March 12, 2011

Intro

Batis ng Diwa

Buhay Masci

uncut, mahaba, pinilit

Intro-


Hindi ko alam ang gagawin ko. Unang-una sa lahat, isusulat ko ito dahil nabitin ako noong pinasulat kami ng mumunting aklat noong ako ay nasa 4th year high school. Pasulatin ba naman kami ng kuwento tungkol sa buhay namin sa Masci sa kakaunting mga pahina lamang. Noong una kong marinig ang nasabing ipagagawa sa amin, na-excite talaga ako nang sobra kasi pangarap ko talagang makasulat ng sarili kong libro. Yung tipo ng librong marami-raming pages, hindi glossy, nasa puting mga pahina, maliit at matutuwa ako sa tuwing binabasa ko. Talagang yung pangarap kong libro umakyat, sumabog sa buong utak ko nang mabigyan ng pagkakataon noong high school. Nang sinimulan ko na ang nasabing proyekto, dumami nang dumami ang aking gustong isulat, natuwa at nahiya sa pag-aalala ng mga karanasang masarap balik-balikan at pakonti nang pakonti ang mga pahinang maaaring masulatan. Nang malamang imposibleng maisulat ang isang napakahabang kuwento sa kakaunting papel, itinuon ko na lamang sa isang ideya, isang bagay, isa sa mga pakiramdam at dahilan kung bakit gumigising pa rin ako ng 3:45 AM noong high school para pumasok - pag-ibig. Pero pipiliting isulat ng aking mahiwagang utak at ballpen ang aking second version ng Buhay Masci (pangalan ng biting proyekto) nang hindi puro tungkol sa pag-ibig. Pangalawa, ang mga isusulat ko rito ay base sa mga nararamdaman, naramdaman ko, nakita ko, naunawaan ko, naranasan ko, mga gusto kong ipahatid, mga trip kong ipagyabang at mga nahawakan, nadikitan at pinisil ko. Wala akong pakialam, at uulitin ko, wala akong pakialam at kung hindi mo pa rin naintindihan o sadyang ayaw mo talaga, wala akong pakialam kung labag sa kalooban ng mambabasa ang kanyang makikita, kung walang katotohanan ang mga sinasabi at kung bakit walang magic at milagro ang nangyayari sa buhay ko. Hindi ko na aanhin ang mga reklamo; isara na lang ito at maglaro na lang ng kung ano. Bagamat mahalaga pa rin para sa akin ang reaksyon ng mambabasa, mas importante pa rin para sa akin yung gusto kong isulat, yung gusto kong binabasa. Okay lang punahin, huwag lang editin o gayahin. Sa huli ay hindi ko masisigurado kung tatapusin mo ito kasi boring ang daloy ng utak ko at wala lang talaga akong magawa sa boarding house matapos mag-Dota, manood ng Chuck at tapusin ang reaction paper sa English 11. Hindi pa talaga ako inaantok.

~


Hindi ko alam ang gagawin ko. Matapos naming bumaba ni Kuya mula sa service na aming sinakyan mula pa sa Cavite ay pumasok na kami ng
#


Pasensya na, nakalimutan kong sabihin. Sa daloy ng aking pagsusulat ay malaki ang posibilidad na makalimutan ko ang mga detalye noong high school at magkahalu-halo ang aking mga sinasabi. Kahit na ganito, pagsisikapan kong maisulat ang buong karanasan nang ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, isusulat ang totoo at babawasan ang mga mali at sablay na pagkakasulat.
~


asul na gate ng Masci. Manila Science pa noon ang tawag ko sa paaralang nagturo sa akin ng kung anu-ano sa high school. Naniniwala akong hindi Masci ang tawag kaagad ng mga first year at kailangan mong paghirapan at pagsikapan ang karapatang tawagin ang Masci ng 'Masci'. Para rin sa akin, hindi ka rin matatawag na Mascian kapag pumasa ka lang ng entrance test at interview. May mga batang Mascians, kalahating Mascians at dugong Mascians. Kaya kong bumuo ng listahan para makita mo kung Mascian ka talaga pero baka mas makita pa kung ikukuwento ko na lang ang buhay ko, sa Masci. Ako? Baka kalahating Mascian lang.

Una kong nasulyapan ang kapwa kong mga freshies paglampas namin ng gate ni Kuya. Nalaman kong mga 1st year lang yung nagkukumpulang mga estudyante, yung nakita ko kasi, lahat sila ay nagsisiksikan para sa isang blackboard ng aming mga schedules para sa isang buong taon. Alam kong kulang pa ang nasabing ebidensya pero nakita ko sa mga mukha nila ang kaba at pagkaatat dahil baka ikamatay nila ang hindi pagkakakopya ng sked. Hindi ko rin alam noon kung matatawa ako o kakabahan sa sumalubong na pangitain sa akin sa aking unang araw noong high school. Sa pag-ipon ng tensyon sa aking ulo, hinanap at nilapitan ko si Kuya. Halatang ayaw niya akong bigyan ng kahit na anong hinula ni manual para sa Masci at gusto niya kong matuto nang walang gabay gaya ng naranasan niya noong una niyang ring itinapak ang bagong pares ng kanyang black leather shoes sa Masci. Sinenyasan niya lamang ako na lumayo ako sa kanya at makihalubilo raw ako sa aking mga kaantas. Noon, nung ginawa niya iyon sa akin ay nainis talaga ako pero nagpapasalamat ako sa kanya sapagkat mas masarap sa pakiramdam kung may nadiskubre kang isang bagay nang walang nagbibigay ng tulong sa'yo. At iyon, naging maingay nga ang unang araw ko, ang aking mga unang sandali sa Masci pero nagtaka ako nung nasa ikalawang taon na ako at sa mga sumunod pang mga taon e hindi na ako nakakita ng mga pesteng freshies na nagkukumpulan para sa sked nila sa pesteng blackboard.

Matapos akong senyasan ni Kuya, kumalat ang kaba sa buong katawan ko; ito na, ito na talaga. Kailangan ko na agad magdesisyon kung makikisalamuha ako o hihintayin kong may kumausap sa akin. Sa mga normal na pagkakataon, alam kong pinakamabisa para sa akin, at tanging mabisang paraan para sa akin upang magkaroon ako ng kausap ay sa pamamagitan ng isang tanong, tsaka kailangan lalaki yung makakausap ko. Wala talaga akong bilib sa sarili ko kaya 'pag tinatanong lang din ako ng babae ay saka ko lang siya nakakausap. Pagkatapos ng ilang linyang pagpa-practice sa isipan, itinulak ko na ang aking sarili upang magtanong sa isang estudyanteng mukhang bano sa Masci katulad ko kung ano ang section niya. Nang papalapit na ako sa aking target, bigla na lamang inannounce na kailangang magtungo ang lahat ng freshies sa auditorium. Hindi ko na naman alam kung matutuwa ako kasi wala kaming first period class at orientation ang naaamoy ko - wait, lahat pala muna ng estudyante ay pinapunta sa Quad A (wait, hindi ko na talaga maalala kung paano kaming napunta sa auditorium at kung hinahalo ko lang yung mga ala-ala ko noong kumuha ako ng entrance test sa Masci) para sa flag ceremony. Pagkatapos kumanta ng mga kantang hindi ko alam kantahin, pinapunta na kami sa auditorium. Pinaupo kami by section, sa Diligence ako. Doon ko unang nakatabi at nakausap ang una kong malupit na kaibigan sa Masci - si Denielle. Hindi ko na maalala kung paano kami nagpalitan ng mga pangalan at wala rin akong ideya noong magkakaroon ako ng malulupit na tawanan kasama si Denielle hanggang 4th year.

Ang naaalala ko lang noong orientation sa auditorium ay yung napakaagang flag ceremony at pagbati namin ng 'Mabuhay, it's nice to see you!'

Flag ceremony. Darating ako sa Masci ng mga 6:30, medyo marami nang estudyante ang nakaupo sa tapat ng Main Building. Doon ko nakuha ang sarili naming lugar habang naghihintay pumila bago pumasok ng Quad A para sa flag ceremony. Bawat grupo ng mga maaagang estudyante ay may sari-sariling mga puwesto sa pila papasok. Binuo o maaari ring sabihing nabuo ang mga nasabing grupo para sa mga nangongopya ng assignment, nagpapakopya ng assignments, nagbabasa ng Libre, nagbabasa ng leakages ng quizzes at long tests, nagbabasa ng libro, notebook, text ng nanay, text ng crush, nagrereview, nagpapapansin, naghahanap ng papansinin, nagpra-practice ng presentation, nagsusulat ng report, nagprapraktis ng report, kulang sa tulog at naghahabol, wala pang almusal, nanliligaw, nagpapaligaw at para sa mga wala pang magawa, para tumambay.

Doon sa mga wala at mayroong assignments, hindi maaaring walang kapalit ang isang sagot. Puwede kang manlibre, magpakopya sa ibang subject, magpakopya sa exam. Kung malas ka at sinalo mo ang mga kamalasang pagkaubos ng allowance at sobrang katamaran sa mga subjects, lalapit ka na talaga sa mga hulog ng langit para makakuha ng sagot sa takda. Mas maigi kung hindi mo close yung hihingian mo ng kopya. Oo, minsan mas maganda talaga 'pag hindi mo kaibigan lahat ng classmates mo pero hindi mo rin naman kaaway. Mahihiya na ngang humingi ng kapalit mula sa'yo, sigurado ka pang tama yung mga sagot mo kasi nagpakopya siya tsaka hulog kasi nga siya ng langit.

Doon naman sa mga nagbabasa at nagpapabasa ng libre, nakukuha yung dyaryo sa LRT at libre yun. Pagdating ng mga estudyanteng may Libre, maaaring nabasa na nila ito o hindi pa. Kapag nabasa na nila, parating mayroong isa pang estudyanteang hihiram noon - ako. Wala na akong pakialam sa balita kasi lahat na lang nagtataas, yumayaman, humihirap at lumalangoy sa dagat ng basura. Tinitingnan ko lang yung pictures tapos dederetso na ako sa comics at jokes. Hindi ko alam kung bakit simula noon hanggang 4th year, nakaugalian ko nang mang-agaw at humiram ng Libre para lang sa pictures, comics at jokes. Siguro kasi kahit lubhang corny talaga yung mga bitaw ng pagpapatawa sa comics at jokes, medyo okay na rin sa akin yung kahit kaunting pagpapangiti, pampasigla para sa bagong araw ng hamon, salakay ng mga guro at init ng mga silid-aralan. Kapag nabilisan naman ako sa aking routine ng paggamit ng Libre, sinusubukan ko i-beat ang aking personal high score sa crossword puzzles na 2 words.

Para sa mga nagbabasa ng libro at notes bago mag-quiz, test o exam, masasabi kong ginabi rin sila ng uwi tulad ko, walang naaabutang balita sa TV, humarap sa computer, nagpanggap na gumawa ng assignment at nag-ym magdamag. Todo aral ang ginagawa ng mga tao, todo basa, todo tanong, todo paturo, parang walang ginawang matino sa bahay. Kung sa bagay, hindi na rin sila masisisi, todo lecture, todo dada at todo bato ng requirements sa lahat ng subjects din naman ang sinasalo ng mga estudyante. Kulang ang weekends para sa pahinga, lampas kalahati ng araw nasa school ka, lampas kalahati ng oras mo sa bahay gagawa ka ng assignments at mag-aaral, lampas kalahat ng pag-aaral na ito at pagbabasa mo sa bahay ay pakiramdam mo naman nagbabasa ka, nababasa mo ang mga salita, isang buong pangungusap. Akala mo pumapasok sa kokote mo pero hindi mo na-gets kasi puro pagod at gagawin kinabukasan ang nasa isip mo. Susubukan mong bumalik mula sa simula pero hindi mo pa rin mage-gets, babalik ka ulit, mage-gets mo na nang kaunti. Hihiga ka na sa kama mo para magbasa pa. Akala mo ulit nag-aaral ka pa pero nagbabasa ka na lang. Basa na lang nang basa. Natutuwa ka kapag nakakatapos ka ng isang pangungusap, isang talata, isang pahina. Masaya ka kasi malapit ka nang matapos. Akala mo talaga nag-aaral ka pero nagbabasa ka lang. Leche, yung unan mo ang lambot, maginaw na sa kuwarto mo, iisipin mo ulit yung pagod mo at gagawin mo kinabukasan, habang nagbabasa. Mapagtatanto mong hindi mo na nage-gets yung binabasa mo pero tinamad ka nang bumalik, kanina mo pa rin naman hindi nage-gets. Tuloy pa rin yung pagbabasa mo, akala mo nag-aaral ka. Pumikit kang sandali, sabi mo talagang sandali lang. Pagkagising mong pabigla, kabadong-kabado ka, chineck mo yung orasan, 5 minutes ka lang umidlip. Pumikit kang muli, tiwalang-tiwala sa sarili, wala ka nang pakialam sa mundo. Bigla mong narinig yung katulong o nanay mo, ginigising ka na. Tiningnan mo yung relo mo, pati orasan. Hindi mo alam kung bakit mo pa ginawa iyon e alam mo namang 'pag ginising ka nang ganoon ay late ka na at kailangan mo nang magmadali. Wala ka nang oras pang sermonan ang sarili pati ang pesteng alarm clock. Darating ka ng school nang walang laman ang tiyan at basa ang buhok, nagmamadali. Makikita mo yung mga ka-batch mong nagbabasa, wala ring nagawa kagabi, sumusubok ulit ma-gets yung lesson. Sasanib ka na sa grupo mo, makikibasa, todo basa, todo paturo, todo tanong, kasi malapit nang mag-flag ceremony. May pakialam ka na ulit sa mundo.

Sa mga malalanding crush at may crush, puwede rin ang oras ng pagpila bago mag-flag ceremony para sa kanilang paglalandian, pagpapakipot, pagpapapansin, paghahanap, pagpapahanap at paghihintay. Sa pagkadami-dami ng mga taong pumapasok sa gate at dumadaan tuwing umaga, hanggang sa pag-upo lamang nang magkatabi ang puwedeng gawin o para sa mga malalan- malalantad na tao, harana, gimik, regalo at pasimpleng yakap at holding hands lamang ang puwedeng makita ng audience. Big deal na para sa kanila ang halik sa pisngi. Para sa mga bagong insulto at bagong tulak pa lamang, obvious nang maririnig ang mga nangangantsaw at mga 'di-maawat-awat na mga tanong mula sa mga taga-hanga o mga madalas na sanhi ng nabuong pares kahit na sa loob nila paminsan-minsan ay selos na selos o inggit na inggit na sila. Kapag sinuwerte naman at nagtagal ang dalawa, lubhang bababa ang dami ng lalapit sa kanila sa pila, mawawalan ng fans at madalas mahiwalay sa kani-kanilang mga grupo.

Tungkol naman sa mga nagpra-practice ng presentations o reports, okay lang kung maliit na grupo lamang ang mag-eensayo sa pila kasi magkakasya pa at para hindi masyadong maingay ngunit kapag buong klase na ang kailangang mag-present, kadalasang dumederetso ang mga mag-aaral sa Quad A o sa stage para sa mas malawak na lugar at para ma-imagine na rin nila ang pakiramdam kapag tinitingnan at pinagmamasdan ng mga matang mapanghusga, tumatawa, humahalakhak, tinatamaan, kinakabahan, nababagot, inaantok, gumagawa ng assignment, bastos at masaya kasi nade-delay ang first period. Hindi naman sa ritwal ang mga nagpre-present pero maraming masaya kapag walang first period kaya madalas gawan ng paraan at nagagawan naman ng paraan ng mga estudyante para humaba ang mga palabas sa stage.

Sa mga nakapila, hindi mawawala ang mga natutulog. Yung tipo ng mga taong pasok gate-laglag gamit-indian sit-bagsak ulo. Kagaya ng nasabi kanina, marami sa mga mag-aaral na ito ang nagpuyat sa pag-aaral, yata. Mayroon ding nagpuyat kalalaro, kapapapansin sa ym, kagagawa ng mga pesteng project at kanonood ng hindi maiwan-iwanang kay sarap balik-balikan at nakaiinis 'pag namimiss na mga teleserye at mga luto-luto sa telebisyon. Kapag wala ka pa ring nadali sa mga halimbawa ng mga taong bagsak-tulog, marahil ay isa ka na sa mga taong kulang pa ang walong oras na tulog at hindi babangon ng dalawang araw mula sa kama kapag hindi pa ginising. Totoong hindi sapat ang oras ng pagpila kaya yung iba, alas sais o kahit alas singko pa lamang ay nasa Masci na para matulog. Yung iba bumabagsak na ang ulo, payuku-yuko, papikit-pikit ang mga mata kapag hapon na at nagdi-discuss lang ang guro. Alam mong nakaupo ka sa classroom at dumadada ang teacher mo sa harap ng blackboard. Alam mo ring katabi mo ang mga classmates mo pero hinihigop na talaga yung utak, diwa at mga mata mo ng antok. Sabi mo sa sarili mo, ibubuka mo na nang bonggang-bongga yung mga mata mo tapos magugulat ka na lang tumalbog na yung ulo mo, para ka lang nasa jeep. Kadalasang mahuhuli mong nakatingin at nakangiti sa'yo yung kaklase mo, hindi mo na inisip kung dino-drawingan ka na sa mukha, pinagtsitsismisan ka na, sinusumbong, tumalbog ka na naman. Sabi mo sa sarili mo last na 'yun at ibubuka mo na talaga nang bonggang-bongga yung mga mata mo tapos bigla kang nagulat sa ingay ng mga armchairs ng nagsisitayuan mong mga kaklase, yun na yung huling talbog mo.

At ang huli, yung wala talagang ginagawa, yung mga nakatambay. Para sa mga taong nakikita lahat ng uri ng taong pumipila, alam nila lahat ng nangyayari at puwede silang manghimasok ng kahit na anong grupo pero aalis din agad. Alam nila sa sarili nilang hindi totoo lahat ng nakikita nilang palabas sa pila, na halos lahat e hindi mo makita ang kanilang mga tunay na kulay dahil sa labis na paggaya at pagkakapareho ng mga tao sa grupo. Alam nilang mas kilala nila yung mga katambay nila kasi hindi lessons or assignments ang inaatupag sa pila, hindi pesteng love life at pakikipaglandian, hindi mga jokes at crosswords sa Libre at lalong hindi mga presentation sa stage kundi mga normal na usapan lamang. Sila yung mga taong kayang lumaya sa pagkakapare-pareho ng ibang tao at grupo, hindi nila maunawaan kung bakit hindi sila makabuo ng pagkatao ng isang tao, mula sa naiibang mga grupo. Mas gusto nila yung nakikipag-usap lang sa pila, mga kuwento tungkol sa buhay, nakatutuwa at nakahihiyang mga karanasan, mga biglaang jokes, simpleng pagbabahagi ng mga gusto sa buhay at mga plano para sa uwian, nakikipagkuwentuhan, nakikisalamuha sa lahat ng uri ng tao, hindi plastik, hindi choosy, masaya, walang pakialam, kuntento sa nangyayari, saka lang mamomroblema kapag lunch at vacant na walang teacher, payapa ang loob, hindi nagpapanggap. Ginagawa nila yung gusto nila, hindi yung gusto ng guro nila, hindi yung gusto ng iba, ng mga taong nakapalibot sa kanila, mamayang lunch na ang pagpapanggap.

Matapos ang siguro'y humigi't kumulang tatlumpung minutong panonood ng palabas sa TV, aayusin na ng Department Heads o kaya ng CAT officers, o ng SSG officers o kaya ni Mr. Bangayan ang mga pila ng hiwalay na lalaki at babae sa magkabilang gilid ng Main Building. Hinahati ang mga naglalandian, pinapatahimik ang mga pagprapraktis at dinadaan sa tingin ang mga nagbabasa. Sa kaunting mga segundo ay tumutuwid ang parehong pila, tapos ang mga palabas, papasok na sa Quad A para sa flag ceremony at makikinig sa mga announcements. Gustung-gusto kong sina Ma'am Parcon o Ma'am Fajardo ang mga nagsasabi ng announcements kasi nakukuha lang sa tingin ang mga estudyante, tumitigil ang mundo, ang oras, instant peace and quiet... quiet..., ang sarap umepal ng sigaw kapag ganoon kapayapa. Kapag gumanda-ganda pa ang umaga mo ay may mga napapahiya pang estudyante sa stage na tinawag ang pangalan at section kasi maingay. Naalala ko, noong 3rd year, kinuha ni Ma'am Fajardo yung ID ko kasi hindi rin ako makaalala kung nasa tenga ko yung earphones ng iPod ko o maingay lang ako. Basta ang alam ko flag ceremony yun. Pagkatapos ng announcements, pinapaakyat na ang mga estudyante, o pinapaalis na para sa kanilang first period classes.

Pagkatapos ng orientation sa auditorium, itinour kami ng upperclassmen sa Masci. Noong elementary kasi ako, maliit lang yung school ko kumpara sa Masci. Kaya noong itinour kami e sumabog yung utak ko kasi baka hindi ko matandaan lahat ng rooms at buildings pero walang'ya, bago matapos ang first quarter ng first year e liit na liit ako sa Masci. Magsasawa kang tumambay sa Bordner, 4th floor ng Main, harap ng Maceda, stage at Quad A pero mamimiss mo. Pinauwi na yata kami pagkatapos ng tour.

Tapos na ang intro, kabadong-kabado na ako pero walang-wala akong ideya na sasabak ako kinabukasan.


First Year-

(___ ________ ____ _____ ___ ?)

Im-Im--Im

Bigla na lamang akong nagising. As in biglang paggising, biglaang pagmulat ng mga mata, huminga ako nang napakalalim ngunit hindi ko maisip kung bakit hindi ko sinubukang sumigaw ni magsalita. Hinigop paloob ang diwa ko habang unti-unti akong nagkakaroon ng ideya kung anong mayroon sa aking paligid at nagkakaroon ng malay. Tumingin ako sa kaliwa, madilim, malungkot; sa kanan, walang kuwenta, natatakot na ako. Napansin kong hindi lang ako nasa loob ng isang kuwarto, kundi nasa isang napakalaking kuwarto. Ang bawat pader ay humahaba at lampas pa sa kayang abutin ng aking paningin. Halos kulay semento at itim lamang ang aking nakikitang mga kulay. Nakaramdam ako ng lungkot, ng kawalan ng kaibigan, ng makakausap, ng tao. Hindi ako sanay sa lugar na wala akong nakikitang tao, ni walang bakas ng buhay ng halaman o hayop, sinag ng araw, anino ng malalaking mga puno at ulap, masarap na simoy ng hangin. Mahangin, naririnig kong mahangin sa loob pero hindi ko alam kung saan nanggagaling ang nagdudulot ng maginaw na pakiramdam. Kapapansin ko lamang na ako'y nakahiga kaya sinubukan kong buhatin ang aking sarili. Ginamit ko ang aking kanang braso bilang panulak pataas mula sa sahig na aking kinahimlayan. Bigla akong napasigaw nang malakas ngunit tumagal lamang ng isang segundo at may kung anong pwersa na naman ang humigop papaloob sa akin. Mabilis na nagdilim ang aking paningin.

Bigla akong nagising. Hindi maawat ang pagtulo ng pawis mula sa aking ulo at katawan. Sinubukan kong punasan ang malalamig na pawis ngunit sa aking bawat pahid ay hindi ko maramdaman ang basa, ang tubig ng aking pawis. Napansin kong tuyo naman ako pero pagod na pagod ang aking katawan at matagal kong pinilit na pigilan ang paghahabol ng hininga. Panay kulay semento na ang aking nakikita, isang napakalaking kuwarto, walang mga pintuan at bintana, walang dulo ang mga pader. Lubhang napakalalim ng aking ibinagsak kung sakali mang binitawan ako rito. Sa aking pagbangon ay gumulat sa aking mga paningin ang sandamukal na mga hagdanan. Ang mga hagdanan ay kulay itim, gawa sa metal, mukhang kalawang ngunit malayo sa pagbigay. Hindi ko rin matukoy ang magkabilang dulo ng bawat nakita kong hagdanan. Hindi ko masabi kung may magkakadugtong man sa kanila o wala. Hindi lamang nanatili sa iisang taas ang bawat hagdanan, hindi naging pantay-pantay ang kani-kanilang mga tapakan, nagtaas-baba ang bawat sampu o dalawapung hakbang, saka tataas ulit at baba. May mga nakasingit ding mga paikot na daan. Walang makitang parisan o muwestra sa bawat hakbang, at ang dami-dami nila. Sa gulo at hirap ng disenyo ng mga hagdanang ito'y wala man lang akong nahanap na hawakan sa magkabilang gilid. Wala akong maintindihan. Gusto kong maghanap muli ng tao at ibinuka ko ang aking bibig upang sumigaw. Parang may humila sa aking likod, hindi ko alam kung bakit hindi ako lumaban at hindi ko naisip na magpumiglas, unti-unti akong nawalan ng malay.


Nagising ako sa aking boses. Naghahabol pa rin ako ng hininga at pawis na pawis ako. Sa lamig ng aking katawan ay pinunasan ko nang madali ang aking pawis at tumayo mula sa aking puwesto. Ang sakit-sakit ng ulo ko. Medyo madilim na nga ang nakikita ko, pabigat pa nang pabigat ang ulo ko. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata. Sa aking muling pagdilat, sumambulat ang napakaraming hagdanan. Iba't ibang hugis, haba, at hindi ko malaman ang bawat dulo. Kinamot ko ang magkabila kong mata, hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon pero nakikita ko kasi sa TV kapag nakakakita yung mga tao ng hindi kapani-paniwalang mga bagay. Pagbaba ng aking dalawang kamay, hindi na muli akong makagalaw. Kaya ko namang umatras at umabante ngunit hindi naisip na umurong patagilid. May tao na bigla sa aking harap, mayroon din sa likod. Sinubukan kong tingnan ang aking paligid; napuno ng tao ang mga hagdanan at ni isa sa mga pila ay hindi umuusad, ni walang gumagalaw at nagrereklamo. Nasa isa sa mga hagdanan na rin pala ako. Hindi ko naman maitulak ang taong nasa harapan ko, ni hindi makabuwelo patalikod. Hindi ko malaman ang aking susunod na gagawin. Naisip ko na lamang na tanggalin ang pamatong ko sa aking pantaas at ako'y napasigaw sa sakit paghawak ng aking kaliwang kamay sa aking tatanggaling jacket. Nakita ko ang aking kaliwang hinlalaking bali, nakadugtong pero baling-bali. Panandalian lamang ang sakit, o nagulat lamang ako sa pagkabaling muli ng aking hinlalaki. Tiningnan ko ang aking hinlalaki, ang aking kaliwang hinlalaki, ang pesteng baling-bali na hinlalaki.


Nagliwanag sa aking isipan ang lahat ng nangyari. Tapos bigla na lang na may narinig akong isang napakalalim na boses habang bumabalanse sa pagitan ng dalawang taong naghihintay ng wala, "IKA-TATLONG LIBO'T SIYAM NA RAAN WALUMPU'T APAT NA ARAW."

Bano II

Hindi ko talaga naisip at inasahang mangyayari ito.

Nasa third year high school ako at oo, wala pa akong kahit na anong ideya tungkol sa pag-ibig at sex. Napakainosente pa noon ng aking diwa sa mga kabalastugan at kung anong paghahanap ng kakuntentuhan sa buhay. Sa tingin ko'y masyado akong inilayo ng aking mga magulang sa ganitong mga bagay na hindi namin din mapag-usap-usapan sa loob ng aming bahay. Masyado nila akong pinrotektahan sa mga bagay na inisip nilang makasasama sa aking paglaki, habang ako ay unti-unting lumalakad paharap sa totoong mundo, hindi naman yata nila napapansin kung tama ang kanilang ginagawa o iniisip kung protektado pa rin kaya ako sa mga kinakatakutan nila. Parati nila akong sinusundo galing paaralan, lagi silang pinagtitinginan ng aking mga ka-batch, mga kaklase, dahil sa kanilang napakamapagmasid at matataas na mga pagtingin, lalo na sa mga lalaki. Lagi silang ganoon, simula pa noong bata ako. Noon, hindi ko pa maintindihan at okay pa para sa akin, hanggang sa ngayong nasanay na akong hindi nakikipag-usap sa mga lalaki. Pag may lumapit sa aking lalaki e nagugulat ako at kinakabahan. Hindi ko alam kung paano akong magsasalita, kung paano ko silang kakausapin. Ibang paraan ba, hindi tulad sa mga babaeng kausap ko? Hindi ko masabi. Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung gusto ko. Siguro masasabi ko sa sarili kong malungkot ako sa ibang mga pagkakataon at madalas mabagot dahil sa palagiang pag-iisip kung ano kayang pakiramdam ng normal na pakikipagpalitan ng karanasan sa isang lalaki. Madali na akong mabagot sa walang sawang pakikipagkuwentuhan sa mga katulad kong babae, hanggang sa isang gabi'y may nag-text sa akin na isang estudyante.

Christmas vacation noon; isang gabi, at napakarami ko pang gawain sa paaralan noon na kailangan ko pang tapusin pero naisip ko na lang munang magpahinga mula sa isang magdamagang pagsusulat at pag-aaral, inihiga ko na ang aking ulo sa malambot kong unan. Napansin kong buong araw kong hindi nagamit ang aking cellphone simula nang ako'y gumising kaninang umaga kaya nama'y madali kong kinuha ito at humiga na ulit sa aking kama.

Nasorpresa naman ako at isang message lang ang aking natanggap. Walang kung anu-anong pesteng pakulo ng aking sim. Iisang mensahe na lang iyon kaya madali ko naman itong binuksan. Galing ang mensahe sa isa sa mga kaklase kong lalaki, hindi ko alam kung bakit kinakabahan pa rin ako kahit na tulog ang aking mga magulang at hindi naman nila mababasa iyon kung buburahin ko agad; I love you kasi ang nakalagay. Hindi ko naman alam kung bakit kaba at hindi pagkagulat o galit ang aking naramdaman sa lalaking iyon na nagse-send ng ganoong uri ng mensahe sa kung sinu-sino lamang. Hindi ko rin naisip na sumagot ng Shut Up o GTFO ngunit Talaga? pa ang aking ini-reply. Interesado nga ba ako sa nararamdaman niya, sa nararamdaman ko ngayon?

Ang bilis ng kanyang reply at binuksan ko kaagad ang sumunod niyang mensahe. Nagbibiro kaya siya? Nagkamali lang kaya siya ng pinadalhang tao? Hindi nasagot ng oo ang aking mga tanong nang nabasa na ang kanyang sagot. Sinabi niyang totoo ang kanyang sinasabi pero pagod na talaga ako noong gabing iyon kaya hindi na muli akong sumagot pa at itinulog ko na lang ang nangyari.

Kinabukasan, mayroon siyang I love you sa bawat mensaheng isine-send niya sa akin. Hindi ko naman na inalala ang mga I love you na iyon kasi nalilibang naman ako sa pakikipag-usap sa kanya at sobrang saya ko kasi nakakapagsalita na ako sa isang lalaki nang ganoon katagal. Nagkuwento naman kami nang kaunti tungkol sa aming mga sarili, ibang mga karanasan, nagtanungan bawat oras kung anong ginagawa ng kausap namin, kanyang patuloy na pagsasama ng I love you sa bawat mensahe at sa pagbibilang ko sa kanila. Pakiramdam ko at ng aking wallet na halos kalahati ng aking vacation allowance ay nagamit at naubos sa pagpapaload ko linggu-linggo pero hindi naman ako nagsisi kasi nagkaroon na ako ng karanasan na may isang lalaki.

Papalapit na ang pasukan. Natapos ko na ang lahat ng aking mga pesteng problema sa eskuwelahan at sabik na akong makita siya. Pagpasok ng paaralan, nakita ko siya pero hindi ko masabi kung bakit ako kinakabahan. Akala ko mas madali kaming makakapag-usap at makakapaglapitan dahil sa marami na kaming naibahaging mga karanasan, usapan, biruan sa bawat isa. Akala ko makakalapit na talaga ako pero parang ang hirap niyang lapitan kahit na nahihiya, napapangiti at kinikilig ako sa tuwing naririnig ko ang kanyang boses at nagkakasabayan kami ng tingin. Kahit na hindi rin siya makalapit sa akin, natuwa naman ako sa unti-unting pag-ikli ng distansya sa pagitan naming dalawa sa bawat araw na lumilipas.

Sa aming huling asignatura para sa huling araw ng linggong iyon, narinig kong tinawag niya ang aking pangalan sa loob ng aming kuwarto. Kinilig at nahiya na naman ako at hindi tumigil ang puso ko sa pagtibok nang sobrang lakas, sobrang bilis, parang puputok, parang gustong tumakbo, kumawala, habang siya ay lumalapit sa akin, ako, nakatayo lang, naghihintay, nakangiti. Binigyan niya ako ng libro at sinabi niyang regalo niya raw iyon para sa Pasko at humingi pa siya ng tawad sa pagiging huli ng kanyang aginaldo para sa akin. Natawa naman kaming pareho sa sinabi niyang iyon at unti-unti kaming naglabas ng mga salita, hanggang sa mga pangungusap, hanggang sa nagbabatuhan na kami ng mga kuwento, tawa, ngiti. Naging madalas na ang aming pagkikita sa paaralan nang sumunod na linggo. Siya ang aking unang kaibigang lalaki.

Lalo pang tumindi ang nararamdaman namin sa isa't isa noong araw na gagawa kami ng group project sa bahay ng aming kaklase. Halata na naman siguro ng aming mga kaklase kung anong meron sa pagitan naming dalawa kaya nakapagplano sila ng kung ano. Hindi ko alam kung paano nila kami ini-lock sa loob ng kuwarto ng aking kaklase, habang hinihila ang kabilang hawakan ng pintuan para hindi kami makalabas. Wala na ring silbi ang kanyang pagtulak sa pintuan kaya binitawan niya na lamang ito at dahan-dahang lumapit sa akin. Hinawakan ng kaliwa niya ang aking kanang kamay at kinakabahan niyang tinanong kung okay lang ba kung hawakan niya iyon at kung okay lang din na ako ang kanyang maging date sa darating na prom. Ngumiti ako, kahit kinakabahan din at pumayag sa kanyang alok. Nag-usap na lamang kami, habang magkahawak-kamay hanggang sa magsawa na ang aming mga kaklaseng magguwardiya-guwardiyahan. Inihatid niya ako noon malapit sa pagsusunduan sa akin ng aking magulang. Buong araw akong kinikilig noon hanggang sa pagtulog.

Dumaan ang prom. Masaya kaming dalawa. Masaya ako. Hindi naman pala nakakatakot.

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakaupo sa isang sulok ng aming kuwarto. Nanginginig ang kanyang buong katawan at namumula ang kanyang mga mata. Parang may itinatago siya sa kanyang mga kamay ngunit hindi ko naman ito masilayan at masigurado. Lumapit ako sa kanya ngunit sumigaw siyang huwag na akong lalapit pa kung ayaw kong mamatay. Tinanong ko kung anong problema niya sabay sabi ng magiging maayos ang lahat. Tumulo na ang luha sa aking mga mata sapagkat hindi ko na maintindihan kung anong mayroon, kung anong nangyayari. Pilit niya akong inilalayo sa puwesto niya, pilit naman ako sa pagsubok ng paglapit sa kanya, sa pag-iyak, sa pagtataka. Sinabi ko ulit sa kanyang magiging maayos ang lahat at humakbang papalapit. Nang marinig niya ulit ang aking pagtapak, sumugod siyang papalapit, isinaksak ang maliit na balisong sa aking dibdib. Sa bawat hakbang ko ng isa pa, itinutulak niya ang isinaksak. Nanginginig sa gitna ng aking dibdib ang kanyang kamay, habang siya'y nakatingin sa akin, mulat ang pulang mga mata, galit na galit. Sa bawat iyak, tulak; bawat hakbang, baon; bawat hawak, bulyaw, baon. Hindi na ako makagawa pa ng kahit na anong ingay, pero alam kong umiiyak pa rin ako. Nanlabo na sa mga mata ko ang aking luha, dahan-dahang naibsan ang sakit sa aking dibdib, pakonti-konting gumaan ang aking pakiramdam, bumigat nang bumigat ang aking diwa, nanlabo na ulit ang aking paningin. Unti-unti niyang ibinaon sa aking puso ang patalim, wala na akong pakialam, ibinibigay ko na ang aking sarili, nanlabo na ang lahat sa akin, paningin, pandinig, paghinga, katotohanan, ni wala akong narinig na I love you bago ako mawalan ng malay.

~

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakatayo sa gilid ng blackboard, nakangiti sa akin. Kinilig naman ako at ngumiting pabalik. Nagngitian na kami kaya alam kong lalapit na ako sa kanya, lumakad na ako papalapit. Iniunat niya ang kanyang mga braso, akmang papayakap, habang ako'y lumalapit, bumilis ang aking paglakad, gusto ko ring mayakap, yumakap. Pag-abot ko sa kanyang dibdib ay niyakap ko na rin siya, ayaw ko nang matigil ang ganoong mga sandali para sa amin. Ayaw ko nang matapos, hindi ko masabi kung kailan ko gustong tumigil, magbago. Unti-unti kong naramdaman ang pagbaba ng kanyang kanang kamay sa aking likod. Sabi ko sa sarili ko, ayan na naman siya. Pero, pinabayaan ko na, masarap na kasi sa pakiramdam, wala nang pipigil pa sa amin, sa gusto namin. May kinukuha siya sa kanyang bulsa, pero hindi ko na rin tiningnan para kunwari nasorpresa ako. Naramdaman kong inilabas na niya ang kanyang dinudukot kanina sa kanang bulsa, tapos isinaksak niya sa tiyan ko. Nagulat ako, tumingin ako sa kanyang mukha, nakangiti, walang takot, walang pakialam. Pilit niyang ibinaon ang talim sa bawat pilit kong paghugot nito. Hindi ko magamit ni kaunti ang aking boses sapagkat sa bawat subok kong magsalita o sumigaw e pumipilipit sa sakit ang butas sa aking tiyan. Sinubukan kong itulak mula sa kanya ang aking sarili, at hinugot naman niya ang kutsilyo, sabay saksak sa kabila. Hindi ko na alam ang gagawin ko, nanlalabo na ang paningin ko. Naging sunud-sunod na ang pagsaksak niya sa akin, pinabayaan ko na lang siya, hindi na ako lumaban. Hindi ko na siya ulit narinig pa noong araw na iyon, nakita ko naman siyang ngumit at niyakap niya rin naman ako. Hindi na masakit ang pagbagsak ko nang bitawan niya ako pagkatapos tadtarin ng saksak. Pinilit kong buhatin ang aking ulo pero wala na rin akong nakikita. Nasorpresa nga ako.

March 11, 2011

Bano I

Ayaw ko talagang gawin 'to, pero gusto ko.

Nagsimula ang lahat, maraming buwan na ang nakalipas, nang itatapon o iiwan ko na ang malalaking mga plastic ng basura sa harap ng aming gate, hindi maaaring hindi ko napansin ang isang napakalaking delivery truck sa tapat ng isang bahay malapit sa amin at bawat lalaki mula rito ay hindi nagtigil sa pagbababa ng mga kasangkapan sa bahay mula sa mga upuan at kama, lamesa, lahat, habang ang isang babae, masasabi ko namang mukhang nanay na ay hindi rin matigil sa pagdadadang ingatan nila ang kanilang mga kinakarga, ingatang huwag magasgasan, todo sermon sa mga tauhan, akala mo nagbubuhat. Habang sumasalo ng laway ang mga naglilipat ng kasangkapan, may isang babaeng lumabas mula sa bahay na nililipatan, lumapit sa kanyang nanay at nagsimulang makipag-usap. Mayroon siyang maikli at maitim na buhok sa ibabaw ng isang magandang Haponesang mukhang may black-framed glasses. Sa tingin ko'y sintangkad ko siya at may kapayatan ngunit katamtaman lamang. Singkit, maputi, nakasalamin, sexy.

Hindi ako sigurado sa huling parte at kung paano kong ginawa ang mabilisang obserbasyong iyon kahit na hindi niya ako napansin at pumasok na lamang sa kanilang bahay matapos makipag-usap sa kanyang ina sa loob ng iilang segundo, pero sigurado ako sa iisang bagay, mahal na mahal ko ang aming mga bagong kapitbahay.

Pagbalik sa aming bahay, sinabi ko sa aking inang may mga bagong kapitbahay na kalilipat lamang sa tapat namin nang umagang iyon. Nagsimulang tumakbo sa utak ko ang unang plano at umasa ako sa susunod na ikikilos ng aking nanay. Lumapit sa akin si Nanay na may dalang isang plato ng spaghetti para ibigay sa mga bagong lipat. Tumakbo na ako sa salamin at pinuri ang aking mga magulang para sa aking mga namana. Matapos magpogi poses sa harap ng salamin, tumungo na ulit ako sa aming gate at lumabas na.

Ang kanilang bahay, tulad ng nasabi ko kanina ay nasa kabila lamang, tapat ng aming bahay. Habang ako ay naglalakad papalapit ng kanilang pintuan, pinraktis ko na ang aking mga sasabihin. Pagdating, tatlong beses akong kumatok at naghintay. Pagbukas ng pintuan, nagulat talaga ako sa aking mga nakita. Ni isa sa mga nakita kong inilalabas mula sa malaking delivery truck kanina lamang ay hindi ko nakita sa kanilang sala at isang dambuhalang lalaking naka-boxer shorts lamang ang bumati sa akin. Napaatras ako nang kaunti, gulantang na gulantang pa rin sa aking mga nakita at bumating pabalik sa malaking lalaki. Iniabot ko na ang plato ng pasta sa higante saka itinuro ang aming bahay habang ipinapaalam sa kanyang malapit lamang kami sa kanila at ikinalulugod namin silang maging aming mga kapitbahay. Napansin niya ang mga tanong na bumabalot sa aking mukha kaya sinabi niyang nasa itaas ang mga kasangkapang dinala para sa madaliang pagbibilang at pagbabago. Hindi ko maisip kung para saan iyon pero hindi na ako nagpakita pa ng pagtataka sa aking mukha at nagpasalamat na sa akin ang lalaki bago niya isara ang pintuan sa harapan ko. Nang papalayo na ako sa tapat ng kanilang bahay ay may narinig akong tawa ng isang babae. Lumingon ako at nakita ko ulit siya sa may bintana sa ikalawang palapag. Nakangiti siya sa akin. Medyo kinilig at nahiya naman ako sa pagtingin at pagngiting iyon pero nakita ko pa rin ang kanyang napakagandang mukha, tapos nakangiti pa. Itim ang kanyang mga mata at matataba ang kanyang mga pisngi.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pag-isip sa kanya. Hindi rin nawala sa isip ko ang unang araw ng klase para sa panibagong taon. Hindi na rin ako makapaghintay para makita na ulit ang aking mga kaibigan at kaklase sa aming school.

Sa sumunod na araw, matapos maghanda para sa paaralan, pumunta na ako sa lugar kung saan tumitigil ang aming service. Mula sa malayo, nakita ko siya roon, naghihintay, at napansin ko sa kanyang unipormeng pareho kami ng eskuwelahang papasukan. Sobrang talon talaga yung puso ko habang naglalakas papalapit sa kanya bago ko siya batiin. Tinanong niya kung bakit ako nakangiti nang ganoon pero binati niya rin ako. Nahiya naman ako at napalingon nang sandali. Nakapag-usap pa kami bago dumating ang aming service. Naaalala kong galing silang Japan at ang kanilang pamilya ay lumipat dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Hindi ko na masyadong inisip kung anong klaseng trabaho mayroon sila pero nagpasalamat na rin ako sa aking isipan dahil sa klase ng trabaho nila.

Simula noon, hindi na ako makapaghintay sa mga umagang maghihintay kami ng service sa naturang lugar. Sabay nga kaming sumasakay ng service pero hindi naman kami magkaklase. Hindi ko siya madalas makita sa aming paaralan. Iyon lamang ang isang malungkot na parte ng aking buhay kaya kailangan kong magpursigi sa tuwing nagkakausap kami sa hintayan. Nag-usap kami nang nag-usap araw-araw sa hintayan ngunit napansin kong paunti-unting umiikli ang pasensya mula sa kanyang mga mata, hindi ko masabi kung nalulungkot o nababagot, o sabay, o gusto niya akong hampasin, at naramdaman kong ako ang dahilan kung bakit hindi ko na ulit nakita yung dating ganda ng kanyang mga mata. Ang mga araw tulad nito ay umulit na nang umulit sa loob ng maraming linggo na nagtulak sa akin para itigil na ang walang kuwentang pakikipag-usap at gumawa ng ibang paraan para mapasaya ulit siya. Kahit ano para sa masasaya niyang mga mata.

Isang umaga, malakas ang buhos ng ulan ngunit walang sinabing suspended ang klase kaya itinuloy ko pa rin ang plano ko. Nagdala ako ng bulaklak at chocolate, naglakad papuntang hintayan, patuloy na ibinubulong sa aking sariling gagawin ko 'to, gagawin ko 'to, kahit ayaw ko, pero gusto ko. Sa malayo ay nakita ko na siyang naghihintay. Lumapit ako sa kanya at ibinigay ang aking mga regalo habang nakangiti pero pag-iling lamang ang natanggap ko. Itinulak niya ako, nalaglag sa basang daan ang mga pesteng regalo at nagsimula na siyang tumakbo pauwi. Sobrang lungkot ko noon. Napansin kong lalong lumakas ang hangin at todo buhos na ang ulan kaya umuwi na rin akong naglalakad, walang payong, parusa sa aking sarili.

Nang makarating ako ng bahay, matapos akong bigyan ng malaking tuwalya, sinabi sa akin ng aking nanay na wala naman kaming bagong kapitbahay sa tapat at nagpatuloy pa siyang puwede ko naman daw sabihin sa kanya kung gusto ko pa ng mas maraming spaghetting makakain noong araw na may nakita akong delivery truck. Dala ng sobrang pagtataka, tumakbo ako patungo sa kanyang bahay pero nakakandado ang pintuan, hindi ko maitulak, kahit banggain ko pa nang paulit-ulit. Oo, hindi ako kumatok, hindi ko matanggap yung mga narinig ko. Wala akong naririnig na sagot mula sa bahay. Pinagmasdan kong muli ang bahay. Mukhang hindi nagalaw o napasok noong mga panahon iyon, ni kaunting gamit talaga wala sa sala. Bigla na lamang akong gininaw at dahan-dahang tumingin sa bintanang kung saan minsan ko siyang nakitang nakangiti at nakatingin sa akin, walang tao sa bahay.