Ano ba kasing problema mo? Na sa akala mong may sa bawat manubelang bibiglang may pagligaw e nagkakamali na agad ng pagpasok? Ang dilim ay nakapanghahawa sa isip kaya't ubusin mo na agad 'yang mga natitira mo pang balak at baka sakaling makatikim ka pa ng kakaibang ligayang hindi naman na dapat pang hinahanap. Pangangapang tunay, galit at poot, sa paghahanap ng nagpapausad sa makinarya ang siyang gigising sa iyong masamang gising.
At kahit na maghintay ka pa, at siya, at siya, ang mga abubot sa kanyang buong katawan ay tuloy pa ring makapanghihina sa aking isip. Hindi ko na maipagpatuloy pa minsan ang minsanan na nga lang at sapilitang pagsukat ng kanyang dating nalalabing pakikisalamuha. Pero alam ko ring siya'y may puso, nakakaintindi, at hindi pa rin tumitigil sa pagkain. Masaya akong masaya siya. Huwag mo na rin sana siyang guluhin.
Mag-iingay 'yan nang mag-iingay. Tila walang sinasanto. May nakikitang hindi ko kailanman maipapakilala sa sarili kong mga pang-amoy. Mayroon siyang sariling mga alaala, pagsipat na malabo para sa akin. Ang ikinalilinaw na lamang ay ang muli't muling pagbabalik niya sa akin. Alam kong hindi na niya ako malilimutan ngunit marami na akong nakakaligtaan. Marami na akong pinalalampas, at marami na ring napapanaginipan. Hindi ko ako ang mga kasalanan bagkus mabigat pa rin sa aking dibdib sa tuwing may nakikitang nalalaglag na manggang dumadagundong sa bubong sa tuwing sasapit na lamang ang dilim.
Magugulat ako, malamang ay magugulat din siya. Sisilipin kong saglit ang buwan nang makahingi ng kaunting simpatya, sandaling pahinga. Ang paghinga ko'y unti-unti ko nang kinakalong nang sa dumating na ako'y malagutan, maaalala ko pa rin ang paubos ko nang mga hinga sa aking mga pahinga.
No comments:
Post a Comment