December 28, 2021

i smell something of the past. 
reminds me of something sad, 
something long ago. a bit blurry, 
a bit far away from me. 

makes me want to return to your arms, 
to the smell of your cheeks, of your hair, 
as you bat your lashes thinking 
of something you want to hear, or see, 
or sometimes always of food. 

you never ran out of things to make me tell you 
as i always ran out of breath; 
for when you had always been near me, 
how am i supposed to forget about everything, 
out of everything that you had said to me, 
and i, done towards you as my love, 
how come the world never, 
have wanted, became us. 

we did run out of time, 
and nobody did tell us how this fuckery goes, 
and that everything planned won't ever come to, 
why didn't we just stay... 
with that something of our present, 
never minding the ticks and tones, 
we could've just lain bones to bones, 
breath on breath, my nose on your breasts, 
as if each kiss was meant to slow down time, 
each kiss, we begged against everything, 
against being normal again, against pain, 
against... oh i don't know, just fucking please, 
i don't want to mess things up again for me. 

making mortal things last seems stupid 
yet i still try to everyday. i know why i shouldn't 
yet i still fuck it up, somehow, 
and again and again, 
perfectly aware, not giving a shit, 
making this whole load of bull 
the existence that only makes sense. 
i have familiarized myself with nothing 
but agony and anxiety, and i know that 
i won't be calm as much 
if nothing else goes wrong, 
and yet this smell, this smell of the past, 
your smell, at least, 
was this one thing that had always been right.

December 21, 2021

Medyo kumakalma na yata yung puso ko pero maya't maya ka pa ring sumasagi sa aking isipan. Titigil ang mundo kong saglit tapos tuloy na ulit sa ginagawa. Minsan mapapangising matulin, maaalala ang iyong ngiti, iyong mga mata sa akin, tapos, tapos na ulit. Gumagaang saglit ang aking pakiramdam sa ilang mga segundo. Naaalala kita. Iniisip din kung naaalala mo ako. Parang hindi naman din siguro, tapos, mababasa ng luha ang aking mga mata, habang iniisip muli ang iyong mga mata.

Parang mabilis lang na nangyari ang lahat, pero nagiging magpakailanman na ang pagbaon sa akin. Umuukit lalong pailalim sa tuwi-tuwinang sasagi ka sa aking isipan. Ano ba itong aking nararamdaman. Paano bang ang senyas ng saya ay may dala sa aking dalamhati? Nag-aalala ako minsan kung nasa katinuan pa ba ako. Hindi bale na lang siguro, basta't nagagawa at naiintindihan ko pa ang aking mga gusto. May mga gusto rin akong hindi ko pa yata maaabot, makikita, kahit malampasan. Kung matatagpuan kitang muli, bahala na ang mga daraanan sa hinaharap.

Pagbaba, hindi ko na maalala kung bakit wala yung iba nating mga kasabay pauwi. Malayo ang lalakarin mula sa opisina. Nakakawala ng pagod kapag tapos na ang trabaho. Manilaw na ang mga liwanag sa kalsada. Tiningnan kong muli ang aking phone, tapos tiningnan kita. Alam mong kinakabahan ako. Nanatili muna tayong tahimik. Sa paglalakad, unti-unting lumalakas ang yapak ng ating mga talampakan sa semento. Dumaraan na sa gawing kaliwa ang mga sasakyang pauwi na rin siguro. 

Bahala na lamang ang lahat, para sa lahat ng lalabas sa aking isipan, sa aking bibig. Ayos na ring pinakinggan mo ako. Huminay ang tibok ng aking puso. Kasingkalma ng buwang pinagtawanan lamang ang pagtatapat ng aking pag-ibig sa iyo. 

December 14, 2021

Ipaalala mong muli sa akin ang mga gabing mayroong libreng puyat at pagkain. Kalam ng init ng cup noodles, iniabot at muntikan pang kagatan na tsokolate, hati tayo, mainit na magkakaibang kape. Titila-tilagpik, pati pang mga papitik na antok, kamot, tingin muli sa orasan, higang kaunti sabay balik ng ating mga likod sa wastong kinalalagyan. Sisilipin kitang malayo sa aking isipan, iniisip kung iniisip mo rin ako. Ano kayang masarap na pagkain mamaya? Mabibilhan kaya kita? Mabango iyon lalo na kung umaga at wala pang masyadong nakikigulong mga ulo, mapagtanong, mapagkunwari... matapos lang ang ilang oras na pagbabatian.

Marami ka na kayang natapos? Ako ay 'di ko na rin masabi. Hindi ko rin naman kasi nabibilang. Tuloy lang sa paggawa, tuloy lamang ako sa pag-iisip. Iba-iba ang naririnig ko nang mga mungkahi kung dapat pa ba o tama na. Minabuti kong magpatigil pa noon, ayon lamang din sa iyong kagustuhan, iyon pala, marami ka nga rin palang iba-ibang kagustuhan, kagustuhan. Hati kami, sa musika ng iyong mga mata, sa lambing ng iyong labi, sa kislap ng iyong katarayan. Nangungulila akong tulala sa iyong mga pag-irap, sabay ngiting pahabol ngunit pilit pang inililihim sa akin, ang mga lihim mo sa akin...

Mayroon din namang inilihim mula sa iyo ngunit dumaan din ang ilang mga tag-ulang walang payong, tag-araw kasama ang mga ulap, pakikisabay ng kapeng nag-iisa lamang na timpla, paulit-ulit hanggang sa ako ay makabuo na sana, napasaan ba ang aking mga nabuo, na para sa iyo lamang, para sa iyong kawalan, pagbabagong magpagulantang sa iyo at magdulot ng mga luhang dumadaloy sa nakangiti mong wagas na mga pisngi. Nasaan na ba napunta ang lahat ng akin, lahat ng aking pasa'yo lamang, ikaw lamang palagi ang takbuhan ng aking isip, ng lahat ng aking ipong tamis, tipong 'di na makakalaya pa mula sa'yo.

Ikaw lamang ang paborito kong paano kung. Ngayo'y tanungin mo 'kong muli tungkol sa aking mga hinayang.

December 7, 2021

Bigla-bigla ka na lamang sumandal sa akin, papalapit. Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko. Unti-unti mong idinikit ang gilid ng noo mo sa akin. Sabay ngiti. Hindi ko alam kung anong susunod na mangyayari pero gusto ko na itong mangyari. Inuntog mong mahinay ang iyong noo pagtapos ay dumulas nang bahagya, ngiting muli. Lumayo kang bahagya sa akin, at bumalik kang muli. Nagtagpo ang ating mga paningin ngunit madali kong iniliko ang akin. Nahihiya pa rin ako, lalong kumabog ang sa aking dibdib. Ibinalik mo ang iyong noo, ang iyong pisngi, sabay... halik. Humalik akong may pag-ibig sa aking mga labi, sa ating pag-ibig, sa pag-ibig ng ating mga labi. Matagal kitang dinamdam, matagal kitang hinintay. Naghiwalay nang maaga ang ating mga pagngiti, sabay balik sa iyong pisngi, ng iyong mga labi, sa aking pisngi. Nagbago ang aking pagtibok subalit ayaw ko nang tumigil pa. Ramdam ko ang iyong saya 'pagkat bakas sa iyong mga kumpas na iyo lamang ako.

Dumilat akong bigla, dinapuan ng lungkot. May mangilang butil ng luha ang tumakas sa aking mga mata. Pinunasan kong agaran matapos yumakap sa aking unan. Pumikit nang muli. Nasaan ka na? Nasaan ka na?

Tumambad kang muli sa akin, hawak ang aking kanang kamay, hila-hila ang aking sarili. Sumusunod lamang ako sa'yo. May tuwa sa iyong boses maski pang nakatalikod ka sa akin at hindi ko nauunawaan ang iyong boses. Tumigil tayo sa paglalakad, lumingon ka't nginitian ako nang may pag-ibig, pag-ibig na iyo lang, na iyo lamang ako. Inaya mo akong maupo. Tumabi ka sa akin at bumalik na naman ang kaba sa aking dibdib. Ihinimlay mo ang iyong pisngi sa aking balikat. Napansin kong umangat ang iyong kamay sabay hila sa aking baba, sa aking pisngi. Halik. At isa pa, at isa pang muli sa aking labi, tungong ating mga labi. Iyo lamang ako, oo, iyo lamang ang aking pag-ibig. Kuliglig at alitaptap na lamang ang natirang pumalintabi sa atin. May binanggit ang iyong boses na hindi ko pa rin naintindihan ngunit alam kong masaya ka sa akin, sa atin.

Dumilat akong muli, at muling yakap na kay higpit sa aking unan.

November 28, 2021

May kung anong umaga ang nananalaytay sa iyong mukha. Nakagisnan ko na yatang ngumiti sa iyong mga ngiti sa tuwing gigising na lamang ako, maski pang maulan, kulimlim, ginaw ng air con, ilaw ng cell phone na kapapatay lang ng alarm. Ayaw mo ring bumangon, ayaw kong pang magising. Ayaw ko pang lumayo sa nakakagisnan na natin.

Kahit pa mabigat sa paggising ang katawan, walang dudang ikaw lamang ang hinahanap kong gaan, sa aking dibdib, sa aking mga pisnging iyong-iyo lamang. Bayaan ko na sana lahat ng gusto ko, ng isipan kong mapagkamalan. Gusto ko lang ang mga gusto ko, at gusto ko lamang na mahiga muna rito. Paamoy ngang muli ng pisngi mo.

Pasensya ka na, at ayaw mo nga palang humingi pa ako ng pasensya. Hindi mo rin matantya kung ano na itong grabeng hindi mo na maintindihan kung nangyayari at mangyayari pa nga ba. Ayaw pahablot ng mga segundong paisa-isang nangingirot sa ating mga pusong baka hanggang ngayon na lamang magtagpo, bilang din namang bilang ang lahat ng naibilang na natin sa ating mga buhay, mga damahin ng damdamin.

Mahirap isiping lahat din ay matuto dapat na magpaalam. Pinag-eensayo na tayong ngayon ng panahon, sa uulitin, sa nakagisnang kalilimutan din naman. Doon din naman hahantong sa malayong papalapit nang papalapit. May kutyang agad na kakasat sa ating paggising, at wala nang iba pang ganitong mauulit na umaga.

November 21, 2021

Mensahe sa bangungot, papalaging pagpapaalala, o paratiang naaalala na lamang talaga. Lamang ang dilaw, abo, langit na pangumpisal. May dilag kung luluhang muli ang langit ngunit kay tagal pa ring hinihintay. Madalas ay nakasakay, madalas na kinakabahang mahuli at hindi na umabot. Madalas ay hindi nakakapaghanda sa hindi rin maisakatuparan sa isip. Mayroong butas sa dibdib ukol sa hindi pa rin natatapos na nakatago sa dilim. Mag-aabang sa susunod na dyip, mayroong ibang taong magpapara, pero ni walang nakakakita kung ano na nga ba ang susunod na daraanan, kung nasaan na ba ako, kung nasaan pa ba ako, at kung sino nga naman ako.

Ang guwardya ay paulit-ulit na nagbabagu-bago ng isip. Minsan ay kilala niya ako, minsan, hindi ko rin siya kilala. Ipinagbabadya sa aking isipan na dapat akong makapasok at makaakyat sa ikalawang palapag, kung saan naroon ang mga lumang aklat, sa loob ng lumang silid-aklatan. Hindi ko rin kilala ang naiwang tagapagbantay. Unti-unting lumalabo, napupundi ang luntiang liwanag ng mga bumbilya. Maya-maya'y may naghahanap sa akin na maestro at tinatanong kung nakaligo na ba ako.

Padabog siyang umaakyat sa hagdan at ako nama'y madaling naghanap ng masisidlan. Pumasok ako sa loob ng aparador maski pang alam kong alam niyang iyon na lamang ang tanging taguan. Nawala ang dagundong ng kanyang bawat pag-akyat, tumigil na rin ang pamamawis ng aking noo at mga pisngi. Napasandal ako sa mga damit na nakasampay, sabit sa loob. Napapikit, naisip kung paanong makalalabas sa pinilit kong pasukin.

Mayroong nabasag na salamin sa may kalayuan. Pagbukas ko ng pinto'y maghahapon na at sa may 'di kalayuang gusali'y sunud-sunod na ang paglabas ng mga mag-aaral. Mukhang mahuhuli na naman ako.

November 14, 2021

on snail mail's valentine (album), a pseudo-review

Hindi pa nasapit ang Nobyembre, sabik na sabik na akong mapakinggan kang muli - at hindi yung pagbalik sa may tumal nang nakaraan kundi sa bagong ikaw, sa iyong bagong pagkana, sa iyong gitara, ng iyong may lambing na boses, sa aking pusong may ngatal para sa lambing ng iyong boses.

Sa unang kinig ay tumipo ang pagkabahalang mukhang mayroong pagbabago mula sa iyo. At kung dahil ay inasahan naman, para akong napasasayang muli ng tsokolateng ngayon ko lamang ding natitikman. Para akong dinadala sa ibang lugar na pamilyar pa rin naman sa akin, dapat. Ibang-iba ang iyong boses mula sa nauna mo nang pasadya. May bahid mula rito, ngunit may senyas ding makabago.

Ang iyong pag-awit ay lalong pumaanyaya, may lagkit ng halika at kailanman, may haplos pang tila may galit pa rin sa pag-ibig kahit na paulit-ulit pa ring magbabalik. Bawat halik sa aking tainga'y tangay-tangay ako sa hindi na sana matatapos pang paglalayag. Pinaibig mong muli ako sa'yo, nang ilang libong beses pa. Napagtanto kong sa kabila ng lahat ng paninibagong ito, na hindi pa pala talaga kita kilala noon, na ang lahat ng paglalahad ng iyong buong sarili, buong-buo, ay siyang bumalandra't bumayaan, walang sinisino dahil kuntento sa sarili.

Ang pag-ibig ay sagrado, pag-ibig nang hindi mag-iibang sino, kundi kahit nang yumuyurak at nagpapakilala ng ibang ikaw, ikaw at ikaw pa rin mismo ang totoong umiikaw. Ang iyong paggigitara'y pumatok pa rin sa aking puso. Tipong may hatid pa ring hanep, holy shit, ano 'tong nangyayari sa akin? Hindi ko kailanmang naintindihan lahat ngunit ako at ikaw lamang din ang aking tinanggap, sa aking puso, nang buong-buo.

May pagsasanibang todo tama ang timpla, parang gin at pomelo sa hapon, sigarilyo at ash tray na mamaya-mayang babasagin ng hindi may-ari, parang iyong pag-awit sa akin gabi-gabi, pinapaubaya ko na lamang sa iyo ang aking bawat bilang, bawat paghinga, iyo na (muna) ako.

Bakas pa ri't umuukit ang iyong pagkamakata. Bawat linya pa'y ibinulalas nang masking may pabagu-bagong tiyempo't uliran, sakla-saklaw ang pagdidikit-dikit ng lahat ng itinumbas na danas. Walang halong kemikal, hindi naman talaga mapanganib. Ang pag-ibig na totoo ay walang sinusunod na batas ngunit nasa may pangyaring landas. Iniaayon na lang kung sino at ano ang mangyayari, ang mayayari.

Bawat awitin ay may tinding pagpapaalala ukol sa 'di na maipaliliwanag pang kalungkutan, pagpapahalagang muli sa mga panahon ng pagsasarili, at ang lubos na nais na mayaring muli ng pag-ibig, pagmamahal, nang dahil sa pag-ibig, sa kahit na ano, kahit na sino, 'di wari kung may lungkot o pagkawala sa sarili pang ganap na katotohanan.

My favorite tracks were: Glory, Forever (Sailing), Headlock, and Ben Franklin. Check out their Lush album too, and their EP, Habit.

PS: Mia was especially lovely to listen to, but only if you follow the album's track list order, from start to end. Kind of like how Rogue One (2016) would make sense if you watched the previous Star Wars films in order. 

Maraming salamat, Lindsey Jordan! Maraming salamat, Snail Mail!

November 7, 2021

kay a.

naaalala ko pa
nung pumunta ako
roon sa may inyo
para lang mag-inom,
maggitara, kumain
pati ng carbonara;
merong ligaw yata.

hindi ko siya kilala
pero ikaw, kilala ko.

mamayang saglit lang,
may kinig ng tugtugan,
bibili ng beer, tsaka
'di ko na maalala kung
taco pa ba o sisig.
basta 'di carbonara.

nasaan na ba siya?
baka hindi niya na
maabutan ang iyong
may ayang pagkanta.

October 28, 2021

Gago, men. This has been fucking haunting me for quite a while now.

Classmate kita dati na kumuha ng bar exam (yata)? Nagpost ka online tungkol sa pagbagsak mo sa nasabing exam. Nagcomment ako nang hindi pa nababasa nang buo yung post mo. Ang nakita ko lang na mga salita ay bar, exam, covid, tsaka pangalan mo. Tapos sunud-sunod din kasi yung mga pumasang tao noong time na yun. But like ikaw na cinommentan ko yung parang naging kakilala ko lang talaga kasi nga naging magkaklase tayo. So, the tanga in me, nagcomment agad ako ng congratulations yata no'n.

Nagreply ka na bumagsak ka.

Tapos putang ina nagpanic na ako hahaha.

Naaalala ko na ipinalusot ko pa nga na congratulations sa iyo kasi sinubukan mo pa rin. Congrats sa hakbang na ito, it's one step towards bla-bla-bla; mga ganung-ganung palusot lang, amidst the pakikiramay at mga nagbasa-talaga-ng-post na comment. Yung comment ko lang yung phony, bastos, walang awa. Dasarv kong mapahiya sa totoo lang. Itinulog ko na muna hanggang sa kinabukasan, dinelete ko na rin 'ata yung comment ko. Ang tanga ko, fuck.

Hindi ko na mabubura yun sa isip ko talaga. Hindi ko rin alam kung anong naging impact sa iyo nun. Ang lala, cyst. Feeling ko anlala ng kasalanan ko na to this very fucking day, sa t'wing naaalala kita, minumura ko yung sarili ko, na antanga-tanga ko. Bakit hindi ako nagbabasa? From that point on, bago ako magcomment, dinadamihan ko na yung mga salitang binabasa ko, kahit na kadalasa'y skim and scan pa rin.

Diyahe, 'tang ina, pero ayun na nga. Anxiety kicks in hard kapag may shineshare akong data at information. Bago rin ako maglike minsan baka kelangan botohan pala kung anong pinakamasarap na sinigang so baka dapat heart react pala. Kailangan ko nang magdahan-dahan sa pagbabasa. Palagi akong nagmamadali. Angry react naman diyan kung binasa mo talaga nang buo 'to. Tapos syempre 'wag mo ipangalandakan sa comments. Madalas akong magpapansin, at sanay nang mapariwara. Pinipigilan ko na rin ang sarili ko na 'wag na masyadong makisawsaw sa mga sinasabi sa Facebook. Kapag kailangan na lang talaga. Tsaka syempre grammar is still not a motherfucking game.

Sorry sa'yo kung nagcongrats man ako nang 'di oras, 'di wasto. I want you to know na inisip ko talaga na kailangan ko nang magbago matapos ang moment na yun. I am writing this habang ngatog pa rin ang dibdib ko sa anxiety sa t'wing naaalala ko ang aking katangahan. I am sharing this thinking na baka somehow medyo makaluwag sa puso ko? Hindi ko rin alam. Hindi ko alam if this thing will pass. And I am only just talking to myself anyway at the end of the day.

Kumusta ka na sa ngayon? Pumasa ka na ba? I hope the time has come. Sorry ulit.

October 21, 2021

Nagising ako nang madaling araw. Parang meron lang kumalabit, o basta parang may humihila na lang sa kumot ko? Hindi rin malinaw. Madilim pa pati. Pagkagising ko kasi, parang nasa baba na ako ng unan ko? Sa kalahati na lang din ng kumot nakasuot ang katawan ko. Titingnan ko kung meron na naman ba akong katabing aninong nakaupo sa aking paanan, sa aking gilid, sa sulok na malapit sa aking kama. Wala naman. Kahit wala, parang kinakabahan pa rin nga ako. Nakakaulol. Tinatakot ko na naman ang sarili ko.

Parang nakabukas yata yung gripo sa banyo? Umupo na muna ako para luminaw nang kaunti yung pandinig ko. Chineck ko na yung phone ko. Facebook. Scroll. Natatakot pa rin ako. Hindi ko na maalala yung panaginip ko. Sana naalala ko na lang. Parang bukas talaga yung gripo sa banyo. Ayaw kong icheck. Pota. Natatakot akong tingnan? Pero gusto ko rin malaman kung nagsasayang na naman tayo ng tubig. Chineck ko ulit yung Facebook, baka merong memes na nakakatawa. Dalhin ko na lang kaya yung phone ko papunta sa banyo? Hahaha putang ina, hassle.

Bumangon na talaga ako mula sa kama. Tinamad na akong magbukas ng flashlight. Ayoko na, bahala na. Bahala na talaga. Sinugod kong palakad yung banyo, rekta ng kamay sa switch. Pagkaliwanag, wala namang tubig na nalabas sa gripo. Umihi na lang ako. Ang tagal ng wiwi ko. Lumingon ako at baka merong nag-aabang sa likod ko. Baka maihian ko pa siya, or yung sahig. Tapos maglilinis pa ako ng wiwi ko, kadiri. Tiningnan ko yung linya ng wiwi ko habang papalakas nang papalakas yung ishinooshoot ko sa bowl. Ang tagal. 'Tang inang iced tea 'yon. Lingon ulit, baka may nakangiti na sa aking babae na nakaitim na damit tapos gulu-gulo buhok. 'Tang ina, 'di ako makawiwi nang matiwasay potang inang utak 'to woo!! Matagal pa ba?? Nakakailang tulak na yung buong etits at bayag ko parang andami pa ring laman?? Lingon ulet, baka biglang may kumalabit sa batok ko putang ina tapos hihingahan ako sa batok kadiri na ewan na please matapos ka na umihi parang awa mo na.

Natapos din. Chineck ko uli yung gripong mukhang okay naman. Tinesting ko sa utak ko yung ruta pabalik sa kama kasi tatakbuhin ko malamang. Baka biglang may humablot sa akin pagkasara ko ng 1-2-3 GO!! Wala nang anu-ano. Medyo maalingasaw na rin kaya hindi na ako nagkumot. Pero baka nga naman may kadiring mga kamay na buto't balat na biglang humablot sa mga paa ko sabay hila sa akin. Ayokong sumigaw nang madaling araw. Kahit na alam kong magigising naman yung mga kasama ko kapag sumigaw ako. Parang meron akong pekeng tapang para matulog 'pag may isang kasama pa ako na gising.

Nagbukas na lang ulit ako ng phone. Wala na. Pumikit na lang ako. Bahala na kung merong nakatingin sa akin sa may sulok. Kung merong papalapit nang papalapit mula sa banyo. Kung merong hahablot sa aking mga paa.

Parang nakabukas yung gripo sa banyo.

October 14, 2021

Mayroong mga bago. Lahat sila ay nandirito sa ibaba. Nagawa na ang lunan dahil lang sa malaking pagdagdag sa tulin. Rumekta ito sa pagkitil sa dambuhalang suliraning naghatid naman ng magagandang biyaya para sa karapat-dapat naman na pangkat. Iyon lamang, palaging mayroong tuluy-tuloy, at 'di na matatapos nang pagpili kung sino talaga ang nararapat.

Ang ating ilalim ay nasasailalim sa pinakaayaw na mga pagsugod, pag-atake. Kinakailangang maging mabilis, at maya-maya'y maaari nang magamit ang pinakamalakas na kapangyarihan. May pagkonsidera sa pagprotekta sa mangilang mga kasama, kasabay ng tunay na kabuuan ng loob para masilip ang nasa may ibabawan.

Punit na punit, paunti-unti, ngunit may kasiguraduhan, ang salapi'y naiipon nang naiipon hanggang sa umabot sa puntong perpekto nang pumalag. Magtatago sa anino ng mga puno, aninag lamang ng kaliliit na nilalang. Mapalibutan man ng maraming pumapalag din, mahirap pa ring matibag ang lamang sa banta. Iaakyat ang lupong natulak, ngunit magiging handa pa rin sa pagkawala ng kontrol. Mapapatahimik, kakalampagin, may matitirang kudlit sa tunggalian at magkakaroon ng pagdutdot na bigla-bigla na lamang mauudlot.

At dahil doon, matatapos sa sunud-sunod na pagkamatay. Maiisip ng mga nasa tanggulang gilid na nagsisitawanan lamang, hinding-hindi makakapaniwala na ang pamilit buhayin ang sarili at mabuhay ang siyang dapat na ilaan sa nag-iisang buhay para mapalitan ang mga bago.

October 7, 2021

Let me try this again.

I cannot feel happy anymore. My self does not want to cooperate with what might be every last minute of my hands and eyes trying to slurp tiny inches of life. It is difficult just letting myself think of how to even begin from waking up early, making my bed, oh, my fucking bed, yes. Did you know that bestfriends do not seem to be the best at all specifically when your body gets tired of all these nasty sub-collections of I don't knows and how do Is but just because everything in their lives mimic something of someone to prove of how close gods can be, it is very, calmly very irritating to admit that somehow, I am still alive.

There is this lack of being which by the way, is sort of always manipulating my hours of mundanely mushing trivial tasks, making me stand still at the very same toll as I wait for everyday finale. Such habits train my thoughts into giving up temporarily on questioning daily existence. However, stupidity tends to attract distractions with which to debuff and counter, thus distracts distractions. Overcast skies sometimes negate fleeting feels of affection on baby ducks and dogs. Coffee and sleep do not work anymore. My scalp feels wet and sad, and I do not feel that I care so much that I let my cores trash-talk me for not having sufficient wards on the map. 

Smoking cigarettes is right now a fucking blink away.

As I exhale a breath of anger towards my friends, my mind would burst-flood my flow with wits of patience and quietness, inevitably leading me into this marsh pond, swallowing me whole while I sip on my next followings. Another exhale would be relaxing but a reminder that all of my jests have come back to me, and will always be my sudden anxiety.

September 28, 2021

'Di ko na magawang maging masaya. Hindi ko na maramdaman. Hindi ko na alam kung anong nangyayari, o paanong nangyayari 'to. Saan ba 'to nanggaling? Matatapos pa ba? Hindi rin alam kung paanong nagsimula, o kung saan pang huhugutin ang aking sarili. Pagod na akong mapagod, takot nang magsalita. At sa tuwing may hahanaping pampalubag, saka darating pang may ibang sakuna sa pag-iisip. 

Maraming beses kong kinakausap ang aking sarili sa pang-araw-araw na pangangamote. Nakailang palibot na ako sa bawat eskinita ng aking isipan. Kilala ko na ang ibang ako, kilala na rin ang mga hindi ko pa naibubulalas. May mga estanteng kakaiba pero hindi kakaiba sa kanila. Ang ako na may paniniwala sa iba, maaaring maniwala sa iba kinabukasan. Sa lahat ng aking nakatagpo at nakausap, walang may iisang may pakialam.

Paano nga ba akong nag-umpisang mawalan na ng pakialam?

Hindi ko na magawa pang sumaya, ngumiti sa iilang mga marka. Alam kong ako lang 'to, at ako lang din ang may sala. Alam kong marami akong sala, alam ko ring may mga nagawa ako. Alam ko ring may mga magagawa pa ako, at alam kong may magagawa pa ako. Hindi ko ito inuulit, may pag-akmang hindi pagsuyod. Alam ko sa sarili kong may magkakaiba akong paglunsod sa mga iiwanan kong marka, o sa mga markang iniwan sa akin, mga markang naiwan sa akin, mga markang hindi na pipilitin pang maiwaksi, maikalat, manghikayat. Ang lahat ng ako'y hindi mapag-isa 'pagkat silang-sila rin ang may banat sa tuwing may iba, sa tuwing may ako na sisita, sa tuwing ako na may gagalaw, may bahid pa ring may panaklaw sa lahat ng matitirang ako, sa lahat ng matitirang ako. Hindi na bale pang iba, basta't ang iba ay ako pa rin nang ako.

Ako na raw ang bahala, akong wala nang pakialam, akong may hindi na nalalaman kung bakit hindi na masaya ang aking bawat pagbangon sa umaga, bawat pagtiklop ng kumot at sarili. Pagkaiwan ng unan at kama, saka ko lamang inuunawa ang himig na bakit pang aayusin kung magugulo rin naman? Bakit pang kailangang isipin ang hindi na kayang pasukan ng kahit na anong ehemplo pati pato pati panabla. Bakit bang sa tuwing titira na ang tadhana, saka lamang maiibsang ang lahat ay wala na ring pakialam, wala nang ibang nakikita. Sa silbing may tantyang ako ito at ikaw 'yan, lamang lang din ang walang alam.

September 21, 2021

I can still almost vaguely remember that one time na pinasukan ng lamok yung tenga ko. Hindi ko na maalala kung aling tenga, basta madaling araw 'yon. Hindi ko na rin maalala kung bakit gising pa ako, o inabot ako ng kulang na antok. Haplos sa takot na naman siguro ako noon dahil sa hindi ko kinakayang matulog talaga nang mag-isa sa madilim na kuwarto. Pangungunahan ng takot yung isip ko, saka ko na malilimutan yung pagod, yung sakit na mararamdaman bago ayaing managinip. Mabisang panabla nga pala para sa akin ang takot laban sa pagtatapos ng umaga, hanggang sa mag-umaga nang muli.

Malakas gumilas ang ilaw kapag tulog na ang lahat ng kasama mong beings sa bahay. Yung tipong ikaw na lang yung may malay, may umaatikabo pang pagtibok ng pulso. Alam ko sa sarili kong nasa utak ko lang ang lahat pero punyeta talaga e. Humiga na ako habang nag-aabang ng papatay sa akin. Every 15 seconds, chinecheck ko yung pintuan kung magbubukas bigla. Every 2 minutes naman kung baka sakaling may tumawag ng pangalan ko o sitsit man lang sa bintana. Sisilipin ko pang pati yung lumang blinds kahit na maalikabukan pa yung mga daliri ko. Hindi ko rin alam, 'tang ina. Bakit bang alam kong wala naman pero buo talagang magkakaroon, magkakaroon 'yan, bobo.

Pinilit kong pumikit na talaga at hayaan nang malamon ng mga demonyo ng aking isipan. Ang alam ko papahigop na ako't unti-unti nang nawawalan ng mal- bzzzt. Bzzzt. BZZZZT. Madaliang tinanggal ko ang kumot na lumumpia sa akin. Lalong lumamig ang pawis, nadagdagan pati. Tumibok nang abnormal yung takot ko, kakaibang takot, parang lalapnusan ka ng hininga sabay diretsong kaluluwa. BZZZT BZZZT. Inalog ko yung ulo ko, sabay taktak sa sentido. Sinubukang abutin ng daliri ko. Gago, naitulak ko pa nga yata?! BZZZT BZZZT! Teka lang teka lang teka lang. Gigisingin ko na ba yung nanay ko? BZZZZT! Oo, putang ina mo, putang inang buhay 'to. Inaano ba kita? Fucccck!!

Lumabas na ako ng kuwarto. Ginising ko na si Nanay. BZZZZT! Markang-marka sa aking mukha ang panic so natransfer din adjacently yung panic ko sa kanya. Ayos dahil dalawa na kaming natataranta. Sinabi ko na kung anong nangyayar- BZZZZT!! Hindi na ako makapagmura from this point onwards so iniloloob ko na lang ang bawat bulalas. Sinubukan ding dukutin ni Nanay, silipin mula sa aking tenga, pero wala ring palag. BZZZT!! Gusto kong lumuha na ewan kasi inaantok na rin ako. May pasok pa ako kinabukasan. Walang ibang naisip si Nanay kundi dalhin ako sa doktor, emergency.

Lumabas na kami ng bahay, ginaw na ginaw. 'Di ko sure kung papasapit na yung kapaskuhan nito pero wala rin, ewan. Malay mo, kaya maginaw. Anyway, dahil madaling araw pa rin, walang mga tricycle sa may gate ng subdivision. Buti merong mga guwardyang nagising namin at nahawaan din ng motherfucking panic. Iniradyo na nila sa ibang lupalop ang sitwasyon. BZZZT. BZZZT! Habang naghihintay, ipinataktak nung isang guard yung ulo ko, baka sakaling mahulog or lumabas yung lamok. Ginawa ko naman kasi ewan ko, desperado na rin talaga ako. After siguro ng ilang minutong pagheheadbang, buti na lang may dumating na tricycle.

Lalong guminaw dahil sa pagpapatakbo. Parang 'di lang din naman chill yung lamok sa tenga ko kasi ramdam kong gusto niya na ring makalabas. Tanga ka pala e, bakit ka pala pumasok diyan? Napakabobo. Kung 'di ka ba naman tatanga-ta- BZZZT, BZZZ-BZZ-BZZZTT!!! Medyo nasasanay na ako sa buzz pero 'di ko rin sure kung inaantok na ako't pagod na wala nang pakialam din. Nang makarating sa clinic, sinalubong kami ng nurse at agad na isinalaysay ng nanay ko ang motherfucking situation. Kalmado lang yung nurse. Pinaupo ako at tinutukan ng flashlight yung tenga ko.

Hindi ko na rin, oo, maalala kung anong bullshit na gamot yung pinainom sa akin. Meron din siyang ipinatak sa tenga ko. BZZZT. BZZsst. pzzt. 'Di ko alam kung nalulunod sound effects na yun ng yawa. pzzt. Meron pa rin. Napangiwi na lang talaga ako as in yung ngiwing wala nang pakialam na meron pa ring slight paki kasi nga may pzzt pzzt pa rin. What if manganak siya sa tenga ko? What if mangitlog nang marami? What if magpiyesta yung lamok family sa loob ng tenga ko? Paggising ko ba bukas, patay na ako? I mean, 'di na ba ako magigising bukas kasi pinasok na ng 1 million fuckers yung brain and organs ko? Ngiwing-ngiwi. Kaso pagod na rin ako. 

Matapos magpasalamat sa nurse, bumalik na kami sa nakaantabay na driver. Pagkabalik sa bahay, tinanong at kinamusta akong muli ni Na- pzzt. pzzt pzzt! Meron pa rin po e. Wala na kaming plans B and C so we just hoped na kapag itinulog ko sa ilalim yung tengang may lamok, nakalabas na siya somehow paggising ko. Tinanggap ko nang 'di ako makakapasok kinabukasan. Dahil sa sobrang pagod at antok, maski pang may maya't mayang pzzt! bumubuwiset na lamok sa pandinig ko every 15 seconds dahil sa sobra niyang panic, pzzt! nakatulog pa rin ako.

Kinabukasan, napangiti ako agad dahil naalala ko yung nangyari sa akin nang madaling araw at wala na akong sa wakas na naririnig pa. Pagbangon ko'y nakita ko sa aking unan ang isang maliit na lamok.

September 14, 2021

Nalimutan ko na namang isara yung bintana. Parang marami-rami na namang nakapasok na lamok. Maiirita na naman ako kakakamot ng iiwanan nilang pantal sa magkabila kong binti. Napapagod na talaga ako minsan, kahit ayaw kong madalas aminin. Nakakatakot na minsan magsiwalat ng tunay na nararamdaman sa ngayon dahil marami silang ipapalusot o isusumbat sa mga kaya mo naman gawin. Nakakatakot nang mag-isip nang likas sa loob, nang panatag, nang hindi na iniisip kung tama pa ba ang iniisip. Nakakatakot nang mag-isip ngayon.

Bubuksan ko pa ba yung pamatay ng lamok? Isang oras na lang din naman. Malapit na rin yung oras ko ng pagtulog. Malapit na ring matabunan ng kumot yung magkabila kong binti, tapos malalamigan na naman ako ng pawis hanggang madaling araw, hanggang kinabukasan. Minsan nagigising pa rin ako nang madaling araw kahit hindi naman ako nagkape nang hapon o matapos maghapunan. Mamadiliin ko pa minsan yung paghuhugas ng pinggan para lang makapaglaan ng labing minuto sa ibang bagay. Ibang bagay para sa ibang oras. Ibang oras para sa malay naman akong walang kabuluhang mga bagay.

Minsan iniisip ko rin kung may kanya-kanyang kabuluhan tayong iniaatas sa mga bagay na nakakasama natin, sa pang-araw-araw. Araw-araw ko itong katapat. Araw-araw kitang nahahawakan. Araw-araw akong masaya sa'yo dati. Dati, araw-araw kitang kasama, katabi, kausap ng aking isip. Hindi naman ako natakot sa'yo kahit kailan, kasi kilala kita, at kilala mo rin ako. Kilala mo rin dapat ako. Hinahayaan mo lang ako, 'pagkat alam mo ang mga kailangan ko. Alam mong kailangan din kita, kahit alam nating pareho na peke lang yung parehong pagkakalingaan at pagkakakailanganan natin sa isa't isa. Kailangan pa bang isipin yun? Minsan hindi ko na rin iniisip.

September 7, 2021

Ang sabi ko, otso. Otso pesos ang isa. Bakit ka maglalabas ng siyete pesos lang? Tanga ka ba? Antagal-tagal mo nang ginagago sarili mo, dudukot ka pa rin sa ngayon ng hindi otso? Ulol ka ba? O sadyang inuulol mo lang talaga ako? E kung suntukin kita at iwana't 'di pansinin? Sige nga? Kung sa bagay, pareho naman tayong masama ang ugali, saka kung tutuusin, iisa na lang naman na tayo kahit paminsan-minsan.

Baka sakali lang na magbago akong muli, hinahayaan mo pa rin. Magagalit ako at magagalit ka, pareho tayong magagalit sa pareho nating kasalanan. Ako ang pasimuno, puwedeng ikaw rin ang nag-umpisa. Walang may balak magpaguho subalit handang pareho magpatawad. O siya, siya, gunaw na rin naman ang mundo mo, mundo ko. Magkapanig lamang naman ang sarili nating mundo pero nakikipagsiksikan pa rin pareho ang ating isipan, damdamin, kuru-kuro, galang may pagkaanimal, himpapawid pang-eroplano, ragasang pantren, usok na magulo, pansulasok, at walang makauunawa. Nagmamadaling palagi, pareho pa rin, wala namang dapat na mauna - sabay pa nga yata lagi dapat. At sa kung may pagkakataong may nais sumabat, alam nating parehong walang makakapigil sa alegro.

Saka na ang lahat, saka na ang dulo. Pinakamaigi namang halaga palagi ang gitna, ang punto, ang journey 'ika nga nila. Wika ba ng mga sino 'yan? 'Di naman porke't yatang may nauna nang paaralan, hindi na puwede pang manghikayat? Puwede pa naman siguro. Puwede pa. Hindi naman dapat matakot kung kayang ipaglaban ang isip. Hindi naman maaari ang tulog na lang agaran kapag hindi tumumba sa unang preso. Maraming nanganganib magsara, maagang magtatapos. Kahit may sinumpaan pang kamatayan na makapagpapahaba ng buhay at dagdag charisma na pang-alalay, laging tatandaang nakakaburat lang sumagip ng bangkay.

Kaya sige, sige, bunutin mo nang ulit sa susunod yung siyete pesos, at hindi na akong magrereklamo nga pala. Paumanhin.

August 28, 2021

Oh shit, yari. Napagkamalan ko pa namang masaya ang budhi at wala nang makakaawat pa. Yung tipong sa sobrang inggit e humantong pa sa sobrang pangunguwestiyon sa mundo kung bakit pa nga bang may mga natatagong kaalaman ang hindi ko pa rin nakikita, o baka umabot din sa point na hindi para sa akin, o kaya nama'y hanggang pagmamatyag na lamang sa aking pansariling lurk corner.

Aminadong kinakabahan pa rin naman minsan, kahit na patuloy ring pinakakalma ang butod. Ididiin nang ididiing humingang malalim, humingang malalim, putang ina mo, huminga ka nang malalim. 'Wag kang mataranta, ops, 'wag kang matataranta. 'Wag kang matataranta, puke ng ina mo, 'wag kang mataranta. Kaya mo 'to. Kaya mo 'to. Sa iglap na pipikit ka, lalamunin ka nang buo ng iyong demonyo. Bunga ng mga ideolohiyang demonyo rin, hinahayaan mong hayaan mo ang sarili mong tangayin ng mga buga, papaloob nang papaloob, sagad sa pader, sa sahig, katabi ng mga daga at ipis, unti-unting patungo sa iyong mahinang pagngawa ang maiitim na mata, tatakutin ka, at magpapatakot ka naman. Dahan-dahang lumalapit, kahit mabagal, alam mong maaabutan ka pa rin niya. At kahit na alam mong maaabutan ka niya, inintindi mo pa rin lamang ang takot, ang kaba, ang pagkabatang magpakain sa kadiliman.

Mapapasigaw ka nang walang ingay, walang tunog, ni hindi mo maririnig ang iyong sarili. Tanging kaluskos ng paggapang ng mga papalapit na yapak ang patuloy na nagpapakilabot sa kabuuan mo. Alam mong sa sarili mong kaya mo, pero tama na, tama na ang tanging natitira na iyong mga sambit. Tama na, tama na, please, tama na. Hindi ko na kaya, hinding-hindi ko na kaya. Mapapakapit na sa sentido mo ang iyong dalawang kamay, sisigaw kang muli para sa tanging pangalan na alam mong sasagip sa iyo, nang umabot na ang demonyong sumambulat kahit na inasahan - yaring siya rin, ang sasagip sana, ang tanging tumapos at tatapos din pala sa'yo.

August 21, 2021

Hindi kailanman magkakaroon ng perpektong halimbawa, perpektong sining, sining na hinala. Sining na malawak, sining na may silbi, sining na hindi na paulit-ulit pang ikukubli. Sa sining ng may paki, sa sining ng may alam, ang sining na 'di mamamatay, subalit walang nakaalam. Ang sining ay hiwaga, sining na galing sa mga tala, sa ibang mga lupalop na lupa, sa gitna ng mga alon at laya. 

Pilit na pipiglas, hindi panatag na makakaahon. Patuloy na maghihintay matapos ang panghabambuhay na hamon. Hindi kailanman pang makikita kahit sobrang sikat ng liwanag. Kapag sinubukan pang itago sa lihim, hindi pa rin ganap na siwalat sapagkat ang sining ay masking banayad, masking galing sa diwa, maski pang himig ng animo'y nagbibirheng dila, maski pang hinukay sa kailaliman ng dusa, sa yakap ng pighati, sa yaring nagkukusa, nananatiling 'di buo, puslit lamang na may tila hinahanap na pagkatao, tinatantyang 'di gasino, 'di alarma, 'di pugot ang ulo ni hindi rin buhay.

May pag-aagawang namumukod, hanggang kailan mag-aantay para masinop, makilatis, maubod ang siyang nais? Hindi na siguro kailangan pang pag-usapan 'pagkat ang sining ay sining, hayaan lamang ang isipan. Ilatag ang kumot, mga kakampihang unan sa panaginip. 'Pag hinayaang sumining ang sining, wala namang dapat ikagalit.

August 14, 2021

Ang pangit lang ng ugali mo. Napakahusto ng yabang. Bakit nga bang sa tuwing mayroong nalabas, kinakailangang mayroon kang mas ikahuhusay na panig, mas mataas na panaig, mas magaling ka sa lahat? Bakit na lang kailangang madalas o palaging nakaangat ka sa pedestal, sa rurok ng mga hari, hindi kailanmang nagkakamaling sampid sa mga nasa ilalim? Bakit? Palagi kang mataas? Palagi kang marunong? Palagi kang dapat na may sambit na gento ang mayroon kang alam at ikaw dapat ang moderno? Ang bawal husgahan? Ang nararapat na pamantayan? Ang dapat lamang sundin o tanging natatangi, walang bahid ng mali o pangit na pagkakaalam, kuro, o talino?

Sa pagkuha ng sariling opinyon, sa iyo lagi ang tamang reyalidad? Ikaw palagi ang wastong kita, ang 'di na magkakamali pang daan? Ikaw ang tamang daan? Ikaw lamang? A o 'di sige, ikaw lamang. Ikaw na. Palaging kailangang magmaangat sa kahit na anong aspeto, maski siguro pumili ako ng paborito kong langgam, ipandadaig mo ang pinakamatalino mong hula para sa pinakamalupet na langgam. 'Di kaya'y maghahanap ng mas malupit na kuro, mapanggulang na insekto na kayang dumaig sa paborito kong langgam? E 'di mahusay. Palaging magaling, palaging mataas. Bawat tiyempo ng tapak, kailangang mayroong natatapakan. Bawat liko sa bawat kanto, nasisilip, nasisilipan ng pangmeriendang hindi ka nahuhuli at 'di kailanman mahuhuli.

O 'di ikaw na. Ikaw na ang palaging mataas. Ang palaging mayroong mas maganda at mahusay na konsepto. Ang palaging mayroong pambalik kahit na 'di naman inaano. Makakita ng mas perpektong anggulo, kahit na hindi naman gustong lamangan. Palaging nais na lamang, malamang, at takam na takam sa sariling mundong pinaghahari-harian. Makamundo. Makasarili. Ikaw lamang ang tama. Ikaw lamang ang pamato, kami lamang ang mga pananggulo. Nakakagulo lang naman pala yung isip namin e. Para sa'n pang nag-iisip kami at nakikipag-usap sa'yo 'di ba? Kung ikaw lang din ang tama. Ang pangit kausap. Ang pangit kasama. Ang pangit, ang pangit, ang pangit talaga.

Diyan ka na. Walang respeto. Nakakawala ng respeto. Nakakawala ng gana. Nakakawala ng pagkatao. Burado ang lahat, wala nang matitira. Magsama-sama na lamang kaming iba, mabuti't may ugnayan, kaysa kadalasang makitang mababa at walang pakinabang. Wala na lang sanang gumambala. Dito na lang kami.

August 7, 2021

Ambilis na ng panahon ngayon 'no? Mabilis na magtimpla ng kape. Agad nang may maiinom. Mabilis na kasing magpainit ng tubig. Meron na ring mga instant sa sachet. May kape ka na agad, may asukal na bigla, may gatas pang pati. Mabilis nang may gumising sa'yo, kahit mabagal kang umusad. Mabagal ang makatulog, mabilis na pamamahinga. Kulang lagi ang oras kahit na saglit na lamang ang lahat. Ano pa nga bang dapat nating bilisan para lalo pang bumagal ang panahon?

Yari ka na naman agad, wala pa ngang nangyayari. May mga gusto kang gawin pero hindi masimu-simulan. Panay ang tanong ng mga pagod, hindi hayaang mag-umpisa. Bakit sa tuwing makakaalala ay sadyang agaran din ang paglimot? 'Di bale na dapat ang walang pahinga, kahit na madalas na hinahanap. May mga pagkakataong lumalampas, kahit hindi pa naman talaga nakakaabot. Panay ang tanong sa sarili, wala namang panahong sumagot. O kahit pang simulang dumiskarte, bakit pang nauunahan ng yamot? Kahit ano pang bilis ng tagay, iikot at iikot ang baso. Kahit hayaang maghintay, hahayaan at hahayaan ding matatapos. Lahat pa nga ba ng simulan, sadyang lahat pa ring matatapos. Kaya bang natatakot simulan ay natatakot ding matapos?

Takot sa mabibilis, gustong natatapos agad. Ayaw tingnan ang umpisa, gustong nasa dulo agad. E paanong mag-uumpisa kung sabik sa pagkaganap. Lahat ba ng silbi ay nasa dulo ang lahat? Huwag matakot kumalas sa alaala ng mga mali. Sabi nga'y kung 'di pa nagkakamali, siyang wala pang nagagawa. Kung ano ang hanapin, landasin nang tunay. Hindi natutulog pagkagising, bumabangon dapat nang agaran. Ang takot ay kilalanin, siyang may pakialam sa kaligtasan. Ngunit kung papalagan ang ngayon, mimithiin pa rin ang bukas. Kung kaya't ang maiwan man sa umpisa, maiiwan din sa dulo. Hayaang ang pumagitna ang kasalukuyan, dahil ang kasalukuyan ang pagtatapos.

July 28, 2021

I've been thinking of my death lately. Anong maiiwan kong marka kung sakaling lagutan na ako ng hininga. Anong meron ako na wala sa iba, o anong naiiba sa akin kung sakaling mawala. Bakit ba akong nabubuhay sa ngayon kung 'di siguradong buhay pa kinabukasan. Anong meron sa mga ginagawa ko ngayon na mapapansin hanggang bukas. Napapansin ba ako ngayon, gusto ko bang napapansin. Bakit naghahanap pa ako ng pansin kung ayaw ko ring nakikita. Pero gusto ko ring makita ako, kahit minsan lang naman. Minsang mananatili o magpakailanman tatatak. Tatakbuhan ko ba ang bukas kung iniisip ko na ang aking kamatayan. Halagahan kong may mangyaring hindi na ako mabubuhay magpakailanman. Hinahanap na makitang hindi na mabibitin pa. Bitin pa ba ang lahat, o kaunti na lamang ang angat. Aangat pa ba ang hindi na kumikinang pa. Pipilitin ang mga kaya, kalilimutan na lamang ba ang iba. Iibahin pa ba ang mga hilig, o mamamali ang tama na. Mali pa kaya ang tama na, o tama pa bang magkamali. Sakaling isipin ang kamatayan, hayaan na akong magkubli.

Sa isang banda, alam kong may nangyayari sa akin, at mayroon pang mga mangyayari. Yaring may patung-patong na bakat, kinakailangan lamang tingnang mabuti bago hilahin mula sa pagkakaipit. Huwag mag-alala sana dahil naiipon namang masukat ang lahat. Pantay-pantay ang mga saidsid, may kaunti mang sasayad. Palaging magkakalumaan ang iniiwasang mga sugat. Hindi madali ang maghirap, mahirap din madaliin. Alam kong alam kong may kailangan pang mga gawin. Hindi naman pinababayaan, hindi rin nagmamabilis tumapak. Iiwasan ang magpaikut-ikot, nagiging malapit nang makatapak, makihakbang, nakikisabay sa nauuna. Mauunahan ang mga nais, matatakot sa mga pangmamata. Inaasahan ang masaktan, matatakot nang may pagpigil. Nag-iisa ang sarili, sasarilinin ang pag-iisa.

Sagasaan ang mga boses, isiping lahat ay masasabi. Maraming may matatapos, kaunti ang may maihaharap. 'Di naman ding kailangang may maipamukhang kalabit. 'Di naman lahat ay lumilingon, lahat ay may itinitimpi. At akong may pakiwaring ano nga kung ako ay ready because right now, I have been thinking of my death lately.

July 21, 2021

Mas makapal ang usok ng yosi tuwing tag-ulan. Mas makapit ang mga alaala. Mas luntian ang mga halaman. Mas takot ang mga ibon. Mas taimtim ang mga langaw at lamok. Mas malambing yumakap ang kumot. Mas maginaw. Mas malambing ang yakap sa mga unan. Mas madaling magutom, magluto, maghanap ng mangangata. Mas masarap ang mainit na kape, sinusong gatas na malabnaw, malapot, kapait-pait. Mas madaling makudlitan ang mga tahimik, madaling araw nang gigising at... mas madaling makatulog muli.

Yakapin mo ako hanggang sa hindi ko na makilala pa ang aking sarili. Hihintayin kong gapusan ako ng aking mga panaginip hanggang sa maging mahirap nang kusa ang aking mga paghinga. Lagutan mo na ang aking mga pagod at pangarap, hayaan mo na akong malunod sa payapang aking natatanging inaasam. Layuan mo ako kaagad dahil hindi na ako magiging mahalaga pa. Layuan mo ako't palaring mapag-isa 'pagkat anong yari ba ang manatiling mate na lamang sa kinalalagyan. Huwag mo na akong guluhin dahil gulung-gulo na rin ako sa mga eksenang nakapalibot, mga huning pakilabot, halu-halong mga boses, kanya-kanyang pamamalakad.

Iwan mo na ako't dinggin ang kanilang mga nararapat. Ako'y bato na lamang na himlay rito't magpapaalala. Iwan mo lang din diyan ang maligamgam na tasa ng aking kape. Saka mo na akong balikan 'pag naisip mo nang bilhan ako ng pandesal sa umaga. Gusto ko yung manamis-namis, parang maghahalik muli ang matagal nang pinaghiwalay! Kahit pang dalawang buwang inaabangan ang paglubog ng kinang ng araw, alam kong alam mong mas mainam pa ito sa pagsapit ng ating gabi, ng aking huling pahinga.

July 14, 2021

Papauwi na dapat. Tulog na nga kasi ang mga tao. Mga pulubi, tambay, at nagsisipagang mga jeepney at bus driver na tumira ng tatlong tasa ng kape na lamang ang sumasabay sa patiyempo-tiyempong lakad sa may sidewalk. Ilang oras na ring napalitan ng tambutso at saidsid ng sapatos ang pag-arangkada ng tren, pagkukuwentuhan ng mga tindera't tsismoso. Nailigpit nang lahat ang kanilang mga bentang patupi at maya't mayang naghahanap ng pinakamaayos na puwesto sa pagtulog habang pinagpipiyestahan ng lamok at langaw ang bukas nang paliliguang amoy.

Mabuti't maliwanag pa ang pangatlong 7-Eleven sa may susunod na kanto. Sinilip saglit ang cell phone na wala na nga palang baterya, buntong-hininga, tingala sa buwan. Dinukot ang panyo at pinunasan ang pawis sa noo at magkabilang pisngi. Naghanap ng mauupuan pero wala kaya umupo na lamang sa gutter at inilabas na ang kaha ng yosi. 

"Parahan mo tayo ng bus."

"Pasaan?"

"Pa-******, o basta dadaan sa ******."

Paubos na ang ikalawang stick nang makapagpara. Buti na lang at meron pa. Preskong jackpot kasi walang aircon. Mukhang sabog talaga yung driver pero okay pa rin kasi good shit ang pinatugtog ng DJ sa radyo. Agad nang naabutan ng konduktor ang nais, agad ding nanahimik ang lahat. Walang kutyaba ng paparating na sakuna, pandelikado man ang dagok ng mga hibla.

Mukhang malayo sa panaginip ang magmadali. Lumingat lamang nang ilang segundo at biglang may tumatapik na sa kaliwang balikat.

"Gago, lumampas na ba tayo?"

Halos patalong sinipa ng sarili ang kagigising lang na diwa. Sinilip ang labas. Lalong guminaw at sumariwa ang simoy ng hangin. Kumuwit sandali ang ngiti nang madaanan na ang mga puno at iba't iba pang mga hudyat na malayo na sa karahasan ng langis, usok, at bakal. Sininghot sa pangalawang beses ang pagkakakalas ng tanikala at dinukot ang kaha ng yosi.

"Manong, puwedeng magyosi?"

"Aba'y, uo."

"Thank you po."

Sumindi ang umpisa ng pagkasabik. May mga paniking lumilipat ng puwesto. Humina na ang kanta sa radyo, at tulog na halos lahat ng pasahero. Payapa pa sa natutulog na tuta ang pagkalong ng tahanan. Lumingon sandali kung may pasahero bang sa likod na maaasar. Buti na lang wala.

"Malapit na, gago."

Ilang lubak pa ang tiniis at pumara na rin sa wakas. Nanigarilyo munang ulit ng tag-isa. Sumunod sa nauuna, habang ginagabayan ng mga natatapakang bato sa lupa. Limot nang magtabi-tabi hangga't hindi pa nadaratnan. Bawat apak ay parang kusang paunti-unting tulak sa pagmamadali. Malapit na... Malapit na tayo.

Maya-maya'y naaninag na sa may ilang dura pa ang bukas pang tila malaking kubo-karinderya. 

"Sabi ko sa'yo bukas pa si Kabayan e."

"Ano sa inyo?"

"Dalawang pares nga po."

July 7, 2021

Magiging okay naman yata lahat kung naging mabait ka.

["Naku naman. How do we demonstrate "friendliness"? May LGBTQI sa Congress, media, corporate leadership, etc. Maniwala ako sa pagka "katoliko" (sic) ng Pinoy, eh mamamatay tao (sic) nga at magnanakaw ang peborit ihalal. Hecklers ang Pinoy. At kasama sa mga hecklers na yan mismo ang LGBTQI."

"hmm I see your point. But, I still believe na yung points sa post still stand true. May internalized homophobia ang karamihan ng mga Pinoy. Tama si OP, we tolerate but we don't entirely accept the LGBT. For example, in corpo world. We hire indiscriminately. However, if may bs na nangyari, we tend to attack their gender instead of their actions. "Bakla kasi yang hayop na yan kaya kanda-leche-leche na dito." smth like that.

Pero totoo nga maski naman inside the lgbt group, I see na hindi naman lahat pantay ung tingin across all genders. May hint pa rin ng patriarchy lolz"

"statistically, sa banking kung san ako nanggaling, mas madaming babae at bakla ang mga nangulimbat."] **

Hindi na siguro kailangang banggitin yung ganitong statistics kung ang punto nga ng post is huwag gagamitin ang kasarian bilang tool para manghusga ng tao. Maaaring valid yung fact na mas maraming babae o bakla sa inyo ang nangungulimbat, pero the point will still stand na hindi porke't mas marami e lahat na. 

Isipin mo, halimbawang bakla ka o babae, pero baka hinuhusgahan ka na agad ng mga katrabaho mo na mangungulimbat ka (kahit 'di mo pa ito ginagawa or gagawin), masakit yun, unfair pati. Parang napintahan ka na agad na masama dahil lang sa statistics kahit hindi ka pa talaga nakikila/kinikilala nang lubos.

Maaaring ihalaw ang ganitong pag-iisip o konsiderasyon sa napakaraming sitwasyon, sa kasarian man, o sa iba pang sektor ng lipunan.

Halimbawang lalaki ka, inaasahan na ba agad dapat na tigasin ka at hindi umiiyak? O hindi maiiwan sa bahay para maglinis, magluto, etc.? Hindi nakadikit sa kasarian ang magiging buong ugaling-pagkatao, o magiging destino sa buhay. Kaya dapat ding hindi ito ang pinakabasehan kung paanong hinuhusgahan ang isang tao.

Halimbawang Katoliko ka, mabait ka na ba agad pero nanghuhusgang masama ang pagiging bakla/lesbyana? Punto ng post is matindi pa rin ang diskriminasyong nararamdaman at nararanasan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community, lalo pa't sa Pilipinas e usbong pa rin sa marami ang patriyarkal at saradong Katolisismo. Hindi pinalalaya ang pag-iisip kaya't hindi napalalaya ang mga biktima ng sarado at mapanghusgang tanikala.

May mga magsasalita o magrereklamo ba kung wala nang nangyayari?

Bakit ka takot, bakla ka ba? Babae ka, mahina ka at iyakin. Lahat ba ng Bikolano mahilig sa maanghang na pagkain? Ay Kapampangan ka, dugong-aso amputa. A graduate ka galing UP, ang galing mo siguro magrally. Galing ka palang Ateneo, conyo ka siguro magsalita, 'di ka rin siguro kumakain ng street food, sasabihin mo lang, "Yuck!" You're black, patingin nga ng etits mo kung malaki. All men are trash. Mahirap ka? Tamad ka lang siguro. A Capricorn ka, ganito siguro ugali mo. 'Di tayo compatible kasi Sagittarius ang simbolo ko. Tambay ka lang sa kanto, bobo ka siguro. Andami mong tattoo, masama kang tao, eww. Yung aso mo siguro nakain ng tae 'no? 

Shut. The fuck. Up. Or better yet, make your thoughts shut the fuck up.

May Black Lives Matter. Meron ding mga feminista. Hinihikayat ng mga  ganitong uri ng community ang advocacy na, hindi sila tingnang mas mataas o superyor sa iba, ngunit hinihinging tratuhin ang bawat isang indibidwal bilang kapantay. Kahit hindi black. Kahit hindi babae. Lahat pantay-pantay. Kamakailan lang mayroong Pride Month. Hindi dapat ikinakahiya o maramdamang nakakahiya ang sariling identidad. Bakit bang hirap pa rin ang marami na tigilang manghusga? Na huwag mangmaliit?

O kaya'y bakit papanig lamang sa isang grupo ngunit hindi na nagagamit sa ibang sitwasyon? Kung talagang naiintindihan ang sigaw ng mga adbokasiyang sinusuportahan, hindi lamang dapat natatali roon ang pagtrato sa ibang indibidwal. Kung pagkukumpul-kumpulin lang ang lahat ng ganitong pag-iisip, sa tingin ko, darating at darating lamang tayo sa isang tanong na dapat igiit sa sarili:

Kung ikaw nga, ayaw na mahusgahan agad, sino ka para manghusga agad?

Maaaring backed up lahat ng statistics ang mga pagpanig na panghuhusga pero the point still stands: Hindi porke't maraming ganito, ganito na ang lahat; at hindi dapat unfairly na dinidiktahan o hinuhusgahan ang isang indibidwal na tao depende sa sektor na kanyang kinabibilangan sa lipunan (gender, sex, paniniwala, ethnolinguistic group, race, etc.).

** sipi mula sa isang conversation sa Facebook

June 28, 2021

Kung ibabalik mo ako sa second year high school, mananatiling tahimik na lamang akong muli, habang ikinikimkim lahat ng aking mga kasalukuyang kasalanan sa aking dibdib. Tatanggaping ako ang pinakabobo sa lahat ng mga bobo sa amin, at wala nang pag-asa pang matuto sampalin man ng hangin ang aking atay.

Hindi na akong patuloy na makikipag-usap pa, mag-isang uubos ng aking malamig na tanghalian habang nag-iisip pauwi sa bus kung bakit may mga billboard sa highway na hindi pa rin ako nakikilala samantalang pare-pareho lang naman kaming tuwang-tuwa sa mga pailaw kapag malapit nang sumapit ang dilim. Nandoon na lamang kami palagi, hanggang sa malapit na lamang, at hinding-hindi kami nagpang-abot sa pagsapit.

Kakalimutan ko nang makipagbiruan, umibig, at matutong umasa, at magbabaka sakali na lang sa mga aklat at laway na sisikapin ko nang hanapin, lasapin nang matuto naman ang damdamin kong umunawa at makinig sa iba. Sasarilinin ko na lang ang aking mga pekeng ilusyon, yaring muni-muni habang sa araw-araw na paghihintay ng pamadaling uwian ay maalala kong balewala rin naman kung may makapagpapaalala pang muli sa akin.

Ilalayo ko na ang sarili kong makamit ang pansin ng aking mga kaklase, kaibigan, naging at magiging kaibigan. Lahat ay may sari-sariling mga pangarap, sariling mga kademonyuhan at desisyon. Lahat ay gustong pumasa kaya't nagsisikap na manatili pang buhay dahil nabibirong magiging magaan din matapos ang lahat ng pasakit. Ako'y tago lamang sa ilalim ng kanilang mga maaabot at pagkinang, taos na magiging masaya para sa kanila, habang lugmok naman ako sa malas na ako rin naman ang nagdulot at para naman talaga sa akin.

Hindi ako magsisisi, hindi na ako masasaktan. Hindi ko na malalaman pa ang ibig sabihin ng mga pangako at paalam, hindi mo na rin ako matatablan. At kung sakaling ibalik mo pa ako sa second year high school, sisiguraduhin kong may payapang pagyagak sa lupon ng mga dapat nang iwanan ang lahat pa ng aking mga sasabihin, isusulat.

June 21, 2021

Paulit-ulit kang mapapahiya. Hindi ka na makakapalag. Magiging kusa na lamang ang iyong mga pagtahimik gaya ng madaliang pagtapik sa iyo dati ng iyong nanay kapag maingay at akmang ngangawa ka sa simbahan. Hindi ka kilala ng pari pero baka makilala ang iyong pamilya. Lilingon kang saglit sa ibang mga bata dahil takot ka nang mapahiya pa. Kakausapin ka na lamang ng iyong isip at tatanungin kung bakit ka pa nga bang nagsisimba, bakit ka pa nga bang nandirito't hindi naman nakikinig.

Titingnan mo ang iyong mga sapatos. Hindi ka pa rin marunong magtali ng sintas. Makati pa rin ang magkabilang medyas na ang nanay mo ang pumili para sa'yo sa department store. Spider-Man dapat kasi lalaki ka at mahilig ka dapat sa superheroes. Yung bag mo, Iron-Man. Yung notebook mo, LA Lakers. Yung pencil mo naman Mongol pero 'wag sila kasi kumpleto yun mula 1 hanggang 3. Nagtataka ka minsan kung bakit binibilhan ka pa rin ng hindi mabangong pambura ('di tulad ng pambura ng crush mo, yung watermelon) e meron naman nang pambura yung lapis mong Mongol. Tapos andami mo pang ekstrang lapis, e 'di marami ka na ring ekstrang pambura 'di ba? Napakadaling mathematics.

Mapapansin mong sa may sulok na upuan na tahimik na naman yung tahimik mong kaklase. Alam mong nakikilala ka niya pero 'di ka sigurado kung kilala siya ng buong klase. Madalas siyang mapagtripan ng teacher niyo sa Filipino kasi ambagal niyang magsalita, sumagot. Maputla lagi yung mga mata niya at palagi siyang may bimpo sa likod, kahit na alam mong hindi naman siya pagpapawisan kasi hindi naman siya nakikipaglaro 'pag recess katulad mo. Huwag ka raw magtatatakbo pagkakain kasi sabi ng nanay mo magsusuka ka lang at sayang yung perang pinambili ng pagkain mo.

Binubura na ng teacher niyo yung nakasulat sa pisara, malapit na palang mag-uwian. Nagmamadali kang ipasok lahat ng mga gamit mo sa bag habang nakikipag-unahan ka dun sa kaklase mong parang pasara lagi ang mga talukap. Biniro mo na lamang sa iyong isip na baka may sakit siya at walang ibang nakakaalam. Napangiti ka sa kakulitan ng isip mo.

Nagulat ka nang tumingin din siya sa iyo.

Bumilis ang tibok ng puso mo. Nakita ka kaya niyang ngumiti, tumatawa? Kinabahan ka't baka nababasa ng kaklase mo yung isip mo. Binilisan mo pa lalo ang pagliligpit ng iyong mga gamit sabay sarang bigla ng zipper. Tumayo ka na nang agaran kahit na may naipit sa zinipper mo. Hindi ka na lumingon pang muli. Alam mong pareho kayong mag-isang lalabas ng inyong silid. Mag-isang maghihintay ng sundo. Mag-isang gagawa ng mga assignment sa bahay. Mag-isang maglalaro. Mag-isang matutulog kapag inantok.

Inisip mong kinagabihan yung kaklase mong mukhang patlang lagi ang laman ng isip. Paulit-ulit kang natakot at kinabahan dahil ayaw mo pa ring mapahiya.

June 14, 2021

Mahuhuli na naman ako sa klase. Maaga naman akong nagising mula sa aking pagkakaidlip. Dapit-hapon na't malapit nang mag-umpisa ang mga huling lektura. Pagdating sa kanto ng paghihiwalaya'y napansin kong maraming nakapila sa gilid ng isang dormitoryo at mayroon silang mga bitbit na balde para sa tubig siguro. Hindi ko rin alam. 

Malapit nang antukin ang araw at inilabas ko na ang aking kaha para magsindi ng yosi habang naglalakad. Pababang kusa, palampas ng ikalawang waiting shed, nakiihip sa aking pagkakalat ang malamig na hangin. May mga papauwi na ring estudyante na kanya-kanyang para at sakay ng jeep. Iniwasan kong tingnan ang kanilang mga mata. Tinanaw kong ulit yung mga nakapilang may bitbit na mga balde.

Paglampas ng kanto'y muling umihip at lumakas ang buhos ng mga kapwa kong mag-aaral na naglalakad. Maaga siguro silang pinauwi ng kanilang mga prof. Napansin kong malapit ko nang madaanan ang tennis court tungong takbuhan. Sa ikatlong ihip ng ginaw, halos pawala na rin ang sigla ng umaga. Sinimot ko na ang huling hininga ng aking nikotina at itinapon ang upos sa may kapunuan sa gilid. Walang sorry-sorry, walang anu-ano. Patuloy akong naglakad matapos mag-adjust ng sikip ng aking backpack nang pangatlong beses.

Dumating din sa wakas sa may bungad ng mga kolehiyo at faculty center. May mga bumibili pa ring lupun-lupon ng mamemeryendang mais at ice cream. Tinamad na muna akong umakyat sa aking klase't nag-isip ng panibagong palusot para magsindi ng panibagong yosi. Kumaliwa ako tungong tambayan ng mga naghihintay ng kanilang mga sundo, mga nag-aabang ng masasabayan pauwi, mga nag-iisip kung uuwi na ba o uuwi pa ba. 

Sa mga kasabay kong nagpapakamalikhain sa palupitan ng mga palusot sa sarili, sunud-sunod na nabuhay ang mga street light. Humudyat ang papayakap na dilim ng araw na ayaw ko na munang matapos. Umakyat ako ng mangilang hakbang sabay liko sa minsanang yosihan sa may gilid. Pansin kong may isang babaeng nagyoyosi rin, at isang babae pa sa may kalayuan na nagpapalipas ng kung ano.

Chineck ko ang aking relo. Late na ako nang ilang minuto pero kebs lang. Dinukot ko na ang aking kaha at nagsindi ng panibago. Adjust muli ng bag at check ulit ng relo kahit na ilang segundo pa lang ang nakalipas. Chineck ko na rin yung phone ko kahit na alam kong wala naman akong natanggap at matatanggap pa. Inalala ko ang hapong iyon, ganito rin ang bagsakan. Tumahimik ang lahat dahil sa pagtitimpi kong hindi umayon sa iyong pagmamakaawa. 

Bawat hithit sa aking sigarilyo'y may pagngawa ako sa kahapong kunin na lamang akong muli. Hinintay ko ang lahat ng kritisismo at sampal sa loob ng aking dibdib habang hinila kitang patago sa parehong puwestong tinatayuan ko ngayon. Shet, dito pala 'yon. Pinitik ko sa may halamanan ang simot na upos at tiningnang muli ang kasabay kong nagyosi na babae. 

Nagsindi siyang muli at tinalikuran ako. Pake ko rin ba sa'yo? Gagu. Kumuha ulit ako ng isa pang stick at iniipit agad sa labi. Hindi nagsindi ang unang pitik ng lighter. Ikalawa. Ika-ikatlo. Ikaapat. Ika-ikalima. Tiningnan kong muli yung babae. Alam kong may lighter ka pero shit. Nakakatamad makipag-usap. Anim. Pito. Lapit onti. Baka mahangin lang. Walo. Wala. Wala nga talaga. Lapit saglit. Siyam.

"Ito o." Hindi ko napansin sa huling segundo na pansin niya palang wala na akong sindi. Saka na lamang nang iniangat niya na ang kanyang lighter at marinig ang kanyang boses.

"A syet. Salamat." Inisteady ko lang yung mata ko sa apoy ng lighter niya. Baka mapatingin pa 'ko sa mata niya e. Ayokong maulol. Nagkabaga ring sa wakas yung yosi ko. Nawalang bigla yung apoy.

"Salamat."

"Dito na 'ko."

"A sige." Ingat.

Check muli ng relo. Fuck.

June 7, 2021

Sa kadiliman ng madaling araw akong kalmado lamang na naghihintay kahit na makailang ulit pa akong humampas at mabuwisit kaunti ng mga lamok na sumasabay sa aking pagpupuyat. Palo sabay kamot, pero yung malumanay na kamot lang para sa lilipas ding bad trip. Titingnan kong muli ang electric fan na hindi gumagana. Ipapatong kong saglit yung isa kong binti sa kawayang mesa sa tabi ng ash tray na ako lamang din ang nagpuno. Magsisindi ako ng panibago at power trip kong bubugahan ang mga kaibigan kong lamok. Mahilo sana kayo, mga putang ina kayo, hahaha!

Lilingon ako't maaalalang iniwan ko palang bukas ang pinto ng bahay papasok sa sala. Maaaninag ko sa malayo ang papundi nang bumbilya sa may hapag. Sinag ang ipinantakip na dilaw sa natirang mga pritong galunggong nang hindi ipisin o langawin. Natutulog din kaya ang mga insekto? Hithit. Bugang muli sa aking mga bespren sa paghihintay.

Tutulong muli ang pawis mula sa aking mga sentido't noo. Pagkapunas ng aking magkabilang manggas e saka kong mararamdamang may nag-uunahan na rin pala sa aking batok. Pupunasan ko na naman ang mga ito ng aking palad. Hindi ko pa rin alintana ang init at inip. Maya't maya kong tinitingnan ang mas maliwanag pang buwan na patuloy na nagpapainit ng usok ng aking sigarilyo.

Hithit. Aghh, shit. Baha-bahagya ko nang mapapansin ang tila lumalakas na huni ng mga kuliglig. Parang umiinam din ang luntian sa mga damuhan at dahong nakapaligid. Buga. Mapapansin kong nasa ilalim nga pala ako ng bubong na may pumapatak pa ring tubig mula sa yero. Sana umulan ulit. Ibinaba ko na ang aking binti sa kasagwaan ng aking pagkangayaw. Natabig ko ang kaha ng aking yosi at nahulog ito sa sahig. Putang ina talaga.

Pagkapulot ko ng kaha'y naubos na rin ang aking sinindihan. Kinolekta nang muli ng ash tray ang aking basura. Fuck. Patuloy na dumidilim, patuloy na lumiliwanag. Nagkakaroon na ng mahinahong orkestra ng mga insekto sa may kalayuan. Hindi pa rin gumagana yung electric fan at nangangalahati na ang aking kaha. Nilingon kong muli ang mga galunggong sabay punas ng pawis ng aking mga manggas sa magkabilang sentido.

Kumuha akong muli ng panibagong stick sa kaha.

May 28, 2021

Parang, parang magmamadaling araw yata 'yon. Ang lapit ng asul sa nahahamugan nang pabukas na tindahan ng tiya, o parang lumang talyer na rin yata na naunahan pang nagsisitimplahan ng kape kaysa sa nakadyip pang naglalako ng pipitsuging mga balita. Balita sa umaga, balita pa rin sa umagang may niluluto nang sinangag na may hotdog at itlog na binati.

Bumangon ako kasi parang may nakita akong kung sinong baka makilala ko o makilala ako. Nag-abang ako ng galak, hindi ko itatanggi. Pumait ang lasa ng malalamig na butil ng pawis. Lalong lumamig ang aking sikmura hanggang lalamunan. Sumakit yung mata ko pero ayaw ko namang kamutin. Kamay lamang ang naisagot ko pati hinangong hininga. Kilay lamang ang isinagot sa akin sabay ngiti. Ipinaalam kung may mapagtataguan pa ng panggagalingan sa kahapon. Isinagot kong saglit lamang at pero sige tara doon.

Nakita ng dalawang iba pang kasama. Inamoy ko ang salas, maginaw pa rin sa may gate na hindi niya isinara. Mukhang inaantok pa siya at ayaw nang pagtimplahan na muna ng kape. Kumubli siyang agaran sa kama, sa puting mga kumot, puting mga unan, puting bed sheet na biglaang nagsilambutan at luminis, 'ki ng ina. 

Kinamot ko na yung mata ko, baka sakaling maniwala na ako sa sakit na bumabalik sa aking dibdib. Pinilit kong magising ang aking diwa. Parang gusto kong umulan na lang bigla tutal mahal ko naman ang daigdig kapag sumasabay siya sa aking kalungkutan, sa aking paghahanap ng kulimlim at mga dismayadong pusa at langgam sa kalye. Mayroon pang mga natirang kalat na bangkong kahoy, mga hindi nawawalis na dahon, mga kalat na tansan. Maririnig ko na yung taho sa wakas. Nalingat nang sandali ang aking isip.

Pagpasok ko, mahimbing na siya ng tulog. Tumakbo akong muli papalabas para hanapin yung nagtitinda ng tabloid. Diyan na siya siguro muna. Hindi pa naman nag-aapura ang aking mga ngipin at labi, aking bibig sa gutom. Masakit pa rin yung mga mata at dibdib ko pero hayaan mo na. Andiyan na 'yan e at diyan na siya muna.

May 21, 2021

Sa umpisa, mayroong dalawang gustong manood ng mga pelikula. Iyon nga lang, nagkakaroon ng biglaang anghang kahapon pa para sa isang perpektong pagkakaluto ng matagal na ring 'di natitikmang spaghetti na may meatballs. Maririnig ang ingay ng vaccuum cleaner at ngawa ng munting tuta. Natatakot ito at mukhang mapapaihi sa pangambang baka lamunin siya ng ingay na ayaw niya nang makilala pa.

Napakagulo. Mayroon pa ring mga kasinungalingang nagpupumilit na magpaayos sa kanya-kanyang buhay. Matamis nang hiramin ng biyolin ang aking atensyon. Anyway, narito ako para maglaglag ng mga linyang magpaumpisa ng mga senaryong may kulit, may paghahanap sa mga halimaw, at maraming pagtatanong ng matatandang ulyanin na.

Ang mga lolo, lola, nagkakakitaan na lamang sa umaga. Nagbabatian ang kanilang mga bibig, namamaga, nagdurugo pa minsan. Sinasabi o ipinahahayag ang kanilang mga suliranin ng kahapon nang walang naririnig na background music, o 'di kaya'y may pagkabagot na sa paghihintay ng kamatayan.

Sa buong haba ng pinanood na mga pelikula, tumara na at humina ang boses ng mga natitirang tagasubaybay. Pakalidad nang pakalidad ang pagsasayang ng mga nakalap ng mga nagkakaisa lang namang boses. Ano pa kaya ang dapat na mahanap sa tulay ng mga sikat? Hello? Excuse me? Maaari mo ba akong pagalingin? Kung hindi, gusto ko sanang magkaroon pa ng mas maraming araw. Saka na lamang munang tangayin ng agos. Ayaw ko pa munang umuwi.

May 14, 2021

Natutuhan vs. Natutunan

An open letter para kay Kara David:

Bakit ambilis nating balewalain ang maylaping natutunan, natututunan, matututunan, etc.? Dahil lang sa wala kang ibang mahanap na diksyunaryo o sanggunian na makapagpapakilala sa etymology kung bakit may mga dilang Tagalog na nag-adapt sa ganitong pagdulas tungong pag-iibang tunog ng hulapi? Mahirap balewalain, oo, dahil ang dami-daming beses mo siyang narinig, naririnig, at maririnig pa. Maraming speaker ng Tagalog ang gumagamit ng natutunan, etc.

Ngayon, maaaring kumontrang hindi porke't maraming gumagawa ay tama na, pero sa kalikasan ng wika, kung matagal at marami nang gumagamit nito, nagiging tanggap at tama ito, at hindi madaliang mailalapat bilang "mali" o "hindi wasto." Buo ang salitang natutunan. Meron siyang root word (tuto), at meron din siyang suffix. Sinubukan ko ring magsaliksik noong una hinggil sa kung may iba pang mga hulaping Tagalog ang hindi madalas gamitin pero wala rin akong nahanap.

Hanggang sa naisip-isip kong baka dumaan lamang ito sa isang pagbabagong morpoponemiko (kung saan nagbabago ang bigkas tungong baybay ng isang salita depende sa kung gaano itong nagiging makakapagpadali para sa dila ng nagsasalita) kung kaya't siguro'y may mga Tagalog speaker noon na mas madali para sa kanila ang pagbigkas ng natutunan versus natutuhan (Sige nga, try mo sa dila mo kung alin ang mas madali!).

Bakas ang ganitong proseso sa mangilang halimbawang maaari kong banggitin katulad ng ambaho mula sa ang baho, o kaya nama'y panguha galing sa pangkuha. Kapansin-pansin ang mga pagbabago sa baybay/bigkas sa mga isinaad na halimbawa kung kaya't maaaring ganito rin ang nangyari sa natutunan mulang natutuhan.

Hindi ako sang-ayon sa pagtanggal na lamang nang biglaan, or pagkakitang "mali" ng isang maylaping sobrang tagal nang ginagamit ng mga Tagalog, at sobrang daming Tagalog din ang bumibigkas. Mahirap tanggapin dahil likas ang paggamit ng salitang ito sa mga likas na tagapagsalita ng Tagalog. Ano 'yon, mali na agad porke't may apat lamang na pangunahing suffix ang naipakilala? Hindi naman yata dapat.

Edit 1: Bilang dagdag, mula sa comment ng aking mga kaibigan, may mga salitang gumagamit ng hulaping -nan. e.g. ulunan, paanan, tawanan

Edit 2: Noong umpisa'y meron lamang dalawang posibleng sagot sa problema. Una (1), nagbago ang salita mula natutuhan/uluhan tungong natutunan/ulunan dahil sa pagbabagong morpoponemiko, or maaaring (2) dalawang magkaibang panlapi ang -han at -nan, at interchangeable (maaaring hindi) sila.

Edit 3: Sa kalaunan ng pagresolba sa problema, may mababasang sanggunian ang nagsasabing mayroon lamang hulaping -an, at walang -han at -nan. Pagbabagong morpoponemiko ang paglitaw ng tunog ng N o H 'pag 'di nagtatapos sa impit (glottal stop) ang kakabitan ng binanggit na hulapi. Ganito rin ang nangyayari sa suffix na -in tungong -hin at -nin.

e.g.

ulo + an = uluhan
ulo + an = ulunan

May mga Tagalog na gumagamit ng uluhan. Meron ding mga gumagamit sa ulunan.

Pero mukhang may mga pagkakataong hindi maaari ang pareho.

e.g.

talo + an = talunan
talo + an = taluhan (?)

(cont.) Aware naman ako sa mga dapat at hindi dapat na rule sa grammar dahil maging ako rin ay naging mag-aaral ng wika noong ako'y nasa unibersidad pa lamang. Iyon lang, bakit may agarang pagbalewala sa salitang ubod ng dami naman ang gumagamit?

Maraming salamat kung ito ma'y basahin mo't maunawaan, Ms. David, and maraming salamat pa rin sa ginagawa mong mga paglilinaw sa nakakalimutan nang mga aralin ng mga kapuwa nating Pilipino, lalo na't patungkol pa ang mga ito sa kanila/atin mismong sariling wika. 

Padayon!

Sanggunian: Mhawi Rosero

May 7, 2021

Pinagbibigyan lamang kita, makailang buwan at araw ang aking pinapalipas. Alam kong kaya kitang lampasuhin sa isang kindat ko lamang, sa isang kindat ng pilantik-paruparo, mararamdaman mo ang mga pangil na araw-araw mo lamang nilalaro ngunit pandigmang pamalos na sa akin.

Sakaling bigyan mo ako ng mahigit lamang sa karampot na segundong agnas ng 'yong malay, makikita mo ang mga hindi mo pa nakikita. Makikita mo rin ang mga gusto mong makita, at makikita mo ang mga hindi mo dapat nang makita. Makikita mo... Makikita mo talagang putang ina ka.

Ano? Wala kang maipalag ngayon? Alagang-alaga ka e. Hindi mo na ako iniintindi. Sarili mo na lamang ang naiintindihan mo. Nakakalimutan na nila akong intindihin. Nagagalit na sila sa akin, at nagagalit na rin ako sa sarili ko. Minsan, hindi ko na nakikila itong katawan ko, kung kaya ko pa ba, kung buhay pa ba ako, kung mabubuhay pa ba ako, para sa kanila...

Kaya sige, bahala ka na diyan. Kung hindi mo pa ititigil 'yang kagaguhan mong hindi ko pa rin maintindihan kahit ilang basurero na ang nagdaan, ilang beses pa akong inggitin ng ating mga kapitbahay dahil lang sa halimaw sa labas na hindi rin mapipigil dahil sa angkin niyang kapangyarihang kayang mangmudmod ng kung sino, ng kahit na anong kung ano, hinihingi na lamang ng magiging kaluluwa ko sa'yo na alalahanin mo ako, alalahanin niyo sana akong lahat, alalahaning nag-aalala akong madalas para sa inyo, para sa iyo... kaya tumigil ka na.

April 28, 2021

Hindi ko alam kung kinailangan ko kanina ng mas mainam na hango ng pahinga o sadyang talagang hindi na ako kailanman pang makakaunawa sa pagulu-gulong bakbakan at putiang mga ilaw. May mga araw na hindi ako gaanong focused sa rimarim ng gawain at tila mas maliwanag pa sa bagong sibol na umaga ang intindi ko sa aking mga dapat na nakikita. Minsan, naiisip kong baka nagmamadali lamang ako, o minsan di'y may mga sudden realization ako na may mga nakakaligtaan pa rin akong isipin, pakinggan sa aking loob, mga bagay na hindi madalas makita sa mapa.

Gusto ko lang, alam mo 'yon, sumugod, matikas, buo ang loob. Pero alam ko, alam ko, kailangan ko talagang palaging maipaalala nang paulit-ulit-ulit na kailangan ko munang mag-obserba nang maayos, kilatisin ang mga susunod na atake, depensa, mga mapang-agrabyadong taas-balik na panggulat. Dapat siguro kalmado lang ang sanay kung kaya't mahalagang humagod sa akin ang pinakamainam na paghinga tungong payapa. Mas mapayapang paghinga, mas asensadong mga paggalaw, kilos, sunud-sunod na pakiramdam.

Mayroong pinakatamang oras para maiwasto ang pagtatapos. Kailangang malinaw ang bawat punto sa kung sinong maitatapat na problema. Maganda rin sana kung tanggap ko sa aking pananaw kung sino ang dapat na unahin, o mabilisang sagot sa kung anumang balakid na biglaang ibalandrang pag-ibig o pagkayamot.

Sakali, tanggap ko pa ring marami pa akong dapat matutunan, at alam na alam kong gusto ko pa rin ang aking ginagawa kahit na minsa'y magpakailanman itong pasakit at paraya sa pagitan ng aking mga panaginip, pangarap, at pangkasalukuyan.

April 21, 2021

Naglalakad tayo tungong kung saan. Maraming puno sa palibot. May mga tao ring hindi masyadong maunawaan kung nag-eehersisyo ba o parte ng parada or circus. Nagtatawanan tayo sa hindi ko maalalang napag-usapan ngunit bigla na lamang may sumalubong na mukhang librarian na babaeng mayroon na namang inirereklamo, pero hindi ko na rin maalala.

Hindi ko sigurado kung nakipagsigawan din ako o ano pero sa dulo'y kumalma na ang loob ng panira sa ating paglalakad at tawanan. May dumating na kakilalang 'di mawari kung sa iyo ba o akin, basta't nagpakilala't humingi ng paumanhin sa pagitan natin. Biglang bago silang umuwi'y may humahalik na sa aking leeg, malumanay na mga labi, habang may paulit-ulit na humihingi pa rin ng paumanhin.

Sorry, sorry, sorry.

Hindi ko pa rin maintindihan. Tungong paglalakad pa'y bigla na lamang tayong nag-aabang ng jeep na paparahin. Nag-iba nang bigla ang oras dahil may pakiraos nang nagmamadali na pala ako, o tayo? Pantasyang hindi ko na rin masiguro pero parang mahuhuli na naman yata ako sa susunod kong klase. Hindi naman kasi ako madalas sumakay ng jeep. Maglalakad lang dapat ako. Magaan lang naman ang aking bag, dala-dala pa ang assignment na ilang gabing maisusulat, mga salaysay ukol sa makinarya at alien.

Hindi ko na maalala kung paano kong sinimulan pero ang alam ko, tanong ako nang tanong sa aking kapatid kung paanong maisisikot ang turnilyo sa kumplikadong software na aming binubuo, 'di ko hinuha kung para sa akin o kanya, or kung kanino man for that matter. Basta ang alam ko, gusto ko na siyang tapusin at gusto ko rin siyang matutunan para matapos ko na at magawa na kasi parang nahuhuli na naman ako.

April 14, 2021

May kung anong paghalinang taglay ang isang blangkong papel. Nakakaatat mandumi, manggulo, kulukuting maringal. Hindi ako maging ibang tao ang makapipiglas sa naitatagong angking baho ng puting papel, puting paraiso, puting katahimikan. Ilang ulit mang magsimula, magbabalik at magbabalik sa blangkong espasyo, sa kawalan ng maiisip, isasaisip, simula, marungis, tama pa ba hanggang sa tama na.

Mapaanyaya, hahalimuyak ang bangong kay puti, kay lalim na sisisirin, hinding-hindi makikita ang dulo, sumisid mang mambutas at umapoy ang lagablab tungong kilay at pumiglas. Maririnig ang bawat guhit na umaawit nang walang himno ngunit may kaluluwang mahilig maligaw, magpaligaw, sumayaw mang walang tugtog sa apuhap, madidiinan pa rin sa pakiramdam ang walang pakay na piglas, paraiso, pamamaalam sa puti.

Magulo, may gambala. Biruin mo't biruin ng lahat na hindi sa lahat ng katutura'y may nakatagong sa ilalim ng mesang punung-puno ng lampas na mga marka ng iyong ballpen, aking ballpen, mga takot sa tasang mga lapis at tintang masarap amuy-amuyin kapag hindi pa dumarating si ma'am, si ser, si ginoong may kulang ka pa pero bukas mo na bayaran. Pagbabayarin ka pa rin kahit na lamukot na at hindi na puti pa ang magaspang, magulo, sinarili mong puting mga papel.

April 7, 2021

What you see is what you get. Ngayon ang get dito ay yung pagkaunawa o pagkaintindi, o kung pagkakuha man e hindi yung literal na pagkuha (ng kamay). Gets mo? What you see is what you get. Nasa sa'yo kung anong intindi mo sa realidad base sa sagap ng senses mo. Nagkakaroon ka lamang ng pakialam sa mga sakaling tambad ng iyong pansarili lamang din namang kokote. Wala ka naman talagang pasimudhi pero, alam mo 'yon, nandiyan ka lang naman din palagi.

Ang bawat nasasakupang ayaw mong dinggin ay paalala lamang sa'yo ng buhay na hindi mo maitatangging nagkukunwari ka lang naman buong tala ng buhay mo. Hirap kang magpakatotoo sa sarili mo't papaano pang magpakilala sa hindi mo naman kaanu-ano. Marami kang napapala sa kabibisto ng mga hinahanap mong kalaban, ni hindi ka man lang maguluhan sa sarili mong mga kapakanan. Iba't ibang kapakanan. Iba't ibang kalakaran. Sa lahat ng mga minutya mong pagpapaalipin, ni isa'y walang umasta sa pinlano. Balewalang mga gaya, bahala na ang makaamoy sa isinalang ng panadero.

Mahahanap ding kay lamig ang mistulang nakatakas sa tag-init. Mabagal ang usad ngunit pamreskong balahid ang liham na dala-dala ng hindi ahas, hindi kamagong, hindi rin maitatabi sa apat na sulok ng pag-iisa. Isama mo man ang kisame at mga bintana sa bibisitahin mong kaarawan mamaya, mabatid sana ng kokote mo ang kaisa-isang awit na nalalaman ng iyong puso. Ikaw ang bahalang sumaya, ikaw ang mag-umpisa. Hindi naman din nila batid na hindi mo pa rin batid. At sila rin naman.

March 28, 2021

Medyo kuntento na kung tutuusin. Ilang bulabog pa ang kumalabit. Pintig sa balikat ko'y kaunting asar na lamang ang pumapakli. Hindi ko na pinababayaang malunod sa ilalim ng walang hintayang pag-aakala kung darating pa nga ba ang bus pampasahero o lulukbit na lamang ako sa agarang pamimistulang sakali ng diyus-diyosan, diyus-diyosan...

Ah, saka na. Lumiliwanag na nga na naman pala. Kahit pang masira nang paulit-ulit yung hingahang matalik na matalik, ilang piyesa pa ang umalis at kumaripas ng lipad hanggang mahulog sa basurahan, at makailang alala pa ako sa typewriter sa dalampasigan habang nakikinig sa mga alon ng dagat na walang-walang surfers, ang kulimlim ng langit ang siyang mag-iiwan sa akin ng hindi mauunawaang lilipas ding ngiti.

Inilublob ni kumpare sa putikan ang kanyang kikislapan ding mga tsinelas. Hindi na baleng makagat ng crabs, cramps, o kahit na anong camps. Come over here, come over her. Come as much as you want, as much as... it gets.

Hayaan mo kasi hinahayaan naman talaga. Nandirito na ang mga darating pang mga tropa. Paypayan mo nang maigi ang mga nagtatalbugan nang mga fuck, wait lang. Nagdala ka ba ng gin? Empy? Maraming case ng red horse? Ah, saglit, iisipin ko muna kung papayagan ko nang muli ang aking sariling matulog sa ilalim ng langit, sa ilalim ng walang ulap, ng mga talang nakakaalala ng pinagsamahan namin dati. Paalam.

March 21, 2021

Tatalun-talon, papari-pariwara. Mga lalaking nakaantabay sa mga gusto pang maggala. Hindi ko naman sinasabing wala na silang mga pakialam. Ang hirit lang ng mga mangga'y magsimula na silang sumibol, maski isa-isa pa, basta't nang hanggang sa dulo'y maisawsaw ang mga maipong barya sa kalasap-lasap na mantikang tatapos din sa ating mga kamatayan.

Madulas ang kupad ng mga alalay sa kahapon. Huwag banggain ang mga nagsisipagtayugan nang ala-alambre't mga tanso. Sa tuwing maghahapon ay saka maghanap ng mapaglilibangan. Huwag kalimutang magbitbit ng lubid at banig, tihayang pasahig, ang iniwang duyan sa bahay ay ngangatngatin na ng mga bubwit na lalaki ring mga peste, ayaw na ayaw, kadiri.

Pero, o siya, siya, nakarating ka na rin naman. Kahit pang ilang dagok ng hikab, matagal nang naikintal nang walang halong pagtikhim ang nalalapit o nalalayong paglapit sa karimlan. Walang makatatakas, walang bisa ang mga abono, ang mga bait, ang lahat ng kahit ipunin pang sambit ng pagmamahal sa kahit na ano o kanino. Gaano mang gabuhos ang mga patak na inipon, isang wisik lamang ay mayroon at mayroong didikit at tatalsik na mga balahibo. Damay-damay na sa lahat ng matilamsikan, maghanda ka ma't magtago, harapin man ang mga pagsubok o lumayo, nariyan ang mga tambay, nakaantabay, mga babaeng gusto ring makigala.

Papari-pariwara, tatalun-talon.

March 14, 2021

Sabi nung napanood kong video nung isang araw, "There's no path without pain or misery." Kung stuck ka raw between two hard choices, it's okay to consider the pain or misery na mararanasan sa parehong path na pinagpipilian.

Hindi naman ako naniwala agad so minabuti kong icheck sa isang circumstance. What if gamitin ko 'tong lenteng 'to sa exercise?

Anong consequences kapag nagdiet at exercise ako? Mababawasan yung makakain kong masasarap. I'd have to maintain the schedule-routine exercise so like palaging may pagod ako sa katawan.

Anong consequences kapag 'di naman ako nag-exercise? Papangit yung health ko. Hindi na magkakasya yung mga gusto kong isuot na damit.

So, yeah, alin diyan yung pipiliin kong mga misery 'di ba?

Bale medyo napagtanto kong may sense yung sinasabi ng video. Hanggang sa umabot ako sa pag-iisip na walang perfect na path, I mean;

When we say perfect, walang may ayaw natin, walang problema, walang bad trip, walang mali so kung madalas kong ilalapat yung ganitong takbo ng pagkakategorya ng iba't ibang tahakin ko sa buhay at sapalarang mental, I should accept yung reality na magkakaproblema at magkakaproblema ako, na iyon nga, there's no perfect path, no perfect life, no perfect friends, no perfect partner, no perfect family,

nothing is or will ever be perfect. 

I don't know how to perfectly end this so yeah, fuck.

March 7, 2021

I fail as a lullaby 'pagkat yaring limot na ng aking lalamunan ang iba't ibang songs, iba't ibang himig, iba't ibang forever gimmick, mga malawalang iwanang lyrics. Higit na ipinagtatakang umigwa pa ring nagbabalak na gabi-gabing maghintay maski pang hindi tumila ang ulan o may mga pagtatangkang maipasuot mo sa akin ang napaglumaan nang black suit and tie ng iyong ama.

Sandali lamang at tatapusin ko lamang hukayin iyong ilang linggo ko nang problema sa bahay.

At... mukhang bukas na ulit.

Saka mo ako ipakikilala (o baka hindi na) sa mga nagluluto ng dinner mong nasa malayo pa lang ay langhap na langhap ko na ang kabusugan. Marapat lamang na turuan kong magthank you ang aking mga pananamantala nang 'di nila mavisualize kung ano nga bang tinira mo't naisipan mong nagkakaroon pa pala ng pag-asa ang mga yamot nang umibig.

Marahan at mahina lang sa bawat senyas, pagkibo, pagkalabit sa balahibo. Pagkatahimik na mga ngiting hindi naman dapat pinipigilan. Maaalala ang mga itinuro sa school, mga paksang hindi naman talaga nalaman. Mga iginuhit at idiniin sa pisarang aksaya lamang sa chalk at bagot ng orasan.

Minu-minuto ang lumilipas, sakaling enjoyin mo pa rin ang mumunting palabas. Hindi pinaghandaan pero sabik na sabik sa pakinabang. Atat na akong manumbalik sa tuktok, maging aliping may trono. Mamahaling hindi naibabalik, gagayak na pang-asno. At kung sakaling mabatid pa ng imagination mong sawi, ang aking mga balak ay pinrito nang sa kawaling naghahasik ng mga tilapong pumapara sa mga nagmamadaling makauwi.

At... mukhang bukas na ulit.

February 28, 2021

Paminsan, pinagmamasdan kong mainam ang buwan bilang paalala sa akin na humahawa lamang ng sinag ang mga kapuwang lalang lamang ding lubog sa kawalang kuwentahan ng lahat. Mapagaano man kaliit, kalaki, kabait, kasama, ang lahat ng binubuong daigdig sa mga dai-daigdig ay kakulangan lang naman sa kahit ano pang gustong iparamdam sa atin ng ating mga nag-iisa lamang ding mga tanong.

Bawat prinsipyo'y kapwa nagpapanaigan lamang, at kung sakaling may umisa pang akala'y hadlang sa kanyang pangungungumustang panlilinlang, ni hindi niya man lang nanaising magpasinag sa hindi rin mahahalatang pamuwesto't pagpapagana ng mga nagsisitagayan nang tunay, mapawalang bangko pa 'yan o may karga-kargang lapis at papel, walang tintang mga ballpen at malalamukos ding mga papeles, ibinulsang mga kalamansing nadaanang mula sa isa hanggang dalawang dura lamang ang pagitan tungo sa tiyang parang walang iniinda ang mga angking ngiti ngunit lumalabas din ang tunay na balahibo sa tuwing sasapit ang mga aalagad-alagad ng kung ano.

Hindi na matatapos pa ang paghinging pamamaalam. Ang pagkalalim na sugat na likhang bahid mula sa kasiyahan at pagkatunaw ng limahid ay sinubukan munang pagalingin gamit ang kakaibang lakas ng sustansya, poging-poging mga pambihira, tikas na nakalalaglag ng panty, hindi matatawarang mga hiyaw, hindi matatapos na tugtog, hindi matatapos na iyak, hindi matatapos na pag-iwas sa panaginip at pangarap.

Ang makapanlisik sa ginoo ay pinigilan subalit aabangang mga latay sa dibdib ang siyang paulit-ulit na makapagpapaalala sa bawat paggising na, iyon na nga, walang kuwenta ang lahat, susunod at susunod ang walang may-ari sa mga ginoo at ginang. Tatanggapin sa sariling magtatapos ang mga hindi na nasimulan pa. Bubuhusan ng abo ang mga gustong magkuwentuhan. Mapagtatantong magiginhawaan lamang ang kanilang mga ginagawa nang dahil sa ang mga dumaa'y hindi naman na dapat pang nililingon. Kung tanga ang may sabi na malaya ang mga ibon, ano pang isasakali ng mga ihip sa kahapon?

February 21, 2021

'Wag mo nga akong guluhin, maliit na isdang galing sa pangpang. Naligaw ka lamang nang ilang wasiwas ng palikpik, akala mo na'y nasisid mo na ang lahat? Hindi naman sa pagmamasabi pero kapag pagtutuusin ang iyong mga kurong pagtutuos, kung tutuusin, wala naman talagang nagtutuos.

Ano ba kasing problema mo? Na sa akala mong may sa bawat manubelang bibiglang may pagligaw e nagkakamali na agad ng pagpasok? Ang dilim ay nakapanghahawa sa isip kaya't ubusin mo na agad 'yang mga natitira mo pang balak at baka sakaling makatikim ka pa ng kakaibang ligayang hindi naman na dapat pang hinahanap. Pangangapang tunay, galit at poot, sa paghahanap ng nagpapausad sa makinarya ang siyang gigising sa iyong masamang gising.

At kahit na maghintay ka pa, at siya, at siya, ang mga abubot sa kanyang buong katawan ay tuloy pa ring makapanghihina sa aking isip. Hindi ko na maipagpatuloy pa minsan ang minsanan na nga lang at sapilitang pagsukat ng kanyang dating nalalabing pakikisalamuha. Pero alam ko ring siya'y may puso, nakakaintindi, at hindi pa rin tumitigil sa pagkain. Masaya akong masaya siya. Huwag mo na rin sana siyang guluhin.

Mag-iingay 'yan nang mag-iingay. Tila walang sinasanto. May nakikitang hindi ko kailanman maipapakilala sa sarili kong mga pang-amoy. Mayroon siyang sariling mga alaala, pagsipat na malabo para sa akin. Ang ikinalilinaw na lamang ay ang muli't muling pagbabalik niya sa akin. Alam kong hindi na niya ako malilimutan ngunit marami na akong nakakaligtaan. Marami na akong pinalalampas, at marami na ring napapanaginipan. Hindi ko ako ang mga kasalanan bagkus mabigat pa rin sa aking dibdib sa tuwing may nakikitang nalalaglag na manggang dumadagundong sa bubong sa tuwing sasapit na lamang ang dilim.

Magugulat ako, malamang ay magugulat din siya. Sisilipin kong saglit ang buwan nang makahingi ng kaunting simpatya, sandaling pahinga. Ang paghinga ko'y unti-unti ko nang kinakalong nang sa dumating na ako'y malagutan, maaalala ko pa rin ang paubos ko nang mga hinga sa aking mga pahinga.

February 14, 2021

Kuwentong blowjob.

Ano ang nauuna, isip o emosyon?

Mangyaring may dalawang batang nasa toy store na parehong hindi binilhan ng gusto nilang laruan. Ang isa ay ngumawa at ang kabila'y hindi. Anong tumakbo sa isip nung kalmadong bata kumbakit hindi siya umiyak tulad nung isa?

Minsan, inilulusot ko sa sarili kong ang emosyon ko'y produkto lamang ng kalikasan ng pisikal kong utak. Maigi sigurong isiping maaaring bunga talaga ng pag-iisip ko kung ano yung nararamdaman ko. Maaaring may kapareho ako ng sitwasyon pero puwede ring magkaiba kami ng pagtahak, magkaiba ng daloy ng isip, magkaibang direksyon.

Nauuna nga bang mag-isip bago bumulusok o bago manahimik? Paano ang mga baby na umiiyak na lang bigla? O nagagalit? Anong nasa isip nila? May mga agarang himutok ng damdamin (pa) rin ba tayo tulad ng mga sanggol? O unti-unti na lamang nating pinipigilan ang kalikasan ng emosyon?

Iyong pagpigil ba ng emosyon gamit ang isip e maaaring tingnan bilang nauuna ang emosyon sa pag-iisip?

February 7, 2021

Happy fucking beer! Isinilang kang muli, motherfucker! Lasapin mo ang laslas sa pulso ng kawalan ng muwang. Hindi ka na makakabalik pa, sugurin mo man nang papilit ang nakaraan. Sa diyos ng mga patirik ng kandila at halik ng kamatayan, maaari mo nang sabihing buong buhay ka nang pinagmumulatan ng mga madlang ignorante, pulpol pa sa berde. Ang mga signos ng kuhang musika at putukan na grabe. Kapag binilisan pa lalo, baka mayari na. Ang sinabi ko gumising ka, bakit biglang natutulog na!

Gising, gago! Oorder ka pa ng fries sa malayo! Dagdagan mo ng cheese yung sa akin, tapos barbecue at mayo! 'Pag pabalik ka na sa kanto, antabayanan mong lumiwanag yung papitik-pitik na streetlight, at baka 'di mo maiwasang makaladkad nang papuwersa, imbalidong nilalang. Baka pagbalik mo rito e kaunting sauce ang matirang paghahati-hatian na lang natin. E wala ka na ngang ambag. Nauna ka nga sa kalakaran pero kami pa ang lumaspag sa mga korteng iiwanan ng ilaw na nanghahawa sa hikab mong hindi mo pa rin inuunawa. Saka na, saka na, saka na sigurong pumalo. Ang mahalaga na lang siguro, may chance ka pang sumuko.

Pero hindi ibig sabihin no'n e tamang good trip ka na lang. Tandaan mong may sa gilagid ang kuskos ng kamangmangan. Kaya kung may gusto ka mang ibida sa nalalapit nang mga oras, pagpalit-palitin mo man ang mga kamay ay mayroon pa rin sa'yong totodas dahil hindi naman sa kawalan ng morale ang usaping makapaglalayo. Ang usapin sa kaibuturan ang dapat na tumatayong mga magulang, sandigan, dapat laging may makakapitan. Kung mag-isa ka sa gapangan, huwag na sanang pag-aksayahan ang mga natitira mo pang segundo, maeengganyo kang magmadali. Sige na, motherfucker, at hanggang sa ikubli mo pa ang iyong inimbentong mga mekanismo. Hindi ka naman nag-iisa so don't take us for fools.

January 28, 2021

Idinapat bang ibulalas na mayroong tindi rito sa gitnang banda? Dapat ba? Fuck. Sa pagkakaroon ng mali, hinihintay na lamang na sumimple ang bawat patutyadang ang pag-aaruga sa mga anghel ay dulot na lang din ng alulong ng lima hanggang apat na mga buwiset. Gabi-gabi na lamang, o baka sa tuwing papasok na ang madaling araw ay namumuo ang kung anong hindi timpladong pagkakalam ng sikmura. Siguro, mayroong gustong magnais. Ang kaso lang, may pagpipigil pa rin sa paghila ng pagtatago sa liwanag.

Mahirap din namang mautusan, o imposible, ang mga natitira na lamang na suko ng kahapon. Nagsisimatayan din naman ang lahat matapos magpakalugmok sa kahit na anong pagpahid sa ilalim matapos lumubog nang tuluyan. Sinasadya nang umalingasaw ang pagkatakot sa iwas sa pangakong pamamahinga dahil nakapako na rin lang nang may pagmamatyag sa ingay at dausdos ng pekeng kasalukuyan.

Kakalmahan pa rin ba ang mga pagtusok ng kuko pailalim, o hahayaan na lamang magpatira sa mga morpemang may simbagal ng kuwan hanggang sa ihagis na lang ang katawan tungong ibang pag-aari? May pagkukunwaring pagpupumiglas mula sa inimbentong mga sala, at tagung-tago sa mga repleksyon sapagkat umaayaw na igiling ang yaman. At kung may isusubo pang isang kutsara na sukli ng sa kahapong pag-iina, ay sa kung anong tulin pa ba nang matapos na ang lahat ng ihinain sa mesa.

January 21, 2021

Pasalangit (nawa). Patago. Pagkaginaw. And I'm kind of all over the place. Fuck you, you fucking fuck. Sorry. Puta, ang ginaw. Shit. Kailan pa bang magkakaroon ng panibagong pag-atras, paghingi ng hinahon? Nasaan na ang mga hinahanap kong tala kapag kailangan ko na ng kakampi? Bakit ba sa tuwing nariyan, e nandoon naman ako?

Hala, hindi naman sa pagmamakisot pero ang gulu-gulo na naman ng pinagtatakluban mong mga pahinga. Nawala na ang mga pinag-umagahang abang upang magpaabot ng timyas ng aliwalas ng madaling araw. Nagbabagong bigla ang mga liwanag pero hindi pa rin nagsisimulang magkumahog ang pamamalit-piyesa. Puwera na lang sa mga nakasasawa nang pagrereklamo tungkol sa sarili na paikut-ikot lamang din mag-umpisa.

Waring bumangon na't nananadya ka pa rin, kahit pang humingi ka ng paumanhin, umiigpas pa rin ang pagkitil sa kasamahan ng sinubok na ng panahon. Ang bawat iniwang marka ay silbing patunay na hindi lahat ng kay titibay e boss lord na agad, at kung sakaling may aalalahanin pa, alam mong alam kong napagdaanan ko na ang salimuot ng pag-uulit. Nakakainutil kung paminsan. May mga kaparehang itinatapon na lamang pabigla't nakakagulat din at sa kung pasaang sumabog ay wala nang may pakialam.

Pagunaw, paumanhin (din) pero may premyo pa rin sa mga lumilipas na ihip. Pag-isipang matagal ang mga walang kuwentang bagay nang umibabaw ang siyang may-halagang paghikahos matapos magpaalam sa nakaraan.

January 14, 2021

No amount of yosi will every satisfy you. Yeah, but what if all I ever wanted was this never-ending pleasure? What if I never wanted to be satisfied? Or at least, hindi ko naman talaga hinanap ding masatisfy nang matagal? Or inisip ko na ring (at alam kong) hinding-hindi ako masasatisfy nang matagal? Bakit ba sa tuwing maghahanap na lang ng kasiyahan ang tao'y inaasahang kay tagal nitong mananatili? Nananatili bang talaga ang kasiyahan? Ang sarap?

Kung gayon ay gaano naman katagal kaya ang nais na pananatili? Bakit kung magmumuni'y madalas sa minsang pananatiling wagas ang puntirya? Kailan bang naging forever ang saya? Pagbatikos ba itong hindi na nararapat pang manatiling masaya? O baka iniisip ko na lamang na maaaring maging masaya bagkus walang pananatili?

At kailan bang nanatili ang lungkot? Ang pag-iisa? Ang paghahanap ng sarili sa sarili? Kapag bang inisip kong matitigil ang lahat kapag permanente na ang aking saya, hindi nang manunumbalik pa ang lungkot? Kailan bang may nanatili? O baka paulit-ulit lamang ang lahat na nanunumbalik? Mapasaya, mapalungkot, mapapag-iisang hayag? Takot akong mamalagi ngunit palagi rin namang natatakot.

Sa paghikbi kong papabalik sa aking trono ng kamangmangan, ipinagpapalagay ko na lamang na maiging ako lamang ang nakakaalam. At hindi sa basta-bastang pag-iibang ako kundi para lang sa pamamalaging ako. Hindi ko alam kung hanggang kailan akong mananatili ngunit naiintindihan ko ang aking pananatili. Iisa lamang ako't sumasaya't malulungkot sa pag-iisang ako. Sa iisang guhit ng bawat hiblang hindi na babalik, ano pa't sungayan na lang sana ako ng paisa-isa ring stick.