February 10, 2026

leave us alone

paunti-unti kang lulubog hanggang sa maramdaman mo na lamang ang mga natitira mong buhok sa iyong katawang matigas nang maiiwan pagkatapos. wala ka nang ibang hinihintay kundi ang napipinto mong pagkagunaw sa ginaw habang nabubura sa mundo.

tinanggap mo nang taimtim na hindi ka magiging kaluluwa matapos ang iyong huling pag-aalay ng sarili. ibang nilalang ang mga iyon at malaki ang posibilidad na hindi ka nabibilang sa kanila. lahat ay nagtatapos. nabubuo lamang ang buhay kung naganap na rin ang katapusan. may pag-ibig na nagbabalak lumampas sa antas ng sansinukob ngunit maging ang sansinukob ay may nakatakdang hangganan.

nababawasan na ang iyong mga nararamdaman. wala ka nang ibang pinipilit pa na palabasin. hindi na importante ang mga importante. sa unang pagkakataon, mapapangiti ka nang tunay at wagas. wala na ang mga dasal. bingi na ang mga puno at ibon na kaninang nanonood sa 'yo. kahit saan mo man ibaling ang iyong atensyon ay sigurado nang walang makakapansin sa 'yo. niyakap ka na ng katahimikan at hinayaan mo lamang siyang gawin ang gusto niya.