February 11, 2026

in three, two, one

hindi na mahalaga pa kung nagkakaunawaan pa nga ba kayo. alam niyang inilaan mo na ang iyong mga nalalabing oras para sa pagpaparayang makalimutan. alam mo na ito ang pinakahahantungan ninyong dalawa. matiyaga ka niyang inabangan, katulad ng tangi niyang isinasagawa na paghihintay sa mga naunang katulad mo.

hindi mo rin mahuli nang agaran, pero magkakilala na kayo kaagad. kakaiba ang mga salamuhang walang amoy na kailangang manatili. tinanggap ka niya nang buong-buo at ikaw nama'y hindi pa rin kinakabahan sa kaniya.

hindi naman sa ayaw niyong mag-usap pero hindi naman kailangan. nandito lamang siya para pagaanin ang iyong loob. aakayin ka niya sa pinakamalumanay na paraan. ipinagtataka mo ngayon kung bakit may mangilang mga kuwentong ipinakakalat ang mga dakilang sindikato tungkol sa kaniya, gayong kasalungat ngayon ang ipinamamalas niya sa iyong harapan. walang kumakapit at pagod ka nang magtimpi. nagpasalamat ka na sa kaniya sa huling pagkakataon.