August 29, 2010

Konik Serquet

Buhay ay puno ng mga karanasan
May mga araw na ayaw ipagliban
Gustung-gusto natin, ayaw na iwanan
Kailangang iwanan, tuloy pa ang laban

'Pag ako'y mag-isa, sila'y ala-ala
Aking mga pinsan, kasama sa gala
Paglubog ng araw, kami'y natutuwa
Aming pagwawala, mag-uumpisa na

Paglabas ng bahay, dala ang kandila
Aakyat ng bubong, walang pakialam
Kami'y tumatakbo nang buong ligaya
Tawa aming kanin, sigaw aming ulam

Tuloy pa ang laro sa aming pagbaba
Ang tagu-taguan nagbibigay saya
Nawalang mabagal aking ala-ala
Sa kama ako'y nakahiga pala

request ng kung sinong tao XD

August 23, 2010

Homogyd

Naku, ang ganda talaga ng gising mo
Bumangon bigla, sa cellphone dumeretso
Bumuka ang bibig, nandilat ang mata
Itinapon ang hawak, kabado ka na

Iniwan ang kamang magulo ang kumot
Bumaba ng kama, 'di alam gagawin
Tumaas ang pressure! Sobra na ang kamot!
Paano na kaya, ang hirap isipin

Kutkot ng muta, bumuga ng hininga
Binuksang tokador, nagpalit ng damit
Isinara na, tumakbo na pababa
Nagpapawis, leche, sa labas ang init!

Naghintay ka na ng jeep na sasakyan mo
Pagbuhos ng pawis mo tulo nang tulo
Pagdating ng jeep muntik ka nang sumigaw
Chineck ang relo, pagka-late mo wow na wow!

Nakarating ka na rin sa pupuntahan
Aah! Takbo! Puso'y nakikipag-unahan
Pagdating sa ikaapat na palapag
Shit! Classmates mo nakaupo pa sa lapag

During Kas 1 Class, imbis na matulog, gumawa na lang ng tula. XD

August 22, 2010

Year Lid Ad

Ang mundo'y puno ng misteryosong bagay
Iba't ibang hugis, anyo, saysay, kulay
'Di naman lahat ng nakikita natin
Ay hawakan at bigyang labis na pansin

Mag-ingat sa pagpili ng mga bagay
Sa kanila nakagapos iyong buhay
Mayroong mga nagbibigay ng tulong
Maaari ka ring mahuli, makulong

Hindi lamang materyal ang bigyang-pansin
Puwedeng makaapekto ang tao rin
Huwag pabulag sa taglay na kayamanan
Ugali't pananaw, tanging pag-isipan

Mahirap ang buhay sa mundong ibabaw
Timbangin ang bawat isip, kilos, galaw
Piliin nang mabuti ang mga sangkap
Hindi mahuhulaan ang hinaharap

Sa bawat suri, hanap ay isang bagay
Sa bawat hakbang, iisa lang ang pakay
Tunay na kalayaan, kailangan natin
Maging payapa sa lahat ng mithiin

August 5, 2010

Random Poem

Mimaldi Niglawa

Nagpunta ako sa ilalim ng buwan
Bumagal ang takbo, isip ay tumagal
Buong paligid, walang buhay ni isa
Dumapo ang lungkot, tumulo ang luha

Ang buong isip: Bakit ako narito?
Walang makausap, makatok ni sino
Naisip na sumigaw, ako'y bumwelo
Aking inilabas, sumigaw nang todo

Sarili'y napatigil, walang narinig
Biglang kapit; nawawala aking tinig!
Nanlaki ang mata, lumuhod sa lupa
Nagsisi, lumuha, sumigaw, humiga

Pikit ang mata, iniba aking pasya
Hinigop ang sarili, tumayong kusa
Unti-unting liwanag, sumilaw sa'kin
Maskara'y iniwan, dala ng mithiin