April 3, 2013

Malapit na Mawala si Mama?

Para sa mga bata..


Biyernes na at pauwi na ako galing sa paaralan. Wala na namang klase bukas. Doon lang ako ulit sa bahay namin.  Doon lang ako kasama si Mama.

Mula Lunes hanggang Sabado pumapasok sa trabaho si Papa. Naiiwan palagi sa bahay si Mama. Siya ang nag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Maagang gumigising si Mama para maaga niya ring matapos ang mga gawain.

Si Mama ang nag-aayos ng aming kuwarto. Si Mama ang naglalabas ng lahat ng basura sa bahay. Si Mama ang naglilinis ng banyo at iba pang bahagi ng bahay. Si Mama ang naglalaba ng aming mga damit.

Pero ngayong narito na ako sa bahay at walang pasok kinabukasan, matutulungan ko nang muli si Mama. Sinimulan ko na agad ang aking mga takdang-aralin para maibigay ko ang lahat ng aking oras para kay Mama bukas. Inabot na ako ng gabi.

“Karlo, halika na at matulog na tayo. Maaga pa tayo bukas,” yaya ni Mama sa akin. “Kailangan na nating matulog para mayroon tayong lakas.” Magkakatabi kaming tatlo nina Mama at Papa sa kama habang sila’y nakayakap sa akin kapag natutulog.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. “Bumangon ka na at itiklop ang kumot. Ayusin mo na rin ang mga unan.” Agad-agad ko namang sinunod si Mama.

Maayos nang muli ang kama namin!

 “Pagkatapos niyan, bumaba ka na para mag-almusal.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Lalo akong ginanahan sa amoy ng almusal namin. Mayroong pandesal, sinangag at pritong itlog. “Damihan mo ang iyong kinakain at ubusin mo ang iyong gatas para mas lalo ka pang lumakas at hindi ka agad mapagod,” nakangiting paalala sa akin ni Mama.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Niligpit na namin ang lamesa pagkatapos kumain. Nagwalis na rin si Mama ng buong bahay. Lahat ng kalat, dumi at basura sa buong bahay ay inipon na namin at pinagkasya sa loob ng isang malaking itim na garbage bag.

Malinis nang muli ang bahay namin!

“Karlo, dalhin mo ito sa tapat ng bahay natin,” sabay abot ng garbage bag sa akin.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Madali akong bumalik sa bahay matapos ipuwesto ang garbage bag. “Maglilinis na tayo ng banyo,” salubong ni Mama sa akin. Nagtungo na kami sa banyo at nakita ko nang nakahanda ang kagamitan. Sinimulan na namin ang paglilinis. Kami’y nagsabon nang nagsabon. Kami’y nagkuskos nang nagkuskos. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagpunas nang nagpunas.

Makintab nang muli ang banyo namin!

“Karlo, kunin mo na ang baldeng puno ng maruruming damit. Dalhin mo iyon sa harap ng bahay natin nang tayo’y makapaglaba na.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Paglapag ko ng balde sa harap ng aming bahay ay nakita ko na ring papalapit si Mama. Pagdating niya’y binuksan na ang gripo. Inilagay na rin ang maruruming damit sa isang malaking planggana. Pinatakan na rin niya ng sabon. Sinimulan na namin ang paglalaba. Kami’y nagkusot nang nagkusot. Kami’y nagpiga nang nagpiga. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagsampay nang nagsampay.

Mababango’t malilinis nang muli ang aming damit!

“Ayan! Tapos na tayo. Tanghalian na rin pala. Sigurado akong gutom ka na, anak!” Natutuwang sambit sa akin ni Mama kahit kaming dalawa’y pagod na pagod na.

“Gutom na gutom na po!” nasasabik na sagot ko sa kaniya.

Ganito kami parati kapag Sabado. Masaya kami ni Mama dahil mas maaga siya natatapos sa mga gawaing bahay.

Dumating ang araw ng Linggo. Walang pasok si Papa. Sabay-sabay kaming kumain ng almusal at nagsimba. Kinabukasan ay Lunes na naman at may klase na ako muli.

Natuwa ako sa unang araw ng klase sa sumunod na linggo. Nagustuhan ko kasi ang itinuro ni Teacher Marnie sa subject naming Science. “Ang dugo ay mahalaga sa tao. Ito ay tuloy-tuloy na dumadaloy sa ating buong katawan. Ito ang nagbabahagi ng mga bitamina at nutrients sa ating buong katawan mula sa mga pagkaing kinakain natin. Ang dugo, kapag lumabas sa ating katawan ay nagiging kulay brown kapag natuyo. Maigi para sa mga kulang sa dugo ang pagkain ng gulay na tulad ng ampalaya. Kung walang dugo, mamamatay ang tao,” alalang-alala ko pa bago umuwi sa bahay.
        
        Dumaan na ang iba pang mga araw ng klase nang may natutunan akong bagong bagay. Palagi kong nagugustuhan ang mga turo sa aming paaralan. Natutuwa ako dahil alam kong magagamit ko aking mga natutunan.
           
     Biyernes nang muli. Tapos na rin ang aming klase. Madali na akong umuwi para madali ko na ring matapos ang aking mga takdang-aralin. Katulad ng dati, sabay kaming natulog nina Mama at Papa pagkatapos ko ng mga gawain sa paaralan.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. Dahan-dahan na akong bumangon at inayos ang aming kama ngunit may napansin akong kakaiba.

Mayroong kulay brown na mantsa sa puwestong hinihigaan ni Mama sa kama!

Hindi ko na natingnan pa nang matagal ang mantsa dahil sa tinawag na ako ni Mama para mag-almusal.

Katulad ng dati, naglinis na rin kami ng bahay pagkatapos kumain saka iniabot sa akin ni Mama ang garbage bag. Nang ipinatong ko na sa tapat ng bahay namin ang garbage bag, mayroong nalaglag.

Ito’y isang kulay puting bagay na may mantsang brown din!

Agad-agad akong bumalik papuntang banyo dahil iyon na ang aming sunod na gawain. Papalabas na ng pintuan ng banyo si Mama nang dumating ako roon. “Naku, hintay ka lang muna, Karlo, nakalimutan kong kunin ang ating mga gagamitin.” pagmamadali ni Mama. Pagpasok ko ng banyo, mayroon akong nakita sa aming bowl.

Mayroong halong kulay pula ang ihi ni Mama!

Agad-agad kong binuhusan ang aming bowl hanggang sa mawala na ang kulay. Nakabalik na si Mama sa aking huling buhos. Sinimulan na namin ang paglilinis ng banyo.

Katulad ng dati, pinuntahan ko na ang aming labahan nang matapos kami sa paglilinis ng banyo. Pagbuhat ko sa lalagyan, mayroon na namang nalaglag.

Mayroong kulay brown sa panty ni Mama!

Dinampot ko na ito at inihalo na sa iba pang maruruming damit. Pagdating ni Mama sa puwesto ng aming paglalabhan ay nagsimula na kaming nagkusot hanggang sa magsampay.

Katulad ng dati, kumain na kami ng tanghalian matapos ang mga gawaing bahay. Habang kumakain, nag-isip ako nang mabuti kung bakit mayroong mga kulay brown at pula sa basurahan, sa banyong pinag-ihian ni Mama, sa panty ni Mama at sa puwesto sa kama ni Mama.

Naalala ko ang turo ni Teacher Marnie sa Science.

“Mamamatay na kaya si Mama?” bulong ko sa aking sarili. Tiningnan ko si Mama habang kumakain. Nginitian niya lamang ako. Nag-isip ako nang mabuti kung paano ko matutulungan pa si Mama.

Alam ko na ang dapat kong gawin! Bibili ako ng ampalaya sa tindahan pagkatapos kong kumain ng tanghalian. Gagamitin ko ang aking inipon na pera.

Pagkatapos kong kumain, kumuha na ako ng pera mula sa aking alkansya. Pumunta na ako sa palengkeng malapit sa amin. Bumili ako ng isang napakalaking ampalaya at saka ako umuwi.

Tuwang-tuwa akong pumasok sa bahay. “Ano iyang binili mo, Karlo?” salubong sa akin ni Mama.

“Ampalaya po,” sagot ko sa kaniya.

“Para kanino naman iyan?” nagtatakang tanong sa akin ni Mama.

“Para po sa’yo, Mama. Nauubusan ka na po ng dugo, ‘di ba? Ayaw ko po kasing mawalan ka ng dugo. A-ayaw k-ko po kasi-sing mamatay ka-a. A-ayaw k-ko p-po kasing mawala ka,” patumpik-tumpik kong pagsagot. Umiiyak na pala ako.

Madali akong niyakap ni Mama. “Ano ka ba, Karlo, anak? Bakit mo naman nasabi iyan?”

“Y-yung p-puwesto mo po kasi sa k-kama, may dugo. Y-yung, b-bowl po, yung i-ihi mo p-po, may dugo. Y-yung p-panty mo po, may d-dugo. ‘Di ba po nauubos na p-po yung d-dugo mo?” lalong lumakas ang aking pag-iyak.

“Ahh. Hahaha!” tawa ni Mama. Nagsimula na akong magtaka. “Iyon lang naman pala e!” maluwag na tugon niya sa akin. Unti-unting nabawasan ang aking pagluha. Bakit kaya nakangiti pa rin si Mama?

“Mayroon kasi ako ngayong regla, anak,” paliwanag sa akin ni Mama.

“Regla?”

“Oo, regla. Hindi ba’t napag-aralan niyo na ang cells sa school?”

“Opo. Ito po yung mga bumubuo sa katawan ng mga buhay na bagay katulad ng tao, hayop at halaman,” sagot ko sa kaniya.

“Iba’t iba ang cells sa katawan, Karlo. Mayroong cells na kailangan para sa pagbuo ng baby. Ang pagkakaroon ng regla yung panahong handa na sana ang katawan naming mga babae para magdala ng baby sa loob ng aming tiyan kaya lamang ay walang nasalubong na sperm cells, na galing sa lalaki, ang egg cells na galing naman sa babae. Namamatay ang egg cells na ito at nagiging dugo saka inilalabas ng aming katawan. Normal ito sa aming mga babae.

Hindi pa ako mamamatay, anak. Natural ito sa katawan ng isang babaeng katulad ng Mama mo. Huwag ka nang umiyak, Karlo,” nakangiting sambit sa akin ni Mama. Muli niya akong niyakap.


Gumaan nang muli ang aking loob. Masaya ako at hindi naman pala mamamatay si Mama.

No comments: