wala kang tiwala sa iyong sarili, lalong-lalo na sa iyong mga naririnig at nakikita. para bang hinding-hindi ka makunte-kuntento sa mga nakapaligid sa iyo. hindi mo naman sila tinuturing na kalaban ngunit ipinagdarasal mo madalas na huwag ka na sana pa nila gaguhin. iba ang lipad ng iyong utak sa tuwing nauunahan ka na ng kaba. nagiging blangko lang agad ang lahat na para bang paulit-ulit na natatabunan ang mga naipapanganak mong gunita.
wala ka nang maalala. alam ng iyong buong kamalayan na siniyasat mo na nang sobrang igi ngunit ayaw mo pa ring maniwala sa iyong sarili. ayaw mo na talagang maulit ang dati. niloloko mo na lang parati ang iyong sarili para makasiguro lang, at ang pag-angkla sa desisyong iyon ay tila araw-araw mo nang pilit na tinatakasan.