January 30, 2026

disruption

sa iyong sunod na kurap ay napasinghap kang malumanay. masama na may halong pag-aalala na ang tingin sa iyo ng nakaligtaan mo at madali ka namang humingi ng paumanhin. hindi nagalaw ang mga bato. nalipat lamang ng puwesto ang mga dahong malilikot at inaantok pa na araw. tuloy pa rin sa paglilipat ng kung ano ang mga langaw at langgam, at hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam ang ibig sabihin ng lahat ng ito.

huminga ka nang malalim at inindang saglit ang namanhid na sa iyong katawan. nakapagtataka na wala kang hinahanap ni iniintindi sa mga sandaling ito. lalong umiigting ang katahimikan at kinabahan ka dahil baka bigla na lamang may gumulantang sa iyo at ayaw na ayaw mo pa namang inaatake ng nerbyos.

pinagmasdan mo nang maigi ang orasan. namangha ka't matagal mo nang hindi pa napapalitan ang baterya nito't gumagana pa rin siya. hinanap mo na lamang kung mayroon ka pang natitirang pamalit na baterya para sa sandaling huminto na ito.