hindi mo iyon mahuhuli, magpakailang taon ka pa na ermitanyo. kahit araw-arawin mo pang almusalin ang pinakabibihirang mga sangkap at katumbas na mga lasa, daniw lamang na paglunok sa huli ang magiging walang katapusang danas ng iyong pagtikim na hindi kailan pa man magiging paglasap. maski pa na magpakatapilok sa iyong harapan at muli't muli mo na saluhin ni masalo, bawat inyong pagbagsak sa semento ay magmamarka ng palalim nang palalim na sugat na hinding-hindi na maghihilom pa.
magiging tunay na suklam ang iyong mga tawa at mapapauwi sa poot ang iyong bawat pananggalang na ngiti. hindi ka naman mababaliw pero malilimot mo na kung para saan pa ba ang katinuan. lahat ng mga tanong ay magwewelga pabalik sa 'yo at wala kang ibang maipapalusot laban sa kanila kung hindi mga ipinanganak mong pagmamalabis.