Aminadong kinakabahan pa rin naman minsan, kahit na patuloy ring pinakakalma ang butod. Ididiin nang ididiing humingang malalim, humingang malalim, putang ina mo, huminga ka nang malalim. 'Wag kang mataranta, ops, 'wag kang matataranta. 'Wag kang matataranta, puke ng ina mo, 'wag kang mataranta. Kaya mo 'to. Kaya mo 'to. Sa iglap na pipikit ka, lalamunin ka nang buo ng iyong demonyo. Bunga ng mga ideolohiyang demonyo rin, hinahayaan mong hayaan mo ang sarili mong tangayin ng mga buga, papaloob nang papaloob, sagad sa pader, sa sahig, katabi ng mga daga at ipis, unti-unting patungo sa iyong mahinang pagngawa ang maiitim na mata, tatakutin ka, at magpapatakot ka naman. Dahan-dahang lumalapit, kahit mabagal, alam mong maaabutan ka pa rin niya. At kahit na alam mong maaabutan ka niya, inintindi mo pa rin lamang ang takot, ang kaba, ang pagkabatang magpakain sa kadiliman.
Mapapasigaw ka nang walang ingay, walang tunog, ni hindi mo maririnig ang iyong sarili. Tanging kaluskos ng paggapang ng mga papalapit na yapak ang patuloy na nagpapakilabot sa kabuuan mo. Alam mong sa sarili mong kaya mo, pero tama na, tama na ang tanging natitira na iyong mga sambit. Tama na, tama na, please, tama na. Hindi ko na kaya, hinding-hindi ko na kaya. Mapapakapit na sa sentido mo ang iyong dalawang kamay, sisigaw kang muli para sa tanging pangalan na alam mong sasagip sa iyo, nang umabot na ang demonyong sumambulat kahit na inasahan - yaring siya rin, ang sasagip sana, ang tanging tumapos at tatapos din pala sa'yo.
No comments:
Post a Comment