January 13, 2026

hey, give us some

malayo pa, at alam mong malayo pa pero, ewan mo ba, magpapalipad ka pa rin ng tanong ng kasiguraduhan, o kung may ibubuga pa ba, o kung saang punto ba mayroong silip ng pahinga, kahit na alam mong bawal, na alam mo ring kapag may bago kang sinimulan, maeengganyo ka sa hagap na may hawak ka sa mga hindi mo gustong hawakan.

ikaw ang pumili. ikaw ang dapat masunod. kailan ba ang huling beses na hinayaan mong palagan ka naman at hilahin kung saan ng mga pilit mong binibitawan? pakiramdam mo ba ay bilanggo ko na lang na mamamatay sa likod ng mga rehas na ikaw mismo ang nagpatayo't nagkandado? ano? bantay-sarado mo ang iyong sarili? ano ba talaga ang iyong binabantayan, at kailangan ba talaga ng bantay? sino ba talaga ang nagbilanggo sa 'yo?

ilang araw nang pabalik-balik ang kalansing ngunit wala man lang ni isa sa inyo ang nagkaliwanag ang kokote na sumita't makialam. paano nga naman ba ipagpapalit ang sasa ng pagkabatugan kung ang halip ay pawis at puwersa para sa presyong purong pobre't pupuwede na?