January 10, 2026

your daily dread

madali mo nang mapansin ang dalas ng kakulangan ng iyong pagpanaog. may dulot itong dismaya sa sarili at duda kung babalik na lang ba sa lumang napag-usapan. minabuti mong magpakumbaba at tanggaping hindi naman talaga matatapos kahit kailan ang pagkatuto. pinipigilan mo na rin, at pilit na pilit pa sa ngayon, ang mga buntot, sumbrero, kendeng, at manaka-nakang tulay na manatili pa sa iyong mga bahagi.

sa pagbuong muli ng iyong sarili, nariyan ang mauubos ding pag-asang mayroon pang panibagong mga espasyong walang-tanong na sasalo sa 'yo. ang muli't muling pag-eensayo ay disiplina sa sarili, pagpupukol na dapat lang na magdulot ng kumakapit na konsensiya sa mga inaabangan.

huwag mo pa ring kakalimutang huminga nang malalim, lumunok ng laway, magkamot ng nangangati, tumitig sa kisame, tumitig sa kawalan, kuwestiyunin ang sarili, humikab, mang-asar ng pusa, uminom ng tubig, pigilang umihi, gumilid ng utot, magpunas ng ilong, maglinis ng salamin, tanggapin ang sarili, salubungin ang antok, magbalewala ng kumot, manghuli ng lamok, at makipag-usap kay kamatayan. walang dasal ang hindi mo kakampi, magpasalamat ka.

No comments: