Sa akin ang mga paminsan.
'Di na bale ang mga paalala.
Basta kung 'di na maalala,
Nako, baka malala na, at
Hindi na maaari sa maaari
Kung lalang babalikan pa.
Pagod lang siguro rito banda
Kung sakaling may lusot pa
Akong mga hiblang hayok sa
Iyong makikitid na paalam.
Ipaalam nawa sa akin ang
Aking mga naiwang balikan,
At nang mabuong muli ang
Binaklas sa pira-pirasong
Mga luha at paghihintay,
Makasakay lamang at hindi
Lamang mag-iwan ng huling
Mga bakat, huling mga silay
Sa buwan, huling mga sinding
Simpalad ng mga alitaptap
Sa ginaw, sa koro ng mga
Palatusok na ararong ilaw.
Bigyan mong muli ng isang
Pagkakataong makahanap
Kaming muli ng paglalasapan
Ngayong gabing lakad lang
Ang nagpagising sa init, sa
Uhaw na dulot galing berso.
No comments:
Post a Comment