January 16, 2026

give me that

hindi ko naunawaan agad pero salamat naman at napagbigyan pa rin. hindi naman siguro lubha ang kanyang kasalanan at wala pa namang namamatay ni nasasaktan. nakahinga na ako nang maluwag, kahit na saglit lang, sabay balik agad sa aming mga pila.

alam kong wala akong kailangan sa kanila at hindi pa nila ako kailangan sa ngayon. kung magkakaroon man ng mga hindi planadong transaksiyon ay doon lamang ako siguro magkakamali na balaking makihalubilo at magkunwaring may pakialam. palpak ang aking mga ibinibenta, alam ko, ngunit mabuti na para sa akin iyon kaysa naman ang maipalit lang sa akin ay pintas na hindi na mabubura pa kailan man.

gayon pa man, ang iniisip ko ay mananatiling akin habang nakakubli muna akong nakikinig sa mga patalastas ng umaga. tatanungin ko minsan ang aking mga katabi ng mga tanong na hindi rin nila nalalaman kung ano ang kasagutan. mapapansin ng mga demonyo na mukhang kailangan na nilang kilalanin ang nais na pumalit sa kanila kaya magmamadali silang susugod sa kanyang magarang puwesto. ang organisasyon ay mabubuwag para lamang sa katiting na takot at respeto.

January 15, 2026

no idea where we are right now

saka mo lang napansin noong nag-iisa ka na lang. pinagsama-sama mo na muna sila bago pagmasdang maigi. ang mga pira-piraso ay ihiniwalay na rin at pinaglimian kung itatapon na nga ba. saglit mong kinuwenta ang mga kuwentong kakasapalaran sila. medyo sulit naman. hindi naman totoo ang mga ibinurdang oras kaya't napagpasyahan mo pa ring magpaalam na sa kanila.

bumalik ka sa natira. tila yata kinakabahan sila dahil sa kamakailan mo lang na desisyon. napangiti kang bahagya at sinigurado sa kanila na langit lang naman ang pinakaayaw natin sa lahat ng mga nilikhang ligaya. ang iba sa kanila'y napangiti na rin naman, ang iba'y napilitan lamang. mahirap namang tunay ang mahikayat ang bawat isa sa kanila nang buo kaya tinanggap mo na rin nang walang saklap sa puso kung ano man ang maisukli nila sa 'yo kahit ano pa mang anyo iyon.

napansin mong may isang hindi nakikinig sa 'yo. sinita siya ng kanyang katabi pero tuloy pa rin ang mga alon sa dalampasigan. hinayaan mo na lamang sila.

January 14, 2026

i swear, i still ain't that mad

binalibag mo agad lahat ng iyong kagamitan pagkatapos na pagkatapos mong pakawalan ang huling guhit. tinitigan mong maigi ang iyong palad kung mayroon pa bang natitirang kaluluwa na nananalaytay sa kanila. hindi mo mawari kung saan mo hinugot ang huling dalawa mong ihininga dahil alam mong ni gapatak ay wala nang natitira sa 'yong dugo at pawis.

sa taba mo na siguro. sa lahat ng walang kuwentang usok, patid, alambre, at pektus na isinilid mo sa katawan mo. palipat-lipat na lamang at papalit-palit ang mga pasikot-sikot sa iyong pasirit-sirit na pagkagapi. maski ganoon, itinukol mo na lang sa sarili mo na hindi ka pa natatapos. hindi ka dapat sumuko. kaya mo pang kumilos. hininga'y paubos pero iyon nga, baka sakaling mayroon pa.

hindi mo na iniisip ang pauwi ni kung saan ka parating. tatlo na lamang kayo ng mga palad mo ang kanya-kanyang nagkakandasiraan hanggang sa mapudpod na't wala na talagang maiuusad pa. bawat pitik ng ayan na ay paunti-unting humihina at lalo pang nagpapalakas-loob sa 'yo. nasaang malayo ka na ba?

January 13, 2026

hey, give us some

malayo pa, at alam mong malayo pa pero, ewan mo ba, magpapalipad ka pa rin ng tanong ng kasiguraduhan, o kung may ibubuga pa ba, o kung saang punto ba mayroong silip ng pahinga, kahit na alam mong bawal, na alam mo ring kapag may bago kang sinimulan, maeengganyo ka sa hagap na may hawak ka sa mga hindi mo gustong hawakan.

ikaw ang pumili. ikaw ang dapat masunod. kailan ba ang huling beses na hinayaan mong palagan ka naman at hilahin kung saan ng mga pilit mong binibitawan? pakiramdam mo ba ay bilanggo ko na lang na mamamatay sa likod ng mga rehas na ikaw mismo ang nagpatayo't nagkandado? ano? bantay-sarado mo ang iyong sarili? ano ba talaga ang iyong binabantayan, at kailangan ba talaga ng bantay? sino ba talaga ang nagbilanggo sa 'yo?

ilang araw nang pabalik-balik ang kalansing ngunit wala man lang ni isa sa inyo ang nagkaliwanag ang kokote na sumita't makialam. paano nga naman ba ipagpapalit ang sasa ng pagkabatugan kung ang halip ay pawis at puwersa para sa presyong purong pobre't pupuwede na?

January 12, 2026

watch me nae nae

hindi naman sa bawal sumugod nang walang kapares pero may dahilan kung bakit nauulit ang mga bagay na bagay at may pinagbabagayan. malayo sa usapan ng madali at pinakamainam na paggawa o pagsunod, ang mga nalalabing sangkap ay agad nang mga basura.

magkasama madalas, hanggang dulo ang tagpo. kahit ang dulo ay hindi pa nga siguro nayayari sa mga ganitong sanay. at sa dalas ng mga hiyaw at pamimilit ng madla, tila yata napapabayaan nang sipatin ang lunang isinilang ng pagkakataong maaaring hindi pa nga sinadya; sapagkat bawat pagkitil ay may motibo kahit na sabihin mo pang siraulo ang may pakana, dahil ano nga ba ang tugon ng batas ng tao kung likas ang hatol ng kumpara?

wala nang mala-malabo. mapapapayag mo ang lahat. imposibleng may nakukuntento, ubusin man ang laman hanggang pabalat. may nagtatabi ng mga taba, may namimigay ng sibuyas, bawang, at luya. diring-diri sa ibang gulay lalo na kapag wala siyang binabaran o katabi. ngunit kung may isang tumikim at lahat ay nagsitigil sa pagnguya, ano pa ang lusot mo sa kung isa lang ang lagusan bigla?

January 11, 2026

only way out

sa walong pari na sunod-sunod na umawit ng sunod-sunod na orasyon sa 'yo, wala ni isa sa mga dasal ang nagtanghal ng kapani-paniwalang bisa. hindi naman sa katapusan na ng lahat kung maubusan man sila ng mga pruweba't pakulo pero sila naman itong nanghihikayat ng maraming mauuto para sa walang hanggang wala naman talagang may umasam kahit kailan.

tanging payapa na lamang at pagkain ang makakapilit sa 'yo sa araw-araw para bumangon at manampalatayang bulag sa salapi. hindi na ito bago. bago pa man silidan ng struktura ang lahat ng mahalaga, walang makakatalo sa aya ng patong-patong na ipon. hindi ka makakagalaw at hindi mo rin dapat sana gagalawin. umiikot ang direktang diwa ng mga dakma nang dakma sa tsansang kakapiranggot lang ang labis na nagtatamasa.

walang nagmamay-ari sa 'yo maski ikaw. tungong mga palusot na lang ang iyong mga natitirang galaw, at mabuti nama't wala na sa 'yong pumapansin, maski ikaw. nakatadhana na ang mga susunod na puwesto, at wala nang iba pang makakapigil, maski ikaw. maski ikaw na pilit inaapula ang mga iginuhong nakatakda, itong inog ng nais ay ganti siguro sa karaniwang sarap ng pandesal sa umaga.

January 10, 2026

your daily dread

madali mo nang mapansin ang dalas ng kakulangan ng iyong pagpanaog. may dulot itong dismaya sa sarili at duda kung babalik na lang ba sa lumang napag-usapan. minabuti mong magpakumbaba at tanggaping hindi naman talaga matatapos kahit kailan ang pagkatuto. pinipigilan mo na rin, at pilit na pilit pa sa ngayon, ang mga buntot, sumbrero, kendeng, at manaka-nakang tulay na manatili pa sa iyong mga bahagi.

sa pagbuong muli ng iyong sarili, nariyan ang mauubos ding pag-asang mayroon pang panibagong mga espasyong walang-tanong na sasalo sa 'yo. ang muli't muling pag-eensayo ay disiplina sa sarili, pagpupukol na dapat lang na magdulot ng kumakapit na konsensiya sa mga inaabangan.

huwag mo pa ring kakalimutang huminga nang malalim, lumunok ng laway, magkamot ng nangangati, tumitig sa kisame, tumitig sa kawalan, kuwestiyunin ang sarili, humikab, mang-asar ng pusa, uminom ng tubig, pigilang umihi, gumilid ng utot, magpunas ng ilong, maglinis ng salamin, tanggapin ang sarili, salubungin ang antok, magbalewala ng kumot, manghuli ng lamok, at makipag-usap kay kamatayan. walang dasal ang hindi mo kakampi, magpasalamat ka.

January 9, 2026

avoiding air

ito ang matagal mo nang inaasam-asam. walang may ibang alam nito kung hindi ikaw lamang. hindi naman sa ikinakahiya mo ito pero bilang na lamang sa mga daliri ang mga natitira mong lihim na iniwan sa lupa. at ngayon, sa lupa ka nang muling isinilang.

hindi ka kaagad na pinangalanan ng nawawala mong mga magulang. hindi man mahalaga, may mga daloy na minsang hinahanapan ng pagkakakilanlan at sinisimangutan ang misteryo. hindi ka naman na rin nagmamadali sa ngayon. hindi mo na hinahabol ang iyong sarili. maaari mo nang paghiwalayin ang mga matagal mo nang pinadudulas para sa mas malinaw na pagmamapa ng iyong pagdausdos sa kabaliwan.

nakakaantala man ang papatsi-patsing kalabuan, unti-unti mo nang natutuklasang muli ang iyong pinsala laban sa pagkabagot at pagsisisi. may mga pagdulas pang paisa-isa ngunit bawat pagkakamali ay nagsisilbing banta sa iyong panggapos na sentimyento pagdating ng pag-aalburotong hinding-hindi maiiwasan. ang minsanang pagsalo paitaas ay nakakawala rin ng gana, at hindi mo na dapat pang bigyan ito masyado ng kaukulang pansin. iba na ngayon ang iyong pinagtutuunan.

January 8, 2026

some shelves are separated

hindi mo na mapakiramdaman lahat ng kasiguraduhan. paagnas na ring kinukuko ang natitirang makasasagip sa 'yo. wala nang iba pang makarinig sa 'yo kundi mga naliligaw na ring paisa-isang napapahinto sa tuwing bigla ka na lamang tatambad sa kanilang nilalanguyan.

ang mga alon at bula ang nagpapakahirap na kumustahin ang napipinto mong kapalaran sa hanay ng mga hanggang kalimot-limot na lamang. ang maidikit sa kanila'y kasiyahan mo nang itinuring. hindi na nila ito mababawi mula sa 'yo. wala na ring magtatangkang sagipin ka maski pang humupa ang kanilang mga pilit na pagpipigil na pumalaot sa mga mahinahong umpisa.

wala nang natirang tugtog. tapos na rin ang lahat ng nakikipawi ng pagod. sabay-sabay nagsiuwian ang mga tumikim lang naman ng tamis. halos hindi nabawasan ang itinimplang mga palamig at dalawang pitsel ng matapang na kape. nasayang lang ang mga pinagbibiling gatas sa labas, magkakaibang uri pa naman. wala man lamang may gustong magsupot ng pabubulukin lang sa amag at langaw. sunod-sunod na mabibitak ang mga hindi na ipinanganak kayakap ang salo-salong kagyat na natuluyan.

January 7, 2026

told you so

kung tutuusin, kaya mo naman talagang magpakamatay nang paulit-ulit. sino ba ang tinakot nila? hindi naman nila sinubukan kahit kailan na makipagkilala sa 'yo nang buong-buo. at kapag sinusubukan mo namang buksan ang iyong sarili ay kitang-kita mo na agad ang akma nilang pandidiri sa katauhang pilit nilang niyayakap pero halos masuka na sa sulasok ng panghihinayang.

minsan ka na lang dapuan ng lakas pero rekta pa rin talaga kapag sa pasimuno pumutok ang puna. ibang-iba ang pait kumpara sa mga minadaling akala ng gabi-gabing pagpikit bago ang bangungot. masahol pa sa ilang taong pinakuluang sabaw na hindi man lamang tinikman ang timpla pero pinatutunghayang tumatalab kahit na malaman-lamang hindik lang pala ang pumipigil sa may unahan ng mga pila.

ayaw mo na talaga siyang makita, at diring-diri na rin naman siya sa 'yo. kaligtasan mong mahulog sa babasaging pamantayan at handa naman na siyang, banggit niya pa, na magpakawala ng pamalit na oras, basta't maitampok ka lamang sa pinakakaraniwang kabagutan habang hinehele pabalik sa parehong-parehong bangungot.

January 6, 2026

everyone's invited

dito ka lang naman din uuwi sa lahat ng mga kailan. lahat ng pag-uulit ay magtatapos pa rin, at kahit papaano ay nakikilala mo na nang maigi ang kahihinatnan kung saan ay sinanay mo na rin naman ang iyong sarili. walang kahit na anong puwersa ang makakapigil dito maski sino pang diyos. ang pagpaparaya ang natatanging paraan maging gaano pa man kaganap ang timpla mo sa 'yong mga paboritong bulalas.

kilala mo na ang paglilipat ng mga tapal muna bago ilagak ang huling tahan, sa huling tahanan. magiging tahimik lahat habang hinihintay ang pagsalubong sa buhos ng ulan. walang magagawa ang payong ni kapote o sumbrero sa raragasang agos. bawat pinto ng bawat bahay ay walang takas kasabay ng mga masisingitang bintana at pasilyo.

naghahanda ka lang sa wala, at malay na malay ka rito. ewan mo ba pero para bang tanggap mo na lang pala na wala namang kuwenta ang kahit na anong sakali. maski pa ang mga nauna nang marami, kamukha lang din ng mga bugbog-saradong lamat ang papalarin, at para bang mahihiya ka pa ba kung nagsisuko na ang lahat?

January 5, 2026

this should be the last

bakas ng iba't ibang kamatayan ang iniwan sa 'yo. napasinghap ka't kinalikot nang mabuti ang mga singit-singit ng pag-aalala para masubukang maisalaysay nang wari lamang ang lumalabo nang mga puntod.

tabi-tabi at kabi-kabila ang mga senyales ng bagamat ubod ng kipot ay mayroon pa rin namang mga madaraanan. hindi nga naman natatapos sa iilang mga palatandaan ang maaaring tahakin. hindi bawal umakyat at manapak, sumabit, magpakaldag sa yero at bagong-pintura na semento. kakakaripas lang ng mga nag-eensayo pang dumiskarte ng isperma para makabuo ng malamundong pampalipas-oras, pero hindi ka nag-iisa.

tinitigan mo nang maigi ang sanga-sangang lilim, na para bang may manggugulat sa 'yo na boses at pambihirang lisik. minabuti mong buuin ang iyong loob dahil ayaw na ayaw mong nagugulantang. ang mapayapang pagpirmi, maski pa na kunwari lang, ay mas mabuti na kaysa sa aligagang pag-aagap. inuunahan mo na dapat ang mga dapat na maunahan. lahat ay puwede at palaging sumablay. parati kang nakainom at walang kasiguraduhan kung araw-araw ay maihahatid. iniangat mo na ang iyong kamay.

January 4, 2026

should've went in for the vibes

kinapa ng masid ang bukana. walang pakiramdam na may magpapakilalang maski sino o ano ngunit litaw na litaw ang pag-aligid ng mga taka. handa kang sumagot ng kahit na anong tanong pero may mga nakabangko ka ring alinlangan. sadsad na lamang ng pagdiretso ang natirang buhay habang nagdadalawang-isip pa kung itutulak ba ang panibagong kantong sumusulpot.

napansin mong hindi ka pala kinakabahan sa mga nagaganap. sabay bigla kang kinabahan nang ganap mong mapansin ito. bibilis nang bahagya ang yanig na naghatid na ng sunod-sunod na paghinga. sinubukan mong pakalmahin ang bawat pagsalo sa sarili. ipinikit mo ang iyong mga mata at huminto muna sa paglalakad. inisa-isa mo ang butil-butil na nakakalap na koneksyon sa kabila hanggang sa tumahimik na rin ang salimuot.

pagdilat mo'y tuyo na ang mga palad mong malapit na ring kumulubot. naghintay kang ilang banta para sa mga sakali pang tutulo, subalit wala nang nag-usig pa. pinakawalan ang pulupot habang kumakawala sa tigas ng pagkabukod ng sandal. itinupi nang pabalik ang pamago nang may mapansin kang kakaiba sa iyong mga kuko.

January 3, 2026

maybe mausoleums

magigising na lang pabigla sa biyahe. wala nang ibang natira kung hindi ang nagmamaneho at ang ihahatid sa limot. lilingon ang manong at magtatanong kung maaari bang magbaba na lamang sa ayaw. magbubuntonghininga nang malakas para malaman ng nakakarinig na totoong wala siyang kasalanan. ipipilit pa rin naman niya ang nais niya, at wala naman talaga siyang paki sa paki ng iba.

naisipan mong pumara bigla para lang makabawi. kinuparan kahit gaano ang panakaw na pag-aako ng direksyon nang makaiwas sa pagkalito. saglit lang at unti-unti nang nakikilalang muli ang mga dati na para bang walang nangyayari. kakampi nang ulit ang lahat ng hangin, halaman, at insekto, at tila gusto pa nilang umakay at maghatid sa mga matang nagpapaligaw.

bawat hakbang ay presko at tanggal ang namuong awa. sa lahat ng mga kaibigang bumalik, hindi nakakapagod ni nakakasawa ang bumati. walang magkakamukha, hati ang salamuhaan. parating may dahilan ng ngiti at tawa. titingin lahat kung sino man ang hihingi ng tulong. maingay ngunit hindi nakakairita. sabay-sabay na ang bawat halos ng haplos, ihip, pagakpak, huni, sitsit, ugong, yabag, wasiwas, sabay, sabay, gulo, iwas, kalabit. lumingon ka't wala kang kasamang iba.

January 2, 2026

almost this time

malapit nang matuyo pero may kintab pa rin. markado pa rin ng dulas ang hindi na matatapos pang pagkukunwari kahit matagal nang walang nakatingin at nagbabantay. hindi minsan malay ang sarili na ang sarili na lang ang natitirang malay sa sarili. may nag-aabang na takot na sa ubod ng pangyari ay kinakayang magpahinto ng ano mang landas na malilingat na lang bigla sa waglit.

hindi na muling makakagalaw pa. maikakahon at walang takas. kasunod ng apat na pagtupi ng ipinipilit na pagtatapos ay nakailang ikot na pala ang bigong hindi na kailan man pa mapapatawad. magtutuloy-tuloy ito hanggang sa kumabog na nang todo ang lahat. saka lamang minsan nakakapiglas, sakaling maisahan ang pagliko sabay buong-lakas na pagtulak at pagtulad.

malas lang kung pinlano mo rin ang pinlano mo. hibang ka na yata, pangiting sambit habang paunti-unting ngumingiwi na at naghahanap na lamang ng muling mapagtataguan. wala sa kaliwa. lalong wala sa kanan. pupulupot nang muli ang piga pero wala nang mapakawalan pa. kung mayroon man, madali lang tatangayin ng katahimikan ang mga matitira pa sanang kaibigan. inialay na lang muli ang sarili sa sarili.

January 1, 2026

must be totally grand for you

nagmamadaling papasok sa malambing na yakap ng init. medyo mayroong pagkibit na ibalibag ang wasto sanang pampagising, pero wala na, kumulo na rin naman nang hindi oras ang ulirat sa pagbabalik agad-agad ng hindi naman pinapapasok na bisita. may pagtatakang bakit pa kailangang disiplinahin ang dakot ng gagamba, gayong pasulpot-sulpot lang din naman ang sirit ng sapot hanggang sa magkabit-kabit na naman sila nang walang tigil, parang hindi tinuruang nauubos din ang lahat, maski pa ang iba't ibang akala at sinungaling na nagpupumilit bumangon matapos basagin nang paulit-ulit sa lababo.

pipihiting marahan ang gripo, ayaw ng may tumatalsik. natutuyo naman din, kaya lang, siyempre, may pag-iwas pa rin sa kakaunting irita, kahit ngayon man lang. hahagip lang din ng kakaunting sabon, sabay ipapahid sa dumi, hanggang sa lumipat na ang amoy nito sa espongha, manghang-mangha ka.

padadaluyin nang marahan ang banlaw, uubusin lahat ng lagkit at lasa. hahayaan lang na magbagong-anyo't kumintab nang mag-isa, at dapat ay hindi minamadali. ang madulas ay pagkabasag ng sarili habang pinanonood pa ng mga nagpapatuyo na lamang. sa susunod ka na lang bibili ng panibagong espongha.

December 1, 2025

fresh air

sinabi ko na ba dati pa na ang kanyang ganyang estilo ay imposible naman talagang manakaw dahil lamang sa simpleng pangutya na ang bisa lang ng rumaragasang hangin ay dumaan lang at hindi mambulabog? mararamdamang ang ihip ay nakakapanibago nang saglit tapos, naiwan ka na lang nang walang iniiwan. mananatili kang blangko pa rin saka magtutuloy na humanap ng panibagong sasalubungin.

aksaya lamang ito sa oras. may iba pang mga dapat na atupagin. mas mabuti pa nga yatang lumabas at magmasid nang walang akit ngunit tamang timpla lang ng kape at buntot-buntot na buga. kitang-kita siguro ang ngiti ng luntian habang patuloy lang ang hiyaw sa iyong loob na walang ibang maaaring makapansin. aasim na lang bigla ang timpla hanggang sa humudyat na pilit ang iniiwasang sapit. utak mo lang naman ang pilipit.

at wala nang ibang hihigit pa sa iyo kung hindi ang mga binanggit nila tungkol sa 'yo. ang pagtakas ay nakakasawa na rin, hindi mo naman maikakaila. pati ang mga pato ng tadhana ay nagsiatrasan na. bagkus, pinupulot mo pa rin ang lahat ng mga iyo tungong ubusan na ng puwersa. magagalit ka nang magagalit sa iyong sarili, at hinding-hindi sa kanila. ang sisi ay madaling ibato kapag nagkandagulo-gulo na ang bawat bawi at wala nang nakakaalam kung saan nga ba at paano nga ba nag-umpisa ang lahat. hindi mo mauubos ang iyong kape. itatapon mo ang natira sa luntian bago ka pumasok at magsilid.

October 25, 2025

give it some time

i have never responded to sci-fi
or to breadsticks when i'm done
doing things i won't surely regret
while i fill weekend breaches alone.

these metaphors don't even matter
if i speak with sheer intent,
that i'd rather hear your spit
than suffer lifelong yelps.

stir up some gas, wipe off them sweats.
shit's about to echo against no threat
because i swear to god, i pray to you,
no amount shall pretend as big
as these motherfuckers drive through
masses with unpronounced guilt;

like are these mind webs even cared for
while i wait for my batch of breadsticks?
i don't really fucking know about you
but i'm about to holo some caught glimpse.

September 13, 2025

uncool banger

ang sining ay eskapo
sa reyalidad kung saan
siya rin ay nanggaling,

pansamantalang paglayo
at pagligaw sa sariling
matagal nang nahanap,

paglikhang may layong
ang buo nang espasyo'y
baluktutin at basagin

para lang sa kapayakang
maisilang ang kay tagal
nang bulok na bangkay.

July 31, 2025

there are no sides

tulad mo, tao rin ang nag-aalaga
ng mga hayop at halaman
na araw-araw mong inaasahang
magbibigay ng lakas pangkayod
na araw-araw ring nalalamon.

tao rin ang naghahatid sa 'yo
sa lunan na iyong destino
maging ang sasakyang ginamit,
tao ang may sukbit at sinabi,

hanggang sa dumaan sa kalsada
na tao rin ang may gawa.
init ng araw ay walang-wala
kapag nagsimula nang magbuo,
magtayo, at magsipag
ng taong hirap ay tinatiyaga.

sa tao lang din naman sila
sumusunod kapag may utos.
mga tao ring tinuruan dati
ng mga tao ring tinuruan dati.

tao rin ang mga nakikinig,
tao rin ang mga pasimuno.
tao ang madalas magsabi
aling bagay ang 'di biro.

at kung sakaling mamalasin,
at ang tao'y sumasapalya,
hindi ba't tao lamang din
nagbibigay-lunas sa kanya?

tao rin ang pumapansin,
sumisiyasat, nagtatanong
sa mga tao rin namang
pilit na pilit ang pagtatago
ng mga sarili na lulong
sa kahihiyang tao rin naman
ang nagpakulo't nagpakalat,

tulad ng taong sinasamba
ng mga tao ring tulad niya.
taong nag-iiba ang halaga
tuwing may taong naaapula
ang pag-iisip na para sa tao
nang sa hayop ang kumawala.

pero kung sakaling tao ka pa
para sa mga taong natitira,
tantong binuo ng tao ang tao,
at hindi mo kayang mag-isa.

June 11, 2025

company

as i drift into nothingness,
i let the little demons settle in.

these mock trials
have been going on
for a while now,
and every side of the room
pretends that it's always alright
to assume everything
is going to happen inevitably.

they are so sure they can see
that nothing ever happens
inside of me but absolute pity;
they disgrace me -- not that
i'm not used to uneasy gatherings.

my mail is full of malevolence,
and i try to to tell them this,
to let me speak, to let me
hear myself just once; but still,
they won't notice to ask of me
some sugar or some milk
while i sweep away
shattered glasses and silt,
minding if i have left time
for reading messages received.

as i am relieved into suffering
when i let the little demons out,
there's some denial,
it's fucking abysmal to lie down
getting comfy with my doom.

May 11, 2025

on notes

i am obsessed with lists
na hindi kailangang tapusin.
magmamadaling hahanap
ng instant panahon
para sa mga forever pakulo
that would never satiate
unwanted worries,
blaming anything else
but myself sa tuwing
may gulong magaganap
(tila 'di kinasabikang antala).

kikiskis at mandiriin
ang pagkukunwaring lutas
ng mga bagay-bagay
na pinasikat, pinakain,
minabuti't mini sundays,
hintulot lamang sa 'king
hangong pitifully priceless,

but i don't really mind this,
as long as i follow
what my heart believes
is right, how my eyes
feel when it's tight.

it has never been
about what's odd or even,
kundi kung paanong tatahakin
where the mind has never been.


March 28, 2025

strawpoint

ang dulo ba ay end,
o nasa simula rin?

kapagka nagtapos na,
maaaring mag-umpisa
muli, galing sa finish line
pauwi hanggang sa
mamaya-maya e
tutuldukan nang isa pang
sinulat na pangungusap.

lahat ay nauuwi
sa isang iglap.

March 14, 2025

the cycle

ang dulo ang unang magpapakilala
sa ‘yo at nang hindi mo namamalayan.

unti-unti ka niyang inuunti-unti
hanggang sa higit mo nang mapantayan
ang mga umpisa’t nasimulan,
mga higit pa sa higit na
at hindi pa nakikita, tulad mo,
ang bawat nakilalang bakit at paano
galing sa espasyong hindi rin mayari
ang sariling unawa sa taal na kuntento;

kung nilalaman nga ba ng habi’y
puno’t silbing maliwanagang konteksto.

itinakdang sumalimuot, bigyang-harang
ang bawat kabig, dahil saan pa nga ba
tutungong tunay kung maging
sa liriko ng lagos at laylayan
ay lihis lamang ang ligwakan?

sadyang walang pumilit tumahak
ngunit puntong sa ‘yo lamang iniliban
nang mapantayang higit hanggang
sa unti-unti mong mamalayang
nagpakilalang una sa iyo ang dulo.

December 27, 2024

thuds

i should just die on a table
working my ass off as always
on something not important
yet isn't a waste of time for me.
my heart would stop ticking,
i'd just collapse just then and there.
no one would be the sole suspect
but my own selfish habits.

it's not that i don't care at all,
but it would be pleasant for me
if i should just die on a table
and let me rest my deeds.

deathbed

kung gusto ko talagang maramdaman
ang labis-labis na kalungkutan,
ipadadama ko itong may pagdamay
kahit hindi ko inaasahan.
matatakot ang lahat sa aking lagay,
matagal ko na ring inasahan.
iibigin ko na lamang mamatay
nang matapos na ang aking laban

sa sarili, sa hinaharap,
sa mga kulay at nalalanghap,
sa mga paborito kong ulam at tv,
sa mga araw at mga ulap,
sa ulan, sa bagyo,
sa matinding sakit ng ulo.
lahat-lahat ay aking maaalala
ngunit hindi ni isang kuwento.

kung gusto ko talagang maramdaman
ang lahat-lahat ng kalungkutan,
ibigay niyo na lang sa akin
ang natitira kong kahilingan.