Titingnan mo ang iyong mga sapatos. Hindi ka pa rin marunong magtali ng sintas. Makati pa rin ang magkabilang medyas na ang nanay mo ang pumili para sa'yo sa department store. Spider-Man dapat kasi lalaki ka at mahilig ka dapat sa superheroes. Yung bag mo, Iron-Man. Yung notebook mo, LA Lakers. Yung pencil mo naman Mongol pero 'wag sila kasi kumpleto yun mula 1 hanggang 3. Nagtataka ka minsan kung bakit binibilhan ka pa rin ng hindi mabangong pambura ('di tulad ng pambura ng crush mo, yung watermelon) e meron naman nang pambura yung lapis mong Mongol. Tapos andami mo pang ekstrang lapis, e 'di marami ka na ring ekstrang pambura 'di ba? Napakadaling mathematics.
Mapapansin mong sa may sulok na upuan na tahimik na naman yung tahimik mong kaklase. Alam mong nakikilala ka niya pero 'di ka sigurado kung kilala siya ng buong klase. Madalas siyang mapagtripan ng teacher niyo sa Filipino kasi ambagal niyang magsalita, sumagot. Maputla lagi yung mga mata niya at palagi siyang may bimpo sa likod, kahit na alam mong hindi naman siya pagpapawisan kasi hindi naman siya nakikipaglaro 'pag recess katulad mo. Huwag ka raw magtatatakbo pagkakain kasi sabi ng nanay mo magsusuka ka lang at sayang yung perang pinambili ng pagkain mo.
Binubura na ng teacher niyo yung nakasulat sa pisara, malapit na palang mag-uwian. Nagmamadali kang ipasok lahat ng mga gamit mo sa bag habang nakikipag-unahan ka dun sa kaklase mong parang pasara lagi ang mga talukap. Biniro mo na lamang sa iyong isip na baka may sakit siya at walang ibang nakakaalam. Napangiti ka sa kakulitan ng isip mo.
Nagulat ka nang tumingin din siya sa iyo.
Bumilis ang tibok ng puso mo. Nakita ka kaya niyang ngumiti, tumatawa? Kinabahan ka't baka nababasa ng kaklase mo yung isip mo. Binilisan mo pa lalo ang pagliligpit ng iyong mga gamit sabay sarang bigla ng zipper. Tumayo ka na nang agaran kahit na may naipit sa zinipper mo. Hindi ka na lumingon pang muli. Alam mong pareho kayong mag-isang lalabas ng inyong silid. Mag-isang maghihintay ng sundo. Mag-isang gagawa ng mga assignment sa bahay. Mag-isang maglalaro. Mag-isang matutulog kapag inantok.
Inisip mong kinagabihan yung kaklase mong mukhang patlang lagi ang laman ng isip. Paulit-ulit kang natakot at kinabahan dahil ayaw mo pa ring mapahiya.
No comments:
Post a Comment