aksaya lamang ito sa oras. may iba pang mga dapat na atupagin. mas mabuti pa nga yatang lumabas at magmasid nang walang akit ngunit tamang timpla lang ng kape at buntot-buntot na buga. kitang-kita siguro ang ngiti ng luntian habang patuloy lang ang hiyaw sa iyong loob na walang ibang maaaring makapansin. aasim na lang bigla ang timpla hanggang sa humudyat na pilit ang iniiwasang sapit. utak mo lang naman ang pilipit.
at wala nang ibang hihigit pa sa iyo kung hindi ang mga binanggit nila tungkol sa 'yo. ang pagtakas ay nakakasawa na rin, hindi mo naman maikakaila. pati ang mga pato ng tadhana ay nagsiatrasan na. bagkus, pinupulot mo pa rin ang lahat ng mga iyo tungong ubusan na ng puwersa. magagalit ka nang magagalit sa iyong sarili, at hinding-hindi sa kanila. ang sisi ay madaling ibato kapag nagkandagulo-gulo na ang bawat bawi at wala nang nakakaalam kung saan nga ba at paano nga ba nag-umpisa ang lahat. hindi mo mauubos ang iyong kape. itatapon mo ang natira sa luntian bago ka pumasok at magsilid.
No comments:
Post a Comment