February 9, 2026

it's time

dadalhin ka bigla noon sa may dagling panaginip na pinakamahapding iwanan nang paulit-ulit. alam ng lahat ng kilala mong diyos kung ilang beses ka nitong pinilit paluhain hanggang sa makailang ulit ka ring bumigay paminsan-minsan. bugbog parati ang inaabot ng iyong karamay kahit na malay na malay naman kayong dalawa sa kawalan ng kahihinatnan.

may kung anong pait at labo na rin ang nag-uudyok sa 'yong magpatawad, hinihinging maging maalam sa 'yong bawat pagsisid, pero wala. madalas mo pa ring ipagpatuloy ang paghahanap ng butas sa kalawakan na maaaring magdulot sa 'yo ng mga ninanais na hindi mo pa rin mabitaw-bitawan.

alam mong sinagad mo na ang lahat ng natirang pagkakataon. sinalag mo na rin ang lahat ng tulong at simpatya na idinaan pa talaga mismo sa harapan mo. ang mga inakala mong insulto'y dakma palang may malasakit sa iyong buhay at huli na ang lahat para bumulyaw pa sa gitna ng kagubatan. naghihintay ka na lamang na kainin ng mga gutom at pagpiyestahan libo-libong mga uod.