aralin para maibigay ko ang lahat ng aking oras para kay Mama bukas. Inabot na ako ng gabi.

“Karlo, halika na at matulog na tayo. Maaga pa tayo bukas,” yaya ni Mama sa akin. “Kailangan na nating matulog para mayroon tayong lakas.” Magkakatabi kaming tatlo nina Mama at Papa sa kama habang sila’y nakayakap sa akin kapag natutulog.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. “Bumangon ka na at itiklop ang kumot. Ayusin mo na rin ang mga unan.” Agad-agad ko namang sinunod si Mama.

Maayos nang muli ang kama namin!

 “Pagkatapos niyan, bumaba ka na para mag-almusal.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Lalo akong ginanahan sa amoy ng almusal namin. Mayroong pandesal, sinangag at pritong itlog. “Damihan mo ang iyong kinakain at ubusin mo ang iyong gatas para mas lalo ka pang lumakas at hindi ka agad mapagod,” nakangiting paalala sa akin ni Mama.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Niligpit na namin ang lamesa pagkatapos kumain. Nagwalis na rin si Mama ng buong bahay. Lahat ng kalat, dumi at basura sa buong bahay ay inipon na namin at pinagkasya sa loob ng isang malaking itim na garbage bag.

Malinis nang muli ang bahay namin!

“Karlo, dalhin mo ito sa tapat ng bahay natin,” sabay abot ng garbage bag sa akin.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Madali akong bumalik sa bahay matapos ipuwesto ang garbage bag. “Maglilinis na tayo ng banyo,” salubong ni Mama sa akin. Nagtungo na kami sa banyo at nakita ko nang nakahanda ang kagamitan. Sinimulan na namin ang paglilinis. Kami’y nagsabon nang nagsabon. Kami’y nagkuskos nang nagkuskos. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagpunas nang nagpunas.

Makintab nang muli ang banyo namin!

“Karlo, kunin mo na ang baldeng puno ng maruruming damit. Dalhin mo iyon sa harap ng bahay natin nang tayo’y makapaglaba na.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Paglapag ko ng balde sa harap ng aming bahay ay nakita ko na ring papalapit si Mama. Pagdating niya’y binuksan na ang gripo. Inilagay na rin ang maruruming damit sa isang malaking planggana. Pinatakan na rin niya ng sabon. Sinimulan na namin ang paglalaba. Kami’y nagkusot nang nagkusot. Kami’y nagpiga nang nagpiga. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagsampay nang nagsampay.

Mababango’t malilinis nang muli ang aming damit!

“Ayan! Tapos na tayo. Tanghalian na rin pala. Sigurado akong gutom ka na, anak!” Natutuwang sambit sa akin ni Mama kahit kaming dalawa’y pagod na pagod na.

“Gutom na gutom na po!” nasasabik na sagot ko sa kaniya.

Ganito kami parati kapag Sabado. Masaya kami ni Mama dahil mas maaga siya natatapos sa mga gawaing bahay.

Dumating ang araw ng Linggo. Walang pasok si Papa. Sabay-sabay kaming kumain ng almusal at nagsimba. Kinabukasan ay Lunes na naman at may klase na ako muli.

Natuwa ako sa unang araw ng klase sa sumunod na linggo. Nagustuhan ko kasi ang itinuro ni Teacher Marnie sa subject naming Science. “Ang dugo ay mahalaga sa tao. Ito ay tuloy-tuloy na dumadaloy sa ating buong katawan. Ito ang nagbabahagi ng mga bitamina at nutrients sa ating buong katawan mula sa mga pagkaing kinakain natin. Ang dugo, kapag lumabas sa ating katawan ay nagiging kulay brown kapag natuyo. Maigi para sa mga kulang sa dugo ang pagkain ng gulay na tulad ng ampalaya. Kung walang dugo, mamamatay ang tao,” alalang-alala ko pa bago umuwi sa bahay.
        
        Dumaan na ang iba pang mga araw ng klase nang may natutunan akong bagong bagay. Palagi kong nagugustuhan ang mga turo sa aming paaralan. Natutuwa ako dahil alam kong magagamit ko aking mga natutunan.
           
     Biyernes nang muli. Tapos na rin ang aming klase. Madali na akong umuwi para madali ko na ring matapos ang aking mga takdang-aralin. Katulad ng dati, sabay kaming natulog nina Mama at Papa pagkatapos ko ng mga gawain sa paaralan.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. Dahan-dahan na akong bumangon at inayos ang aming kama ngunit may napansin akong kakaiba.

Mayroong kulay brown na mantsa sa puwestong hinihigaan ni Mama sa kama!

Hindi ko na natingnan pa nang matagal ang mantsa dahil sa tinawag na ako ni Mama para mag-almusal.

Katulad ng dati, naglinis na rin kami ng bahay pagkatapos kumain saka iniabot sa akin ni Mama ang garbage bag. Nang ipinatong ko na sa tapat ng bahay namin ang garbage bag, mayroong nalaglag.

Ito’y isang kulay puting bagay na may mantsang brown din!

Agad-agad akong bumalik papuntang banyo dahil iyon na ang aming sunod na gawain. Papalabas na ng pintuan ng banyo si Mama nang dumating ako roon. “Naku, hintay ka lang muna, Karlo, nakalimutan kong kunin ang ating mga gagamitin.” pagmamadali ni Mama. Pagpasok ko ng banyo, mayroon akong nakita sa aming bowl.

Mayroong halong kulay pula ang ihi ni Mama!

Agad-agad kong binuhusan ang aming bowl hanggang sa mawala na ang kulay. Nakabalik na si Mama sa aking huling buhos. Sinimulan na namin ang paglilinis ng banyo.

Katulad ng dati, pinuntahan ko na ang aming labahan nang matapos kami sa paglilinis ng banyo. Pagbuhat ko sa lalagyan, mayroon na namang nalaglag.

Mayroong kulay brown sa panty ni Mama!

Dinampot ko na ito at inihalo na sa iba pang maruruming damit. Pagdating ni Mama sa puwesto ng aming paglalabhan ay nagsimula na kaming nagkusot hanggang sa magsampay.

Katulad ng dati, kumain na kami ng tanghalian matapos ang mga gawaing bahay. Habang kumakain, nag-isip ako nang mabuti kung bakit mayroong mga kulay brown at pula sa basurahan, sa banyong pinag-ihian ni Mama, sa panty ni Mama at sa puwesto sa kama ni Mama.

Naalala ko ang turo ni Teacher Marnie sa Science.

“Mamamatay na kaya si Mama?” bulong ko sa aking sarili. Tiningnan ko si Mama habang kumakain. Nginitian niya lamang ako. Nag-isip ako nang mabuti kung paano ko matutulungan pa si Mama.

Alam ko na ang dapat kong gawin! Bibili ako ng ampalaya sa tindahan pagkatapos kong kumain ng tanghalian. Gagamitin ko ang aking inipon na pera.

Pagkatapos kong kumain, kumuha na ako ng pera mula sa aking alkansya. Pumunta na ako sa palengkeng malapit sa amin. Bumili ako ng isang napakalaking ampalaya at saka ako umuwi.

Tuwang-tuwa akong pumasok sa bahay. “Ano iyang binili mo, Karlo?” salubong sa akin ni Mama.

“Ampalaya po,” sagot ko sa kaniya.

“Para kanino naman iyan?” nagtatakang tanong sa akin ni Mama.

“Para po sa’yo, Mama. Nauubusan ka na po ng dugo, ‘di ba? Ayaw ko po kasing mawalan ka ng dugo. A-ayaw k-ko po kasi-sing mamatay ka-a. A-ayaw k-ko p-po kasing mawala ka,” patumpik-tumpik kong pagsagot. Umiiyak na pala ako.

Madali akong niyakap ni Mama. “Ano ka ba, Karlo, anak? Bakit mo naman nasabi iyan?”

“Y-yung p-puwesto mo po kasi sa k-kama, may dugo. Y-yung, b-bowl po, yung i-ihi mo p-po, may dugo. Y-yung p-panty mo po, may d-dugo. ‘Di ba po nauubos na p-po yung d-dugo mo?” lalong lumakas ang aking pag-iyak.

“Ahh. Hahaha!” tawa ni Mama. Nagsimula na akong magtaka. “Iyon lang naman pala e!” maluwag na tugon niya sa akin. Unti-unting nabawasan ang aking pagluha. Bakit kaya nakangiti pa rin si Mama?

“Mayroon kasi ako ngayong regla, anak,” paliwanag sa akin ni Mama.

“Regla?”

“Oo, regla. Hindi ba’t napag-aralan niyo na ang cells sa school?”

“Opo. Ito po yung mga bumubuo sa katawan ng mga buhay na bagay katulad ng tao, hayop at halaman,” sagot ko sa kaniya.

“Iba’t iba ang cells sa katawan, Karlo. Mayroong cells na kailangan para sa pagbuo ng baby. Ang pagkakaroon ng regla yung panahong handa na sana ang katawan naming mga babae para magdala ng baby sa loob ng aming tiyan kaya lamang ay walang nasalubong na sperm cells, na galing sa lalaki, ang egg cells na galing naman sa babae. Namamatay ang egg cells na ito at nagiging dugo saka inilalabas ng aming katawan. Normal ito sa aming mga babae.

Hindi pa ako mamamatay, anak. Natural ito sa katawan ng isang babaeng katulad ng Mama mo. Huwag ka nang umiyak, Karlo,” nakangiting sambit sa akin ni Mama. Muli niya akong niyakap.


Gumaan nang muli ang aking loob. Masaya ako at hindi naman pala mamamatay si Mama.